Kapag meron kang sakit, marami kang pwedeng maramdamang sintomas. Halimbawa, isa sa mga maagang sintomas ng tigdas o measles ay ang ubo, runny nose, at pamumula ng mga mata. Pagkalipas ng ilang araw, kadalasang lumalabas na ang mga puting patsi (spots o patches) sa loob ng bibig at mga pulang rashes naman sa balat.
Marami ring sakit ang may pare-parehong sintomas. Halimbawa, madalas mapagkamalang sipon ang allergic rhinitis dahil parehong nababahing at nakakaranas ng runny nose ang pasyenteng meron ng mga sakit na ito.
Kabilang rin sa mga pangkaraniwang sintomas ng maraming sakit ang sakit sa katawan o body pain at lagnat.
Ano ang sakit sa katawan at lagnat?
Ang sakit sa katawan o body pain ay isang uri ng sintomas na nararanasan kapag naii-stress ang mga muscle o buto, o kaya naman ay bilang immune response. Depende sa sanhi, pwedeng iba-ibang uri ng pananakit ang maranasan ng pasyente. May mga sakit na nagdudulot ng piercing pain o iyong sakit na parang tinutusok ang mga kalamnan. Meron naman ding mga sakit na nagdudulot ng throbbing body pain. Pwede ring acute o panandalian o kaya ay chronic o paulit-ulit ang sakit sa katawan.
Sa ibang mga sitwasyon, may kasabay na lagnat ang sakit sa katawan. Maituturing na low-grade fever ang lagnat kung ang temperatura ng pasyente ay 37.8°C hanggang 38.5°C. Kapag umabot na sa 39.4°C ang reading sa thermometer, high-grade fever na ang nararanasan ng pasyente.
Tandaan lamang na sa mga bata at sanggol, delikado kapag umabot na sa 38.5°C ang kanilang lagnat. Kung mangyari ito, pumunta na kaagad sa ospital para magpakonsulta sa doktor.
Bakit Nananakit ang Iyong Katawan at/o Nagkakaroon ng Lagnat Kapag Meron Kang Sakit?
Kapag meron kang sakit, kaagad na rume-responde ang iyong immune system. Naglalabas ito ng mga white blood cell para labanan ang mga bacteria o virus na pumasok sa katawan. Ang reaksyon sa pagitan ng mga white blood cell at mga microorganism na ito ay nagdudulot ng inflammation, kaya nakakaramdam ka ng sakit sa katawan.
Kapag mas matindi o malubha ang sakit, mas nahihirapan ang immune system na labanan ito. Mas marami ang kailangang ilabas na white blood cell, kung kaya naman mas matindi rin ang nararamdamang sakit sa katawan.
Ang pagkakaroon ng lagnat ay isa ring uri ng immune response. Kapag kasi nasa normal range ang iyong temperatura, kayang-kayang mag-survive ng mga bacteria at virus sa loob ng iyong katawan. Kapag meron kang lagnat, tumataas ang iyong core temperature at nahihirapan na ang mga microorganism na mabuhay.
Anu-ano ang Pwedeng Maramdaman Kapag Meron Kang Sakit sa Katawan at Lagnat?
Kung ang sakit sa katawan ay dulot lamang ng isang pisikal na kondisyon, halimbawa ay ang pagkaka-strain ng muscles dahil sa sobrang exercise, kadalasan ay wala itong kasabay na mga sintomas. Subalit, kung dahil sa iba pang medical condition ang sakit sa katawan, madalas itong may kaakibat na iba pang sintomas katulad ng lagnat.
Narito ang ilan pang mga sintomas na pwedeng maramdaman kasabay ng sakit sa katawan:
- pananakit sa isang specific na bahagi ng katawan (halimbawa, tiyan o ulo)
- labis na pagkapagod (fatigue)
- panghihina o pakiramdam na walang energy
- diarrhea
- pamumula ng balat o pagkakaroon ng mga pantal o rashes
- panginginig
- pagkahilo at pakiramdam na parang masusuka (nausea)
- pagkawala ng ganang kumain
- pamamaga ng lymph nodes o kulani
Ano ang mga Sanhi ng Sakit sa Katawan at Lagnat?
Kagaya ng unang nabanggit, maraming pwedeng dahilan ang pananakit ng katawan na may kasamang lagnat. Depende sa sanhi, pwedeng mawala ang pananakit nang hindi umiinom ng gamot. Dagdag dito, meron din namang kondisyon na kailangang gamutin muna bago mawala ang mga sintomas.
Ilan sa mga dahilan ng sakit sa katawan at lagnat ang mga sumusunod:
Iba-ibang Impeksyon
Maraming sakit at impeksyon ang nagdudulot ng body aches, kasama na rito ang sipon, trangkaso o flu, at iba pang mga kondisyon na dulot ng mga virus at bacteria. Kapag nawala na ang sakit at impeksyon, kasabay na ring mawawala ang sakit sa katawan at lagnat.
Tandaan na hindi gamot para sa sakit ng katawan ang antibiotics. Mas angkop ang mga ito sa mga bacteria. Samantala, ang mga viral infection naman ay walang gamot. Kadalasan, gumagaling ang mga ito nang walang tulong ng gamot. Kailangan lamang palakasin ang immune system para matulungan itong labanan ang virus.
Mga Autoimmune Disorder
Ang mga autoimmune disorder ay grupo ng mga sakit kung saan hindi nakikilala ng katawan ang kanyang sariling mga cell. Dahil dito, nagiging aktibo ang immune system sa pag-aakalang mayroong foreign substance na nagdudulot ng sakit. Ito ang dahilan ng pagkakaroon ng sakit sa katawan ng mga taong may autoimmune disease.
Ilang halimbawa ng mga autoimmune disorder na nagdudulot ng sakit sa katawan ang:
- rheumatoid arthritis o mas kilala bilang rayuma
- lupus
- multiple sclerosis o MS, kung saan nakakaramdam ng body aches ang pasyente dahil sa mga nasisirang tissue sa paligid ng mga nerve cell
- myositis, isang sakit na nagdudulot ng muscle inflammation
- Behcet’s disease
- polymyalgia rheumatica
Trangkaso at Pneumonia
Ang trangkaso o flu ay isang impeksyong dulot ng mga influenza virus. Naapaketuhan nito ang respiratory system, partikular na ang ilong, lalamunan, at baga. Kapag hindi naagapan, pwedeng mauwi sa pneumonia ang trangkaso.
Ang pneumonia o pulmonya ay isang impeksyon na dulot ng bacteria o virus, kung saan namamaga ang mga tissue sa baga. Posible ding mapuno ng fluid ang baga ng isang taong may pneumonia, kung kaya nagkukulang ang oxygen supply sa iba-ibang bahagi ng katawan. Ito rin ang madalas na dahilan kung bakit nakakaramdam ng sakit sa katawan ang mga pino-pulmonya.
Osteoarthritis
Sa osteoarthritis, numinipis ang mga cartilage na nagsisilbing cushion sa pagitan ng mga buto na bumubuo sa mga joint (kasukasuan). Dahil dito, nagkikiskisan ang mga buto lalo na kapag gumagalaw. Ito ang nagdudulot ng pananakit ng mga kasukasuan at mga bahagi ng katawan na malapit sa mga ito.
Stress
Kapag naii-stress ang isang tao, isa sa mga bodily response niya ay muscle tension. Pwede itong magdulot ng sakit sa katawan. Sa mga extreme na kaso ng stress, humihina rin ang immune system kaya mas madali ring kapitan ng sakit o impeksyon ang katawan na siyang nagiging dulot ng pananakit.
Kakulangan sa Tulog
Isa sa mga paraan ng katawan para maka-recover sa pagod at ma-repair ang mga cell ay ang pagtulog. Kung kaya naman, kapag puyat o kulang sa tulog ang isang tao, pwede siyang makaramdam ng sakit sa katawan. Nagdudulot din ng fatigue ang kakulangan sa tulog; kapag sumobra ang fatigue, pwede itong magdulot ng body aches.
Chronic Fatigue Syndrome (CFS)
Ang chronic fatigue syndrome o CFS ay isang kondisyon na hindi pa gaanong nauunawaan ng mga eksperto. Nagdudulot ang CFS ng extreme fatigue na hindi nawawala kahit pa magpahinga o matulog ang pasyente. Dahil dito, nakakaranas ang mga taong may CFS ng pananakit ng katawan, panghihina, at iba pang mga sintomas.
Dehydration o Kakulangan sa Fluids
Kailangan ng katawan ng sapat na fluids para mag-function ito nang maayos, kasama na rito ang paggalaw ng mga muscle. Kapag dehydrated ang iyong katawan, pwede itong magdulot ng muscle cramps, sakit sa katawan, sakit sa ulo, at iba pang sintomas.
Fluid Retention
Maraming dahilan ang fluid retention o pamamanas, kasama na ang pagbubuntis, mataas na salt intake, ant mga sakit tulad ng cirrhosis, congestive heart failure, at chronic kidney disease. Dahil sa pamamanas, may posibilidad na magkaroon ng inflammation sa iba-ibang bahagi ng katawan na pwedeng magdulot ng localized pains.
Ilan lamang ang mga nabanggit sa itaas sa mga posibleng dahilan ng sakit sa katawan at kung minsan ay lagnat. Kung hindi kaagad malaman ang sanhi ng mga sintomas na ito, magpakonsulta sa doktor para makakuha ng tamang diagnosis.
Ano ang Pwedeng Gamot Para sa Sakit sa Katawan at Lagnat?
Dahil ang sakit sa katawan at lagnat ay mga sintomas at hindi mga sakit (disease), mawawala lamang ang mga ito kapag nagamot na ang underlying cause. Gayunpaman, meron pa ring magagawa para mabawasan ang pananakit at general discomfort na dala ng body pains at lagnat.
Narito ang ilang mga gamot na pwedeng gamitin at iba pang posibleng lunas:
Over the Counter Painkillers
Makakatulong para sa sakit sa katawan over the counter painkillers. Para mapababa rin ang lagnat, piliin ang mga non-steroidal anti-inflammatory drug o NSAID katulad ng ibuprofen. May kakayahan kasi ang mga NSAID na i-regulate ang ating body temperature.
Pag-inom ng Maraming Tubig
Maraming karagdagang sintomas ng sakit sa katawan at lagnat, katulad ng pagsusuka at diarrhea, ang pwedeng maging sanhi ng dehydration. Kagaya rin ng unang nabanggit, malaki ang role na ginagampanan ng tubig pagdating sa bodily functions. Para hindi ma-dehydrate at makatulong din sa paglaban sa mga bacteria at virus, uminom ng maraming tubig kapag masakit ang katawan at/o may lagnat.
Maganda ring uminom ng mga electrolyte drinks kung matindi ang kaso ng pagsusuka at diarrhea. Makakatulong din sa hydration ang pag-inom o paghigop ng mainit na sabaw.
Pagpapahinga
Hangga’t maaari, sikaping magpahinga habang may sakit. Kailangan ng katawan ng sapat na pahinga, lalo na ng tulog, para mas mabisa at mabilis na labanan ang mga impeksyon.
Paggamit ng Warm Compress Para guminhawa ang pakiramdam at ma-relax ang mga muscle kapag may body pain, pwedeng gumamit ng warm compress sa apektadong bahagi. Kung walang lagnat, pwede ring maligo o mag-shower gamit ang maligamgam na tubig.
Kailan Dapat Pumunta sa Doktor o Ospital Dahil sa Sakit sa Katawan at Lagnat?
Depende sa sanhi ng sakit sa katawan at lagnat, pwedeng mawala ang mga ito sa loob lamang ng ilang araw o isang linggo nang hindi na pumupunta sa doktor. Subalit, may mga pagkakataon na kailangan ng medical attention ng sakit sa katawan at lagnat. Ilan sa mga sitwasyong ito ang mga sumusunod:
- hindi mawala-walang sakit sa katawan kahit anong remedy ang gamitin o gawin
- hindi malaman ang sanhi ng lagnat o sakit sa katawan
- pananakit ng katawan dulot ng pag-inom ng gamot
- pananakit ng mga bahagi ng katawan na may kasabay na pamamaga
- pananakit ng katawan, rashes, at/o lagnat dulot ng kagat ng insekto
- seizure
- panlalabo ng mga mata at iba pang pagbabago sa paningin
- kakapusan ng hininga
- matinding panghihina
Maituturing na pangkaraniwang mga sintomas ang sakit sa katawan at lagnat. Kapag nakaranas ka ng mga nito, bantayang mabuti ang iyong pakiramdam at mga sintomas para malaman kung ano ang sanhi at mabigyan ng lunas. Kung hindi kayang matukoy ang dahilan ng pagkakaroon ng sakit sa katawan at lagnat, pumunta sa iyong doktor o sa ospital para ma-diagnose at mabigyan ng gamot.