Sa isang taong walang anumang sakit at normal ang mga baga, natural na naka-relax ang mga muscle sa airways kapag humihinga. Dahil dito, mabilis at maayos na nakakadaloy ang hangin kung kaya.
Subalit, kapag may asthma o hika ang isang tao, sumisikip o kumikipot ang kanyang airways kaya’t nahihirapan siyang huminga.

Ano ang Asthma o Hika?
Ang asthma o hika ay isang respiratory condition kung saan nagkakaroon ng pamamaga (inflammation) at nagpo-produce ng sobra at malapot na mucus ang airways. Minsan din ay may kasabay na bronchospasm ang asthma, kung saan nagko-contract ang airways na nagiging dahilan ng pagkipot ng mga ito.
Sa isang asthma attack, pwedeng mangyari ang isa o anumang kombinasyon ng mga nabanggit na pangyayari sa itaas. Dahil sa mga ito, hindi nakakadaloy nang maayos ang hangin at nahihirapang huminga ang pasyente.
Tandaan na ang asthma ay isang chronic condition. Ibig sabihin, pang-habangbuhay na ito at hindi nagagamot. Subalit, marami namang paraan para ma-control o ma-manage ang mga sintomas nito. Kung ikaw o ang iyong mga mahal sa buhay ay may hika, mild man ito o severe, ugaliing magpakonsulta sa doktor at bantayan ang mga sintomas. Importante ito para mabigyan ng tamang gamot o mai-adjust ang kasalukuyang treatment, para hindi maging life-threatening ang hika.
Ano ang Sanhi ng Asthma o Hika at Sino ang Nagkakaroon Nito?
Kahit sino ay pwedeng magkaroon ng asthma o hika sa anumang edad, ngunit hanggang sa ngayon ay pinag-aaralan pa rin ng mga eksperto kung bakit at paano nade-develop ang sakit na ito. Gayunpaman, ayon sa current research, may mga factor na nagko-contribute sa mas mataas na risk sa pagkakaroon ng asthma. Kasama sa mga factor na ito ang:
- pagkakaroon ng kamag-anak na may asthma o iba pang mga allergic condition
- pagkakaroon ng allergic condition, katulad ng atopic dermatitis
- paninigarilyo
- madalas na pagka-expose sa usok ng sigarilyo, second-hand o third-hand man ito
- madalas na pagka-expose sa mga allergen at iba pang mga bagay na nakakairita sa airways, katulad ng polusyon at mga chemical fumes
- pagkakaroon ng impeksyon sa respiratory system noong pagkabata, na nagiging sanhi ng paghina ng mga baga
- pagiging babae sa pagkapanganak (assigned female at birth)
- pagiging overweight
Ayon sa World Health Organization, may higit sa 262 milyong katao sa buong mundo ang may hika. Posible rin na mas mataas pa ang bilang na ito dahil maraming under-diagnosed at under-treated na kaso ng asthma sa mga mahihirap na bansa.
Pwede ring maging sanhi o trigger ng isang asthma attack ang mga sumusunod:
- malamig na hangin, dahil nakakatuyo ito ng airways at nagiging sanhi ng irritation
- physical activity, katulad ng pag-eehersisyo
- dumi ng mga peste, katulad ng mga ipis at daga
- ilang uri ng gamot, katulad ng NSAIDs (nonsteroidal anti-inflammatory drugs), beta blockers, at aspirin
- matinding emosyon
- labis na stress
- mga preservative na katulad ng sulfite
- gastroesophageal reflux disease o GERD
Ano ang mga Sintomas ng Asthma?
Maraming sintomas ang asthma, kasama na ang mga sumusunod:
- hirap sa paghinga
- kakapusan ng hininga (shortness of breath)
- paninikip ng dibdib
- wheezing sound o tunog na tila parang sumisipol kapag humihinga
- pag-ubo, lalo na sa madaling araw o gabi
Depende sa klase at lubha ng asthma ng pasyente, pwedeng maranasan ang mga sintomas na ito nang paminsan-minsan lang o kaya naman ay araw-araw.
Ano ang mga Uri ng Asthma?
Merong iba-ibang uri ng asthma o hika, batay sa kung ano ang ang sanhi nito, kung gaano kadalas maranasan ang mga sintomas, at iba pang factors. Sa ibaba, nakalista ang mga karaniwang classification ng hika.
- Allergic asthma. Ito ang uri ng hika na dulot ng allergies at nati-trigger ng mga allergen katulad ng pollen, balahibo ng hayop, usok, at iba pa.
- Non-allergic asthma. Kung ang hika ng isang tao ay nati-trigger ng mga bagay na katulad ng panahon, exercise, at iba pang external factors, tinatawag itong non-allergic asthma.
- Persistent asthma. Kung madalas o palaging nararanasan ang mga sintomas ng hika, mild man o severe, ang tawag dito ay persistent asthma.
- Intermittent asthma. Kabaligtaran ng persistent asthma ang intermittent asthma, kung saan paminsan-minsan lang nati-trigger ang hika.
- Childhood asthma. Ang childhood asthma o pediatric asthma ay isang uri hika na nagsisimula sa pagkabata, kadalasan ay 5 taon pababa. Sa katunayan, pwedeng magkaroon ng childhood asthma ang mga sanggol.
- Adult-onset asthma. Kung 18 years old pataas na nagkaroon ng hika ang pasyente, ang tawag sa sa kondisyong ito ay adult-onset asthma.
Marami pang ibang uri ng hika, katulad ng exercise-induced asthma na nati-trigger pagkatapos mag-exercise. Meron ding occupational asthma na nakukuha ng mga taong may trabahong nag-e-expose sa kanila sa mga irritant at allergen. Kasama na rito ang mga hair stylist, janitor, minero, karpintero, at iba pa.
Pwede ring magkasabay ang asthma at iba pang respiratory condition katulad ng chronic obstructive pulmonary disease (COPD). Sa ganitong sitwasyon, mas malubha ang mga sintomas na nararanasan ng pasyente; dahil dito, kailangan din ng mas marami at minsan ay mas mataas na dosage ng gamot para sa management ng dalawang kondisyon.
Ano ang Gamot sa Asthma?
Katulad ng unang nabanggit, chronic condition ang asthma kaya hindi talaga ito nagagamot. Gayunpaman, maraming treatment options ang pwedeng irekomenda ng doktor para maging mas madali ang pag-control sa mga sintomas.
Ilan sa mga pwedeng gawing treatment para sa asthma ang mga sumusunod:
- Inhaled corticosteroids. Isa sa mga pinakamadalas na ireseta para sa treatment ng hika ang mga corticosteroid na nilalagay sa inhaler. Ilan sa mga ito ang mometasone, fluticasone, ciclesonide, at budesonide. Araw-araw ginagamit ang inhaler na ito para maiwasan ang mga asthma attack. Sa tulong ng corticosteroids, nababawasan o napipigilan ang inflammation sa mga daluyan ng hangin. Iba ang daily inhaler na ito sa rescue o emergency inhaler, na ginagamit lamang para sa mga severe asthma attack.
- Combination inhalers. Kung hindi sapat ang aksyon ng corticosteroids para sa pasyente, pwedeng mag-reseta ang doktor ng combination inhalers. Sa ganitong klaseng treatment, may inilalagay na kahalo ang corticosteroid na iba pang gamot.
- Leukotriene modifiers. Ang leukotrienes ay mga kemikal na inilalabas ng katawan bilang response sa mga allergen. Nagdudulot ang kemikal na ito ng mga sintomas ng asthma nakatulad ng pag-ubo, dagdag na mucus, at pamamaga sa mga daluyan ng hangin. Ang mga leukotriene modifiers ay mga gamot na pumipigil sa aksyon ng leukotriene. Isang popular na leukotriene modifier ang gamot na montelukast.
- Short-acting beta agonists. Ang mga short-acting beta agonist ay uri ng bronchodilator o mga gamot na nagpapaluwag ng mga airway. Mabilis ang epekto ng mga gamot na ito at madalas na ibinibigay bilang inhaler o kaya ay sa pamamagitan ng nebulizer.
- Oral and intravenous corticosteroids. Para sa severe asthma, pwedeng gumamit ng oral o intravenous corticosteroid sa halip na inhaler. Kaya lang, hindi ideal na gamitin ang mga gamot na ito nang matagalan dahil sa mga potensyal na side effects.
- Anticholinergic agents. Isa ring uri ng bronchodilator ang mga anticholinergic agent. Mas madalas itong ireseta para sa bronchitis at emphysema, pero pwede rin itong gamitin para sa hika.
- Gamot para sa allergy. Kung meron kang allergic asthma, makakatulong sa iyo ang mga allergy medication para ma-control ang mga sintomas. Kung mild lang ang iyong asthma, pwedeng gumamit lang ng usual na mga tablet o syrup; para sa mas malubhang klase ng hika, mas magiging effective ang mga allergy shots na pwedeng ibigay isang beses sa isang linggo at isang beses sa isang buwan pagkalipas ng ilang buwan.
- Bronchial thermoplasty. Para sa mga may kaso ng severe asthma, pwedeng sumailalim sa isang operasyon na tinatawag na bronchial thermoplasty. Sa procedure na ito, pinaiinitan ang mga daluyan ng hangin gamit ang isang electrode. Sa tulong ng init, nababawasan ang kakayahan ng mga muscle sa airways na mag-contract o sumikip. Gayunpaman, hindi pa ganoong ka-popular ang bronchial thermoplasty. Hindi rin ito pwedeng gawin basta-basta; kailangan muna ng masusing pag-aaral at mga consultation para malaman kung ito ba ang tamang treatment para sa iyo.
Depende sa iyong kondisyon, pwedeng pagsabayin ang dalawa o higit pang treatment option.
Ano ang Komplikasyon ng Hika?
Sa maraming sitwasyon, manageable naman ang asthma basta’t may tamang gamot. Subalit, kung hindi ito maaagapan, pwede itong magdulot ng iba-ibang komplikasyon, katulad ng permanenteng pagkipot ng mga bronchial tube (ang mga tubong dinadaanan ng hangin papunta sa baga). Kapag nangyari ito, permanente na ring magkakaroon ng kahirapan sa paghinga ang pasyente.
Pwede ring mapadalas ang mga asthma attack, na pwedeng maka-apekto sa sa quality of life at sa kakayahang gampanan ang mga gawain katulad ng trabaho o pagpasok sa eskwela.
Kapag nakaranas ng isang severe asthma attack, gamitin kaagad ang iyong emergency inhaler. Kung hindi ito tumalab, pumunta kaagad sa ospital, lalo na kung nararamdaman o napansin ang mga sumusunod na sintomas:
- pagiging bluish ng kuko o labi, na indikasyon ng kakulangan sa supply ng oxygen
- pamumutla at pagpapawis ng mukha
- matinding pananakit ng dibdib o pakiramdam na may nakadagan sa dibdib
- hirap sa pagsasalita
- sobrang bilis na paghinga o paghahabol ng hininga
- tuloy-tuloy na pag-ubo
Sa tamang management ng mga sintomas, pwede pa ring magkaroon ng normal na pamumuhay ang isang taong may asthma. Kausapin ang iyong doktor tungkol sa ma treatment option at siguraduhing sundin ang prescribed regimen para sa iyo. Ugaliin ding i-monitor ang epekto ng mga gamot at sabihin agad sa iyong doktor kung may napapansing hindi magandang resulta para mapalitan o mai-adjust ito.
Mahalagang paalala: Ang lahat ng impormasyong nakalahad dito ay para lamang sa pagbabahagi ng kaalaman at ‘di dapat ituring bilang professional medical advice. Ugaliin pa rin kumonsulta sa iyong doktor bago uminom o gumamit ng kahit anong gamot.