Kapag inuubo ang isang tao, ibig sabihin nito ay sinusubukan ng kanyang katawan na alisin ang pagbabara o mga irritant sa kanyang mga baga o mga airway.
Kadalasan, ang ubo na dulot ng isang sakit sa respiratory system ay may kasamang mucus o plema. Ang tawag dito at wet cough. Kapag walang kasamang plema ang ubo, tinatawag itong dry cough o kaya ay nonproductive cough.
Ano ang mga Sanhi ng Dry Cough?
Ilan sa mga sakit o kondisyon na pwedeng magdulot ng dry cough ang mga sumusunod:
- Croup, isang impeksyon sa upper airways na madalas na makaapekto sa mga bata
- Sipon
- Bronchitis
- Allergic rhinitis
- Hika o asthma
- Gastroesophageal reflux disease o GERD
- Pneumonia
- Side effect ng paninigarilyo
- Whooping cough o pertussis
- Side effect ng ilang uri ng gamot katulad ng mga ginagamit para sa hypertension
- Postnasal drip
Pwede ring magdulot ng dry cough kung nasamid o nabulunan ang isang tao.
Kapag paulit-ulit ang pagkakaroon dry cough, magpakonsulta na sa doktor dahil baka senyales na ito ng mas malubhang sakit o kondisyon katulad ng tuberculosis, chronic obstructive pulmonary disease o COPD, lung cancer, cystic fibrosis, idiopathic pulmonary fibrosis, sarcoidosis, at heart failure.
Ano ang mga Sintomas ng Dry Cough?
Dahil maraming pwedeng sanhi ang dry cough, marami rin itong posibleng maging sintomas. Ganunpaman, ang pinakakaraniwang sintomas ng dry cough bukod sa mismong pag-ubo ay pangangati at panunuyo ng lalamunan. Minsan ay nagdudulot din ito ng paninikip ng dibdib at/o lalamunan, na pwedeng magdulot ng kahirapan sa paghinga.
Kapag matindi ang dry cough ng isang tao, pwede ring magkaroon ng wheezing sound kasabay ng kanyang pag-ubo.
Depende sa kasabay na sakit, ilan pa sa mga pwedeng sintomas na pwedeng maranasan kasabay ng dry cough ang mga sumusunod:
- Heartburn
- Pagkagaralgal ng boses
- Hirap sa paglunok
- Runny nose
- Pagbahing
- Pangangati at pagluluha ng mata
- Pag-ubo na may kasamang dugo
- Mabilis na pagtibok ng puso
- Hindi maipaliwanag na pagbaba ng timbang
Kapag paulit-ulit na ang dry cough at patuloy ding nararanasan ang isa o higit pa sa mga sintomas na nabanggit, magpakonsulta na sa iyong doktor para mabigyan ng tamang diagnosis at gamot.
Sintomas ba ng COVID-19 ang Dry Cough?
Isang pangunahing sintomas ng sakit na COVID-19 ang dry cough. Sa katunayan, malaking porsyento ng mga pasyenteng may COVID ang nakaranas nito sa unang araw pa lamang ng pagkahawa o pagkakaroon ng impeksyon.
Ganunpaman, hindi ibig sabihin na COVID kaagad ang sakit ng isang taong may dry cough. May iba pang sintomas ang COVID katulad ng lagnat, pananakit ng ulo, pananakit ng lalamunan, pagkapagod (fatigue), kahirapan sa paghinga, mababang oxygen level, at pananakit ng mga muscle. Kung nakakaranas ng mga sintomas na ito kasabay ng dry cough, mabuting magpa-test na kaagad para malaman kung COVID-19 nga ang sakit para makapag-isolate o madala sa ospital ang pasyente.
Ano ang Pwedeng Gamot sa Tuyong Ubo o Dry Cough?
May dalawang uri ng gamot na pwedeng inumin para sa dry cough: suppressant at expectorant. Parehong over the counter ang mga ito kay madali lang makabili kung sakaling kailanganin.
Ang cough suppressants katulad ng dextromethorphan at phenylephrine ay may kakayahang pigilan ang iyong cough reflex. Dahil dito, mababawasan ang dalas ng pag-ubo at mas giginhawa ang pakiramdam. Tinatawag ding antitussive ang ganitong klaseng gamot.
Samantala, ang cough expectorants naman ay uri ng gamot na ginagamit sa pagpapalabas ng plema. Madalas itong ireseta para sa mga may wet cough dahil pinapalabnaw nito ang malapot na mucus sa lalamunan para mas mabilis itong mailabas. Ganunpaman, pwede pa ring magdulot ng relief ang mga expectorant sa dry cough, lalo na kung masyadong manipis ang plema at hindi ito mailabas.
Meron ding mga gamot sa ubo na pinagsasama ang epekto ng suppressant at expectorant. Inirereseta ito sa mas matinding kaso ng dry cough.
Tandaan na hindi dapat binibigyan ng gamot para sa ubo ang mga batang 4 taong gulang pababa. Mataas kasi ang risk na makaranas sila ng matinding side effects mula sa mga ganitong gamot.
Kung dulot ng isang sakit ang dry cough, kailangang gamutin o i-manage ang sakit para mawala rin angubo. Ilan sa mga halimbawa ng posibleng treatment options ang mga sumusunod:
- Inhaled bronchodilators o corticosteroids para sa asthma para mapaluwag ang mga airway at makahinga nang maayos ang pasyente.
- Mga antihistamine para mapigilan ang mga sintomas ng allergy.
- Antacids, proton pump inhibitors, at iba pang mga gamot para sa GERD.
- Nasal spray para sa postnasal drip.
Hindi ginagamit ang antibiotics para sa dry cough dahil kadalasan ay virus ang dahilan nito. Ibig sabihin, walang magiging bisa ang antibiotics dahil para ito sa bacteria. Pwede ring magdulot ng tinatawag na antibiotic resistance ang paggamit ng antibiotics kahit hindi naman kailangan. Kapag na-develop ang antibiotic resistance, magkakaroon ng pandepensa ang mga bacteria laban sa antibiotic at magiging mas mahirap gamutin ang mga impeksyon.
Kung hindi naging mabisa ang mga OTC na gamot para sa dry cough, mas mabuting magpakonsulta sa doktor kaysa mag-self-medicate.
Ano ang mga Home Remedy Para sa Tuyong Ubo o Dry Cough?
Marami ring home remedy ang pwedeng gawin para mabawasan ang discomfort na dulot ng dry cough. Kasama na rito ang mga sumusunod:
- Pagsipsip sa candy o medicated lozenge para mag-produce ng laway ang bibig. Nakakatulong ito para hindi manatiling tuyo ang lalamunan at mabawasan ang dalas ng pag-ubo. Tandaan na hindi inirerekomenda ang home remedy na ito para sa mga batang 3 taong gulang pababa dahil baka sila mabilaukan.
- Uminom ng honey. May mga pag-aaral na nagsasabing mabisa ang honey sa pagpapahinto ng ubo. Para sa mga matatanda, isang kutsara ang recommended na dami ng honey na inumin. Pwedeng damihan o bawasan ito depende sa edad.
Kung wala pang 1 taong gulang ang pasyente, huwag siyang bigyan ng honey dahil baka magkaroon siya ng botulism. Ito ay isang sakit sa mga nerve na dulot ng Clostridium botulinum bacteria na minsan ay matatagpuan sa honey. Hindi pa kasi kayang labanan ng mga sanggol ang bacteria na nagdudulot ng sakit na ito. - Gumamit ng humidifier para magkaroon ng moisture sa hangin para hindi masyadong mairita ang mga nasal passage at makatulong din sa panunuyo ng lalamunan.
- Uminom ng dagdag na tubig at iba pang liquids para mabawasan ang panunuyo ng lalamunan. Pwede ring uminom ng tsaa o kaya ay tubig na may honey, o kaya ay mainit na soup.
- Magmumog ng maligamgam na tubig na may asin para mabawasan ang pangangati at pagka-irita ng lalamunan.
Pwedeng gawin ang mga home remedy na ito kasabay ng pag-inom ng gamot para mas mapabilis at maging mas komportable ang paggaling.
Paano Maiiwasan ang Tuyong Ubo o Dry Cough?
Kung ang dry cough ay sanhi ng isang sakit o medical condition, mahirap maiwasan ito. Ang pinakamabuting gawin ay gamutin o i-manage nang mabuti ang sakit at umiwas sa mga bagay na pwedeng magpalubha nito.
Bilang general advice, malaking tulong pa rin ang pag-inom ng maraming tubig para palaging sapat ang lubrication at moisture ng lalamunan. Ilan pa sa mga paraan ng pag-iwas sa dry cough ang mga sumusunod:
- Paggamit ng air purifier para maalis ang mga allergen at iba pang irritant sa hangin.
- Madalas na pag-vacuum para maalis ang alikabok at balahibo ng hayop mula sa sahig, carpet, at iba pang lugar.
- Umiwas sa mga pagkain at pag-inom ng mga pagkain at inumin na mataas ang histamine content, katulad ng mga fermented na mga gulay
- Umiwas sa mga acidic at high-fat na mga pagkain para hindi ma-trigger ang GERD.
- Umiwas sa mga pabango at iba pang bagay na matindi ang amoy na pwedeng magdulot ng irritation sa ilong at nasal passages.
- Tumigil sa paninigarilyo at sikaping umiwas sa paglanghap ng secondhand smoke.
- Magsuot ng mask kapag lalabas para hindi makalanghap ng usok, alikabok, at iba pang pollutant.
- Ugaliing maghugas ng kamay para makaiwas sa mga respiratory diseases.
Ano ang mga Komplikasyon ng Dry Cough?
Pwedeng magdulot ng matinding discomfort ang tuloy-tuloy na dry cough at makaapekto sa quality of life ng pasyente. Halimbawa, pwedeng hindi siya makatulog at makaranas ng matinding fatigue. Meron ding mga pagkakataon na nagdudulot ng pagkahilo at pagsusuka ang dry cough.
Sa mga extreme na kaso, pwedeng mauwi ang dry cough sa incontinence o kawalan ng kakayahan na kontrolin ang pag-ihi. Kapag sobrang tindi ng pwersa ng pag-ubo, pwede rin itong magdulot ng maliliit na fracture sa ribs.
Kung hindi tumigil ang dry cough sa loob ng 8 linggo kahit na umiinom naman ng gamot at gumagamit ng mga home remedy, magpakonsulta na sa doktor. Isa ring kritikal na senyales ang pag-ubo na may kasamang dugo. Kailangan sumailalim sa mga test ang pasyente para malaman kung ano ang sanhi ng kanyang dry cough at magamot ito.
Tandaan na normal lang ang makaranas ng ubo paminsan-minsan. Katulad ng unang nabanggit, isa itong paraan ng katawan para maalis ang mga irritant sa baga para makahinga nang maayos at makaiwas sa mga impeksyon. Subalit, kung hindi nawawala ang ubo at nakakaranas ng iba pang mga sintomas kasabay nito, malaki ang posibilidad na dulot ito ng isa o higit pang underlying medical condition. Mas mabuting humingi na ng tulong sa mga health professional para makasigurado sa tamang diagnosis at treatment.
Mahalagang paalala: Ang lahat ng impormasyong nakalahad dito ay para lamang sa pagbabahagi ng kaalaman at ‘di dapat ituring bilang professional medical advice. Ugaliin pa rin kumonsulta sa iyong doktor bago uminom o gumamit ng kahit anong gamot.