Fever
Ano nga ba ang Trangkaso at Paano ito Malulunasan_COVER
Facebooktwittergoogle_plusredditpinterestlinkedinmail

Ano Nga Ba Ang Trangkaso at Paano Ito Malulunasan?

Posted on September 14, 2017

Nilalagnat? Pinananakitan ng ulo at katawan? Nanghihina? Ang trangkaso ay isa sa mga karaniwang sakit kung saan ang unang ginagamit na lunas ay gamot sa lagnat tulad na lamang ng paracetamol. Bagamat isa ito sa pinaka-karaniwang sakit na nakukuha ng mga Pilipino, marami pa rin ang walang sapat na kaalaman sa kung ano ang trangkaso at ang tamang lunas para dito.

Sa layuning matulungan kayong mabigyan ng gabay sa tamang pamamaraan ng paggamot sa sakit na trangkaso, narito ang mga bagay na makatutulong upang maintindihan ang sintomas at mabisang lunas para dito.

 

 

Ano ang Trangkaso

Ano ang trangkaso?

Ang trangkaso ay isang nakahahawang sakit na karaniwang nagdudulot ng matinding lagnat, pananakit ng ulo, at pamumuo ng madikit na plema sa lalamunan. Pinanghihinaan ng katawan ang taong may trangkaso sapagkat mabilis na kumakalat ang virus na dulot nito sa katawan ng may sakit.

Datapwat maaaring kusang gumaling ang taong may trangkaso, may mga kaso ring maaari itong magdulot ng komplikasyon sa taong mahina ang immune system, at may malulubhang sakit gaya ng sakit sa puso, sakit sa bato, at diabetes.

 

 

Ano ang karaniwang sintomas ng taong may trangkaso

Ano ang karaniwang sintomas ng taong may trangkaso?

Ang trangkaso ay karaniwang naihahalintulad sa lagnat o kaso ng sipon dahil sa mga unang sinyales nito gaya ng matinding lagnat at pagkahilo. Ngunit, kung ang may sakit ay nakararamdam na ng pananakit ng katawan at tuluyang nanghihina, ito ay masasabing isang kaso na ng trangkaso. Bukod pa rito, ito ay sinasabayan rin ng sakit ng ulo at tuluyang pagtaas ng temperatura ng lagnat na lumalagpas sa bilang na 38?C.

 

 

Paano nakukuha ang trangkaso

Paano nakukuha ang trangkaso?

Ang trangkaso ay maaaring makuha sa pamamagitan ng patak o iyong tinatawag na particles mula sa ubo. Ito ay maaaring sumama sa hangin o kaya’y dumapo sa anumang bagay na nahawakan o ginamit ng taong may trangkaso. Maaaring sa pamamagitan ng telepono, pagkain, baso, o di kaya’y damit.

Sa madaling salita, ang trangkaso ay lubhang nakakahawa. Kahit kaunting paglanghap sa patak ng ubo ng taong may trangkaso ay maaaring pumasok sa katawan ang virus nito. Marapat lamang na maglagay ng face mask kung may trangkaso upang maiwasang makahawa.

 

 

Ano ang mabisang gamot para sa trangkaso

Ano ang mabisang gamot para sa trangkaso?

Ang trangkaso ay maaaring malunasan sa pamamagitan ng pagpapahinga at pag-inom ng maraming tubig. Hindi tulad ng ibang sakit, ito ay walang lunas kaya’t hindi na maaari pang lunasan gamit ng antibiotics. Marapat rin lamang na tandaan na ang pinupuksa ng antibiotics ay bacteria at hindi virus.

Ang pinakamainam na lamang na gawin upang malunasan ito ay ang patuloy na pag-inom ng tubig upang maiwasan ang dehydration. Maaari ring uminom ng gamot sa lagnat tulad ng paracetamol upang maibsan ang pagtaas ng temperatura at pananakit ng katawan.

Bukod pa rito, marapat lamang na kumunsulta sa doktor para magabayan sa tamang paraan ng lunas para sa sakit na trangkaso.

 

 

Konklusyon

Totoo ngang walang eksaktong lunas para sa flu virus na trangkaso, bagamat ganoon, hindi kailangang humagilap ng antibiotics upang malunasan ito. Sa tulong ng sapat na pangangalaga, pagpapahinga, at pag-inom ng tubig at gamot sa lagnat ay mawawala rin ito at manunumbalik ang lakas ng may sakit.

Sa pagkakataong hindi na mainda ng may sakit ang pananakit ng katawan, marapat na lamang na kumunsulta sa doktor para sa karagdagang impormasyon.