Sakit sa tiyan: sanhi, sintomas, at gamot
Anumang sakit na nararamdaman sa abdomen o puson ay kadalasang tinatawag na sakit sa tiyan kahit minsan, hindi naman ang tiyan ang mismong sanhi ng sakit. Ang sakit sa tiyan ay karaniwang dahil sa iba’t ibang kondisyon ng digestive tract pero maaari ring dahil sa blood vessels, urinary tract, mga organs sa dibdib, o kahit reproductive organs.
Mga uri ng sakit sa tiyan
Tuwing sumasakit ang tiyan natin, maaari itong dahil sa organs na nasa abdomen katulad ng gallbladder, atay, appendix, at iba pa. Maaari rin itong dysmenorrhea, o pulikat na nararanasan sa puson tuwing nireregla ang mga babae, o di kaya’y endometriosis, o pagbabara sa intestinal tract.
Mga iba pang sakit sa digestive system na maaaring magdulot ng sakit sa tiyan ay:
- Heartburn
- Gastroesophageal reflux disease (GERD)
- Gastritis
- Ulcer
- Diabetic ketoacidosis
- Duodenitis
- Ectopic pregnancy
- Bara sa bituka
- Impeksyon sa kidney
- Kidney stones
- Pulmonya
- Tumor
- Kanser
- Hepatitis
Ano ang mga sintomas ng sakit ng tiyan?
Ang sakit ng tiyan ay maraming pwedeng maging sintomas, depende sa sanhi nito. Ang ilan sa mga posibleng maranasan ay:
- Diarrhea
- Constipation
- Pulikat sa tiyan o puson
- Pagsusuka
Ano ang mga gamot sa sakit ng tiyan?
Ang wastong gamot sa sakit ng tiyan ay nakabatay sa sanhi nito. Kumonsulta sa doktor upang magamot ng tama ang ugat ng pagsakit ng tyan. Maaaring uminom ng mga non-steroidal anti-inflammatory drugs (NSAIDs) katulad ng ibuprofen, naproxen sodium, indomethacin, o celecoxib para mabawasan ang sakit.
Kung ang sanhi naman nito ay isang impeksyon, maaari ring bigyan ang pasyente ng doktor ng niresetang antibiotics para puksain ito.
Kailan dapat pumunta sa ospital?
Kumonsulta sa doktor kung nakararanas ng matinding sakit sa tiyan o sakit na dulot ng isang aksidente. Ipaalam rin sa doktor kung may paninikip ng dibdib na nararamdaman.
Agad na pumunta sa ospital kung mayroong isa o higit pa sa mga sumusunod:
- Dugo sa dumi
- Lagnat na mas mataas sa 38.33°C
- Pagsusuka ng dugo
- Pagkahilo o pagsusuka na hindi nawawala
- Paninilaw ng balat o mata (jaundice)
- Pamamaga at pagiging sensitibo ng tiyan
- Hirap sa paghinga