Isang mahalagang bodily function ang pagdumi. Kung hindi mailalabas sa katawan ang mga waste product, pwede itong magdulot ng sakit. Kaya lang, minsan ay nagkakaroon ng mga pagbabago sa pagdumi ng isang tao dahil sa pagkain, gamot, o iba pang bagay. Isa sa mga pagbabagong ito ang tinatawag na diarrhea o pagtatae.
Ano ang Diarrhea o Pagtatae?
Ang diarrhea o pagtatae, na minsan ay tinatawag ding LBM o loose bowel movement, ay isang pangkaraniwang digestive condition kung saan nagiging madalas at matubig ang pagdumi. Sa kabutihang palad, maraming kaso ng pagtatae ang nawawala sa loob lamang ng ilang araw nang hindi na kailangan uminom ng gamot o pumunta sa doktor.
Merong tatlong uri ng diarrhea o pagtatae. Ito ay ang:
- Acute diarrhea. Ito ang pinakakaraniwang uri ng diarrhea, kung saan nagtatagal ang pagtatae ng isa hanggang tatlong araw.
- Chronic diarrhea. Kapag paulit-ulit o pabalik-balik ang pagtatae o kaya ay umaabot ito ng higit pa sa apat na linggo, chronic diarrhea ang tawag dito.
- Persistent diarrhea. Ang persistent diarrhea ay isang uri ng pagtatae na tumatagal ng dalawa hanggang apat na linggo, o minsan ay higit pa.
Meron ding tinatawag na traveler’s diarrhea na nararanasan kapag bumibisita sa ibang lugar at nakakakain o nakakainom ng mga contaminated na pagkain o inumin.
Tandaan na ang mga kaso ng pagtatae na tumatagal ng isa o higit pang linggo ay pwedeng sintomas ng iba pang sakit sa tiyan o bituka, katulad ng irritable bowel syndrome (IBS) o kaya naman ay inflammatory bowel disease (IBD).
Ano ang mga sintomas ng diarrhea?
Ang pangunahing senyales ng diarrhea ay ang madalas na pagdumi ng basa at/o malambot na dumi. Bukod pa rito, pwede ring makaranas ang isang taong nagtatae ng mga sumusunod na sintomas:
- pananakit ng tiyan
- pamumulikat ng tiyan (stomach cramps)
- pagkahilo at pagsusuka
- pagkawala ng kontrol sa pagdumi o biglaang pagdumi
Kapag malubha ang kaso ng diarrhea, pwede ring maranasan ang mga sumusunod:
- lagnat
- pagkakaroon ng dugo sa dumi
- weight loss
- dehydration
Madalas, ang mga nararanasang sintomas ay depende sa kung ano ang nagdulot ng diarrhea. Gayundin, kung malubha ang kaso ng pagtatae, malaki ang posibilidad na may iba pang medical condition ang pasyente. Kung kaya naman, dapat ay magpakonsulta kaagad sa doktor o magpunta sa ospital kung nakakaranas ng malubhang kaso ng diarrhea para malaman kung may ibang sakit pa na dapat magamot.
Ano ang Sanhi ng Diarrhea o Pagtatae?
Maraming sanhi ang diarrhea o pagtatae. Ilan sa mga ito ang mga sumusunod:
Mga Bacteria at Virus
Isa sa mga pangunahing sanhi ng pagtatae ang mga bacteria at virus, lalo na ang E. coli. Meron ding bacteria na tinatawag na Clostridioides difficile (C. diff)na nakukuha sa lupa, maruming pagkain, at iba pang contaminated na bagay. Hindi nagdudulot ng sakit ang C. diff kung wala ito sa colon; oras na mapunta na ito sa colon, pwede na itong maging sanhi ng impeksyon. Pwede ring “magising” ang C. diff pagkatapos uminom ng antibiotics, dahil nababawasan ang good bacteria sa tiyan matapos uminom ng ganitong gamot.
Samantala, ilan sa mga virus na nagdudulot ng diarrhea ang astrovirus, cytomegalovirus, norovirus, at viral hepatitis. Pwede ring magdulot ng mga gastrointestinal issues na katulad ng pagtatae ang virus na nagdudulot ng COVID.
Mga Digestive Disorder
Marami digestive disorder ang pwedeng maging sanhi ng diarrhea. Ilan sa mga ito ay ang lactose intolerance, fructose intolerance, gastroenteritis, IBS, IBD, celiac disease, ulcerative colitis, at Crohn’s disease.
Ilang Uri ng mga Gamot
Kagaya ng unang nabanggit, pwedeng magdulot ng diarrhea ang mga antibiotic dahil nag-iiba ang balanse ng good at bad bacteria sa tiyan at bituka. Pwede ring maging sanhi ng pagtatae ang mga gamot laban sa cancer at mga antacid na may magnesium.
Mga Artificial Sweetener
Ang mga artificial sweetener na katulad ng sorbitol at mannitol ay pwedeng magdulot ng pagtatae kapag naparami ang paggamit nito, dahil sa pagtaas ng osmotic pressure sa tiyan at mga bituka.
Ilang mga Surgical Procedure
Ilang mga Surgical Procedure May mga operasyon na pwedeng magdulot ng pagtatae, katulad ng pagtanggal ng gallbladder o apdo. HIndi pa tiyak ng mga eksperto kung bakit ito nangyayari, pero merong mga pag-aaral na nag-uugnay ng pagkakaroon ng diarrhea sa mga pagbabago sa digestive tract.
Ano ang Gamot sa Diarrhea?
Sa maraming pagkakataon, hindi na kailangang uminom ng gamot o pumunta sa ospital para mawala ang pagtatae. Ang pinakamahalagang gawin ay ang uminom ng maraming tubig at oral rehydration solution para mapalitan ang nawawalang fluids at electrolytes sa katawan dahil sa madalas na pagdumi.
Kung nagdudulot ng matinding inconvenience ang madalas na pagdumi dulot ng diarrhea, pwedeng uminom ng mga gamot na katulad ng loperamide at bismuth subsalicylate. Nakakatulong ang mga gamot na ito para mabawasan ang paggalaw ng tiyan at mga bituka, para naman maibsan ang nararanasang pagtatae.
Ilan pa sa mga pwedeng treatment para sa pagtatae ay ang:
- Antibiotic o anti-parasitic. Kung ang pagtatae ay dulot ng bacteria o parasite, reresetahan ka ng iyong doktor ng antibiotic o anti-parasitic. Tandaan na hindi pwedeng gamitin ang mga gamot na ito para sa diarrhea na dulot ng virus.
- Pagbabawas ng dosage ng gamot o pagpapalit ng gamot. Kung napag-alaman na antibiotics ang nagdudulot ng iyong diarrhea, pwedeng kang bigyan ng doktor ng mas mababang dosage o kaya ay ng bagong gamot.
- IV fluids. Para maiwasan ang dehydration, kailangang uminom ng tubig at mga fluids na may electrolytes ang isang taong nagtatae. Kaya lang, kung merong kasabay na pagsusuka ang diarrhea, mahihirapan ang pasyente na uminom at mag-retain ng fluids sa katawan. Sa mga ganitong kaso, pwedeng irekomenda ng doktor ang pagibibigay ng IV fluids.
- Probiotics. Para maibalik ang magandang balanse ng gut bacteria, pwedeng makatulong ang pag-inom ng probiotic supplements. Subalit, tandaan na pwedeng magdulot ng mga side effect, katulad ng constipation at bloating, ang sobrang pag-inom ng probiotics. Bago ito subukan bilang treatment para sa pagtatae, magtanong muna sa doktor kung paano ito gamitin at ano ang tamang dosage.
- Paggamot sa underlying condition. Kung ang pagtatae ay dulot ng ibang sakit, katulad ng IBS o IBD, kailangang magamot o ma-manage ito. Madalas na sakit o impeksyon din sa digestive system ang dahilan ng paulit-ulit na pagkakaroon ng diarrhea.
Makakatulong din ang pag-iwas sa mga caffeinated at alcoholic na inumin habang may diarrhea para maiwasan ang pagka-aggravate ng kondisyon.
Pagdating sa mga pagkain, makakatulong ang saging, kanin, at tinapay para mabuo at tumigas ang dumi. Hangga’t maaari, iwasan ang mga mataba at oily na pagkain. Hindi rin maganda para sa pagtatae ang mga pagkain at inuming nagdudulot ng labis na hangin sa tiyan, katulad ng beans, repolyo, at softdrinks.
Ano ang Pwedeng Komplikasyon ng Diarrhea?
Ang pinakamahalagang dapat bantayan kapag merong diarrhea ang isang tao ay ang dehydration. Dahil sa dalas ng pagdumi at sa dami ng tubig na sumasama sa dumi dahil sa diarrhea, pwedeng hindi mamamalayan na nade-dehydrate na pala ang pasyente. Isang delikadong kondisyon ang dehydration na pwedeng maging sanhi ng pagkamatay, lalo na para sa mga sanggol, bata, mga may edad na—maging ang may mga mahihinang immune system.
Kapag nakakaranas ng pagtatae ang isang tao, bantayan ang mga sintomas ng serious dehydration at tumawag kaagad ng tulong kapag napansin ang mga ito:
Serious Dehydration sa mga Matatanda
- panunuyo ng mga labi at balat
- hindi pag-ihi o kaunting pag-ihi
- dark na kulay ng ihi
- pagkahilo
- panghihina
- matinding pagkauhaw
Serious Dehydration sa mga Sanggol at Bata
- panunuyo ng mga labi
- tuyong diaper pagkalipas ng 3 oras
- pag-iyak na walang luha
- pagkahumpak (hollow o sunken) ng tiyan, pisngi, at mata
- pagiging unresponsive o kaya ay iritable
- lagnat
Pwede ring magdulot ang paulit-ulit na pagtatae ng tinatawag ng malabsorption. Ito ay isang kondisyon kung saan hindi nada-digest at naa-absorb ng katawan ang mga nutrient mula sa pagkain. Kapag hindi naagapan, pwede itong magdulot ng delayed growth and development sa mga bata at iba pang mga sakit dahil sa kakulangan ng nutrisyon.
Ilan sa mga sintomas ng malabsorption ang kawalan ng ganang kumain, bloating, madalas na pag-utot, pagbaba ng timbang, at pagkakaroon ng oily at sobrang bahong dumi.
Kailan Dapat Pumunta sa Ospital Dahil sa Diarrhea o Pagtatae?
Katulad ng unang nabanggit, maraming kaso ng pagtatae ang kusang nawawala. Basta’t maagapan ang dehydration, hindi na kailangang uminom ng gamot o pumunta sa doktor. Subalit, merong mga pagkakataon na kailangan ng medical attention ng isang pasyenteng may diarrhea. Narito ang ilang senyales na dapat bantayan:
- walang pagbabago sa kondisyon pagkalipas ng 2 o 3 araw ng pagtatae
- serious dehydration
- matinding pananakit ng tiyan
- maitim na kulay ng dumi
- lagnat
Sa mga sanggol at bata na may diarrhea, oras na lagnatin sila at dumumi ng maitim o may kasamang dugo, huwag nang mag-atubili na pumunta sa ospital.
Paano Iwasan ang Diarrhea o Pagtatae?
Halos lahat ng tao ay makakaranas ng pagtatae minsan sa kanilang buong buhay. Subalit, marami ring paraan para maiwasan ang kondisyong ito. Isa sa mga pinakamahalagang gawin ay ang tamang paghuhugas ng kamay, lalo na pagkagaling sa banyo, bago at pagkatapos magluto, bago at pagkatapos kumain, at pagkatapos humawak ng maruming bagay.
Importante rin ang tamang pagluluto ng mga pagkain para mapatay ang mga bacteria, gayundin ang tamang pagtatago ng pagkain para hindi ito mapanis agad. Makakatulong din ang pagiging observant sa mga pagkain at inumin kapag bumisita sa ibang lugar, lalo na ang mga street food. Kapag iinom ng tubig, mas mainam bumili ng bottled water.
Panghuli, malaki ang maitutulong ng bakuna laban sa rotavirus para maiwasan ang diarrhea sa mga sanggol. Para matiyak ang bisa ng bakuna, dapat maibigay ang unang dose bago mag-15 weeks ang edad at ang pangalawang dose naman bago umaobot ng 8 months.
Mahalagang paalala: Ang lahat ng impormasyong nakalahad dito ay para lamang sa pagbabahagi ng kaalaman at ‘di dapat ituring bilang professional medical advice. Ugaliin pa rin kumonsulta sa iyong doktor bago uminom o gumamit ng kahit anong gamot.