Allergic Rhinitis: Mga Sanhi, Sintomas, at Gamot
Ang allergic rhinitis, o kilala rin bilang hay fever, ay isang allergic reaction na nagdudulot ng pagbahing, pagbara at pangangati ng ilong, at sore throat. Maraming posibleng maging sanhi ang allergic rhinitis.

Ano ang allergic rhinitis?
Ang allergic rhinitis ay isang allergic reaction na dulot ng mga maliliit na particles sa hangin na tinatawag na allergens. Kapag nalalanghap ng isang tao ang allergens, nagrereact ang katawan sa pamamagitan ng paggawa ng chemicals na tinatawag na histamine, na syang nagdudulot ng pagbabara ng ilong, pagbahing, pagubo, o di kayaāy sore throat. Madalas maranasan ng mga tao sa Pilipinas ang allergic rhinitis kapag maulan ang panahon.
Ano ang mga sanhi ng allergic rhinitis?
Ang allergic rhinitis ay dulot ng reaksyon ng katawan sa mga allergens. Ang mga ilan sa karaniwang allergens sa Pilipinas ay:
- Balahibo ng hayop
- Pollen galing sa mga halaman, puno, o damo
- Alikabok
- Amag
- Ipis
Kapag nakapasok ang allergens sa katawan ng isang taong may allergy dito, itinuturing itong virus o bakterya ng immune system. Ang epekto nito ay ang pamamaga ng mata, pangangati ng ilong o lalamunan, at pagbahing.
Ano ang mga sintomas ng allergic rhinitis?
Ang mga sintomas ng allergic rhinitis ay nag-iiba-iba, depende sa taong nakararanas nito. Ilan sa mga sintomas na puwedeng maramdaman ay:
- Pagbara ng ilong dulot ng sipon, pagbahing
- Pangangati ng ilong, lalamunan, at mata
- Sakit ng ulo
- Sinusitis
- Pagdami ng sipon o plema
- Pagod at panghihina ng katawan
- Sakit sa lalamunan
- Pag-ubo o hirap sa paghinga
Ano ang gamot sa allergic rhinitis?
Maraming mabisang gamot na puwedeng inumin para sa allergic rhinitis. Ang ilang halimbawa nito ay:
- Antihistamines na pumipigil sa paggawa ng katawan ng histamines. Ilang uri ng antihistamines ay loratadine, cetirizine, fexofenadine, at levocetirizine
- Decongestants na nakatutulong sa pagtanggal ng sipon sa ilong o sinus. Maaaring inumin ang decongestant o i-spray sa loob ng ilong
- Corticosteroid nasal sprays o inhalers
- Leukotriene inhibitors na pumipigil sa paggawa ng katawan ng leukotriene at histamines kagaya ng montelukast