Ano-ano ang mga sintomas na ikaw ay may sakit sa puso?
- Matinding pananakit ng dibdib
- Madalas na hirap sa paghinga
- Irregular palpitations
- Biglaang pagkahilo
- Pamamaga ng katawan
Overview
- Ang artikulong ito ay nagbibigay-diin sa mga sintomas ng sakit sa puso na dapat bantayan.
- Kabilang dito ang matinding pananakit ng dibdib, madalas na hirap sa paghinga, irregular palpitations, biglaang pagkahilo, at pamamaga ng katawan.
- Ang mga sintomas na ito ay maaaring magpahiwatig ng seryosong kondisyon sa puso, kaya't mahalagang kumonsulta agad sa doktor para sa tamang pagsusuri at paggamot.
Ang sakit sa puso ay isa sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay sa buong mundo, kabilang na sa Pilipinas. Mahalaga ang maagang pagtukoy sa mga sintomas nito upang agad na makapagbigay ng tamang lunas at maiwasan ang mas malalang komplikasyon.
Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang mga pangunahing sintomas ng taong may sakit sa puso. Makakatulong ito upang mapanatili ang kalusugan ng ating puso at maiwasan ang mga panganib na dulot nito.
Matinding Pananakit ng Dibdib
Ang matinding pananakit ng dibdib ay isa sa mga unang sintomas ng sakit sa puso. Karaniwan itong naiuugnay sa mga sakit tulad ng angina at iba pang coronary artery diseases.
Ang pakiramdam na dala nito ay tila may pamimigat o paninikip ng iyong dibdib. Maaari ding kumalat ang sakit na dala nito patungo sa iyong mga braso, panga, o likod.
Kung ang pananakit ng dibdib ay may kasamang hingal, labis na pagpapawis, o pagduduwal, mas mataas ang posibilidad na ito’y kaugnay ng isang seryosong problema, tulad ng atake sa puso.
Ang mga ganitong sintomas ay hindi dapat balewalain, lalo na kung ito ay nangyayari nang paulit-ulit o sa biglaang pagkakataon. Mahalagang magpatingin agad sa doktor o pumunta sa emergency room upang agad na masuri at mabigyan ng tamang lunas.
Madalas na Hirap sa Paghinga
Ang madalas na hirap sa paghinga, lalo na kung hindi ito dulot ng mga karaniwang sakit tulad ng sipon o hika, ay maaaring senyales ng problema sa puso, partikular na ang heart failure.
Sa heart failure, hindi na kayang i-pump ng puso nang maayos ang dugo, kaya’t nagkakaroon ng pagtitipon ng fluid sa mga baga na tinatawag na pulmonary edema, na nagdudulot ng hirap sa paghinga.
Kung ikaw ay madaling hingalin, lalo na kapag nakahiga o nagigising sa gabi dahil sa hirap sa paghinga, ito ay isang palatandaan na mayroong mas serious issue ang iyong puso. Mainam na magpatingin agad sa healthcare professional upang matukoy ang sanhi at mapigilan ang lalo pang paglala ng kondisyon ng iyong puso.
Irregular Palpitations
Ang palpitations ay tumutukoy sa pakiramdam na hindi normal ang tibok ng iyong puso. Maaaring masyadong mabilis, mabagal, o tila hindi pantay ang pagtibok nito. Kung nararamdaman mong tila kumakaripas o tumatalon ang tibok ng iyong puso, maaaring mayroon kang arrhythmia. Ito’y isang kondisyon kung saan hindi regular ang ritmo ng tibok ng iyong puso.
Maaari itong maranasan matapos ang matinding physical activity, sobrang pag-inom ng caffeine, o stress.
Bagama’t hindi lahat ng palpitations ay delikado, mahalaga pa ring maging mapanuri sa iyong nararamdaman, lalo na kung madalas itong mangyari o may kasamang iba pang sintomas tulad ng hirap sa paghinga, pagkahilo, o pananakit ng dibdib.
Biglaang Pagkahilo
Ang biglaang pagkahilo o pakiramdam na parang matutumba ay maaaring senyales na ang iyong puso ay hindi nakakapagpadala ng sapat na dugo sa utak, na nagdudulot ng biglaang panghihina. Ang ganitong uri ng pagkahilo ay maaaring sanhi ng low blood pressure o hypotension.
Kung ang biglaang pagkahilo ay sinamahan ng iba pang sintomas gaya ng hirap sa paghinga, pananakit ng dibdib, o pagpapawis, mahalagang magpatingin kaagad sa doktor upang matukoy ang sanhi. Ang mga ganitong sintomas ay maaaring tanda ng ischemic heart disease o kahit ng heart attack lalo na kung ang kakulangan ng oxygen ay biglang lumalala.
Mayroon ding mga kaso na ang biglaang pagkahilo ay nauugnay sa syncope. Ito’y isang kondisyon kung saan biglang nawawalan ng malay ang tao dahil sa pansamantalang kakulangan ng blood supply sa utak.
Ito ay seryosong senyales na dapat ikonsulta agad sa isang cardiologist para sa masusing pagsusuri at posibleng gamutan upang maiwasan ang mas malalang komplikasyon.
Pamamaga ng Katawan
Ang pamamaga ng mga binti, paa, at tiyan, ay isa sa mga mangunahing sintomas ng heart failure. Kapag ang puso ay hindi maayos ang pagpa-pump ng dugo sa katawan, nagkakaroon ng build up sa tissues na nagiging rason ng pamamaga o edema.
Kapag napansin mong biglang sumikip ang iyong sapatos kahit hindi ka naman nadagdagan ng timbang, o kapag namamaga agad ang iyong binti pagkatapos ng maikling paglalakad, mas makakabuting agad na ipasuri ito sa doktor.
Ang maagang pagtuklas at tamang paggamot nito ay maaaring makatulong upang maiwasan ang paglala ng nararamdaman.
Key Takeaway
Ang mga sintomas na ikaw ay may sakit sa puso ay mga palatandaan na hindi kailangang ipinagsasawalang-bahala. Sa halip na hintayin ang mas malalang sitwasyon, mahalagang makinig sa ating katawan at kumonsulta sa doktor sa tamang oras.
Samahan din ito ng pag-inom ng tamang gamot mula sa TGP The Generics Pharmacy. Para sa mga abot-kaya, dekalidad, at epektibong gamot na makakatulong sa pag-manage ng mga sintomas at kondisyon ng puso, bisitahin ang pinakamalapit na TGP sa inyong lugar o bumili online. Dito ka na sa TGP, Kaibigan sa Kalusugan.