Sipon at Flu (Trangkaso): Mga Sanhi, Sintomas, at Gamot

Ang sipon at trangkaso (tinatawag ding flu o influenza sa Ingles) ay mga impeksyon sa upper respiratory system. Sila ay dulot ng iba-ibang uri ng virus at madalas na nakakaapekto sa ilong, lalamunan, at baga.

Lady with colds and flu

Ano ang Kaibahan ng Sipon sa Flu?

Maraming pagkakapareho ang sipon at flu, lalo na pagdating sa mga sintomas. Sa katunayan, sa maraming sitwasyon, mahirap matukoy kung sipon nga ba o trangkaso ang sakit ng isang tao. Ang tanging paraan para masigurado kung anong sakit ang nararanasan ng pasyente ay ang sumailalim sa kaukulang test, katulad ng rapid influenza diagnostic.

Ang pinakamalaking pagkakaiba ng sipon sa flu ay kung gaano kalubha ang mga sintomas. Sa maraming pagkakataon, mas mild ang mga sintomas ng taong may sipon at mas matindi naman ang mga sintomas ng taong may trangkaso.

Ano ang mga Sintomas ng Sipon at Flu?

Ilan sa mga pangkaraniwang sintomas ng sipon ang pagkakaroon ng baradong ilong, malabnaw na sipon, pagbahing, pananakit ng ulo, at pananakit ng lalamunan. Minsan din ay pwedeng makaranas ng ubo at sinat ang pasyente. Mula sa pagka-expose sa virus na nagdudulot ng sipon, lumalabas o nararamdaman ang mga nasabing sintomas sa loob ng 1 hanggang 4 araw.

Samantala, bukod sa mga nabanggit na sintomas ng sipon, ilan pa sa mga pangkaraniwang sintomas ng flu ay ang mga sumusunod:

  • lagnat
  • panginginig at pagpapawis
  • pananakit ng mga muscle
  • tuyong ubo (dry cough)
  • pakiramdam na sobrang pagod (fatique)
  • panghihina ng katawan
  • kahirapan o kakapusan ng paghinga

Minsan ay pwede ring makaranas ng pagsusuka at diarrhea ang isang taong may trangkaso, pero mas common ito sa mga bata.

Ano ang Kaibahan ng Flu sa COVID?

Katulad ng sipon at flu, isa ring uri ng sakit sa respiratory system ang COVID-19. Ang malaking pagkakaiba ng tatlong sakit na ito ay ang uri ng virus na nagdudulot ng sakit. Ang sipon ay dulot ng maraming uri ng virus, katulad ng rhinovirus at parainfluenza virus. Ang trangkaso o flu ay dulot naman ng mga influenza virus A, B, C, at D. At ang COVID-19 naman ay dulot lamang ng iisang virus: ang SARS-CoV-2, na isang uri ng coronavirus.

Mas mabilis na kumakalat ang COVID-19 kumpara sa flu dahil mas matagal bago lumabas ang mga sintomas nito. Sa flu, kadalasan ay 1 o 2 araw lang pagkatapos ma-expose sa flu virus ay lalabas na ang mga sintomas. Samantala, sa ilang mga kaso ng COVID-19, umaabot ng 10 hanggang 14 araw bago magpakita ng anumang sintomas ng sakit ang pasyente. Sa loob ng mga araw na ito, pwede na siyang makahawa ng iba.

Para malaman kung trangkaso o COVID ang sakit, may mga test na dapat gawin. Pinakamabisa ang tinatawag na molecular test o PCR test na ginagamitan ng nasal swab dahil mas accurate ang mga ito. Pwede ring gumamit ng mga saliva test at antigen test, pero mabisa lang ang ganitong mga test kung matagal na sa katawan ang virus at dumami na ito. Kung kaunti pa lang ang virus at nag-test kaagad ang pasyente, pwedeng maging negative ang resulta kahit may COVID na talaga siya.

Ano ang Pwedeng Gamot sa Sipon at Flu?

Hindi katulad ng ibang sakit, wala talagang gamot para sa sipon at trangkaso. Tandaan din na walang epekto ang antibiotic sa sipon at trangkaso. Ang antibiotic ay para sa bacteria, kaya hindi nito magagamot ang sipon at flu na dulot ng mga virus. Kapag uminom ng antibiotic kapag hindi naman kailangan, darating ang panahon na hindi na ito tatalab laban sa impeksyon na dulot ng bacteria.

Ganunpaman, meron pa ring mga gamot na pwedeng inumin para pahintuin ang mga sintomas ng sipon at flu. Narito ang ilang halimbawa:

  • Antihistamine. Ginagamit ito kapag may nararanasang mga sintomas ng allergy kasabay ng mga sintomas ng sipon. Mabisa din ang antihistamine kung marami at malabnaw ang lumalabas na sipon para matuyo ito. Piliin ang non-drowsy na uri ng antihistamine kung iinumin ito sa umaga para hindi antukin sa trabaho o pag-aaral.
  • Decongestant. Kung barado ang ilong dahil sa sipon, pwedeng uminom ng decongestant para mabawasan ang production ng mucus. Nakakatulong din ang decongestant para mabawasan ang pamamaga ng ilong at nasal passages. Meron ding mga antihistamine na may nakahalo nang decongestant.
  • Nasal steroids. Para sa sobrang sinus pressure, pwedeng mag-reseta ang doktor ng nasal steroids. Merong tablet o capsule nito, at meron ding spray.
  • Pain reliever. Katulad ng nabanggit sa itaas, kasama sa karaniwang sintomas ng trangkaso ang lagnat at pananakit ng katawan. Para gumaan ang pakiramdam, pwedeng uminom ng pain reliever, katulad ng acetaminophen o paracetamol. Tandaan lang na hindi dapat lumagpas sa 2 grams kada araw ang iniinom na acetaminophen. Para sa tamang dosage, kumonsulta sa doktor.
  • Expectorant at antitussive. Kung nakakaranas ng ubo kasabay ng sipon o flu, pwedeng uminom ng gamot sa ubo. Ang expectorant ay uri ng gamot na nagpapadali ng pagsinga at paglabas ng plema. Samantala, ang antitussive naman ay pumipigil sa pag-ubo.
  • Throat lozenge. Para sa sore throat, pwedeng gumamit ng throat lozenge. Subukan ding magmumog ng maligamgam na tubig na may asin; mabisa rin ang mga pain reliever para mabawasan ang pananakit ng lalamunan.

Meron ding bakuna para sa flu para bumaba ang chance na magkaroon nito.

Kailan Dapat Magpunta sa Doktor Kapag May Sipon o Flu?

Madalas, nawawala naman ang sipon at flu nang hindi kailangang pumunta sa doktor o magpagamot sa ospital. Sa tulong ng tamang pahinga at pag-inom ng gamot para guminhawa mula sa mga sintomas, pwedeng gumaling ang sipon at flu sa loob ng 7 hanggang 10 araw.

Ganunpaman, may mga pagkakataon na dapat magpakonsulta sa doktor. Halimbawa nito ang mga sumusunod:

Para sa sipon

  • Kung hindi nawawala o kung lumulubha ang sintomas ng sipon
  • Mataas na lagnat na tumatagal ng higit pa sa 3 araw
  • Kakapusan ng hininga
  • Matinding pananakit ng lalamunan
  • Pananakit ng tenga (sa mga bata)
  • Kawalan ng ganang kumain (sa mga sanggol at bata)
  • Pagiging antukin (sa mga bata)
  • Pagiging iritable (sa mga bata)
  • Paulit-ulit na pagkakaroon ng sipon

Para sa trangkaso

  • Pananakit o paninikip ng dibdib
  • Pagkakaroon ng seizures
  • Walang humpay na pagkahilo
  • Labis na panghihina
  • Labis na pananakit ng katawan, lalo na ng mga muscle
  • Kakapusan ng hininga

Mas mabuti rin na pumunta na sa doktor kung nararanasan ang mga nabanggit na sintomas sa itaas at ikaw ay may diabetes, heart disease, o iba pang long-term medical condition. Gayundin, importanteng matingnan kaagad ng doktor ang isang taong may sipon o trangkaso kung siya ay may mahinang immune system dulot ng mga sakit na katulad ng cancer o kaya ay autoimmune disease.

Paano Maiiwasan ang Sipon at Flu?

Higit sa 200 na virus ang pwedeng maging sanhi ng sipon, kung kaya naman mahirap itong iwasan. Samantala, may bakuna naman para sa flu pero dapat ay taon-taon itong ginagawa. Hindi rin ito makapagbibigay ng 100% kasiguraduhan na hindi ka magkaka-trangkaso. Sa halip, pwede ka pa ring magkasakit pero hindi na magiging matindi ang mga sintomas.

Ganunpaman, marami pa ring magagawa ang isang tao para makaiwas ng sipon o trangkaso. Ilan sa mga ito ang mga sumusunod:

  • Madalas at tamang paghuhugas ng kamay. Hindi lang sipon at flu kundi marami pang ibang nakakahawang sakit ang pwedeng maiwasan sa pamamagitan ng madalas at tamang paghuhugas ng kamay. Kuskusin nang mabuti ang mga kamay, kasama na ang mga pagitan ng daliri at ilalim ng kuko. Isama rin sa pagkuskos ang pulso (wrist). Kung walang malinis na tubig at sabon, gumamit muna ng alcohol o hand sanitizer na may 60% alcohol.
  • Iwasan ang paghawak sa mukha, lalo na sa mga mata, ilong, at bibig, lalo na kung hindi pa nakakapaghugas ng kamay.
  • Takpan ang ilong at bibig kapag uubo o babahing. Mas mabuting gumamit ng tissue kaysa sa panyo; itapon kaagad ang tissue pagkagamit nito. Kung walang tissue, umubo o bumahing sa pagitan ng siko at braso para maiwasan ang paglipat ng germs sa kamay.
  • Umiwas sa mga taong may sipon o flu. Kung hindi ito posible, magsuot ng mask. Mas maganda rin kung hindi maglalagi sa matataong lugar dahil mas mabilis kumalat ang mga virus dito.
  • Huwag mag-share o makigamit ng mga gamit na katulad ng baso, kutsara, at tinidor. Kung may kasama sa bahay na may sakit, ihiwalay ang kanilang gamit at dalasan ang paghuhugas para maiwasan ang pagkalat ng virus.
  • Linisin at i-disinfect ang mga tinatawag na “high touch surfaces,” katulad na lamang ng mga hawakan ng pinto at switch ng ilaw. Ito ay para maiwasan ang pagpapalipat-lipat ng mga virus at bacteria na posibleng mamahay sa mga bagay na ito.
  • Kumain ng masustansyang pagkain at mag-exercise. Ugaliin din ang matulog nang aabot sa 8 oras gabi-gabi. Kapag malusog ang iyong pangangatawan, mas malakas ang iyong depensa laban sa mga sakit.

Isang napaka-karaniwang sakit ng sipon. Sa katunayan, kahit ang isang malusog na tao ay pwedeng magkasipon ng 1 hanggang 3 beses sa isang taon. Ganun din, karaniwang sakit ang trangkaso na mabilis makuha at makahawa. Mabuti na lamang at maraming paraan para maiwasan ang mga sakit na ito. Malaki rin ang maitutulong ng iba-ibang uri ng gamot para gumaan ang pakiramdam kahit na may sakit.

Gayunpaman, dapat pa ring bantayang mabuti ang sarili kung may sipon o flu. Kung sakaling may mapansing hindi magandang reaksyon ang katawan sa sakit o gamot, huwag mag-atubiling magpakonsulta sa doktor o pumunta sa ospital. Sa pagiging maagap, maiiwasan ang pagkakaroon ng malubhang komplikasyon ang mga sakit.

Mahalagang paalala: Ang lahat ng impormasyong nakalahad dito ay para lamang sa pagbabahagi ng kaalaman at ‘di dapat ituring bilang professional medical advice. Ugaliin pa rin kumonsulta sa iyong doktor bago uminom o gumamit ng kahit anong gamot.

Recommended Medicines

Search on blog