Ang gout ay isang uri ng inflammatory arthritis na nagdudulot ng pamamaga at matinding pananakit ng mga joint. Pinakamadalas na maapektuhan ng gout ang mga hinlalaki sa paa, pero pwede ring magkaroon ng gout sa iba pang mga joint. Sa mga pasyenteng may osteoarthritis, madalas na unang nararanasan ang gout sa mga daliri sa kamay. Ilan pa sa mga joint na karaniwang naaapektuhan ng gout ay ang mga tuhod at ankle o bukong-bukong.
Ano ang Sanhi ng Gout?
Ang gout ay dulot ng hyperuricemia, kung saan masyadong marami or mataas ng level ng uric acid sa katawan. Ang uric acid ay isang chemical na naiiwan pagkatapos tunawin ng katawan ang purine, isang natural compound na matatagpuan sa katawan at maging sa iba-ibang uri ng pagkain.
Sa kabuuan, hindi naman masama sa katawan ang uric acid dahil sumasama ito sa dugo at napupunta sa mga kidney para mailabas kasama ng ihi. Sa mga taong may gout, nagpo-produce ng sobrang uric acid ang katawan o kaya naman ay kakaunti lamang ang nailalabas na uric acid. Kapag masyadong mataas ang uric acid level sa katawan, pwedeng magkaroon ng pamumuo ng uric acid crystals o urate crystales sa mga joint at iba pang tissue. Ang kondisyong ito ang tinatawag na hyperuricemia at pwedeng mauwi sa gout.
Kasama sa mga purine-rich food ang red meat, at mga seafood katulad ng tuna, tahong, scallops, at dilis. Nagpapataas naman ng uric acid level sa katawan ang beer at mga matamis na inumin na ginamitan ng fructose. Kung kaya naman pinapayuhan ang mga tao may gout na umiwas sa mga pagkain at inumin na ito.
Tandaan na hindi lahat ng kaso ng hyperuricemia ay natutuloy sa gout. Kung meron kang hyperuricemia pero hindi ka naman nakakaranas ng mga sintomas ng gout, hindi na kailangan ng gamot o treatment.
Ano ang mga Sintomas ng Gout?
Kapag umaatake ang pamamaga at pananakit na dulot ng gout, tinatawag itong “flare.” Tumatagal ito ng ilang araw o linggo, at pagkatapos ay susundan naman ng mahabang panahon kung saan walang pamamaga at pananakit. Ang tawag dito ay “remission.” May mga pagkakataon na tumatagal ng ilang buwan o taon ang remission ng gout, kaya naman minsan ay nabibigla ang mga pasyente kapag nag-flare ulit ang kanilang sakit.
Ilan sa mga pangkaraniwang sintomas ng gout ang mga sumusunod:
- Matinding pananakit ng mga kasukasuan o joint. Sa maraming pagkakataon, nararanasan ang gout sa mga daliri ng paa at kamay, bukong-bukong o ankle, tuhod, siko, at pulso o wrist.
- Pamamaga, pamumula, at pagiging sensitibo ng mga bahaging naapektuhan.
- Mainit na pakiramdam sa mga bahaging naapektuhan.
- Hirap sa paggalaw ng mga bahaging naapektuhan, lalo na kung matagal nang nararanasan ang gout.
- Pananatili ng pananakit o lingering pain sa mga joint pagkalipas ng matinding atake ng pananakit
Minsan ay napagkakamalang gout ang calcium pyrophosphate deposition (CPPD), na isang uri ng arthritis. Sa CPPD, mga phosphate crystal at hindi urate crystals ang namumuo sa mga joint. Pinakamabuti pa rin ang magpakonsulta sa doktor para mabigyan ng tamang diagnosis at gamot.
Sino ang Pwedeng Magkaroon ng Gout?
Mas madalas magkaroon ng gout ang mga lalaki, lalo na sa pagitan ng edad na 30 at 50. Sa mga babae naman, mas mataas ang risk ng gout pagkatapos ng menopause.
Gayunpaman, kahit sino ay pwedeng magka-hyperuricemia. Meron ding mga risk factor at gawain na nagpapataas ng posibilidad na ma-develop ang kondisyong ito at mauwi sa gout. Ilan sa mga ito ang mga sumusunod:
- Pagkakaroon ng family history ng gout
- Pagkakaroon mga health condition katulad ng hypertension, diabetes, at metabolic syndrome
- Pagkakaroon ng sakit sa puso
- Pagkakaroon ng poor kidney function
- Pagiging obese
- Pagkain ng mga pagkain na may mataas na purine content
- Pag-inom ng mga inuming pinatamis gamit ang fructose
- Madalas na pag-inom ng alak
Meron ding mga gamot katulad ng niacin at mga diuretic na nagpapataas ng risk ng pagkakaroon ng gout. Kung sumailalim ka ng organ transplant o meron kang autoimmune disease at umiinom ka ng gamot na cyclosporine, mas mataas din ang posibilidad na magkaroon ka ng hyperuricemia at gout.
May mga pagkakataon din na inaatake ng gout flare-up ang isang tao pagkatapos sumailalim sa mga medical procedure katulad ng surgery.
Ano ang Gamot sa Gout?
Ang gout ay isang chronic na kondisyon. Ibig sabihin, hindi ito mawawala o tuluyang magagamot. Ang pwedeng gawin ng mga doktor ay mag-reseta ng mga gamot para maiwasan ang pamamaga at pananakit na dulot ng gout, o kaya ay para mabawasan ang dami ng uric acid sa dugo.
Ilan sa mga gamot na ginagamit para sa gout ang mga sumusunod:
- Mga NSAID. Ang mga non-steroidal anti-inflammatory drug o NSAID ay inirereseta para mabawasan ang mga sintomas na nararamdaman tuwing may flare-up ang gout. Merong mga over the counter (OTC) at prescription NSAID. Isa sa mga pinakasikat na OTC NSAID para sa gout ang naproxen sodium. Pwede ring gamitin ang ibuprofen kung hindi gaanong katindi ang pananakit. Pagating naman sa mga prescription NSAID, kadalasang inirereseta ng mga doktor ang celecoxib at indomethacin.
- Mga corticosteroid. Ang mga corticosteroid kagaya ng prednisone ay may kakayahang pigilan ang pamamaga na dulot ng gout. Bukod sa pamamaga, nababawasan din ng mga corticosteroid ang pamumula at pangangati ng balat.
- Colchicine. Ang colchicine ay isang uri ng anti-inflammatory drug na ginagamit bilang gout treatment para sa pamamaga.
Kung ang madalas na mag-flare-up ang iyong gout o kaya naman ay madalang pero sobrang tindi ng pananakit, pwedeng mag-reseta ang iyong doktor ng mga sumusunod na gamot:
- Probenecid. Ang gamot na ito ay tinutulungan ang mga kidney na alisin ang sobrang uric acid sa katawan.
- Allopurinol. Kung sobrang dami ng pino-produce na uric acid ng iyong katawan, mabisa ang allopurinol para malimitahan ito.
- Febuxostat. Katulad ng allopurinol, may kakayahan din ang febuxostat na bawasan ang dami ng uric acid na ginagawa ng katawan.
Tandaan na lahat ng gamot ay may mga side effect. Iba-iba rin ang response ng iba-ibang pasyente sa mga treatment. Kung may mapansing hindi kaaya-ayang resulta o kaya naman ay kung sa pakiramdam mo ay hindi masyadong mabisa para sa iyong gout ang isang gamot, huwag basta huminto sa pag-inom at huwag basta palitan ito. Magpakonsulta muna at i-report sa doktor ang lahat ng mga napansing epekto ng treatment sa iyong katawan.
Sa kaso ng sobrang lubhang gout, pwedeng mag-rekomenda ang doktor ng surgical treatment. Pwede kasing tuluyang masira ang mga joint o kaya ay magdulot ng impeksyon ang paulit-ulit at matinding flare-up ng gout.
Sa mga operasyon para sa gout, kadalasang inaalis ang mga tophus o ang mga namuong uric acid crystal sa paligid ng mga joint. Pwede ring gawin ang joint fusion o kaya ay joint replacement depende sa kung gaano na kalubha ang damage sa kasukasuan.
Paano Malalaman Kung May Gout ang Isang Tao?
May mga test na ginagawa para malaman kung ang pamamaga at pananakit na nararamdaman ng isang pasyente ay dahil nga sa gout. Kaya lang, dapat ay sumailalim sa mga test na ito tuwing nararanasan ang pamamaga at pananakit, para makita kung dulot nga ba ito ng uric acid crystals.
Ilan sa mga test na ginagawa ng mga doktor para ma-diagnose ang gout ay ang mga sumusunod:
- Blood test. Sa ganitong test, kukuha ng sapat na dami ng dugo at titingan kung meron itong mataas na uric acid level. Tandaan lang na katulad ng unang nabanggit, hindi lahat ng may hyperuricemia ay nagkakaroon ng gout. Meron ding nakakaranas ng mga sintomas ng gout pero mababa lang ang uric acid levels. Dahil dito, pwedeng mag-request ng ibang test ang iyong doktor kasabay ng blood test.
- Joint fluid test. Sa halip na dugo ang gamiting sample, kukuha ng kaunting fluid galing sa apektadong joint. Titingnan ang fluid na ito gamit ang microscope, kung saan pwedeng makita ang pamumuo ng uric acid crystals.
- Ultrasound. Sa test na ito, gumagamit ng sound waves para ma-detect ang mga urate crystal sa mga kasukasuan.
- X-ray. Sa pamamagitan ng X-ray, pwedeng malaman kung ano ang tunay na sanhi ng pamamaga ng mga joint. Pwedeng gamitin ang mga nakuhang imahe sa X-ray para sa dual-energy computerized tomography o DECT, para mas malinaw na ma-visualize ang mga namuong uric acid crystal sa mga kasukasuan.
Mahalaga ang tamang at agarang diagnosis para sa kahit anong sakit, para mabigyan ng tamang treatment. Sa kaso ng gout, na isang pangmatagalang sakit, mas magiging madali ang management ng mga sintomas at mapapaganda ang quality of life ng pasyente kung maaga itong mada-diagnose.
Paano Maiiwasan ang Gout?
Maraming lifestyle changes at self-management strategies ang pwedeng gawin para maiwasan ang gout. Malaki ang mai:
- Bawasan ang pagkain ng mga purine-rich food, katulad ng red meat at ilang uri ng isda at shellfish. Mataas din ang purine content ng organ meat katulad ng atay. Kung kailangan ng dagdag na protein, subukan ang mga low-fat dairy product at mga gulay katulad ng spinach.
- Iwasang uminom ng beer at iba pang alcoholic beverages, pati na rin ang mga sweetened drinks na ginamitan ng fructose. Sa halip, damihan ang iniinom na tubig para makatulong na rin sa iyong kidney health.
- Magbawas ng timbang para hindi ma-strain ang mga weight-bearing joint, lalo na ang mga tuhod at balakang.
- Pumili ng mga low-impact exercise katulad ng swimming at biking para hindi gaanong ma-stress ang mga kasukasuan.
Kung meron kang ibang sakit katulad ng diabetes o hypertension na nagpapataas ng risk ng gout, tanungin ang iyong doktor kung ano ang pwedeng gawin para maiwasan ang mga flare-up.
Ano ang mga Komplikasyon ng Gout?
Kung hindi mabibigyan kaagad ng treatment ang gout, pwede itong mauwi sa recurrent o kaya ay advanced gout. Sa kaso ng recurrent gout, tumataas ang risk ng tuluyang pagkasira ng mga joint. May mga kaso rin ng gout kung saan naiipon ang mga urate crystal sa mga kidney at kalaunan ay nagiging kidney stones.
Mahalagang paalala: Ang lahat ng impormasyong nakalahad dito ay para lamang sa pagbabahagi ng kaalaman at ‘di dapat ituring bilang professional medical advice. Ugaliin pa rin kumonsulta sa iyong doktor bago uminom o gumamit ng kahit anong gamot.