Anaphylaxis: Mga Sanhi, Sintomas, at Gamot
Ang anaphylaxis ay isang matindi at nakamamatay na allergic reaction. Puwede itong mangyari sa loob ng ilang segundo o minuto matapos ang exposure sa allergen, katulad ng mani o sting ng bubuyog.

Ano ang anaphylaxis?
Ang anaphylaxis ay isang uri ng malubhang allergic reaction. Kapag hindi naagapan, posible itong ikamatay ng pasyente.
Ang anaphylaxis ay nagdudulot ng paggawa ng katawan ng maraming kemikal para puksain ang allergen. Dahil sa dami at bilis ng paggawa ng mga kemikal na ito, maaaring mabigla ang katawan. Isa sa mga maaaring reaksyon ng katawan ay mabilis na pagbaba ang presyon o di kayaāy mabilis na pagsikip ng mga daluyan ng hangin.
Ano ang sanhi ng anaphylaxis?
Ang cause o sanhi ng anaphylaxis ay mga allergens. Depende sa tao kung aling allergy ang maaaring magdulot ng anaphylaxis. Hindi rin naman lahat ng allergic reactions ay tumutuloy sa anaphylaxis.
Ilan sa mga karaniwang allergens na nagdudulot ng anaphylaxis ay:
- Mani
- Kagat ng mga insekto katulad ng bubuyog
- Seafoods tulad ng hipon, alimango, at talaba
- Piling uri ng gamot
Malimit ring magdulot ng anaphylaxis ang matinding pag-eehersisyo.
Ano ang mga sintomas ng anaphylaxis?
Ang mga sintomas o symptoms ng anaphylaxis ay mararamdaman sa loob lamang ng ilang sandali mula sa exposure sa allergen. May mga pagkakataon ding nararamdaman ang mga sintomas pagkaraan ng ilang oras ngunit bihirang mangyari ito.
Ang mga sintomas ng anaphylaxis ay:
- Pagpapantal, pangangati ng balat, pamumula ng mukha, o pamumutla
- Pagbaba ng presyon ng dugo o blood pressure
- Paninikip ng lalamunan sanhi ng pamamaga ng dila o mismong lalamunan
- Mahinang pulso
- Pagkahilo, pagsusuka, o diarrhea
- Pagkawala ng malay
Ano ang mga gamot para sa anaphylaxis?
Kapag nakararanas ang pasyente ng pag-atake ng anaphylaxis, kinakailangan bigyan ito ng cardiopulmonary resuscitation o CPR. Maaari ring bigyan ng doktor ang pasyente ng mga sumusunod na medicine o drugs para sa anaphylaxis:
- Epinephrine (adrenaline) para bawasan ang allergic response ng katawan
- Oxygen
- Antihistamines at cortisone para maibsan ang pamamaga ng daluyan ng hangin
- Beta-agonist tulad ng albuterol para padaliin ang paghinga
Kailan dapat pumunta sa ospital?
Agad na magtungo sa pinakamalapit na ospital o tawagan ang doktor kung sa tingin ninyo ay nakararanas ng anaphylaxis ang pasyente. Mahalagang agaran siyang mabigyan ng anaphylaxis drugs para mailigtas ang kanyang buhay.
Kung mayroong baon na epinephrine pen ang pasyente, daliang iturok ito para malunasan ang mga sintomas ng anaphylaxis.