Para sa mga taong walang anumang sintomas ng hika o asthma, nasa maayos na kondisyon ang mga muscles ng kanilang airways o daanan ng hangin sa baga kapag humihinga. Mabilis at maayos na nakakadaloy ang hangin sa kanilang katawan.
Subalit, kung may hika ang isang tao, nakakaramdam siya nang pagsikip at pagkirot sa kaniyang dibdib kung kaya’t nahihirapan siyang huminga.
Ano ang Asthma o Hika?
Ang hika ay isang respiratory condition kung saan namamaga ang airways ng ating baga—na nagdudulot ng sobra at malapot na mucus. May mga pagkakataon ding sumasabay ang bronchospasm sa hika, kung saan nagko-contract at kumikipot ang ating airways.
Sa oras na umatake ang hika, p’wedeng maranasan ang isa o anumang kombinasyon ng mga nabanggit sa itaas. Dahil dito, hindi nakakadaloy nang maayos ang hangin at nahihirapang huminga ang taong mayro’n nito.
Dapat tandaan na ang hika ay isa ring chronic condition. Ibig sabihin, panghabang-buhay na ito at hindi nagagamot. Ngunit, ‘wag mag-alala dahil may mga paraan naman upang makontrol at maagapan ang mga sintomas nito.
Kung ikaw o ang iyong mga mahal sa buhay ay nakakaranas ng sintomas ng hika—mild man ito o severe—ugaliing magpakonsulta sa doktor at bantayan ang iyong kalagayan.
Importante ito upang mabigyan ka ng tamang gamot o treatment nang hindi lumala ang iyong hika.
Ano ang Sanhi ng Hika at Sino ang Nagkakaroon Nito?
Anumang edad at kahit sino ay p’wedeng magkaroon ng hika. Pinag-aaralan pa rin ng mga eksperto kung bakit at paano nga ba nabubuo ang sakit na ito. Gayunpaman, may mga dahilan kung bakit lumalala ang pagkakaroon ng hika, tulad ng:
- Mga kamag anak na may hika.
- Pagkakaroon ng allergic condition gaya ng atopic dermatitis.
- Paninigarilyo.
- Napapaligiran ng mga taong naninigarilyo—second-hand o third-hand smoke man ito.
- Madalas na nae-expose sa mga allergens at iba pang nakakapag-irita sa airways gaya ng polusyon at mga chemical fumes.
- Impeksiyon sa respiratory system noong bata—na naging sanhi sa paghina ng mga baga.
- Pagiging babae noong ipinanganak
- Pagiging overweight
Ayon naman sa World Health Organization (WHO), may higit sa 262 milyong tao sa buong mundo ang nakakaranas ng mga sintomas ng hika. Posible ring mas mataas pa ang bilang na ito dahil maraming under-diagnosed at under-treated na kaso sa mga mahihirap na bansa.
Maaari ding maging sanhi o mag-trigger ng isang asthma attack ang mga sumusunod:
- Malamig na hangin dahil nakakatuyo at nakakairita ito sa mga airways
- Paggawa ng physical activity tulad ng pag-eehersisyo
- Mga dumi ng ipis, daga, at iba pang peste
- Mga gamot katulad ng NSAIDs (nonsteroidal anti-inflammatory drugs), beta blockers, at aspirin
- Physical, mental at emotional health
- Paggamit ng mga preservatives tulad ng sulfite
- Pagkakaroon ng gastroesophageal reflux disease o GERD
Ano ang mga Sintomas ng Hika?
Maraming sintomas ang hika, kasama na ang mga sumusunod:
- Hirap sa paghinga. Isa ang kahirapan sa paghinga ang sintomas ng hika. Ito ay dulot nang makapl na mga pader ng bronchial tubes o airways, na nagiging dahilan upang mahirapan pumasok at lumabas ang hangin mula sa baga.
- Kakapusan ng hininga. Ang kakapusan ng hininga o shortness of breath ay nangyayari naman kapag ang mga airways ay nagiging masikip. Dahil dito, ang pasyente ay nawawalan ng sapat na hangin sa baga. Ito’y kadalasang mangyari kapag stress o may mabibigat na ginagawa.
- Paninikip ng dibdib. Ang paninikip ng dibdib ay maaaring maranasan ng mga taong may hika dahil sa pagsisikip ng airways. Ito ay maaaring magdulot ng discomfort o kirot sa dibdib. Ito rin ay nagdudulot nang pangangati o pangangasim sa lalamunan.
- Wheezing. Ang wheezing ay isang kakaibang tunog na marining kapag humihinga ang isang taong may hika. Ito ay dulot ng paglabas-pasok ng hangin sa masikip na airways, na nagbibigay ng tunog na tila parang sumisipol.
- Pag-ubo sa gabi at madaling araw. Ang ubo ay isang karaniwang sintomas ng hika—na maaaring lumala tuwing gabi at madaling araw. Ang ganitong oras ay madalas na tinatawag na "nocturnal asthma," kung saan nagiging mas malala ang mga sintomas sa oras na ito.
Depende sa klase at lubha ng sintomas ng hika, p’wedeng maranasan ang mga ito nang paminsan-minsan lang o kaya naman ay araw-araw.
Ano ang mga Uri ng Hika?
Mayroong iba’t-ibang uri ng hika. Ito’y depende sa kung ano ang mga sanhi nito, kung gaano ito kadalas nararanasan, at iba pa. Ating pag-usapan ang mga uri nito sa ibaba.
- Allergic asthma. Ito ang uri ng hika na dulot ng mga allergens gaya ng pollen, balahibo ng hayop, usok, at iba pa.
- Non-allergic asthma. Ito naman ay dulot ng mga external factors tulad ng panahon, pag-eehersisyo, at iba pa.
- Persistent asthma. Kung madalas o palaging nararanasan ang mga sintomas ng hika—mild man ito o severe, ang tawag dito ay persistent asthma.
- Intermittent asthma. Ito ay kabaligtaran ng persistent asthma sapagkat paminsan-minsan lang itong umaatake.
- Childhood asthma. Ang childhood asthma o pediatric asthma ay nagsisimula sa pagkabata—-kadalasan kapag ang bata ay nasa limang taon pababa. Sa katunayan, p’wede itong makuha ng mga sanggol.
- Adult-onset asthma. Ito ay nangyayari kung ang isang tao ay 18 taong gulang na at pataas.
May iba pang uri ng hika. Nandiyan ang exercise-induced asthma na nangyayari pagkatapos mag-ehersisyo. Meron ding occupational asthma na nakukuha ng mga taong (hairstylist, janitor, minero, karpintero, at iba pa) nae-expose sa mga irritants at allergens.
Ito rin ay p’wede ring sumabay sa iba pang respiratory condition gaya ng chronic obstructive pulmonary disease (COPD). Sa ganitong sitwasyon, mas malubha ang mga sintomas ng hika na nararanasan ng pasyente. Dahil dito, kailangan din nang mas marami at minsan ay mas mataas na dosage ng gamot para maagapan ang mga ito.
Ano ang Gamot sa Hika?
Aming nabanggit na ang hika ay hindi nagagamot. Ngunit, ang mga doktor ay maraming inirerekomendang paraan upang makontrol ang mga sintomas ng hika. Ilan sa mga p’wede mong gawin ay ang mga sumusunod:
- Inhaled corticosteroids. Isa sa mga pinakamadalas na ireseta ay ang mga corticosteroid na nilalagay sa inhaler. Ilan sa mga ito ang mometasone, fluticasone, ciclesonide, at budesonide. Araw-araw ginagamit ang inhaler na ito para maiwasan ang pag-atake ng hika. Sa tulong ng corticosteroids, nababawasan o napipigilan ang pamamaga inflammation sa airways. Ang inhaler na ito ay iba sa rescue o emergency inhaler—na ginagamit lamang para sa mga may malalang kondisyon ng hika.
- Combination inhalers. Kung hindi sapat ang corticosteroids para sa pasyente, p’wedeng ireseta ng doktor ang combination inhalers. Sa ganitong klaseng treatment, may inilalagay na kahalo ang corticosteroid na iba pang gamot.
- Leukotriene modifiers. Ang leukotrienes naman ay mga kemikal na inilalabas ng katawan bilang tugon sa mga allergens—na nagdudulot ng mga sintomas ng hika tulad ng ubo, mucus, at pamamaga sa airways.
- Short-acting beta agonists. Ito ay uri ng bronchodilator o mga gamot na nagpapaluwag ng mga airways. Mabilis ang epekto nito at madalas na ibinibigay bilang inhaler o kaya ay sa pamamagitan ng nebulizer.
- Oral at intravenous corticosteroids. Para sa severe asthma, p’wedeng gumamit ng oral o intravenous corticosteroid sa halip na inhaler. Ngunit, hindi masyadong inirerekomenda ang mga gamot na ito dahil sa mga side effects.
- Anticholinergic agents. Ito ay isa ring uri ng bronchodilator. Mas madalas itong inirereseta para sa bronchitis at emphysema, ngunit p’wede rin itong gamitin para sa sintomas ng hika.
- Gamot para sa allergy. Kung meron kang allergic asthma, makakatulong sa iyo ang mga allergy medications para makontrol ang mga sintomas. Kung mild lang ang iyong hika, ang mga karaniwang tablet o syrup ay sapat na. Para sa mas malubhang hika, mas epektibo ang mga allergy shots na p’wedeng ibigay ng isang beses kada linggo at isang beses kada buwan pagkalipas ng ilang buwan.
- Bronchial thermoplasty. Para sa mga may kaso ng severe asthma, maaaring sumailalim sa isang operasyon na tinatawag na bronchial thermoplasty. Pinaiinitan nito ang mga airways gamit ang isang electrode. Sa tulong ng init, nababawasan ang kakayahan ng mga muscles sa airways na sumikip. Gayunpaman, hindi pa gaanong kilala ang procedure na ito. Hindi rin ito p’wedeng gawin basta-basta. Kailangan muna nang masusing pag-aaral at pagsusuri para malaman kung ito ba ang tamang treatment para sa iyo.
Depende sa iyong kondisyon, p’wedeng pagsabayin ang dalawa o higit pang treatment options na nabanggit.
Ano ang Komplikasyon ng Hika?
Sa maraming sitwasyon, naaagapan naman ang sintomas ng hika kung may tamang gamot. Subalit, kung hindi ito, p’wede itong magdulot ng iba’t-ibang komplikasyon gaya ng permanenteng pagkipot ng mga bronchial tubes (ang mga dinadaanan ng hangin papunta sa ating baga). Kapag nangyari ito, permanente na ring magkakaroon ng kahirapan sa paghinga ang pasyente.
Ang asthma attack ay p’wedeng madalas na mangyari. Ito’y nakakaapekto sa pamumuhay at kakayahan ng isang taong magtrabaho o pumasok sa eskuwela.
Gamitin agad ang iyong emergency inhaler kapag nakaranas ng isang severe asthma attack. Kung hindi ito tumalab, pumunta kaagad sa pinakamalapit na ospital, lalo na kung nararamdaman o napapansin ang mga sumusunod na sintomas ng hika:
- Kulay asul na kuko o mga labi. Ito’y indikasyon na kulang sa supply ng oxygen ang pasyente
- Pamumutla at pagpapawis ng mukha
- Matinding pananakit ng dibdib o pakiramdam na may nakadagan dito
- Nahihirapang magsalita
- Mabilis na paghinga o paghahabol ng hininga
- Tuloy-tuloy na pag-ubo
Sa tamang pagsugpo ng mga sintomas ng hika, maaari ka pa ring magkaroon ng normal na pamumuhay. Kausapin mo ang iyong doktor tungkol sa mga treatment options na available at sundin ang mga irereseta at payo sa ‘yo. Ugaliin ding bantayan ang epekto ng mga gamot at sabihin agad sa iyong doktor kung may nararamdaman kang kakaiba para mapalitan o mai-adjust ito.
Bisitahin ang Aming Online Store para sa mga Gamot na Dekalidad at Abot-kaya Laban sa Sintomas ng Hika
Ang The Generics Pharmacy ang sagot sa inyong pangangailangan! Nag-aalok kami ng epektibo at abot-kayang gamot para sa inyong mga sintomas ng hika. Huwag magpatumpik-tumpik pa, bisitahin na ang aming online store upang makakuha ng agarang lunas sa murang presyo. Gawin natin ang hakbang tungo sa mabisang lunas ng hika ngayon.
Bistahin ang aming online store!
Mahalagang paalala: Ang lahat ng impormasyong nakalahad dito ay para lamang sa pagbabahagi ng kaalaman at ‘di dapat ituring bilang professional medical advice. Ugaliin pa ring kumonsulta sa iyong doktor bago uminom o gumamit ng kahit anong gamot.