Allergy: sanhi, sintomas, at gamot
Ano ang allergy? Ang allergy ay reaksyon ng ating immune system sa alikabok, usok, o sa mga pagkaing di pangkaraniwang nagdudulot ng masamang epekto sa karamihan. Tinatawag na allergens ang mga ito.
Ano ang allergy?
Gumagawa ang ating immune system ng tinatawag na antibodies na syang lumalaban sa mga impeksyon. Sa tuwing nagkaka-allergy ang isang tao, inaakala ng ating immune system na magdudulot ng impeksyon ang mga allergens (tulad ng alikabok) kaya gumagawa ito ng antibodies at nagkakaroon tayo ng tinatawag na allergic reaction. Kapag nakakalanghap tayo o nakakakain ng allergens, nagre-react ang katawan natin – sinisipon, inuubo, namamantal, o di kaya’y nangangati tayo.
Iba-iba ang karanasan ng mga tao sa allergies. Sa iba, mahina lang ito at hindi gaano nakakaapekto sa buhay nila, samantalang ikinamamatay naman ng iba mga ito. Sa kasalukuyan, wala pang lunas sa allergy bukod sa mga antihistamines, pero pwedeng agapan ang mga sintomas nito.
Ano ang mga sanhi ng allergy?
Hindi sapat malaman kung ano ang allergy para magamot ito. Kinakailangang alamin rin kung ano ang sanhi nito para mabigyan ng tamang lunas sa sakit.
Nagsisimula ang allergy kapag napagkakamalan ng ating immune system ang isang harmless na bagay, tulad ng balahibo ng aso, na isang “intruder.” Natural na reaksyon na labanan ito gamit ang mga antibodies na ginagawa ng ating katawan. Sa susunod na pagkakataong makain o malanghap natin ulit ang parehong allergen, alam na ng ating katawan kung paano labanan ito. Isang halimbawa ng kemikal na pinoprodyus ng ating katawan bilang panlaban sa intruders ay ang histamine na syang nakikipaglaban sa mga intruders. Ito ang isa sa mga nagdudulot ng sintomas ng allergy.
Mga halimbawa ng karaniwang sanhi ng allergy ay:
- Pollen, balahibo ng hayop, alikabok, at amag
- Mga malalansa at mamantikang pagkain tulad ng mani, isda, hipon, itlog, at manok
- Kagat ng mga insketo lalo na ng bubuyog o putakti
- Gamot tulad ng penicillin o mga antibiotics na gawa sa penicillin
- Materyales tulad ng latex
Ano ang mga sintomas ng allergy?
Ang sintomas ng allergy ay nakadepende sa sanhi ng allergy. Maari itong lumitaw sa iyong lalamunan, ilong, baga, balat, at tiyan. Depende rin sa allergen at sa tao kung gaano kalala ang mararanasan mong allergic reaction. Mayroong ibang mga allergies na nagdudulot ng nakamamatay na reaksyon na tinatawag na anaphylaxis.
Ang ilang mga sintomas ng allergy ay:
- Pagbahing
- Pangangati ng ilong
- Sipon
- Pangangati o pamamaga ng mga mata
- Pangangati ng bibig
- Pamamaga ng labi, dila, mukha, o lalamunan
- Pamamantal
- Pangangati ng balat
- Paninikip ng dibdib
- Galis
- Anaphylaxis
Ano ang gamot sa allergy?
Ang pinakamainam na lunas sa allergy ay ang pag-iwas sa sanhi ng allergy na nagdudulot rito, ngunit hindi ito laging posible o gumagana.
Maaaring uminom ng mga gamot sa allergy tulad ng tablets na mabibili sa mga botika tulad ng The Generics Pharmacy. Ang ilang mga gamot na maaaring gamitin ay:
- Antihistamines
- Decongestants
- Nasal spray
- Gamot pang asthma kagaya ng inhaled bronchodilators, inhaled steroids, at oral anti-leukotrienes
Kailan dapat pumunta sa ospital
Agad na pumunta sa doktor kung hindi agad makaramdam ng ginhawa pagkatapos uminom ng gamot sa allergy. Magtungo agad sa pinakamalapit na ospital kung nakararamdam ng sintomas ng anaphylaxis gaya ng pagbagsak ng blood pressure, matinding hirap sa paghinga, matinding pantal, pagkahilo, pagbilis ng tibok ng puso, at pagsusuka.