Ang mga diuretic o “water pills” ay mga uri ng gamot na karaniwang ginagamit para sa altapresyon, congestive heart failure, at iba pang mga sakit. Kapag uminom o gumamit ka nito, dadami ang iyong iniihi at dadalas ang iyong pag-ihi.
Ano ang Ginagawa ng Diuretics sa Katawan?
Ang mga taong may heart failure o anumang circulatory disease ay kadalasang nakakaranas ng edema o water retention. Dahil sa hindi magandang daloy ng dugo, inaakala ng mga kidney na may nagaganap na blood loss. Para kontrahin ito, nag-iipon o nagre-retain ang mga kidney ng fluid kahit hindi naman kailangan. Ito ang isang dahilan ng pagtaas ng blood pressure.
Kapag uminom ang isang tao ng diuretics, nasi-stimulate ang mga kidney at nababago ang “desisyon” nitong mag-ipon ng karagdagang tubig. Kasabay ng pag-ihi, nailalabas din ng katawan ang excess sodium kaya nababawasan din ang water retention. Ang resulta, mas magaan na ang daloy ng dugo and bumababa ang presyon.
Ano ang mga Uri ng Diuretic?
Maraming uri ng diuretics. Magkakaiba ang paraan ng mga ito sa pagtanggal ng sobrang sodium at fluid sa katawan, at depende sa sitwasyon ng isang pasyente ang uri ng diuretic na irereseta ng gamot.
Narito ang anim na karaniwang uri ng diuretics:
Loop Diuretics
Ang mga loop diuretic ay madalas na inirereseta para sa mga may altapresyon, pulmonary edema (sobrang fluid sa mga baga), at hyperkalemia (sobrang taas na potassium level). Pwede rin itong gamitin para sa hypercalcemia o sobrang taas na calcium level.
Kaya tinawag na loop diuretic ang gamot na ito ay dahil nagaganap ang primary action nito sa bahagi ng kidney na tinatawag na loop of Henle. Ito ang bahagi na nagre-reabsorb ng tubig at asin galing sa ihi, para makatulong sa water conservation ng katawan.
Kapag uminom o gumamit ng loop diuretic ang isang tao, mas maraming tubig at asin ang nailalabas kasabay ng ihi. Tandaan lang na kapag hindi tama o kaya ay napasobra ang gamit ng loop diuretic, pwede itong magresulta sa hypokalemia o sobrang baba na potassium level.
Thiazides
Madalas gamitin ang mga thiazide para sa hypertension. Katulad ng mga loop diuretic, ang mga thiazide ay pinipigilan ang mga kidney sa pag-reabsorb ng tubig at asin. Ang pagkakaiba ng dalawa ay ang bahagi ng kidney na naaapektuhan. Sa kaso ng thiazides, ang epekto nito ay naka-focus sa tinatawag na distal convoluted tubule. Minsan ay pinagsasabay ang reseta ng loop diuretics at thiazides para mas maging mabisa ang mga ito.
Katulad din ng loop diuretics, may risk na maging sobrang baba ng potassium levels sa katawan kapag gumamit ng thiazides. Para ma-test ang potassium levels ng isang tao, kailangan niyang magpa-test ng ihi. Tanungin ang iyong doktor kung gaano kadalas ito dapat gawin.
Potassium-Sparing Diuretics
Ang mga potassium-sparing diuretic, katulad ng spironolactone at amiloride, ay may kakayahang pataasin ang urine volume ng isang tao nang hindi masyadong bumababa ang potassium levels.
Ang spironolactone ay pinipigilan ang epekto ng aldosterone, isang hormone na binabalanse ang dami ng tubig at asin sa kidney sa pamamagitan ng pagre-release ng potassium. Sa tulong ng spironolactone, hindi masyadong marami ang potassium na inilalabas kasabay ng ihi.
Dahil sa epektong ito, bukod sa hypertension at congestive heart failure, ginagamit din ang spironolactone para sa hyperaldosteronism o ang kondisyon kung saan sobrang daming aldosterone ang napo-produce ng katawan.
Samantala, ang amiloride naman ay ginagamit para mapigilan ang reabosrption ng tubig.
Osmotic Diuretics
Isa pang uri ng diuretic ang mga osmotic diuretic. Pinapataas ng mga gamot na ito ang osmotic pressure sa mga kidney, para hindi na ito mag-reabsorb ng tubig. Nakakatulong din ang osmotic diuretics sa pagpapababa ng pressure sa utak at paligid ng mga mata para mabawasan ang intracranial pressure at magamot ang glaucoma.
Maliban sa mga sakit na ito, mabisa rin ang mga osmotic diuretic laban sa mga sakit katulad ng acute kidney failure at rhabdomyolysis.
Carbonic Anhydrase Inhibitors
Ang carbonic anhydrase inhibitors ay ginagamit para pigilan ang enzyme na nagbabalik ng tubig at mga mineral katulad ng sodium pabalik sa dugo. Dahil dito, tumataas ang urine volume at napipigilan ang water retention.
Pwedeng gamitin ang diuretic na ito para sa mga may heart failure, pero mas sikat na treatment ito para sa mga may glaucoma dahil mabisa ito sa pagpapababa ng fluid pressure sa mga mata.
Sodium-Glucose Cotransporter 2 (SGLT2) Inhibitors
Ang sodium-glucose cotransporter 2 (SGLT2) inhibitors ay uri ng diuretic na binabawasan ang dami ng glucose at sodium na bumabalik sa dugo. Isa itong mild diuretic na madalas gamitin para sa diabetes. Gayunpaman, pwede pa rin itong ireseta para sa mga may mild kidney problems. Ilan sa mga halimbawa ng SGLT2 inhibitor ang canagliflozin at dapagliflozin.
Meron ding mga tinatawag na vasopressin receptor antagonists o vaptans. Pinapadami nito ang tubig na sumasama sa ihi, kaya tumataas ang dami ng sodium sa katawan. Ibinibigay ito sa mga taong nakakaranas ng low sodium levels.
Tandaan na may diuretics na over-the-counter (OTC) at prescription. Mas mild ang mga OTC diuretic, kung kaya mas bagay ito sa mga pasyenteng hindi pa gaanong malala ang sakit. Meron ding mga herbal diuretic; OTC din ang mga ito pero dapat ay doble-ingat sa paggamit dahil baka mag-interact ito sa ibang gamot. Kung umiinom ka ng mga maintenance medication, itanong muna sa iyong doktor kung ligtas na pagsabayin ang iyong mga gamot at mga herbal diuretic.
Meron ding mga pagkain at inumin na pwedeng magsilbing natural diuretic. Ilang halimbawa nito ang green tea at black tea. Subalit, hindi ito maituturing na mga gamot kundi pawang mga supplement lamang. Kagaya ng sa mga herbal diuretic, magtanong muna sa iyong doktor kung anong options ang meron para sa iyong specific na kondisyon. Pagkatapos uminom o mabigyan ng diuretics, mararamdaman kaagad ang bisa nito sa loob lamang ng ilang oras. Kung wala kang napapansing pagbabago o hindi dumadami ang iyong iniihi, magpakonsulta ulit sa doktor dahil posibleng meron kang iba pang sakit.
Ano Pa ang Pwedeng Gamutin ng mga Diuretic?
Katulad ng mga nabanggit sa itaas, hindi lang para sa mga may high blood pressure at congestive heart failure ang mga diuretic. Marami pang ibang sakit kung saan pwedeng makatulong ang diuretics para ma-manage ang mga sintomas o tuluyang magamot ang sakit. Kasama sa mga ito ang:
- cardiomyopathy
- pulmonary edema
- ascites (build up ng fluid sa tiyan)
- diabetes insipidus (fluid imbalance)
- intracranial at intraocular pressure
- renal failure
- nephrotic syndrome (pagkakaroon ng sobrang daming protein sa ihi)
Anong mga Gamot ang may Interaction sa mga Diuretic?
Bagama’t maraming sakit ang pwedeng gamutin ng diuretics, marami ring gamot ang pwedeng magkaroon ng hindi magandang interaction dito. Kung meron kang iniinom na ibang gamot, sabihin ito kaagad sa iyong doktor para mabigyan ka ng ibang uri ng gamot o alternative para sa diuretic.
Ilan sa mga gamot na hindi pwedeng inumin kasabay ng mga diuretic ang mga sumusunod:
- mga antidepressant katulad ng fluoxetine
- lithium
- cyclosporine
- digitalis at digoxin
- mga gamot para sa high blood pressure
Gayundin, sabihin din sa iyong doktor kung meron kang nararamdaman o napapansing sintomas pagkatapos gumamit ng iniresetang diuretic.
Ano ang mga Side-Effect ng Diuretics?
Sa kabuuan, safe naman ang maraming uri ng diuretics kapag tama rin ang pag-inom o paggamit nito. Gayunpaman, katulad ng ibang mga gamot, posible pa ring makaranas ng mga side effect ang mga gumagamit ng diuretics. Kasama sa mga side effect na ito ang mga sumusunod:
- hypokalemia
- masyadong mataas na potassium levels
- madalas na pananakit ng ulo at pagkahilo
- pagsusuka
- dehydration dahil sa sobrang dalas na pag-ihi
- pagkakaroon ng rashes
- pagiging mas sensitibo ng balat sa sikat ng araw
- constipation
- pulikat (muscle cramps)
- hearing problems
- gout
- heart palpitations
- mabilis at madalas na pagkapagod
- sa mga lalaki, sexual impotence at hirap na makaranas ng erection
- mas mataas na blood sugar
- hindi sapat na dami o imbalance ng electrolytes sa katawan
Sa mga malulubhang kaso, pwedeng magdulot ng severe allergic reaction, irregular heartbeat, at kidney failure ang paggamit ng diuretics.
Dahil sa posibilidad ng mga side effect na nabanggit, hindi kaagad nagrereseta ang mga doktor ng diuretics. Kadalasan, pinapa-test muna nila ang mga kidney ng pasyente. HIndi rin ipinapayong uminom basta-basta ng mga diuretic ang mga may kidney problem, liver problem, at mga babaeng buntis o nagpapa-breastfeed.
Sabihin din sa iyong doktor kung meron kang diabetes, pancreatitis, lupus, at menstrual problems. Pwede kasing magkaroon ka ng karagdagang health issue kung iinom ka ng diuretics kapag meron kang anuman sa mga nabanggit na kondisyon.
Mga Isyu sa Paggamit ng Diuretics
Hindi kasama sa mga ipinagbabawal na gamot ang diuretics at wala rin itong potential for abuse. Subalit, pwede pa rin itong gamitin sa hindi magandang paraan. Halimbawa, ginagamit ito ng ibang atleta para hindi ma-detect ang mga doping drug sa kanilang urine test. Dahil tumataas ang urine volume, nadi-dilute ang mga bakas ng droga sa dugo kaya’t nakakalusot ang ibang gumagamit ng mga doping agent.
Meron ding mga atleta na gumagamit ng diuretic para mabilis na magbawas ng timbang para sa mga komeptisyong may weight category, katulad ng boksing.
Gayunpaman, hindi tunay na effective sa pagbabawas ng timbang ang diuretics dahil water weight lamang ang nawawala. Oras na mag-rehydrate at ma-recover na ang nawalang tubig, babalik na rin ang nabawas na timbang. Kung gusto mong magpapayat at maabot ang iyong ideal weight, mas mabuting humingi ng payo sa doktor, nutritionist, at mga physical trainer para sa magandang kombinasyon ng pagkain at ehersisyo.
Mahalagang paalala: Ang lahat ng impormasyong nakalahad dito ay para lamang sa pagbabahagi ng kaalaman at ‘di dapat ituring bilang professional medical advice. Ugaliin pa rin kumonsulta sa iyong doktor bago uminom o gumamit ng kahit anong gamot.