Gamot Sa Pigsa | The Generics Pharmacy

Mga Epektibong Lunas at Gamot Sa Pigsa

Mga Epektibong Lunas at Gamot Sa Pigsa

Marahil ay isa ka rin sa maraming Pilipino na nakaranas nang magkaroon ng pigsa. Malaki ang tiyansa na sinasang-ayunan mo na ang pigsa ay isa sa mga karaniwang sakit na nagpapahirap sa mga Pilipino. Bagamat ito ay hindi man ganoon ka-seryoso kumpara sa iba pang mga sakit ay kailangan pa rin ng mabisang gamot sa pigsa sapagkat ito ay nagdudulot pa rin ng pagkairita at pananakit sa mga dumaranas nito.

Kung isa ka sa mga tinubuan ng sakit sa balat na ito o naghahanap ng mabisang gamot sa pigsa, malaki ang maitutulong sa iyo ng babasahing ito. Ipagpatuloy mo lamang ang pagbasa dahil tatalakayin ng artikulo na ito ang mga paksa ukol sa pigsa gaya ng kung ano nga ba ito, ang mga sanhi at sintomas nito, mga mabisang gamot sa pigsa, at marami pang iba.

Ano ang pigsa?

Ang pigsa ay isa sa mga uri ng impeksyon sa balat. Ito ay karaniwang nagmumula sa ugat ng balahibo o buhok (hair follicle). Ito ay karaniwang nararanasan bilang isang masakit na bukol na puno ng nana at nabubuo sa ilalim ng balat. Ang mga ugat ng balahibo o buhok ay inaatake ng mga bacteria at nagdudulot ng impeksyon.

Sa simula ng pagkakaroon ng pigsa, ang bahagi ng balat na nagkaroon ng impeksyon ay mamumula muna. Pagkatapos nito ay mabubuo na ang maselang bukol o lump na karaniwang iniuugnay sa pigsa. Magbabago ng kulay ang pigsa mula sa pula patungong puti dahil ito ay napupuno ng nana pagkatapos ng apat hanggang sa pitong araw.

Habang naiipon ang nana sa ilalim ng iyong balat, tuluyan ang paglaki at pagsakit ng pigsa na ito hanggang sa ito ay pumutok. Sa pagputok ng pigsa, tuluyan na ring matatanggal ang nanang kasama nito. Madalas na ginagamot ng mga Pilipino ang pigsa sa kanilang bahay; sa katunayan, malamang ay isa ka rin sa mga nagtangka sa paggamot ng pigsa sa iyong sarili. Ayon sa mga eksperto, hindi dapat pisain o putukin ang mga pigsa dahil maaaring kumalat ang bactreria at patuloy na lumaganap ang impeksyon sa ibang bahagi ng iyong katawan.

Ang pigsa ay malimit na matatagpuan sa leeg, sa kilikili, sa braso, sa balakang, at sa mukha ng tao. Mayroon nga ring isang espesyal na uri ng pigsa na tinatawag na kuliti na layuning tumubo sa talukap ng mata (eyelid). Kapag naman ang mga pigsa ay tumubo ng magkakasama sa isang bahagi ng katawan, ito ay itinuturing na isang uri ng seryosong impeksyon na kung tawagin ay carbuncle.

Ano ang mga sanhi nito?

Isa sa mga pinakakaraniwang sanhi sa karamihan ng mga kaso ng pigsa ay ang mikrobyong staphylococcus. Ang mikrobyo na ito ay nakakapasok sa mga katawan sa pamamagitan ng maliliit na mga galos at sugat sa balat. Kaya rin ng mikrobyong ito na pumasok sa ilalim ng iyong balat sa pamamagitan ng pagkapit sa iyong mga balahibo at pagtungo sa follicles.

Ano ano ang Staphylococcus aureus?

Ang Staphylococcus aureus ay isang uri ng bakterya na karaniwang taglay ng maraming malulusog na tao sa kanilang balat o ilong. Tinatayang mga 25 hanggang 30 porsyento ng mga tao sa mga bansang kagaya ng Estados Unidos ang nagtataglay ng staph. Ngunit kahit na ito ay matatagpuan sa ilong o balat ng maraming tao, hindi ito nagdudulot sa kanila ng sakit.

Ang staph ay maaari ring matagpuan sa ibang parte ng katawan ng tao gaya ng singit, kilikili, tumbong, o ari. Karamihan sa mga nagiging impeksyon ng staph ay maliliit lamang at maaaring gamutin kahit hindi na gumamit ng antibayotiko. Gayunman, ang staph ay maaari pa ring maging sanhi kung minsan ng mga seryosong impeksyon tulad ng mga impeksyon sa dugo, mga malalalim na impeksyon sa balat at pulmunya.

Ano ang MRSA?

Ang MRSA o Methicillin-resistant Staphylococcus aureus ay isa namang uri ng staph na hindi maaaring mapatay ng penicillin at mga katulad na antibayotiko. Itinatayang isa sa bawat 100 na tao ay nagtataglay ng MRSA. Pero gaya ng karamihan ng tao na nagtataglay ng staph sa kanilang mga balat o ilong, hindi rin nagdudulot sa kanila ng sakit ang MRSA.

Sa mga lugar gaya ng California, humigit kumulang sa kalahati ng lahat ng mga impeksyon ng staph ay sanhi ng MRSA. HIndi naaiiba sa mga sanhi ng ordinaryong impeksyon ng staph ang anyo ng mga impeksyon ng MRSA.

May mga kalagayan din na maaaring magpalaki ng tiyansa ng pagkakaroon ng pigsa ng isang tao. Isa sa pinaka-karaniwang sanhi nito ay ang pakikipag halubilo sa mga taong may pigsa. Narito ang ilan pa sa mga kalagayan na maaari mong bantayan:

  • Kakulangan sa tamang nutrisyon
  • Pagkakaroon ng diabetes
  • Pagkahantad sa mga mapanganib na kemikal na sumisira ng balat
  • Maling paglinis ng katawan
  • Sakit sa atay
  • Allergy sa balat
  • Sakit sa bato
  • Pag-aahit

Kailan dapat magpasuri sa doktor?

Ang pigsa ay isang pang-karaniwang sakit na kadalasang nalulunasan kahit na hindi na pumunta man sa ospital. Ngunit may mga kalagayan na kailangan mo na talagang humingi ng tulong sa isang eksperto tulad ng doktor. Ang mga sumusunod ay ang mga kondisyon na maaari mong maranasan na nagsasabi na kailangan mo nang bumisita sa doktor:

  • Ikaw ay may namamagang kulani
  • Ikaw ay nilalagnat na
  • Ikaw ay may mahinang immune system
  • Ikaw ay umiinom ng gamot na maaaring magpahina sa iyong immune system tulad ng corticosteroids
  • Ang iyong pigsa ay hindi nagpapakita ng mga palatandaan ng pagliit
  • Ang balat sa paligid ng pigsa ay naging mapula na
  • Ang iyong sakit ay patuloy na lumalala

Kung patuloy naman ang iyong pagkakaroon ng pigsa, marahil na ito ay isang palatandaan ng mas malubhang karamdaman tulad ng diabetes. Maaari ka ring sumailalim sa urine o blood test upang malaman mo ang kalagayan ng iyong kalusugan.

Paano ang pagsuri ng pigsa?

Ang iyong doktor o kung sino mang dalubhasang medikal ay ang magsasagawa ng isang pisikal na pagsusuri. Kung ang impeksyon na dulot ng pigsa ay nakakaapekto sa iba pang mga bahagi ng iyong katawan, ang ilan sa mga pagsusuri at katanungan sa iyo ng doktor ay maaaring patungkol sa mga bahagi na ito ng katawan.

Ang mismong pagsusuri sa pigsa ay simple lamang: titingnan ng doktor ang bukol at marahil ay kumuha siya ng sampol ng nana mula sa pigsa. Ito ngayon ay kanyang ipapadala sa laboratoryo ng ospital para sa karagdagang pagsusuri. Mahalagang malaman mo kung kailan ka pa nagkaroon ng pigsa, kung kailan nagsimulang magpakita ito ng sintomas, at kung gaano na katagal ang iyong sakit.

Tandaan, sabihin agad sa iyong doktor kung ang iyong pigsa ay hindi agad gumaling sa loob ng dalawang linggo. Maaari mo ring ipaalam sa iyong doktor kung ikaw ay dati nang nagkaroon ng ganitong sintomas.

Ano ang mga sintomas ng pigsa?

Maaaring magkaroon ng pigsa ang isang tao sa kahit na anong parte ng kanilang katawan, ngunit mas karaniwang ito ay magpakita sa leeg, sa mukha, sa balikat, sa kilikili, sa hita, at sa mga pisngi ng puwit. Ito ay ang mga parte ng katawan na tinutubuan ng buhok at madalas na pinapawisan at nakikiskis na nagsasanhi ng maliliit na sugat at galos.

Ang pinakahalatang sintomas ng pigsa sa ay ang nakaumbok at namumula na bukol sa balat. Ang bukol na ito ay masakit kapag hinawakan dahil ito ay namamaga na. Iba-iba ang sukat isang pigsa na magpapakita sa iyong katawan. Mula kasing laki ng isang butil ng bigas hanggang sa parang kabuti na ang laki ang saklaw ng mga laki ng isang pigsa.

Ang bukol ng isang pigsa magsisimulang maging matigas sapagkat ito mabilis na mapupuno ng nana. Ang balat naman sa palibot ng pigsa ay may tiyansa na mamaga rin. Sa paglipas ng araw, ang pigsa ay bahagyang lalambot ngunit ito rin ay lalaki. Narito ang iba pang mga palatandaan ng malalang impeksyon sa balat na dulot ng pigsa:

  • Ang balat sa paligid ng pigsa ay nagkakaroon din ng impeksyon
  • Pagkakaroon ng mga maliliit na pigsa sa paligid ng naunang bukol
  • Pagkakaroon ng namamagang kulani
  • Pagkakaroon ng lagnat
  • Pagpula, pagpaga, at pagsakit ng di pangkaraniwan ng balat sa paligid ng pigsa
  • Masakit, mapula, at matigas na bukol na umaabot sa kalahati ng isang pulgada ang laki
  • Paglaki at paglambot ng bukol matapos ng ilang araw dahil ito ay napupuno ng nana
  • Pagkakaroon ng maputi o madilaw na dulo ng bukol na sa kalaunan ay puputok at maglalabas ng nana
  • Pangangati sa palibot ng bukol
  • Pananakit ng katawan
  • Lagnat
  • Matinding pagkapagod
  • Paglabas ng nana matapos lamang ng isang araw ng pamamaga

Mabisang gamot sa pigsa

Ang pagkakaroon ng pigsa ay isang karamdaman na halos hindi na nangangailangan ng medikal na pamamagitan. Kung sa iyong tingin ay ikaw ay mayroon o malapit nang magkaroon ng pigsa, maraming paraan ang maaari mong gawin sa iyong bahay para mapabilis ang pagkawala nito. Panatilihin lamang na palaging ligtas at malinis ang pagsasagawa mo ng mga ito.

Narito ang ilan sa mga dapat mong gawin kung ikaw ay may pigsa:

  • Gamitin ang init para lunasan ang iyong pigsa. Ang paglalagay ng init sa pigsa ay magpapabilis sa sirkulasyon ng dugo at tutulong ito sa pag gana ng immune system ng katawan. Ang sariwang dugo na ito ang magdadala ng white blood cells at antibodies sa lugar ng impeksyon at syang pupuksa rito.
  • Maaari ka ring gumamit ng isang bote na may lamang mainit na tubig upang painitin ang bahagi ng iyong katawan na may pigsa. Ilagay lamang ito sa apektadong lugar ng iyong balat ng 10 hanggang 20 minuto sa bawat dalawang oras.
  • Maaari ring gumamit ng bimpo na ibinabad sa mainit na tubig. Gaya ng bote na may mainit na tubig, makakatulong ito upang matunaw ang mga nanigas na nana sa iyong pigsa at magpapadala ito ng sapat na nutrients at oxygen sa white blood cells sa lugar ng impeksyon.
  • Pagkatapos gumamit ng mainit na compress, ibabad sa maligamgam na tubig ang pigsa. Makakatulong ito sa paglabas ng nana at mababawasan nito ang pananakit sa palibot na lugar. Ang pigsa ay maaaring pisain kapag ito ay tinubuan na ng mata kung ibababad ito ng ilang ulit.
  • Laging tandaan na hindi dapat subukang pisain o operahin ang iyong pigsa habang ito ay maliit at matigas pa. Karamihan sa mga pigsa ay kusa na lamang na mapipisa matapos itong painitan gamit ang bimpo o bote. Kapag iyong pinilit ang pagpisa ng pigsa, maaari itong magdulot ng pangmatagalang impeksyon, pamamaga, at pangingitim ng peklat.
  • Kung ang iyong pigsa ay nagsisimula nang labasan ng nana, makakatulong kung ito ay iyong huhugasan gamit ang sabon na may anti-bacterial na katangian. Hugasan ang apektadong bahagi ng katawan hanggang sa maalis na ang lahat ng nana. Maaari rin itong linisin gamit ang rubbing alcohol. Pagkatapos, dapat ito ay lagyan ng ointment na may antibiotic na katangian at bendahan. Ipagpatuloy ang paghugas ng apektadong balat ng dalawa o tatlong ulit kada araw at gumamit ng compress hanggang sa ito ay tuluyan nang gumaling.
  • Huwag gumamit ng karayom sa pagpisa ng pigsa dahil ito ay magpapalala lamang sa impeksyon. Sa katunayan, may mga kaso na ang paggamit ng karayom sa pagpisa ng pigsa ay nauwi sa tetano.
  • Kung ang iyong pigsa ay patuloy na lumalala at nakararanas ka ng seryosong impeksyon, malamang na ikaw ay kakailanganin ng iyong doktor na sumailalim sa isang blood test. Ang doktor ay magrereseta sa iyo ng isang mabisang gamot sa pigsa upang labanan ang impeksyon. Kukuha ng sample ng nana iyong doktor upang ito ay gawing culture kung ang iyong pigsa ay nilalabasan na ng nana. Makikita rin sa blood test na ito kung ang iyong katawan ay tumutugon sa gamot na ibinigay sa iyo.
  • Mayroon pa rin ngang mga kaso na ang pigsa ay kailangan operahin ng doktor upang lumabas ang nana. Kailangan mong panatilihing malinis ang paligid ng iyong sugat kung ganito ang magiging sitwasyon mo. Dapat mo ring sundan ang tamang reseta ng gamot sa pigsa na ibinigay sa iyo ng doktor.

Iwasan ang pagkakaroon ng pigsa sa tulong ng TGP

Sa The Generics Pharmacy, alam namin na importante ang pag-iwas sa sakit bago pa man ito mangyari. Ang tamang paglinis sa sarili ay ang magpapababa ng tiyansa na ikaw ay magkaroon ng pigsa. Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga payo mula sa The Generics Pharmacy upang maiwasan ang sakit na ito:

  1. Ugaliing maghigas ng kamay pagkatapos gumamit ng palikuran at bago kumain
  2. Maligo ng hindi bababa sa isang beses kada araw upang iwasang kapitan ng mga mikrobyo
  3. Huwag tirisin ang mga pigsa at iba pang mga bukol sa balat
  4. Ibabad sa mainit na tubig ang mga kumot, tuwalya, at damit minsan sa isang linggo
  5. Makipag-usap sa iyong doktor kung sakaling ikaw ay may iba pang karamdaman at kung hindi mo kayang gamutin ang pigsa na tumubo sa iyo

Para sa iyong mga pangangailangan gaya ng gamot sa pigsa, ang The Generics Pharmacy ang iyong maaasahan. Kung ikaw ay may pigsa at interesado ka sa mga gamot para rito o para sa anupamang mga karamdaman, pindutin lamang ang link na ito para pumunta sa kanilang website.

Bundle Pack Lakbay Essentials Kit TGP
Bundle Pack Lakbay Essentials Kit (TGP)-1
Cetirizine 10ml grape syrup
Cetirizine Drops 10mg/10ml
TGP Cetirizine Syrup
Cetirizine Syrup 5mg/5ml 60ml (TGP)-1
Isoniazid 300mg Tablet
Isoniazid Tab 300mg (TGP)-100
Scroll to Top