Kapag may allergy ang isang tao sa isang bagay at nakahawak, nakalanghap, nakakain, o nakainom siya nito, nag-o-overreact ang kanyang immune system at naglalabas ng mga chemical katulad ng histamine. Ang mga chemical na ito ang nagdudulot ng mga allergy symptoms katulad ng pangangati o kaya ay sunud-sunod na pagbahing, dahil sinusubukan ng katawan na alisin o labanan ang allergen.
Subalit, may mga taong may allergy na mas malubha ang nagiging reaksyon ng katawan sa mga allergen at umaabot sa puntong life-threatening na ito. Ang tawag sa ganitong kondisyon ay anaphylaxis, kung saan sobrang dami ng mga chemical na inilalabas ng katawan. Parang pangkaraniwang sintomas lang ng allergy ang nararanasan sa simula ng isang anaphylactic reaction, pero mabilis na lulubha ang kondisyon sa loob lang ng ilang minuto o segundo. Kapag hindi naagapan, pwedeng bumaba nang husto ang blood pressure at maging sobrang kipot ng mga airway. Kapag nangyari ito, hindi makakahinga nang maayos ang pasyente. Ang kondisyong ito ay tinatawag na anaphylactic shock.
Kailangang mabigyan kaagad ng epinephrine ang isang taong inaatake ng anaphylaxis. Kung walang epinephrine, dalhin kaagad ang pasyente sa emergency room para mabigyan ng treatment. Dapat ding i-monitor ang kondisyon ng pasyente sa loob ng 12 oras dahil pwedeng magkaroon siya ng isa pang anaphylactic reaction na tinatawag na biphasic reaction.
Ano ang Sanhi ng Anaphylaxis?
Katulad ng ibang allergy attacks, ang sanhi ng anaphylaxis ay mga allergen. Ang pagkakaiba lang ng dalawa ay ang dami ng chemical na nilalabas ng katawan bilang response.
Gayunpaman, may ilang mga allergen ang mas mataas ang risk na magdulot ng anaphylaxis. Ilan sa mga ito ang mga sumusunod:
- Mani
- Iba-ibang klase ng tree nuts katulad ng almond, pistachio, at walnut
- Mga makaliskis na isda
- Mga shellfish katulad ng oyster at tahong
- Hipon
- Soy
- Gatas
- Latex
- Ilang uri ng mga gamot, katulad ng aspirin
- Anesthesia
- Kagat ng insekto, lalo na ng mga bubuyog, putakti (wasp), at gagamba
Kung hindi sigurado kung ano ang nagdulot ng anaphylaxis, tinatawag itong idiopathic anaphylaxis.
Mahalagang malaman kung ano ang mga allergy trigger ng isang tao para maiwasan ang mga ito at hindi atakihin ng anaphylaxis. Sa kabutihang palad, merong mga test na pwedeng gawin sa mga ospital o clinic. Ilan sa mga test na ito ang skin prick test at total IgE blood test.
Ano ang mga Sintomas ng Anaphylaxis?
Kagaya ng nabanggit sa itaas, madalas na nag-uumpisa sa mild symptoms ang anaphylaxis. Ilan sa mga ito ang pangangati o pagkakaroon ng kaunting rashes, pagtulo ng malabnaw na sipon o runny nose, at pananakit ng tiyan (sa kaso ng mga food allergy).
Ngunit, pagkatapos ng ilang minuto, magpapakita na ang mga mas malubhang sintomas. Ilan sa mga senyales ng anaphylaxis ang mga sumusunod:
- Pagkakaroon ng hives o pantal sa buong katawan
- Pamamaga, lalo na sa bahaging nadikitan ng allergen
- Paninikip ng lalamunan
- Hirap sa paghinga at pagsasalita
- Matinding pananakit ng tiyan
- Diarrhea
- Pagkahilo at pagsusuka
- Sobrang pagbaba ng blood pressure
- Mabilis na pagtibok ng puso
- Pagkawala ng malay
- Cardiac arrest
Kung nakaranas na dati ng severe allergic reaction ang pasyente, malaki ang posibilidad na makaranas siya ng anaphylaxis sa susunod na allergy attack. Kung kaya naman dapat ay palaging may dalang injectable epinephrine ang mga taong at-risk sa anaphylaxis.
Ano ang Gamot sa Anaphylaxis?
Ang pangunahing gamot o treatment para sa anaphylaxis ay epinephrine (adrenaline) para mabawasan ang intesity ng allergic response ng katawan. Pagkatapos nito, tumawag kaagad ng ambulansya para madala sa ospital at mabigyan ng follow-up treatment ang pasyente, katulad ng:
- Oxygen
- Antihistamine para mabawasan ang pangangati at iba pang sintomas. Nakakatulong din ang antihistamine na mabawasan ang pamamaga, lalo na sa daluyan ng hangin.
- Albuterol o iba pang beta-agonist para mapaluwag ang paghinga.
Habang hinhintay ang ambulansya, makakatulong din kung maalis ang bagay na nagdudulot ng allergic reaction. Halimbawa, kung natusok ng bubuyog ang pasyente, tanggalin ang stinger sa naiwan sa balat.
Isa pang pwedeng gawin ay ihiga ang pasyente at i-elevate ang kanyang mga binti para mapaluwag. Para sa mga buntis, mas mabuti kung ihihiga sila nang nakatagilid sa kaliwa.
Kung hindi pa rin nagbabago o bumubuti ang sitwasyon ng pasyente pagkatapos mabigyan ng unang injection, bigyan ulit siya ng isa pang dose ng epinephrine.
Ano ang Adrenaline Auto-Injector?
Ang adrenaline auto-injector ay isang uri ng medical device na naglalaman ng isang dosage ng epinephrine. Nakahanda na ang gamot sa loob nito at ang kailangan na lang gawin ay itusok o i-inject ito sa pasyente kapag nakaranas siya ng anaphylaxis.
Kailangang maibigay kaagad ang gamot na ito para hindi na maging mas malubha ang anaphylactic reaction. Kung ikaw o ang iyong mga mahal sa buhay ay may risk ng anaphylaxis, palaging magdala ng dalawang epinephrine auto-injector saan man kayo magpunta.
Ang pinakasikat na mga brand ng epinephrine auto-injector ay ang EpiPen, Emerade, at Jext. Iba-iba ang paraan ng paggamit ng mga ito, kaya basahing mabuti ang mga instruction na nakalagay sa packaging.
Kailangan ba ang CPR?
Hindi lahat ng nakakaranas ng anaphylaxis ay nangangailangan ng CPR o cardiopulmonary resuscitation. Kung mabibigyan kaagad ng epinephrine ang pasyente at tuloy-tuloy ang paghinga ng pasyente, hindi na rin kailangan mag-administer ng CPR.
Subalit, kung tumigil sa paghinga o huminto ang tibok ng puso ng pasyente, kailangang magawa kaagad ang CPR. Siguraduhing may tamang training ang magsasagawa ng CPR dahil pwedeng ma-injure ang pasyente o hindi maging effective ang CPR at lalong lumala ang kondisyon.
Kung walang may kakayahang magsagawa ng proper CPR, mas makabubuting maghintay na lamang ng emergency medical assistance.
Sino ang Pwedeng Makaranas ng Anaphylaxis?
Hindi lahat ng may allergy ay makakaranas ng anaphylaxis. Hindi pa rin tiyak kung ano talaga ang mga risk factor para magkaroon ng ganitong allergic reaction. Ganunpaman, may mga bagay na nagpapataas ng posibilidad na makaranas ang isang tao ng anaphylaxis. Ilan dito ang mga sumusunod:
- Pagkakaroon ng allergy o hika.
- Pagkakaroon ng mga health condition katulad ng heart disease.
- Pagkakaroon ng mas maraming mastocyte, isang uri ng white blood cell.
Kung nakaranas na ang pasyente ng anaphylaxis noon, tumataas din ang risk na maulit ito. Bukod pa diyan, may posibilidad na mas malubha ang susunod pang mga anaphylaxis reaction kaysa sa naunang episode.
Paano Maiiwasan ang Anaphylaxis?
Ang pinakamabisang paraan para maiwasan ang anaphylaxis ay ang pag-iwas sa iyong mga allergen. Halimabawa, kung may allergy ka sa pagkain, mas mabuti kung home-cooked meals ang kainin para makasiguradong walang ingredient na pwedeng maka-trigger ng allergic reaction. I-check din ang mga label ng mga pre-packaged na pagkain. Minsan, kahit walang halong allergen ang mismong produkto ay ginagawa naman ito sa iisang facility kung saan may presensya ng allergen.
Magandang halimbawa rito ay mga tsokolate o candy. Kahit bumili ka ng klase na walang mani o almond, pwedeng may traces pa rin ang mga ito ng mani o almond dahil sa iisang factory lang ginagawa ang mga variant ng isang brand. Dapat ay naka-indicate ang impormasyong ito sa label o balot ng produkto.
Ugaliin din na magbasa ng mga label para malaman kung ano ang mga component ng isang bagay. Halimbawa, kung meron kang latex allergy, magandang malaman kung may kahalong latex ang tela na ginamit sa mga bagay katulad ng mga damit, bed sheet, at iba pa.
Ilan pa sa mga pwedeng gawin para makaiwas sa anaphylactic reaction ang mga sumusunod:
- Magsuot ng medical necklace o bracelet kung saan nakalagay ang iyong mga allergy. Mahalaga ito, lalo na kung sakaling makaranas ka ng anaphylaxis sa mga pampublikong lugar.
- Kausapin ang management ng mga pupuntahang establishment para tiyakin na hindi ka ma-e-expose sa mga allergen. Halimbawa, kung pupunta sa isang hotel, tanungin kung meron silang no pets policy para hindi ka madikit o makalanghap ng pet dander.
- Palaging mag-stock ng mga epinephrine auto-injector at iba pang prescription medication para sa iyong allergy. Ilagay ang mga ito sa lugar na madali lang ma-access. Palagi ring i-check ang expiration date para makasiguradong may bisa pa ang gamot.
- Mag-ingat sa paligid ng mga insekto. Kung pupunta sa mga lugar na maraming bubuyog, putakti, gagamba, at iba pa, magsuot ng mga damit na mahaba ang manggas para mabawasan ang mga lugar na pwede kang makagat o matusok. Huwag ding gumamit ng mga pabango, lotion, at iba pang produkto na matapang ang amoy para hindi ma-attract ang mga insekto.
Ano ang Komplikasyon Anaphylaxis?
Kung maagapan kaagad ang anaphylaxis, hindi naman ito nagdudulot ng komplikasyon. Kung hindi naman mabibigyan kaagad ng treatment ang pasyente, pwedeng mauwi ang anaphylaxis at anaphylactic shock sa respiratory complications dahil sa kakulangan ng oxygen. Posible ring magkaroon ng brain damage ang isang pasyenteng nakaranas ng anaphylactic shock dahil hindi makarating ang dugo sa utak sa sobrang baba ng blood pressure.
Kagaya rin ng nabanggit kanina, dapat bantayan ang pasyente matapos maka-recover sa anaphylaxis dahil pwede siyang magkaroon ng biphasic reaction. Kung ikukumpara sa mga lindol, ang biphasic reaction ay pwedeng maituring na aftershocks. Madalas na hindi kasing tindi ng unang anaphylactic reaction ang biphasic reaction. Ganunpaman, dapat pa ring i-monitor ang kondisyon ng pasyente dahil pwede pa ring maging life-threatening ang isang biphasic reaction.
Nakakapagdulot ng panic ang isang anaphylactic reaction, lalo na kung sa unang pagkakataon itong mararanasan. Tandaan ang mga bagay na nabanggit sa itaas para malaman kung ano ang dapat gawin kung sakaling makaranas ng anaphylaxis at mga paraan para magamot at maiwasan ito.
Mahalagang paalala: Ang lahat ng impormasyong nakalahad dito ay para lamang sa pagbabahagi ng kaalaman at ‘di dapat ituring bilang professional medical advice. Ugaliin pa rin kumonsulta sa iyong doktor bago uminom o gumamit ng kahit anong gamot.