Ano-ano ang mga tips para makaiwas sa sakit sa baga?
- Pag-iwas sa paninigarilyo at second-hand smoking
- Pagsuot ng face mask tuwing lalabas ng bahay
- Pagpapabakuna laban sa mga sakit
- Pagkain ng masutansiyang pagkain
- Pag-iwas sa exposure sa mga allergens
Overview
- Ang artikulong ito ay nagbibigay ng mahahalagang tips para sa pag-iwas sa mga sakit sa baga, na binibigyang-diin ang kahalagahan ng pagpapanatili ng kalusugan ng baga.
- Tinutukoy nito ang panganib ng paninigarilyo at second-hand smoke, ang mga benepisyo ng pagsusuot ng face mask, ang kahalagahan ng pagpapabakuna, at ang papel ng masustansiyang pagkain.
- Dagdag pa rito, tinatalakay nito ang pangangailangang iwasan ang exposure sa mga allergens upang maprotektahan ang kalusugan ng respiratory system at mabawasan ang panganib ng mga kaugnay na kondisyon.
Ang ating baga ay isa sa mga pinakamahalagang bahagi ng ating katawan na responsable sa pagkuha ng oxygen na kinakailangan ng bawat cells ng ating katawan. Kaya’t mahalagang manapatiling malusog ang mga ito upang maiwasan ang mga serious diseases na p’wedeng makaapekto sa ating kalusugan, tulad ng asthma, chronic obstructive pulmonary disease (COPD), at pneumonia.
Sa article na ito, tatalakayin natin ang mga tips na dapat mong malaman sa pag-iwas sa sakit sa baga. Sa pamamagitan ng tamang pag-aalaga, makakamit mo ang mas maayos na kalusugan at mas aktibong pamumuhay.
Pag-iwas sa Paninigarilyo at Second-hand Smoking
Ang paninigarilyo ay isa sa mga pangunahing sanhi ng sakit sa baga. Ayon sa isang pag-aaral, ang mga naninigarilyo ay may 15-30 beses na mas mataas na panganib na magkaroon ng lung cancer kumpara sa mga hindi naninigarilyo.
Ito ay dahil sa mga kemikal na matatagpuan sa sigarilyo, tulad ng nicotine, tar, at iba pang nakalalasong substansiya, na nagdudulot ng pamamaga sa mga baga, nagpapahina sa immune system, at nagiging sanhi ng pagkasira ng lung tissue.
Hindi lamang ang mga naninigarilyo ang apektado; ang second-hand smoke o passive smoking ay nagdadala rin ng masamang epekto sa kalusugan. Ayon sa CDC, tinatayang 41,000 na non-smoking adults ang namamatay bawat taon dahil sa mga sakit na nauugnay sa second-hand smoke.
Dahil dito, napakahalaga na lumikha tayo ng isang smoke-free environment, lalo na para sa mga bata at matatanda.
Pagsuot ng Face Mask tuwing Lalabas ng Bahay
Sa panahon ngayon, ang pagsusuot ng face mask ay naging bahagi na ng ating pang-araw-araw na buhay. Ayon sa isang meta-analysis, mayroong significant protective effect ang facemask use laban sa respiratory infections (OR = 0.84).
Ito ay hindi lamang nakatutulong upang maiwasan ang pagkalat ng virus kundi nagbibigay din ito ng proteksyon laban sa airborne pollutants at allergens. Sa tuwing tayo ay lalabas, lalo na kung nasa lugar na may mataas na polusyon o maraming tao, mainam na magsuot ng face mask.
Mahalaga ring malaman kung paano dapat gamitin at itapon ang face mask nang tama. Sa isang pag-aaral, natuklasan na 91% ng mga tao ay hindi nagsasagawa ng tamang hand hygiene bago isuot o pagkatapos magtanggal ng face mask.
Kaya naman siguraduhing malinis ang kamay bago isuot ito at iwasang hawakan ang harapang bahagi habang ginagamit. Matapos gamitin, itapon ito nang maayos upang maiwasan ang contamination.
Pagpapabakuna Laban sa Mga Sakit
Isa pang mahalagang hakbang upang mapanatili ang kalusugan ng baga ay ang pagpapabakuna laban sa mga sakit. Ayon sa World Health Organization (WHO), ang bakuna laban sa pneumonia at tuberculosis ay partikular na nakatutulong upang maiwasan ang malubhang kondisyon na maaaring makaapekto sa ating respiratory system.
Ang pagpapabakuna ay hindi lamang nakikinabang sa isang tao kundi pati na rin sa komunidad. Kapag maraming tao ang nabakunahan, nababawasan ang posibilidad ng pagkalat ng sakit.
Ayon din sa isang pag-aaral, mas mataas ang vaccination rates para sa pneumonia sa mga matatanda kumpara sa mga kabataan, kaya't mahalagang kumonsulta tayo tungkol dito para makuha natin ang tamang impormasyon.
Pagkain ng Masutansiyang Pagkain
Ang tamang nutrisyon ay may malaking papel din sa kalusugan ng baga. Ang mga masustansiyang pagkain tulad ng prutas at gulay ay nagbibigay ng mahahalagang nutrients at antioxidants na nakatutulong upang mapanatili ang malusog na respiratory system.
Ayon sa isang pag-aaral, ipinakita na ang pagkain ng mga prutas at gulay ay makakatulong sa pagbawas ng risk sa iba’t ibang uri ng respiratory diseases. Bukod pa diyan, mahalaga ring isaalang-alang ang pagkakaroon ng balanced diet—ang wastong nutrisyon ay nagpapalakas hindi lamang ng immune system kundi pati na rin ng kakayahan ng katawan na labanan ang impeksyon at inflammation.
Pag-iwas sa Exposure sa Mga Allergens
Ang exposure sa allergens tulad ng pollen, alikabok, at pet dander ay maaaring magdulot ng allergic reactions at respiratory issues tulad ng asthma. Ayon sa American College of Allergy, Asthma & Immunology (ACAAI), humigit-kumulang 50 milyong tao bawat taon ang nakakaranas ng allergy symptoms.
Upang makaiwas dito, mahalagang malaman kung ano ang mga allergens na nasa ating paligid at kung paano natin maiiwasan ito. Maaari ding makatulong ang pag-iwas sa outdoor activities tuwing mataas ang pollen count o kapag mayroong pollution alerts.
Sa ganitong paraan, mababawasan natin ang posibilidad na makaranas ng allergy symptoms o iba pang respiratory problems.
Key Takeaway
Maraming hakbang ang maaari nating gawin para sa pag-iwas sa sakit sa baga at mapanatili ang ating kalusugan. Huwag ding kalimutang kumonsulta sa iyong doktor para makakuha pa ng karagdagang impormasyon tungkol sa pagpapabuti ng iyong respiratory health.
Para mas mapabuti pa ang iyong kalusugan at makakuha ng access sa abot-kayang gamot para sa iyong pamilya, bisitahin ang The Generics Pharmacy online—dito ka na sa TGP, iyong Kaibigan sa Kalusugan!