Gout: sanhi, sintomas, at gamot
Ang gout ay isang karaniwan ngunit komplikadong uri ng rayuma. Hindi namimili ng tao ang gout ā kahit sino ay pwedeng makaranas nito, bata man o matanda. Ang mga pasyenteng may gout ay nakadarama ng matinding sakit, pamamaga, pamumula, at pagiging sensitibo ng isa o mahigit pang kasu-kasuan, kadalasan sa pinakamalaking daliri sa paa.
Ano ang gout?
Ang gout ay isang klase ng rayuma na nagdudulot ng sakit at pamamaga sa iyong kasu-kasuan. Madalas ay tumatagal ang mga sintomas nito ng isa o hanggang dalawang linggo bago mawala. Karamihan sa mga kaso ng gout ay nasa pinakamalaking daliri sa paa o sa ibabang bahagi ng katawan gaya ng tuhod, bukong-bukong (ankle), at iba pa.
Ano ang sanhi ng gout?
Ang gout ay dulot ng mataas na lebel ng uric acid sa loob ng katawan. Ang mataas na lebel ng uric acid ay nagdudulot ng pamumuo ng mga deposits sa kasu-kasuan na nakaporma na parang mga karayom. Itong mga kristal na ito ay nagdudulot ng pamamaga at rayuma sa apektadong kasu-kasuan. Subalit hindi rin lahat ng may mataas na lebel ng uric acid ay nagkaka-gout.
Ang ilan sa mga pagkaing na nagdudulot ng mataas na lebel ng uric acid ay:
- Sardinas
- Lamang-loob ng hayop
- Mani
- Beer
- Tulingan
- Dilis
- Tahong
Hindi tumatagal ang mga sintomas ng gout ngunit kapag nakaranas nito, napakasakit nito na umaabot sa puntong halos hindi na makalakad ang pasyente. Gamit ang wastong gamot, kayang maagapan ang mga sintomas ng gout.
Ano ang mga sintomas ng gout?
Ang mga sintomas at senyales ng gout ay agarang nadarama, kadalasan sa gabi. Ilan sa mga ito ay:
- Matinding pananakit ng kasu-kasuan, kadalasan sa pinakamalaking daliri ng paa pero puwede rin itong maramdaman sa bukong-bukong, tuhod, siko, galang-galang, at daliri. Pinakamasakit ito sa unang apat hanggang labindalawang oras.
- Pananakit tuwing ginagalaw ang kasu-kasuan na maaaring umabot ng ilang araw o ilang linggo
- Pamamaga at pamumula ng kasu-kasuan
- Hirap sa paggalaw ng mga kasu-kasuan
Ano ang gamot sa gout?
May dalawang klase ng gout drugs na maaaring gamitin upang labanan ito. Ang una ay ginagamit para bawasan ang pamamaga at sakit na dulot ng pagsumpong ng gout. Ang pangalawa naman ay pumipigil sa mga komplikasyon na kasabay ng gout. Nagagawa ito sa pamamagitan ng pagbaba ng lebel ng uric acid sa dugo.
Ang wastong gamot ay nakabatay sa kung gaano kadalas at kasakit ang mga sintomas na nadarama. Kumonsulta sa doktor kung nakararamdam ng mga sintomas na ito.
Ilan sa mga gamot na ginagamit para sa gout ay:
- Nonsteroidal anti-inflammatory drugs (NSAIDs) para mabawasan ang sakit katulad ng ibuprofen, naproxen sodium, indomethacin, o celecoxib
- Colchicine na gumagamot sa pamamaga at sakit dulot ng gout
- Corticosteroids katulad ng prednisone na kumokontrol sa pamamaga at sakit dulot ng gout
- Allopurinol na pumipigil sa paggawa ng katawan ng uric acid