Sakit sa dugo: sanhi, sintomas, at gamot
Ang ating dugo ay binubuo ng mga buhay na tissue at nahahati sa dalawang bahagi. Ang bahaging likido ay tinatawag na plasma na binubuo ng tubig, asin, at protina. Mahigit sa kalahating porsyento ng ating dugo ay plasma. Ang bahaging solido naman ay binubuo ng red blood cells, white blood cells, at platelets.
Ang mga sakit sa dugo ay pumipigil sa isa o higit pang component ng dugo (tulad ng mga white blood cells) na gawin ang trabaho nito.
Ano ang mga sanhi ng sakit sa dugo?
Karaniwang namamana ang mga sakit sa dugo. Ang iba pang posibleng sanhi nito ay iba pang mga sakit, epekto ng pag-inom ng mga gamot, o kakulangan sa pagkain ng masusustansyang pagkain.
Mga uri ng sakit sa dugo
Maraming iba’t ibang uri ng sakit sa dugo. Ang pinakakilala sa mga ito ay ang anemya at hemophilia.

Ano ang hemophilia?
Ang hemophilia ang isa sa pinakatanyag na sakit sa dugo. Ang isang pasyenteng may hemophilia ay halos walang kakayahan sa paglalangib o pagclot ng dugo sa tuwing sila ay nasusugatan. Dahil dito, mas matagal bago magsara at gumaling ang mga sugat nila na maaaring pagumpisahan ng impeksyon at mauwi sa kamatayan lalo na kung ang sugat ay internal o nasa lamang-loob.
Ang hemophilia ay isang sakit na namamana. Ang lunas dito ay ang regular na pagtanggap ng eksaktong clotting factor na kulang sa mga hemophiliac.
Ano ang mga sintomas ng hemophilia?
Magkakaiba ang mga senyales at sintomas ng hemophilia depende sa lebel ng clotting factor sa dugo na meron ang pasyente. Kung kaunti lamang ang kakulangan ng isang pasyente sa clotting factor ng dugo nila, maaaring makaranas sila ng matagal na pagdurugo at paglalangib tuwing sila’y masusugatan o pagkatapos ng isang operasyon. Kung malaki naman ang kakulangan sa clotting factor ng pasyente, may posibilidad na makaranas sila ng pagdurugo nang walang dahilan.
Ilan sa mga sintomas ng hemophilia ay:
- Hindi maipaliwanag na malubhang pagdurugo sa mga sugat, sugat ng operasyon, o dental appointment
- Malalaki o malalalim na pasa
- Pagdurugo pagkatapos mainheksyunan
- Dugo sa dumi o ihi
- Biglaang pagbabalinguyngoy o nosebleeds
Ang hemophilia ay nakamamatay lalo na kung malubha ang hemophilia ng pasyente. Kapag nabubunggo sa ulo ang isang hemophiliac, tawag sa mga pasyenteng may hemophilia, maaaring magkaroon ng pagdurugo sa utak. Ilang sintomas nito ay:
- Matinding sakit ng ulo
- Paulit-ulit na pagsusuka
- Matinding antok o panghihina
- Malabong paningin
- Biglaang paghina
- Kumbulsyon
Ano ang gamot sa hemophilia?
Nararapat na magtungo agad ang pasyente sa ospital kung nakararanas ng mga sintomas hemophilia. Ang doktor ang magbibigay sa pasyente ng wastong gamot katulad ng clot-preserving medications para mahinto ang pagdurugo.
Kailan dapat pumunta sa ospital?
Pumunta agad sa ospital kung may sintomas ng pagdurugo sa utak o sugat na ayaw huminto sa pagdugo.