Generic selectors
Exact matches only
Search in title
Search in content
Search in posts
Search in pages
Filter by Categories
articles
banner
banner-test
community
mother-banner
services
trending
Uncategorized

Gamot sa Singaw: Mga Palatandaan, Sintomas at Mga Alternatibong Lunas

Gamot sa Singaw Mga Palatandaan, Sintomas at Mga Alternatibong Lunas

Ang mouth sore ay kilala sa iba’t ibang pangalan: apthous stomatitis, aphtous ulcer, canker sore o mas kilala sa Pilipinas bilang “singaw.” Karaniwan itong makikita sa labi, dila, o sa pisngi. Ito ay puti, kulay abo o minsa’y kulay dilaw na mayroong pulang gilid sa mga apektadong lugar. Masakit magkaroon ng singaw, kaya naman karamihan ay naghahanap ng gamot sa singaw upang ito ay tuluyan ng mawala. Kadalasan, ito ay nawawala nalang nang kusa subalit maaari itong lumala at lumaki kapag ito ay napabayaan.

Maraming experts ang nagsasabi na mainam na uminom ng gamot sa singaw upang ito ay hindi na maka abala sa iyo—maaari mong isipin na maliit lamang ito, ngunit napakasakit nito lalo na tuwing ikaw ay kakain. Tiyak na maaapektuhan nito ang iyong malusog na diet.

Bukod pa rito, maaari rin ito maging rason para maging balisa sa iyong trabaho at maging sanhi sa pagkawala ng iyong focus para sa mga gawain. Mahihirapan ka rin makipagusap sa iyong mga katrabaho at sa iyong boss.

Nakakabuti talagang bigyang pansin ang singaw; hindi mo dapat ito pabayaan.

Sa mga nais malaman ang dapat nilang gawin kapag sila ay nagkaroon ng singaw, basahin lamang ang information na nakatala sa ibaba.

Ano ang Singaw?

Ano ang Singaw

Ang singaw ay nagdudulot ng mga maliliit na ulcer sa bibig na madalas na natatagpuan sa labi, dila, o sa loob ng iyong pisngi.

Hindi nalalaman ang eksaktong dahilan kung bakit ito ay nangyayari ngunit mayroong mga sanhi na maaaring maging sanhi nito. Ang singaw ay nagbibigay ng mahapdi na sugat sa loob ng bibig na magiging dahilan para hindi makatulog, hindi makakain, o hindi makapagsalita ang isang tao.

Ang mga maliit at mababaw na sugat na ito ay nagiging sanhi ng kahirapan sa pagsasalita, pagnguya ng pagkain, at konsumo ng mga inumin. May dalawang uri ng singaw, ito ay ang simple at komplikadong singaw.

Ang mga simpleng singaw ay ang tawag sa singaw na dumadapo sa biktima sa loob ng tatlo hanggang apat na ulit kada taon. Karaniwan itong tumatagal ng hanggang dalawang linggo. Madalas na naapektuhan nito ang mga tao na may edad na 10 hanggang 20 taong gulang.

Ang mga komplikadong singaw naman ay bihira lamang sumulpot at madalas ay dumadapo sa mga tao na nakaranas na nito. Importante ring bantayan ang mga pabalik-balik na singaw dahil ito ay maaaring maging senyales ng iba pang mga sakit katulad na lamang ng Crohn’s disease, celiac disease, vitamin deficiency, at HIV.

Ang mga mabisang gamot sa singaw ay ang sagot para maiwasan ang mga sakit na dulot nito. Maari ring humanap ng mga alternatibo na lunas para rito bukod sa gamot sa singaw na ginagamit ng ibang mga tao.

Anu-ano ang mga Karaniwang Sanhi ng Singaw?

Anu-ano ang mga Karaniwang Sanhi ng Singaw

Bakit nga ba nagkakaroon ng singaw ang mga tao?

Hindi madali matukoy ang eksaktong dahilan kung bakit nagkakaroon tayo ng singaw. Ngunit, ayon sa mga doktor, ang simpleng singaw ay maaaring nagmumula sa stress o pagkapinsala sa tissue.

Mayroon ding mga pagkain na maaaring magpalitaw ng singaw tulad ng mga citrus o acidic na mga prutas at gulay. Ang mga iilang halimbawa nito ay ang mga lemon, calamansi, dalandan, pinya, mansanas, igos, kamatis, at strawberry. Kung ikaw naman ay mayroon nang singaw, maaaring mangyari na mas lalo itong lumala kapag ikaw ay kakain ng mga prutas na ito. Bukod sa mga pagkaing ito, posible ka rin magkasingaw kung ikaw ay may matalim na ipin, dentures, o braces.

Itong mga karaniwang kaso na ito ay nangyayari dahil sa iritasyon na sanhi ng sirang ipin, maling pagsuot o lagay ng pustiso, madalas na pagkagat sa labi o dila, pagkain ng sobrang init na pagkain o inumin, at pagkagat ng sigarilyo.

Ang mga singaw din ay maaaring dulot ng paghina ng depensa ng katawan, hormonal changes, stress, pagkabahala, madalas na pagbilad sa araw, at iba pa.

Sa mga kaso ng komplikadong singaw, ito ay nadudulot ng ilang problema sa kalusugan tulad ng mababang resistensiya, kakulangan sa bitamina at nutrisyon – kulang sa bitaminang B-12, Zinc, Folic Acid, o Iron. Ito rin ay dinudulot ng mga gastrointestinal na sakit tulad ng Celiac disease at Crohn’s disease.

Ang Celiac disease ay isang reaksyon ng immune system sa pagkain ng gluten, isang protina na natatagpuan sa mga pagkain na mayroong wheat, barley, at rye—mga sangkap sa pag gawa ng tinapay. Ang Crohn’s disease naman ay isang inflammatory bowel disease (IBD) na nagdudulot ng sakit sa tiyan, malubhang diarrhea, pagkapagod, panlalata, pagbawas sa timbang, at malnutrisyon.

Mga Sintomas ng Singaw

Mga Sintomas ng Singaw

Paano mo nga ba malalaman kung ikaw ay mayroong singaw? Nakabubuting iyong alalahanin na ang singaw ay maaaring senyas ng mas malubha pang karamdaman—mga sakit na hindi maaalis ng mga gamot sa singaw. Kaya naman, mas mainam talagang alamin ang mga senyales na ikaw ay mayroon ng singaw.

  • Ito ay kadalasang lumilitaw bilang isang masakit na sugat sa loob ng iyong bibig – sa dila, malambot na ngala-ngala (soft palate), o sa loob ng iyong pisngi.
  • Pakiramdam na nasusunog o pangingilig sa bunganga bago lumitaw ang mga masasakit na sugat.
  • Mga sugat sa iyong bibig na bilog, kulay puti o kulay-abo, na may pulang gilid o hangganan.
  • Paglalaway at paghihirap sa paglunok.
  • Rashes sa balat na sanhi ng diperensiya sa immune system.

mportante ring malaman na kapag lumala ang singaw, may ka-akibat pa itong ibang sintomas gaya ng:

  • Lagnat o trangkaso
  • Pisikal na kabagalan
  • Namamagang lymph nodes o kulani

Ngayong mayroon ka nang karagdagang kaalaman tungkol sa sakit na singaw, paano nga ba maiiwasan ang pagkakaroon nito? Bukod sa gamot sa singaw na iyong pwedeng gamitin, importante rin na alam mo ang mga hakbang para tuluyang maiwasan ang sakit na ito.

Inilista namin sa ibaba ang mga iilang paalala para ikaw ay hindi magkasingaw.

  • Pag-iwas sa mga pagkain na maaaring magdulot ng iritasyon sa bibig, kabilang na ang mga citrus na prutas, acidic na gulay, at maanghang na pagkain.
  • Umiwas sa pag nguya ng chewing gum.
  • Magsipilyo gamit ang malambot na toothbrush pagkatapos kumain at mag floss araw araw.

Mga Mabisang Gamot sa Singaw at mga Alternatibong Lunas

Mga Mabisang Gamot sa Singaw at mga Alternatibong Lunas

Upang maprotektahan mo ang iyong sarili laban sa singaw, may mga gamot at mga lunas na maaari mong gawin. Tulad nang ating natalakay, ang singaw ay nagdudulot ng pagkagambala ng ating mga gawaing pang araw-araw—hindi lamang sa bahay kundi pati na rin sa ating mga opisina.

Bago pa man dumating sa ganitong sitwasyon, agapan na gamit ang mabisang gamot sa singaw nang hindi ito magbunga pa ng ibang malubhang sakit. Kumonsulta sa doktor at sa mapagkakatiwalaang botika para maging protektado at ligtas sa ibang sakit na maaaring dumapo sa iyo.

Bukod sa mga dental ointment at oral ingested na gamot, maaari ring gumamit ng mouthwash para maibsan ang sakit na ito. Mayroon ding mga natural at mabisang lunas para rito gamit ang mga sangkap na makikita mo lamang sa iyong kusina o mabibili sa sari-sari store o pinakamalapit na grocery.

Ito ang ilan sa kanila:

  • Peppermint at Langis ng Eucalyptus

Ito ay makakatulong upang mamanhid ang sugat na dulot ng singaw. Ang peppermint at langis ng Eucalyptus ay may anti-inflammatory properties na tumutulong sa pagpigil ng pamamaga ng anumang sugat sa katawan, nabibilang na rito ang singaw.

Maaari ka ring gumamit ng astringent na makakatulong sa pagsasara ng mga tissue sa paligid ng sugat. Ito rin ay may cooling properties na mabisang pampaginhawang dulot ng langis na ito.

  • Baking Soda

Mabisa rin ang baking soda o sodium bicarbonate dahil isa itong anti-bacterial, anti-microbial, at anti-septic na pumapatay ng bacteria na sanhi ng singaw. Ito ay mabisang panlaban sa impeksyon sa bibig at nagbubuo rin ng karagdagang proteksyon para hindi na maulit ang singaw.

Mayroon din itong anti-inflammatory property na nagpapahupa sa pamamaga at nagiging rason para mawala ang sakit na hatid ng singaw. Upang gamitin ito, gumawa ng paste gamit ang baking soda at kaunting tubig tsaka ito ipahid sa singaw. Patagalin ng 10 minuto at magmumog ng malamig na tubig pagkatapos.

  • Yogurt

Ang yogurt ay isa ring alternatibong lunas na nakakaginhawa ng hapdi ng singaw. Ang bacteria na kasama sa sangkap nito ay galing sa fermentation process ng yogurt; sila ay nakatutulong na mag balanse ng bacteria sa iyong bibig. Ang pagkakaroon ng singaw ay ang rason kung bakit nakukulangan ang good bacteria sa iyong bibig.

Ang mga live cultures na makikita sa yogurt ay mabisa at pwede rin itong haluan ng pulot (honey) para mas maging epektibo ito.

  • Tubig na may Asin

Isa sa mga kinaugaliang remedy para sa singaw, ang pagmumumog ng tubig na may asin. Ito ay gumagana dahil ang asin ay nakakapagpalabas ng fluid sa laman ng tao. Dahil dito, ang pamamaga dahil sa pagkaipon ng fluid sa sugat o singaw ay kayang palabasin ng asin sa pamamagitan ng pagmumumog nito.

Ito rin ay mabisa dahil ang asin ay may antibiotic property na nagtatanggal ng sakit at impeksyon; nililinis nito ang sugat para malabanan ang impeksyon at pamamaga. Ihalo ang kalahating kutsarita ng asin sa ¼ baso ng tubig, at magmumog 3 beses sa isang araw para magamit ito bilang lunas sa singaw.

Subukan ang iba’t ibang remedyong ito bilang gamot sa singaw kung hindi kinakailangan ng agad-agarang gamot mula sa preskripsyon ng doktor. Laging tatandaan na huwag gumamit nang gamot kapag hindi nakahingi ng payo mula sa isang eksperto.

Kailan Ka Dapat Kumonsulta sa Doktor?

Kailan Ka Dapat Kumonsulta sa Doktor

Kung ang mga lunas na nabanggit ay hindi epektibo at patuloy ang pagbalik ng singaw, ito ay senyales na para bumisita at kumonsulta sa isang doktor o dentista. Ito ay maaaring magkahulugan na mayroon pang ibang sakit na dapat bigyang pansin na dulot ng pagkakaroon ng singaw. Maaaring ito ay sanhi ng iba’t ibang sakit tulad ng HIV, Celiac disease, Crohn’s disease, immune deficiency at iba pa.

Ang Crohn’s disease ay ang pamamaga ng digestive tract na nagdudulot ng pananakit ng tiyan, pagtatae, at pagbawas sa timbang. Maaari itong mabigyang lunas sa pagbabago ng mga kinasanayang pagkain, pag-iwas sa bisyo, pananatili ng malusog na pagkain, at pag-ehersisyo.

Ang Celiac disease naman ay isang autoimmune disorder na madalas na nakakaapekto sa mga sanggol at kabataan. Nabibilang sa mga sintomas nito ang pag-lobo ng tiyan, pababalik-balik na pagtatae, pagsusuka, pagka-iritable, at pag-baba ng timbang.

Ang HIV din ay mayroong sintomas na pagkakaroon ng singaw. Ito ay isang virus na maaaring humantong sa pagkakaroon ng Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS). Ang pagkakaroon ng sakit na ito ay nagiging sanhi ng pagpatay ng mga selula na responsible sa paglaban at pagpatay sa mga impeksyon sa katawan na siyang dahilan kung bakit humihina ang immune system ng tao.

Kaya naman ang singaw ay di lamang singaw, maaari itong magdulot ng mas malubha pang karamdaman. Narito ang mga senyales na karapat-dapat ng ikaw ay pumunta at komunsulta sa doktor o dentista:

  • Kapag hindi na karaniwan at malalaki na ang singaw
  • Kung ang singaw ay kumakalat
  • Kapag ang singaw ay tumagal ng 3 linggo o mas higit pa
  • Kung ikaw ay nakakaranas ng matinding sakit kahit na umiwas sa pagkain na bawal at kahit na gumagamit ng gamot sa singaw
  • Nahihirapan sa pag-inom ng mga likido
  • Kasabay ng paglitaw ng singaw, ikaw ay nagkaroon nang mataas na lagnat

Maging alerto sa mga sintomas na ito nang hindi na lumala pa ang iyong sakit. Ang mga payo ng eksperto ay mapagkakatiwalaan higit pa sa pag gamot sa sariling paraan. Bantayan ang mga senyales ng singaw para maagapan agad ang iba’t ibang uri pa ng sakit.

Labanan ang Singaw Kasama ng The Generics Pharmacy

Pagdating sa usapan ng gamot sa singaw at iba pang sakit, ang The Generics Pharmacy ang isa sa mga takbuhan ng mga tao. Higit pa sa paghahatid ng mga lunas, makakaasa ka rin na maibibigay naming ang mga sagot sa mga katanungan mo tungkol sa usaping medikal. Alamin ang mga sintomas ng singaw at labanan ang mga ito.

Kasing epektibo ng mga gamot na para sa singaw, mawawala rin ang iyong pangangamba na ikaw ay uminom ng maling gamot dahil sa mga propesyonal na tulong ang makukuha mo sa The Generics Pharmacy. Kahit ano pa man ang iyong karamdaman (singaw, lagnat, o sipon), lahat ng ito ay may lunas na matatagpuan mo rito.

Hangad lamang ang pinaka mabisang tulong sa taong bayan sa pamamagitan ng paghahatid ng dekalidad at abot kayang gamot. Ang mga generic na gamot ay nakatulong sa maraming pamilya upang maibsan ang maraming uri ng sakit.

Ang The Generics Pharmacy ay matatagpuan sa bawat sulok ng Pilipinas. Makakatiyak na ang iyong bibilhing gamot sa amin ay ligtas, epektibo, at sulit.

Para magkaroon ng karagdagang impormasyon tungkol sa The Generics Pharmacy, i-click lamang ito.