Pagkahilo at Pagsusuka (Nausea and Vomiting): Mga Sanhi, Sintomas, at Gamot

Ang pagkahilo at pagsusuka ay hindi mga sakit kundi mga sintomas. Madalas ay may kinalaman sa mga sakit sa tiyan ang pagkahilo at pagsusuka. Subalit, pwede ring magdulot ng pagkahilo at pagsusuka ang maraming medical condition at mga gamot. Halimbawa, may mga taong nahihilo o nasusuka kapag inaatake sa puso; marami ring mga cancer patient na sumasailalim sa chemotherapy o kaya ay radiation therapy ang nakakaranas ng pagkahilo at pagsusuka matapos ang bawat treatment session.

Sa ilang mga kaso, pwede ring maging indikasyon ng nakakamatay na kondisyon ang nausea at vomiting. Halimbawa nito ang intracranial hematoma, kung saan nagkakaroon ng pamumuo ng dugo sa loob ng bungo.

Young woman vomiting into the toilet

Ano ang Kaibahan ng Nausea at Vomiting?

Sa Ingles, ang pagkahilo ay minsang sinasabayan ng pagduduwal. Ito ay tinatawag na nausea. Samantala, ang pagsusuka naman ay tinatawag na vomiting. Kapag nakakaramdam ang tao ng nausea, pwedeng siyang makaranas ng pangangasim o pagkulo ng sikmura, panghihina, at pagkawala ng balanse. Tandaan na hindi sa lahat ng pagkakataon ay nauuwi sa pagsusuka ang pagkahilo at pagduduwal.

Samantala, ang pagsusuka ay isang paraan ng katawan para maalis ang mga bagay na pwedeng magdulot ng pinsala sa tiyan. Madalas ay isang bodily reaction din ang pagsusuka kapag merong bagay na naka-irita sa tiyan (halimbawa, panis na pagkain).

Ano ang mga Sintomas ng Pagkahilo at Pagsusuka?

Ilan sa mga senyales ng nausea at vomiting ang mga sumusunod:

  • Pagka-ipon ng laway sa bibig
  • Pagkalito
  • Pakiramdam na mawawalan ng balanse
  • Mabilis na tibok ng puso
  • Paninikip ng dibdib
  • Pangangasim ng sikmura
  • Pananakit ng tiyan
  • Paulit-ulit na pag-contract ng sikmura na parang pinipiga
  • Kawalan ng ganang kumain
  • Pagpapawis
  • Panghihina
  • Kakaunti ang iniihi

Mahalagang tandaan na merong tinatawag na “dry heaving” o iyong pagsusuka pero walang lumalabas mula sa tiyan. Madalas na nangyayari ito kapag nagpapadala ang utak ng mga signal sa tiyan na alisin ang laman nito, kahit na wala na itong laman. Tinatawag din na first stage of vomiting ang dry heaving, pero may mga pagkakataon na hindi ito nauuwi sa pagsusuka.

Ano ang Sanhi ng Pagkahilo at Pagsusuka?

Maraming sanhi ng pagkahilo at pagsusuka. Sa mga kababaihan, halimbawa, pangkaraniwan ang morning sickness sa mga nasa first trimester ng pagbubuntis. Pwede ring magdulot ng pagkahilo at pagsusuka ang pagdanas ng matinding stress, takot, at anxiety.

Madalas ay kusang humuhupa at hindi kailangan ng gamot ang pagkahilo at pagsusuka. Gayunpaman, merong mga pagkakataon na kailangan ng medical intervention para sa pagkahilo at pagsusuka ng isang tao. Ito ay lalo na kung mataas ang risk ng mga komplikasyon, katulad ng dehydration o iba pang mas malubhang sakit.

Narito ang ilan sa mga pwedeng sanhi ng pagkahilo at pagsusuka:

  • Motion sickness. Madalas itong mangyari kapag sumasakay sa iba-ibang sasakyan, katulad ng bangka, eroplano, at tren. Meron ding nakakaranas ng motion sickness kapag sumasakay sa mga ride sa amusement park, katulad ng mga rollercoaster.
  • Food poisoning. Kapag kumain ka ng panis o kaya ay contaminated na pagkain, pwede kang mahilo at masuka.
  • Indigestion. Tinatawag ding dyspepsia ang indigestion o ang hindi maayos na pagkatunaw ng pagkain. Madalas na pagdighay at pananakit ng tiyan ang sintomas ng indigestion, pero may mga pagkakataon na nagdudulot ito ng pagsusuka.
  • Matinding sakit. Kapag nakaranas ang katawan ng matinding sakit (intense pain), nagiging hyperactive ang nervous system at naglalabas ng iba-ibang mga hormone katulad ng adrenaline. Dahil dito, nagre-respond ang katawan sa iba-ibang stimulus at isang resulta nito ang pagkahilo at pagsusuka.
  • Iba-ibang mga bacteria at virus, lalo na ang mga nagdudulot ng sakit sa tiyan.
  • Mabahong amoy. May mga taong nasusuka kapag nakaka-amoy ng mababahong amoy. Ayon sa ilang pagsusuri, ito ay dahil ini-interpret ng utak na ang mga mababahong amoy ay delikado sa katawan. Dahil dito, naa-activate ang response ng katawan na alisin ang anumang bagay na pwedeng makasama o makasakit dito.

Pwede ring magdulot ng pagkahilo o pagsusuka ang migraine, pagkagutom, sobrang pagkain, matinding pag-ubo, at mataas na lagnat. Katulad ng unang nabanggit, tandaan na hindi sa lahat ng pagkakataon ay nasusuka ang isang taong nahihilo at naduduwal.

Samantala, narito naman ang ilang mga sakit na pwedeng magdulot ng pagkahilo at pagsusuka:

Appendicitis

Ang appendicitis ay isang kondisyon kung saan namamaga ang appendix. Isa itong organ na matatagpuan sa dulo ng large intestine, sa bandang ibabang kanan (lower right) ng tiyan. Hindi pa tiyak kung ano talaga ang purpose ng appendix sa katawan. Subalit, may mga pag-aaral na nagsasabing nagsisilbing storage ng good bacteria ang appendix para ma-maintain ang balanse ng microbiome sa tiyan.

Kailangang maagapan kaagad ang appendicitis bago pumutok ang appendix (ruptured appendix), dahil pwede itong magdulot ng impeksyon.

Brain Tumor

Pwedeng magdulot ng matinding pananakit ng ulo, madalas na pagkahilo, at pagsusuka ang brain tumor, lalo na kung malaki na ito at nadidiinan na ang mga healthy cell sa paligid.

Crohn’s Disease

Ang Crohn’s disease ay isang uri ng inflammatory bowel syndrome o IBS. Sa sakit na ito, namamaga ang mga tissue ng small at large intestine. Nagdudulot ito ng pagsusuka, diarrhea, dugo sa dumi, pagbagsak ng timbang, at maging ng kidney stones.

Encephalitis

Ang encephalitis ay ang pamamaga ng utak, na pwedeng mangyari matapos ang isang impeksyon sa ibang bahagi ng katawan. Kasama sa mga pangkaraniwang sintomas ng encephalitis ang pagsusuka, bukod pa sa madalas na pagkahilo, pagkalito, at seizures.

GERD

Kapag merong GERD o gastroesophageal reflux disease ang isang tao, umaakyat ang asido mula sa tiyan papunta sa esophagus. Ang irritation na dulot ng mga asido ang siyang nagiging dahilan ng pagduduwal at pagsusuka ng mga nakakaranas ng GERD.

Hyperthyroidism at Iba Pang Thyroid Disorders

Ang mga thyroid disorder na katulad ng hyperthyroidism ay may kinalaman sa dami ng thyroid hormone na ginagawa ng mga thyroid gland. Depende sa uri at lubha ng thyroid disorder, pwedeng makaranas ang pasyente ng iba-ibang sintomas, kasama na ang pagsusuka.

Mga Gamot

Maraming gamot ang may side effect na nausea at vomiting. Ilan sa mga gamot na ito ang iba-ibang uri ng antibiotic, digitalis (isang uri ng gamot sa puso), non-steroidal anti-inflammatory drugs, at oral contraceptives.

Meningitis

Ang meningitis ay isang kondisyon kung saan namamaga at nagkakaroon ng impeksyon ang mga meninges, o iyong mga membrane na nakapaligid sa utak at spinal cord. Isang pangkaraniwang sintomas ng sakit na ito, lalo na sa mga bata, ang pagsusuka.

Pancreatic Cancer

May mga kaso ng pancreatic cancer kung saan may namumuong tumor sa dulo ng tiyan. Dahil dito nahaharangan ang pagdaloy ng pagkain sa digestive system. Kapag ganito ang nangyari sa pasyente, pwede siyang makaranas ng pagkahilo, pagduduwal, at pagsusuka.

Gayundin, katulad ng unang nabanggit, pwedeng magdulot ng pagkahilo at pagsusuka ang cancer treatments na katulad ng chemotherapy at radiation therapy.

Ulcer

Ang peptic ulcer ay isang sakit kung saan nagkakasugat ang lining ng tiyan at small intestine. Bukod sa pananakit ng tiyan, kasama sa mga sintomas ng ulcer ang pagduduwal at pagsusuka.

Ano ang Gamot sa Pagkahilo at Pagsusuka?

Sa kabutihang palad, maraming pwedeng gamot at home remedy para sa pagkahilo at pagsusuka, basta’t hindi dulot ng iba pang medical condition ang mga ito.

Ilan sa mga pwedeng gawin ay ang mga sumusunod:

  • Uminom ng gamot laban sa motion sickness at pagkahilo.
  • Umupo o humiga at bawasan ang biglaang pagkilos.
  • Uminom ng tubig o kaya ay mainit na sabaw para mas maging kalmado ang sikmura.
  • Kumain ng mga pagkain na walang gaanong flavor, at umiwas sa mga oily na pagkain.
  • Bagalan ang pagkain para hindi mabigla ang sikmura.
  • Huwag paghaluin o pagsabayin ang pagkonsumo ng mainit at malamig na pagkain.
  • Magpahinga pagkatapos kumain.
  • Lumanghap ng mga oil na katulad ng peppermint, lavender, at camphor.

Kung ang pagkahilo at pagsusuka ay dulot ng iba pang sakit o side effect ng isang medical treatment, pwede kang bigyan ng doktor ng karagdagang gamot. Tandaan na hindi dapat basta-bastang umiinom ng mga gamot nang hindi muna nagpapakonsulta sa doktor. Maraming uri ng gamot ang nawawalan ng epekto o kaya ay nagdudulot ng matinding side effects kapag sabay na ininom o ginamit.

Samantala, kung ikaw ay buntis at nakakaranas ka ng matinding morning sickness, agad na magpakonsulta sa doktor para mabigyan ng tamang treatment.

Ano ang Pwedeng Mangyari Kapag Sobra na ang Pagsusuka ng Isang Tao?

Kung hindi naman tumatagal ng higit pa sa dalawang araw ang pagsusuka, walang gaanong dapat ikabahala. Bantayan lamang mabuti ang food at fluid intake ng pasyente para hindi siya ma-dehydrate. Ito ang pinakamatinding consequence ng pagkahilo at pagsusuka, dahil pwede itong magdulot ng kakulangan sa tubig at nutrisyon, na siya namang pwedeng magdulot ng maraming uri ng sakit.

Para sa mga matatanda, uminom ng mga may electrolytes kung nahihirapan kumain. Kagaya ng nabanggit sa itaas, gawing paunti-unti ang pagkain at pumili ng mga pagkaing walang masyadong flavor para maiwasan ang pagkabigla at pagka-irita ng tiyan.

Para sa mga bata at sanggol, painumin sila ng oral rehydration solution na may tamang formulation. Kung hindi madalas ang pagsusuka, ituloy lang ang pagpapa-breastfeed o pagpapainom ng formula milk para makadagdag sa kanilang hydration.

Bantayan din ang mga sintomas ng dehydration sa mga bata at sanggol. Kapag napansin ang mga ito, pumunta na kaagad sa doktor o ospital:

  • Panunuyo ng bibig at labi
  • Mabilis na paghinga
  • Tuyong diaper o bawas na pag-ihi
  • Lubog na mga mata (sunken eyes)

Sa mga sanggol na hanggang 18 buwan na edad, tingnan din kung nakalubog ang fontanelle o iyong malambot na bahagi sa bumbunan. Kapag nakalubog ito, senyales ito ng dehydration.
Madalas ay uncomfortable at inconvenient ang pagkahilo at pagsusuka, pero hindi naman ito dapat ikabahala. Subalit, kung hindi mawala ang mga sintomas sa loob ng ilang araw, magpakonsulta na kaagad sa doktor para sa tamang diagnosis at gamot.

Mahalagang paalala: Ang lahat ng impormasyong nakalahad dito ay para lamang sa pagbabahagi ng kaalaman at ‘di dapat ituring bilang professional medical advice. Ugaliin pa rin kumonsulta sa iyong doktor bago uminom o gumamit ng kahit anong gamot.