Food Supplements: Ano ang Kailangan ng Iyong Katawan?

Kailangan ng katawan ang tamang kombinasyon ng iba-ibang mga nutrient. Sa kabuuan, higit sa 40 ang mga nutrient na matatagpuan sa pagkain. Nahahati ang mga ito sa 6 o 7 na category: vitamins, minerals, carbohydrates, fats, proteins, at tubig; may ibang health professionals na isinasama ang dietary fiber sa mga category na ito.

Bukod sa nabanggit, meron ding tinatawag na micro at macronutrients. Parehong essential nutrient ang mga ito at ang pinagkaiba lamang ay ang dami o dosage na kailangan ng katawan. Ang vitamins at minerals ay mga micronutrient, at ang proteins, carbohydrates, at fats naman ay mga macronutrient. Ang ibang tawag sa mga macronutrient at “building blocks of the diet” dahil ito ang pangunahing kailangan ng katawan para magkaroon ng sapat na energy.

Sa maraming pagkakataon, nakukuha ng isang tao ang lahat ng mga essential nutrient na ito mula sa pagkain. Subalit, may mga kaso rin na hindi sapat ang pagkain para makamit ang tamang nutrisyon. Dito nakakatulong ang mga food supplement.

lady holding gel capsule

Ano ang Food Supplements?

Ang mga food supplement, na kung minsan ay tinatawag ding dietary supplement, ay mga pharmaceutical product na naglalaman ng mga essential nutrient. Iniinom o ginagamit ito ng mga taong may kakulangan sa tamang nutrient o kailangan ng mas marami nito.

Tandaan na hindi gamot ang mga food supplement para sa anumang sakit. Subalit, kung minsan, may indirect effect din ang mga food supplement sa mga karamdaman. Halimbawa, madalas na nagre-reseta ang mga doktor ng omega-3 fatty acid supplement sa mga taong may sakit sa puso dahil napapabagal ng omega-3 ang pamumuo ng fat at cholesterol sa mga artery.

Ano ang mga Uri ng Food Supplements?

Maraming uri ng mga food supplement, depende sa formulation nito. Ilan sa mga ito ay ang tableta, capsule, gel capsule, syrup o liquid, powder na hinahalo sa tubig, gummy o chewy candy. Meron ding mga supplement na nangangailangan ng injection.

Pwede ring ma-classify ang mga food supplement batay sa kung ano ang laman o kung saan gawa ang mga ito. Halimbawa nito ay ang mga:

  • Vitamin supplement. Ito ang uri ng food supplement na may isa o higit pang vitamin. May mga vitamin supplement din na may kasamang isa o higit pang mineral.
  • Mineral supplement. Ito ang uri ng food supplement na may isa o higit pang mineral.
  • Amino acid supplement. Nagtataglay ang ganitong food supplement ng mga amino acid na hindi nagagawa o naipo-produce ng katawan. Halimbawa nito ang lysine at tryptophan.
  • Probiotics. Kung kulang ang isang tao sa mga tinatawag na “good bacteria,” pwede siyang uminom ng mga probiotic supplement.
  • Botanicals at botanical compounds. Ito ang mga uri ng food supplement na gawa sa mga halaman o kaya ay mga compound na hango o kinuha mula sa mga halaman. Halimbawa nito ang curcumin na matatagpuan sa luyang dilaw (turmeric).

Panghuli, pwede ring ma-classify ang mga food supplement ayon sa pagkakagawa nito. Merong mga natural food supplement na galing sa mga halaman at hayop; synthetic food supplement na gawa sa mga laboratoryo; at semi-synthetic food supplement na gawa sa mga natural components subalit hinaluan ng mga synthetic ingredient para maging mas mabisa o maging ligtas ang formula.

Sino ang Dapat Uminom o Gumamit ng Food Supplements?

Kagaya ng unang nabanggit, nakukuha sa iba-ibang uri ng pagkain ang mga essential nutrient. Kung kumakain ka ng isang balanced diet, mataas ang posibilidad na hindi mo na kailangan ng kahit anong nutritional supplement. Sa katunayan, pwedeng magdulot ng overdose ang paggamit ng food supplement kapag nasobrahan sa isa o higit pang nutrient ang katawan.

Gayunpaman, meron pa ring mga taong nangangailangan ng mga food supplement dahil sa kanilang unique condition. Halimbawa nito ang mga sumusunod:

  • mga babaeng buntis o gustong mabuntis
  • mga may edad na 50 pataas
  • mga batang may edad 5 pababa
  • mga vegan at vegetarian
  • mga may allergy sa pagkain

Ano ang Benepisyo ng Food Supplements?

Napatunayan na ng maraming pag-aaral ang mga benepisyo ng food supplement. Sa maraming pagkakataon, napapaganda ng mga produktong ito ang kalusugan ng isang tao. Meron ding mga bodily processes na kayang maisaayos ng mga food supplement. Isang magandang halimbawa nito ang mga fiber supplement, na nakakatulong sa mas magandang bowel movement. Samantala, ang melatonin naman ay nakakatulong na ibalik sa dati ang circadian rhythm para sa mas magandang quality ng tulog.

Gayunpaman, mas maganda pa rin sa kalusugan ang pagkain ng mga masustansyang pagkain para sa tamang nutrisyon.

Ano ang mga Food Supplement na Magandang Inumin o Gamitin?

Ilan sa mga food supplement na magandang inumin o gamitin ng karamihan ang mga sumusunod:

Calcium

Mahalaga ang calcium para sa bone health, kasama na ang mga ngipin. Sa kabutihang palad, maraming pagkain ang mayaman sa calcium, katulad ng mga madahon at berdeng gulay, mga dairy product na katulad ng gatas at keso, soybeans, at iba-ibang nuts. Gayunpaman, marami pa ring tao ang hindi nakakakuha ng sapat na calcium galing sa kanilang diyeta.

Kung kulang ang iyong calcium intake, pwede kang uminom o gumamit ng calcium supplement. Ipinapayo rin ang ganitong produkto sa mga may edad na, lalo sa mga kababaihan, upang hindi masyadong bumaba ang kanilang bone density.

Vitamin D

Ang vitamin D ang nutrient na tumutulong sa katawan na ma-absorb ang calcium. Kung kaya naman, maraming mga calcium supplement ang meron ding kasamang vitamin D. Kapag nagkulang sa bitaminang ito ang isang tao, malaki ang posibilidad na humina at maging marupok ang kanyang mga buto at magkaroon ng osteoporosis.

Ang pinakamabisang paraan upang makakuha ng sapat na vitamin D ay ang exposure sa sikat ng araw ng 15 hanggang 20 minuto bawat araw. Subalit, maraming tao ang hindi ito nagagawa bunsod ng iba-ibang dahilan. Halimbawa, may mga nagtatrabaho sa opisina na umaalis nang madaling-araw at gabi na kung makauwi kung kaya’t hindi na nila naabutan ang daylight hours.

Meron ding mga pagkain na may taglay ng vitamin D, katulad ng mga fatty fish, at mga fortified foods. Subalit, sa maraming pagkakataon, hindi sapat ang pagkain ng mga ito para makuha ang recommended daily intake.

Sa mga ganitong kaso, mas mabuting uminom ng supplement para masiguradong sapat ang nakukuhang vitamin D araw-araw.

Folic Acid o Folate

Para sa mga babaeng buntis o gustong magbuntis, highly recommended ang pag-inom ng folic acid supplement araw-araw hanggang sa ika-12 na linggo ng pagbubuntis. Kung gumagamit ka ng contraceptives bago ang desisyon na magbuntis, uminom na kaagad ng folic acid supplement bago pa man ihinto ang contraceptives.

Mahalaga ang folic acid o folate para sa tamang development ng sanggol sa sinapupunan. Nakakatulong din ang nutrient na ito para mapigilan ang spina bifida at iba pang neural tube defect. Ang neural tube ang bahagi ng isang fetus na siyang mabubuo bilang utak at spinal cord.

Iron

Ang iron ay isang mineral na nakakatulong sa pagbuo ng malusog na mga red blood cell. Kailangan din ang iron para ma-absorb ng mga muscle ang oxygen galing sa dugo at ma-convert ito bilang energy. Kapag kulang ang isang tao sa iron, pwede siyang maging matamlay, mahirapan sa pagco-concentrate, at magkaroon ng problema sa mga muscle.

Ilan sa mga pinapayuhang uminom ng iron supplement ay ang mga babaeng nireregla, mga babaeng buntis, at mga teenager o young adolescent na sumasailalim sa puberty. Sa ganitong mga panahon kasi ay magiging mas mabilis ang paggamit ng katawan sa iron, kung kaya may posibilidad na bumaba ang kanilang iron levels. Mabuti rin para sa mga vegan at vegetarian ang pag-inom ng iron supplement dahil maraming iron-rich foods, katulad ng karne, ang hindi kasama sa kanilang diet.

Zinc

Maraming role na ginagampanan ang zinc sa ating katawan. Kasama na rito ang pagpapalakas sa immune system at pagtulong sa mas mabilis na paggaling ng mga sugat. Kaya lang, pwedeng bumaba ang zinc level ng mga tao sa maraming kadahilanan. Kasama na rito ang stress at pagkakaroon ng malabsorption condition. May mga tao rin na kulang ang zinc sa diet, katulad ng mga hindi pwedeng kumain ng seafood at grains, na pangunahing source ng zinc.

Mabuti na lamang at maraming food supplement ang mayroong kasamang zinc. Kung maaari, humanap ng produktong may 5 hanggang 10 mg ng zinc para hindi magkaroon ng overdose.

Vitamin B12

May walong uri ng vitamin B at bawat isa sa mga ito ay may kanya-kanyang papel na ginagampanan sa katawan. Isa sa walong ito ang vitamin B12, na nagpapanatili sa sa kalusugan ng mga ugat, blood cell, at DNA. Sa kabutihang palad, maraming food source ang vitamin B12. Kaya nga lamang, halos lahat ng mga pagkaing ito ay karne o galing sa mga hayop, katulad ng beef, manok, isda, at itlog.

Para sa mga vegan at vegetarian, mabuting uminom ng vitamin B12 supplement para hindi magkulang sa nutrient na ito. Kung umiinom ka na ng nutritional supplement, itanong sa iyong doktor kung pwede itong palitan ng panibagong produkto na may kasamang vitamin B12.

Maganda ring uminom ng nutritional supplement na may vitamin C at E. Napatunayan na ng mga pag-aaral na may benepisyo ang mga ito sa immune system, lalo na sa pagpapanatili ng kalusugan ng mga cell.

Ang pinakamagandang gawin bago uminom ng kahit anong food supplement ay magpakonsulta muna sa doktor, para maiwasan ang overdose o anumang side effect. Mas mahalaga ang pagpapakonsulta kung meron kang underlying condition. Ito ay para makasiguradong hindi magkakaroon ng anumang masamang epekto ang paghahalo ng mga supplement sa mga maintenance medicine.

Mahalagang paalala: Ang lahat ng impormasyong nakalahad dito ay para lamang sa pagbabahagi ng kaalaman at ‘di dapat ituring bilang professional medical advice. Ugaliin pa rin kumonsulta sa iyong doktor bago uminom o gumamit ng kahit anong gamot.

Recommended Medicines

Search on blog