Diabetes: Mga Sanhi, Sintomas, at Gamot
Ang diabetes ay isang chronic o panghabang-buhay na sakit. Naaapektuhan nito ang proseso kung paano ginagawang enerhiya ng katawan ang pagkain.

Ano ang diabetes?
Ang diabetes ay isang sakit kung saan hindi napoproseso ng tama ang asukal o glucose sa ating katawan.
Karamihan sa ating kinakain ay ginagawang asukal o glucose ng ating katawan. Kapag naging glucose na ito, nilalabas ito sa ating dugo para maipadala sa ibaāt ibang bahagi ng katawan. Kapag umakyat ang lebel ng glucose sa katawan, binibigyan ng katawan ng senyales ang pancreas na maglabas ng insulin para magamit ang glucose bilang enerhiya.
Ang isang taong may diabetes ay kulang o walang insulin. Kapag kulang ang insulin sa katawan o hindi ito nababasa ng mga cells, hindi nagagamit ng katawan ang glucose. Kapag tumagal itong kondisyon na ito, maaaring magdulot ito ng sakit sa puso, pagkabulag, o sakit sa bato.
Ano ang sanhi ng diabetes?
Ang diabetes ay dahil sa kakulangan ng insulin sa ating katawan. May tatlong uri ng diabetes.
- Type 1 Diabetes ā Uri ng diabetes na dulot ng hindi paggawa ng insulin ng katawan. Nagsisimula ang type 1 diabetes mula pagkabata. Walang tiyak na sanhi ang type 1 diabetes.
- Type 2 Diabetes ā Uri ng diabetes kung saan ang katawan ay hindi wastong rumeresponde sa insulin kung kayaāt hindi nito kayang gawing normal ang lebel ng glucose sa katawan. Nagkakaroon ng type 2 diabetes ang isang tao dahil sa mga pagkain o inumin at sa kakulangan ng pag-eehersisyo.
- Gestational Diabetes ā Uri ng diabetes na makikita sa mga buntis na wala namang diabetes bago magdalang tao. Madalas nawawala ang gestational diabetes matapos manganak.
Ano ang mga sintomas ng diabetes?
Ang mga sintomas at senyales ng diabetes ay nakadepende sa kung gaano kataas ang lebel ng glucose sa iyong katawan. Minsan, ang mga mayroong type 2 diabetes o prediabetes ay hindi nakakaranas ng mga sintomas. Ang mga may type 1 diabetes ang mga mas madalas makaranas ng mga sintomas.
Ang ilang mga senyales ng diabetes ay:
- Matinding pagkauhaw
- Madalas na pag-ihi
- Matinding gutom
- Biglaang pagpayat nang walang dahilan
- Pagkakaruon ng ketones sa ihi
- Pagkapagod
- Pagiging bugnutin
- Paglabo ng mata
- Mabagal na paggaling ng sugat
- Madalas na impeksyon
Ano ang mga gamot sa diabetes?
Insulin
Ang insulin ang pangkaraniwang gamot na binibigay sa mga may type 1 diabetes. Dahil hindi nakakagawa ng insulin ang katawan ng mga may type 1 diabetes, kinakailangan nilang bigyan ito para maproseso ang glucose.
Binibigyan rin ng insulin ang mga may type 2 diabetes depende sa kung gaano kalubha ang kakulangan ng insulin ng kanilang katawan.
Amylinomimetic drug
Ang pramlintide ay isang uri ng amylinomimetic drug na bumabagal sa pagtunaw ng pagkain sa tiyan. Pinapababa nito ang produksyon ang paglabas ng glucagon pagkatapos kumain na siyang nagpapababa ng glucose.
Alpha-glucosidase inhibitors
Tinutulungan ng alpha-glucosidase inhibitors ang katawan na tunawin ang mga kinakain na matatamis o mataas sa starch gaya ng kanin o patatas.
Biguanides
Ang biguanides, katulad ng metformin, ang siyang nagpapababa sa lebel ng glucose na ginagawa ng atay. Pinapababa rin nito ang lebel ng glucose na sinisipsip ng bituka.
Ibang gamot
Dahil ang diabetes ay nagdudulot ng iba pang sakit, puwedeng painumin ang isang diabetic ng mga gamot upang agapan nito kagaya ng:
- Aspirin para sa puso
- Gamot para sa mataas na cholesterol
- Pampababa ng presyon
Kailan dapat pumunta sa ospital?
Agad na pumunta sa ospital o ipaalam sa iyong doktor kung:
- May hinala kayo na ikaw o iyong anak mo ay may diabetes
- Mayroon kang diabetes at lumulubha ang iyong mga sintomas