Ano ang Sakit sa Baga at Mga Sanhi Nito

Overview

Ang artikulong ito ay patungkol sa iba’t-ibang uri ng sakit sa baga tulad ng tuberculosis, COPD, pneumonia, at asthma. Tinatalakay din ang mga sanhi, sintomas, at kahalagahan nang maagap na lunas at konsultasyon sa doktor upang maiwasan ang paglala ng mga sakit na ito.

Hindi natin maiiwasan ang pagkakaroon ng sakit dulot ng ating lifestyle o iba pang dahilan. Isa na rito ang pagkakaroon ng sakit sa baga. Kaya naman, upang mabigyan nang agarang lunas at maiwasan ito, mahalagang mayroong sapat na kaalaman ang bawat isa tungkol dito. 

Sa blog na ito, ating tatalakayin ang sakit sa baga at ang mga pangunahing sanhi nito. Sa pamamagitan nito, maaari nating matugunan nang maaga ang mga hamong dulot nito sa ating kalusugan.

Ano ang Sakit sa Baga?

Ano ang Sakit sa Baga?

Ang sakit sa baga ay tumutukoy sa sakit na nararanasan ng ating respiratory system. Maaaring makaapekto ito sa sinuman, ngunit may mga taong mas mataas ang panganib na magkaroon nito gaya ng mga matatanda at mga taong may pre-existing condition.

Mayroong iba’t ibang uri ng sakit sa baga. Nairito ang ilan sa kanila:

Tuberculosis (TB) 

Ang tubercolosis ay isang nakakahawang sakit dulot ng Mycobacterium tuberculosis na may dalang panganib sa lahat, lalo na sa mga taong may mahinang immune system tulad ng mga bata, matatanda, buntis, at mga taong may HIV/AIDS. 

Sa isang press conference noong 2023 ng Philippines Health Secretary, sinaad dito na sa kada 100,000 tao, 549 dito ay may kaso ng TB. Ito ay higit na mas mataas kompara noong 2022 na may 439 cases.

Ang sakit na ito ay maaring magdulot nang ubo na may kasamang dugo, lagnat, paghina, pamimigat ng dibdib, at pagpayat na hindi maipaliwanag. Kapag hindi naagapan, maaari itong lumala at makasira sa mga internal organs tulad ng baga, puso, at utak.

Chronic Obstructive Pulmonary Disease (COPD) 

Sa isang article mula sa World Health Organization noong 2019, ang COPD ay pangatlo sa mga leading causes of death worldwide na may halos 3.23 million death cases. Ito isang uri ng malubhang sakit sa baga na kadalasang sanhi ng pagbabara ng airways sa baga.

Mga matatanda, naninigarilyo o may history ng paninigarilyo, at exposed sa matinding pollution ang may mas mataas na panganib sa sakit na COPD. Kapag hindi agad ito naagapan, maaari itong magdulot ng pagkasira ng baga o pagkamatay.  

Pneumonia 

Ang pneumonia ay kadalasang sanhi ng bacteria, virus, o fungi. Ito ay nagdudulot ng pamamaga sa baga at nagiging sanhi ng ubo, hirap sa paghinga, at pananakit ng dibdib. Sa mga mas malalang kaso, nagreresulta ito sa complications o pagkamatay. 

Sa Pilipinas, mayroong 34,507 na kaso ng sakit na naitala noong 2023 kung saan  karamihan ay mga bata at matatanda. Dahil sa limited access sa tamang gamot at health service, marami sa ating mga kababayan ang hindi nabibigyan nang sapat na lunas laban sa sakit na ito. 

Asthma

Humigit-kumulang 339 milyong tao sa buong mundo ang mayroong asthma. Bagama’t maaari itong makaapekto sa mga indibidwal sa anumang edad, ito ay mas karaniwan sa mga bata kaysa sa mga matatanda.

Ito rin ay isang chronic respiratory condition na sanhi ng pamamaga sa airways ng baga. Ang mga taong nakakaranas nito ay madalas nagkakaroon nang pananakit sa dibdib, hirap sa paghinga, at panginginig ng katawan. 

Ano-ano ang Karaniwang Sanhi Nito?

Ang pagkakaroon ng sakit sa baga ay maaaring magmula sa iba't ibang sanhi na may kinalaman sa ating lifestyle at kapaligiran. Kaya naman, mahalagang maunawaan ang mga pangunahing dulot nito. Narito ang ilan sa kanila:

Paninigarilyo

Isa sa pinakamalaking dulot ng sakit na ito ay ang paninigarilyo. Mayroong acrolein ang sigarilyo, na isang chemical at nakakasira sa ating baga. Ito’y nagdudulot ng iba’t ibang sakit tulad ng chronic obstructive pulmonary disease (COPD) at lung cancer.

Air Pollution

Ang air pollution mula sa sasakyan, pabrika, at iba pang pinagmulan ng chemical ay maaaring magdulot ng irritation sa ating baga at magpalala ng mga sakit tulad ng asthma at bronchitis.

Bacteria at Virus

Ang mga bacteria at virus infections ay p’wedeng magdulot ng mga sakit sa baga tulad ng pneumonia at tuberculosis. Ang hindi maayos na paggamot sa mga infections na ito ay maaaring magresulta sa lung complications.

Genetic

May ilang mga sakit sa baga sanhi ng genetics tulad ng cystic fibrosis at alpha-1 antitrypsin deficiency. Ang mga taong may history ng mga kondisyong ito sa kanilang pamilya ay may mataas na tyansang magkaroon nito. 

Paano Maibsan ang Sakit sa Baga?

Ang pinakamahalagang hakbang sa pagpapagaling mula sa sakit sa baga ay ang paglapit sa doktor para magpakonsulta. Sila ay magbibigay sa ‘yo ng tamang diagnosis at magrereseta ng angkop na gamot o therapy para sa kondisyon na iyong nararamdaman. 

Bukod dito, mahalaga rin ang pagtigil sa paninigarilyo at pagpapanatili ng malusog na pamumuhay tulad ng regular na pag-eehersisyo at wastong nutrisyon.

Key Takeaway

Ang sakit sa baga ay isang malubhang problema sa kalusugan na maaaring maiwasan sa pamamagitan ng tamang pangangalaga sa kalusugan at pag-iingat sa mga sanhi nito. Sa pamamagitan nito, maaari nating protektahan ang ating mga baga at mapanatili ang mahusay na kalusugan.

Bisitahin ang The Generics Pharmacy para sa malawak na choices ng abot-kaya at dekalidad na gamot. Huwag nang maghintay, pumunta na sa pinakamalapit na branch o mag-order online para sa mas mabilis at maginhawang serbisyo.

Search on blog