Ang paso ay isang uri ng injury na kadalasang nakukuha kapag nadidikit ang balat sa isang mainit na bagay. Pwede kang mapaso ng dry heat (burn) katulad ng mainit na plantsa, o kaya ay ng mainit na liquid (scald) na katulad ng kumukulong tubig.
Maraming kaso ng paso, lalo na kung minor lang ito, ay pwedeng gamutin sa bahay lamang. Subalit, kung malubha ang natamong injury, dapat ay dalhin kaagad sa ospital ang pasyente para mabigyan ng tamang treatment. Dapat ding bantayan ang bahaging napaso kung nagkaroon ito ng sugat, para maiwasan ang pagkakaroon ng impeksyon.
Ano ang mga Bagay na Pwedeng Magdulot ng Paso?
Katulad ng unang nabanggit, kadalasan ay mga mainit na bagay na nadidikit sa balat ang nagdudulot ng paso. Ilan sa mga pangunahing sanhi ng pagkapaso ng balat ang mga sumusunod:
- Apoy
- Mainit na bagay, lalo na ang mga gawa sa bakal o metal
- Mainit na tubig, sabaw, at iba pang likido
- Sikat ng araw
- Radiation
- Kuryente
- Steam
- Iba-ibang uri ng kemikal, kasama na ang bleach
Pwede ring magdulot ng paso ang friction o ang pagkiskis ng balat sa iba-ibang mga bagay. Halimbawa, kapag naaksidente ang isang tao at natumba siya sa kalsada, pwedeng magasgasan ang kanyang balat kapag napakiskis ito sa semento. Ang tawag dito ay friction burn, na itinuturing bilang dalawang uri ng injury: heat burn o dry burn at abrasion o gasgas.
Panghuli, bagaman rare itong mangyari, pwede ring magdulot ng pagkapaso o pagkasunog ng balat ang kidlat.
Ano ang mga Uri ng Paso?
May tatlong uri o classification ang paso na naaayon sa tindi ng injury. Ito ay ang mga sumusunod:
- First-degree burn. Ito ang pinaka-minor na uri ng paso, kung saan ang pinaka-ibabaw na bahagi lamang ng balat (epidermis) ang naapektuhan. Minsan at tinatawag ding superficial burn ang first-degree burn dahil madalas ay hindi ito nagdudulot ng peklat. Ilan sa mga pinaka-karaniwang uri ng first-degree burn ang sunburn at pagkapaso sa mainit na bagay.
- Second-degree burn. Sa second-degree burn, umaabot na sa dermis o sa pangalawang layer ng balat ang injury. Ito ang uri ng paso na madalas nagdudulot ng paltos o blister.
- Third-degree burn. Ang third-degree burn ang pinakamalalang uri o classification ng pagkapaso, na minsan ay umaabot na sa layer ng fat sa ilalim ng balat. Minsan din ay nasisira ang mga nerve sa ganitong uri ng paso, kaya minsan ay halos walang nararamdamang pananakit ang pasyente kahit matindi na ang injury. Sa halip, mararamdaman ang sakit sa mga kalapit na bahagi ng paso. Pwede ring magdulot ang third-degree burn ng pagkasira ng mga sweat gland at hair follicle. Dahil dito, kapag magaling na ang injury, hindi na papawisan at tutubuan ng buhok ang napasong bahagi. Madalas din ay kumakapal ang bahaging napaso kapag gumaling na ito mula sa third-degree burn.
Ang mga first- at second-degree burn ay pwedeng gumaling sa loob lamang ng ilang linggo. Samantala, ang mga third-degree burn naman ay pwedeng abutin ng maraming buwan o minsan ay taon bago gumaling nang tuluyan.
Ano ang mga Sintomas ng Paso?
Maraming iba-ibang senyales ang pwedeng makita at maramdaman ng isang taong may paso sa anumang bahagi ng katawan. Bukod pa rito, pwedeng hindi kaagad makita at maramdaman ang mga senyales na ito; minsan ang lumalabas lamang ang mga ito makalipas ang ilang oras o araw.
Ilan sa mga karaniwang sintomas ng paso, depende sa lubha ng injury, ang mga sumusunod:
- pamumula ng balat
- pagkatuklap ng balat sa bahaging napaso
- pamamaga
- pananakit ng apektadong bahagi
- pagkakaroon ng paltos
- pagtutubig at pagmumukhang makintab ng bahaging napaso
- panunuyo ng balat sa paligid ng bahaging napaso
- pamumuti o pangingitim ng balat, depende sa nagdulot ng pagkapaso
Katulad ng unang nabanggit, may mga pagkakataon na hindi nakakaramdam ng pananakit ang mga taong may third-degree burn sa mismong bahaging napaso, kundi sa paligid lamang nito. Kung kaya naman hindi tamang i-associate ang tindi ng sakit na nararamdaman sa lubha ng natamong injury dahil sa pagkapaso.
Ano ang Pwedeng Panlunas o Gamot sa Paso?
Maraming pwedeng gawing first aid treatment para sa mga first-degree burn at maging sa ilang kaso ng second-degree burns. Ang pinakamahalagang gawin ay ang matanggal o mailayo sa pasyente ang bagay na nagdulot ng pagkapaso para hindi magtuloy-tuloy ang injury. Pagkatapos, alisin ang anumang damit, alahas, at iba pang mga bagay na malapit sa nasunog o napasong bahagi. Ito ay para hindi makasagabal ang mga bagay na ito kapag nagsimula na ang pamamaga.
Ilan pa sa mga dapat gawin para mabigyan agad ng lunas ang paso ay ang mga sumusunod:
- Gumamit ng maligamgam o kaya ay room temperature na tubig para palamigin ang bahaging napaso. Padaluyin ang tubig sa ibabaw ng napasong bahagi nang hanggang 30 minuto. Huwag gumamit ng sobrang lamig na tubig o yelo dahil pwede itong makadagdag sa pinsala sa tissue sa paligid ng paso.
- Pagkatapos palamigin ang bahaging napaso, tuyuin ito nang marahan at pagkatapos ay lagyan ng petroleum jelly o gentle moisturizer. Takpan ito gamit ang malinis na cling film.
- Kung maaari, iangat o i-elevate ang naapektuhang bahagi para mabawasan ang pamamaga. Pwedeng gumamit ng magkakapatong na unan o iba pang mga bagay para rito.
- Uminom ng painkillers katulad ng ibuprofen para mabawasan ang nararamdamang pananakit.
- Kung sakaling magkaroon ang balat ng mga paltos, huwag itong puputukin dahil nagsisilbi itong proteksyon laban sa impeksyon. Kung sakaling pumutok ang paltos, hugasan ang balat gamit ang malinis na tubig.
- Hangga’t maaari, huwag i-expose ang napasong bahagi sa araw.
Tandaan na bagama’t pwedeng bigyan ng first aid ang mga first-degree burn, may pagkakataon ding mas mabuting pumunta sa doktor o ospital. Halimbawa dito ay kung sobrang laki ng bahaging naapektuhan ng first-degree burn o kaya ay kung sanggol ang napaso.
Para sa mga first- at second-degree burn, pwedeng magbigay ang doktor ng antibiotic cream para hindi makaranas ng impeksyon ang pasyente.
Samantala, para sa mga third-degree burn, minsan ang kailangan ng skin grafts para mapalitan ang nasirang balat sa napasong bahagi. Sa prosesong ito, kumukuha ng malusog na balat sa ibang bahagi ng katawan at iga-graft o ididikit ito sa napaso o nasunog na bahagi. Dahil controlled ang prosesong ito, mas mabilis na gagaling ang bahaging pinagkunan ng balat na iga-graft sa bahaging napaso o nasunog.
Kapag magaling na ang skin graft, pwedeng sumailalim sa surgical reconstruction ang pasyente kung nanaisin at kung na-determine ng mga doktor na ligtas itong gawin batay sa kondisyon ng pasyente.
Kailan Dapat Pumunta sa Doktor Para sa mga Paso?
Para sa mga second- at third-degree burn, tumawag kaagad ng ambulansya o dalhin kaagad ang pasyente sa ospital. Ilan pa sa mga sitwasyon kung saan kailangan ng medical attention ng mga paso ay:
- kung ang paso ay dulot ng mga kemikal o kuryente
- kung ang paso ay nasa mukha o malapit sa ari
- kung ang paso ay nasa lalamunan at daluyan ng hangin (halimbawa, aksidenteng nakainom ng nakakasunog na kemikal ang pasyente)
- kung ang paso ay nasa mga major joint na katulad ng tuhod o siko
- kung sobrang laki ng bahaging napaso
- kung malalim ang paso, kahit na walang nararamdamang pananakit ang pasyente
- kung parang leather ang itsura ng balat na napaso
- kung nahihirapang huminga ang pasyente
Ganundin, kausapin o pumunta sa doktor kung mangyari man ang mga sumusunod:
- hindi gumagaling ang paso o paltos pagkalipas ng 2 o 3 linggo
- nakakaranas ng senyales ng impeksyon, katulad ng matinding pananakit, pamumula, pamamaga, at pagkakaroon ng nana ng apektadong bahagi
- nakakaranas ng karagdagang sintomas katulad ng lagnat
Paano Makaiwas sa Pagkapaso?
Sa maraming pagkakataon, aksidente ang dahilan ng pagkakapaso ng isang tao at mga bata o mga sanggol ang naaapektuhan. Sa kabutihang palad, maraming pwedeng gawing safety measures para mabawasan ang risk ng mga aksidente na nagdudulot ng pagkapaso. Narito ang ilang tips:
- Huwag hayaang pumunta ang mga maliliit na bata sa kusina, kung saan pwede silang mapaso ng mga mainit na gamit at nilulutong pagkain.
- Kung gumagamit ng electric kettle at iba pang cooking appliances, iklian ang cord ng mga ito para hindi mahablot ng mga bata o aksidenteng masabit sa ibang mga bagay.
- Huwag iiwang mag-isa ang mga bata sa loob ng banyo.
- Kung gumagamit ng mainit na tubig sa paliligo, ibuhos muna ang malamig na tubig sa timba saka ito dagdagan ng mainit na tubig.
- Itabi ang mga bagay na pwedeng makapaso sa lugar na hindi maaabot ng mga bata. Kasama na rito ang mga kandila, lighter, at posporo.
- Ilayo sa mga bata ang mga maiinit na appliance katulad ng plantsa, hair straightener, at iba pa habang pinapalamig ang mga ito.
- Itago ang mga kemikal sa isang lalagyan na pwedeng ikandado. Magsuot din ng protective equipment na kagaya ng gwantes at mask kung gagamit ng mga kemikal na ito.
- Ilagay sa gitna ng mesa ang mga maiinit na sabaw at inumin para hindi madaling matapon ang mga ito.
- Huwag magbilad sa araw para maiwasan ang sunburn.
- Kung kailangang lumabas sa kainitan ng araw, magsuot ng sumbrero o gumamit ng payong. Maglagay din ng sunscreen na may SPF 30 pataas.
Madalas na minor injury lang ang paso, pero may mga pagkakataong mas malubha ito kaysa sa inaasahan. Kung kaya naman, magandang alamin kung ano ang mga sanhi ng mga paso at kung ano ang mga pwedeng gawin kung sakaling makaranas nito.