Mahalaga ang mga vitamin para sa ating kalusugan. Kung wala ang mga micronutrient na ito, hindi makakakapag-function nang maayos ang katawan at mas madali itong kapitan ng mga sakit.
May 13 na tinatawag na essential vitamins. Ito ay ang vitamin A, vitamin B1 (thiamine), vitamin B2 (riboflavin), vitamin B3 (niacin), vitamin B5 (pantothenic acid), vitamin B6 (pyridoxine), vitamin B7 (biotin), vitamin B9 (folate/folic acid), vitamin B12 (cyanocobalamin), vitamin C, vitamin D, vitamin E, at vitamin K.
Sa kabutihang palad, madali lang makuha ang mga vitamin na ito sa pamamagitan ng pagkain ng isang balanced diet. Ganunpaman, may mga pagkakataon din na kailangan ng isang tao ng mga vitamin supplement dahil sa sakit o iba pang kondisyon.
Ano ang mga Uri ng Vitamins?
May dalawang uri o category ang mga vitamin: fat-soluble at water-soluble.
Ang mga fat-soluble vitamin ay ang vitamin A, D, E, at K. Naiimbak ang mga vitamin na ito sa mga fatty tissue ng katawan, mga muscle, at sa atay at mas mabilis ma-absorb sa tulong ng dietary fat.
Samantala, ang mga water-soluble vitamin naman ay ang vitamin C at lahat ng mga B vitamin. Kaya tinatawag na water-soluble ang mga ito ay dahil hindi sila naiimbak sa katawan. Sa halip, inilalabas ng katawan ang excess na bitamina kasabay ng ihi.
Meron ding tinatawag na vitamin-like nutrients. Hindi bitamina ang mga ito, pero meron din silang mahalagang function sa kalusugan na katulad ng sa vitamins. Kasama sa mga vitamin-like nutrients and choline at carnitine.
Ano ang Function ng Vitamins sa Katawan?
Iba-iba ang role na ginagampanan ng mga vitamin, kung kaya naman importante na makakuha ng sapat na dami ng nutrients na ito. Kung hindi, magkakaroon ng vitamin deficiency ang katawan na pwedeng magdulot ng mga sakit at iba pang problema.
Narito ang ilan sa mga function ng vitamins:
- Vitamin A. Isa sa mga pinakamahalagang ginagawa ng vitamin A sa katawan ay ang pagme-maintain ng kalusugan ng mga mata. Ayon sa mga eksperto, kapag kulang ang isang tao sa vitamin A, pwede siyang magkaroon ng night blindness. Mahalaga din ang vitamin A sa kalusugan ng mga ngipin, buto, balat, at maging ng mga mucus membrane.
- Vitamin B1. Ang vitamin B1 o thiamine ay isa sa mga nagpapanatili sa kalusugan ng mga nerve cell. May contribution din ang vitamin na ito sa heart health, at sa pagco-convert ng carbohydrates para maging energy. Para sa mga kababaihang nagbubuntis at/o nagbe-breastfeed, kailangan ng dagdag na vitamin B1 sa diet para hindi magkulang sa nutrisyon.
- Vitamin B2. Ang pinakamahalagang role ng vitamin B2 o riboflavin ay ang pagtulong sa paggawa ng mga red blood cell.
- Vitamin B3. Nakakatulong ang niacin na mapababa ang cholesterol levels dahil tinutulungan nito ang katawan na mag-release ng energy galing sa pagkain. Bukod dito, nakakatulong din ang vitamin B3 sa kalusugan ng mga nerve at pagpapaganda ng balat.
- Vitamin B5. Ang vitamin B5 o pantothenic acid ay tumutulong sa metabolism para magkaroon ng sapat na energy ang katawan. Kailangan din ang vitamin B5 para sa production ng mga hormones katulad ng cortisol.
- Vitamin B6. Kung protein-rich ang iyong diet, kailangan mo rin ng mas maraming vitamin B6 o pyridoxine. Ang bitaminang ito ay susi para sa mas maayos ang reaksyon at pag-proseso ng katawan sa protein. Mahalaga din ang vitamin B6 para sa brain function at sa paggawa ng mga red blood cell.
- Vitamin B7. Nalalagas ba ang iyong buhok? Mahina ba ang iyong mga kuko? Baka kailangan mo ng dagdag na vitamin B7 o biotin sa iyong diet. Bukod sa hair, nail, at skin health, kailangan din ng katawan ang biotin para sa maayos na metabolism ng protein at carbohydrates.
- Vitamin B9. Ang vitamin B9 o mas kilala bilang folate ay mahalaga para sa production ng DNA. Dahil dito, kailangan ng mga babaeng buntis ang sapat na dami ng folate para hindi magkaroon ng birth defects ang kanyang anak. Kasama ng ibang B vitamins, importante rin ang vitamin B9 sa paggawa ng mga red blood cell.
- Vitamin B12. Tinatawag ding cyanocobalamin ang vitamin B12. Mahalaga ito para sa kalusugan ng central nervous system, kasama na ang utak. Tinutulungan din ng bitaminang ito ang katawan para magamit nang maayos ang folate.
- Vitamin C. Ang vitamin C o ascorbic acid ay isang uri ng antioxidant. Nakakatulong ito sa kalusugan ng mga tissue at nagpapabilis din ng paggaling ng mga sugat. Malaki rin ang kontribusyon ng vitamin C sa dental health. Bukod pa rito, tinutulungan din ng vitamin C ang mga white blood cell sa paglaban sa mga impeksyon. Ito ang dahilan kung bakit sinasabing nakakatulong ang vitamin C sa pagpapalakas ng immune system.
- Vitamin D. Importante ang vitamin D sa bone health dahil tinutulungan nito ang katawan sa pag-absorb ang calcium. Ang kakaiba sa vitamin D kumpara sa ibang bitamina ay hindi ito gaanong nahahanap o nakukuha sa pagkain. Ang pinakamabisang paraan para makagawa ang katawan ng vitamin D ay ang exposure sa araw.
- Vitamin E. Katulad ng vitamin C, ang vitamin E ay isa ring antioxidant. Mahalaga ito para sa pangangalaga ng balat, at pati na rin sa kalusugan ng mata. May role din ang vitamin E, na tinatawag ding tocopherol, sa pagbuo ng red blood cells.
- Vitamin K. Ang pinakamahalagang role ng vitamin K ay coagulation o pag-ampat ng dugo. Kung kulang ang vitamin K sa katawan, matagal bago magsara at gumaling ang mga sugat.
Kailangan Ko Ba ng Vitamin Supplements?
Halos lahat ng mga nutrient na kailangan ng katawan, kasama na ang mga vitamin, ay pwedeng makuha sa pagkain ng isang balanced diet. Subalit, merong mga sitwasyon o kondisyon kung saan inirerekomenda ang pag-inom ng mga vitamin supplement.
Ang pinakamagandang halimbawa rito ay ang mga babaeng nagdadalantao. Para sa mas malusog na pagbubuntis at para maiwasan ang birth defects katulad ng spina bifida, makabubuti na uminom ng folic acid supplements sa first trimester. Inirerekomenda rin sa mga babaeng gustong magbuntis na uminom ng folic acid supplements para makatulong sa fertility.
May mga tao rin na kailangang uminom ng vitamin D supplement, lalo na ang mga hindi pwedeng ma-expose sa araw dahil sa mga skin condition o iba pang sakit. Madalas ding inirerekomenda na uminom ng vitamin D supplement ang mga inang nagbe-breastfeed at kapapanganak na mga sanggol.
Panghuli, habang tumatanda ang isang tao ay nagbabago ang kanyang daily recommended value ng bawat bitamina. Ito ay dahil nagbabago rin ang kakayahan ng katawan na gumawa at mag-proseso ng mga nutrient.
Bago uminom ng mga vitamin supplement, magpakonsulta muna sa doktor. Sundin din ang mga instruction, lalo na pagdating sa dosage at dalas ng pag-inom. Tandaan na ang mga vitamin ay micronutrients, kung kaya hindi dapat sumobra ang dami nito sa katawan. Kapag nagkaroon ng vitamin overload, pwedeng makaranas ng mga side-effect katulad ng pagkahilo, diarrhea, hair loss, at iba pa.
Anong mga Pagkain ang Mayaman sa Vitamins?
Kagaya ng unang nabanggit, maliban sa vitamin D, makukuha ng isang tao ang sapat na dami ng lahat ng vitamins mula sa isang balanced diet. Narito ang ilang halimbawa ng mga pagkain na mayaman sa bitamina.
- Vitamin A – carrots, kamote, kalabasa, spinach, kale, at ilang mga spices katulad ng paprika at cayenne pepper.
- Vitamin B1 – saging, whole grain bread, iba-ibang uri ng nuts, peas, atay
- Vitamin B2 – itlog, gatas, plain yogurt, mga cereal na fortified ng vitamin B2
- Vitamin B3 – karne at isda, itlog
- Vitamin B5 – manok, baka, atay, itlog, avocado
- Vitamin B6 – baboy, manok, soy beans, mani, oats, gatas, saging
- Vitamin B9 – broccoli, madadahong gulay katulad ng repolyo at spinach, kidney beans, atay (pinapayuhan ang mga babaeng buntis na umiwas muna sa pagkain ng atay)
- Vitamin B12 – mga karne, isda, cheese, gatas, itlog
Ano ang Mangyayari Kapag Kulang sa Vitamins ang Katawan?
Maraming sakit ang pwedeng idulot ng kakulangan ng vitamins sa katawan. Ilan sa mga ito ang mga sumusunod:
- Vitamin A deficiency. Kapag nagkulang sa vitamin A ang isang tao, pwede siyang makaranas ng night blindness. Common din sa mga may vitamin A deficiency ang xeropthalmia, kung saan natutuyo ang conjunctiva at cornea; pwedeng mauwi sa pagkabulag ang kondisyong ito. Sa mga babae naman, pwedeng magkaroon ng komplikasyon ang pagbubuntis kung hindi sapat ang vitamin A sa katawan.
- Vitamin B deficiency. Ang sakit na beriberi ay nakakaapekto sa mga muscle at nervous system, na pwedeng mauwi sa pagka-paralyze at cardiac failure. Dulot ito ng kakulangan sa vitamin B1 o thiamine. Samantala, pwede namang magdulot ng anemia ang vitamin B6 at B12 deficiency. Isa pang sakit na dulot ng kakulangan sa vitamin B12 ang nerve paralysis.
- Vitamin C deficiency. Hindi na gaanong nakakaranas ng vitamin C deficiency ang karamihan sa populasyon, pero pwede pa rin itong nangyari. Kapag kulang sa vitamin C ang isang tao, pwede siyang magkaroon ng scurvy. Naapektuhan nito ang immune system, at isa sa karaniwang sintomas nito ay ang pagdurugo ng mga gilagid.
- Vitamin D deficiency. Dahil tinutulungan ng vitamin D ang katawan sa pag-absorb ng calcium, ang isang tao na kulang sa bitaminang ito ay mabilis na mabulok ang ngipin at humina ang buto. Mas prone din sa pagkakaroon ng osteoporosis ang isang taong may vitamin D deficiency.
- Vitamin K deficiency. Pinakakaraniwan sa mga kapapanganak pa lang na sanggol ang magkaroon ng vitamin K deficiency. Kapag nagkaroon ng kondisyong ito, pwedeng magkaroon ng excessive bleeding dahil sa poor clotting.
Tandaan na hindi kahit micronutrient ang mga vitamin, malaki ang ginagampanan nilang papel sa ating kalusugan. Sa kabutihang palad, madali namang makakuha ng sapat na dami ng mga bitamina sa pamamagitan ng tamang pagkain. Meron ding mga vitamin supplement na pwedeng inumin. Tandaan lang na mas maganda kung magpapakonsulta muna sa doktor bago gumamit ng kahit anong supplement para masigurado ang kaligtasan at bisa ng mga ito.
Mahalagang paalala: Ang lahat ng impormasyong nakalahad dito ay para lamang sa pagbabahagi ng kaalaman at ‘di dapat ituring bilang professional medical advice. Ugaliin pa rin kumonsulta sa iyong doktor bago uminom o gumamit ng kahit anong gamot.