Steroids: Bisa at Epekto

Kapag may sakit ang isang tao, nagiging aktibo ang kanyang mga white blood cell at iba pang bahagi ng katawan para labanan ang impeksyon. Kaya lang, may mga sakit na nagdudulot ng hindi tamang pag-function o pagiging over-active ng immune system. Dahil dito, nagpo-produce ang katawan ng mga hormone katulad ng cortisol kahit hindi naman dapat.

Ang cortisol ay isang hormone na ginagamit ng katawan para sa iba-ibang bodily function, lalo na ang mga may kinalaman sa stress response. Kasama na rito ang pagpigil sa pamamaga (inflammation), pati na rin ang pagre-regulate ng blood pressure at blood sugar. Ito ang dahilan ng pagkakaroon ng pamamaga at iba pang immune response ng mga sakit katulad ng rayuma, eczema, lupus, at iba pa.

Bilang gamot para sa mga sintomas ng sakit na ito, pwedeng mag-reseta ang doktor ng corticosteroids. Ang corticosteroids, na mas madalas tawagin bilang steroids, ay uri ng mga gamot na binabawasan ang dami ng cortisol na ginagawa ng mga adrenal gland. Sa tulong ng steroids, nababawasan ang activity ng immune system kaya naman humuhupa rin ang mga sintomas na kagaya ng pamamaga, pamumula ng balat, pananakit, at pagkakaroon ng rashes.

steroids

Ano ang mga Klase ng Steroids at Saan Ito Ginagamit?

Maraming uri ng corticosteroids, katulad ng prednisone, prednisolone, hydrocortisone, dexamethasone, at mometasone. Meron ding iba-ibang formulation ang steroids; pwede itong maging tablet o capsule, ointment, cream, spray, at maging eye drops. Minsan ay pwede rin itong ibigay bilang injection tatlo hanggang anim na beses sa isang taon.

Ilan sa mga sakit na pwede ma-manage sa tulong ng steroids ang mga sumusunod:

Rheumatoid Arthritis

Ang rheumatoid arthritis, o mas kilala sa bilang rayuma, ay isang autoimmune disease na nagdudulot ng pananakit at pamamaga ng mga apektadong bahagi. Madalas tamaan ng rayuma ang mga kasukasuan sa mga daliri, pulso, at mga tuhod.

Gout

Ang gout ay isang uri ng arthritis kung saan may namumuong urate crystals sa mga kasukasuan, lalo na sa mga daliri. Ang mga urate crystals na ito ay galing sa uric acid na galing sa mga pagkain. Kapag masyado nang marami ang namuong crystals, nagdudulot ito ng pananakit at pamamaga. Bukod sa mga daliri, pwede ring maapektuhan ng gout ang pulso o wrist, siko, at tuhod.

Psoriasis at Eczema

Ang gout ay isang uri ng arthritis kung saan may namumuong urate crystals sa mga kasukasuan, lalo na sa mga daliri. Ang mga urate crystals na ito ay galing sa uric acid na galing sa mga pagkain. Kapag masyado nang marami ang namuong crystals, nagdudulot ito ng pananakit at pamamaga. Bukod sa mga daliri, pwede ring maapektuhan ng gout ang pulso o wrist, siko, at tuhod.

Psoriasis at Eczema

Ang psoriasis at eczema ay parehong sakit sa balat. Sa psoriasis, nagkakaroon ng makati at makaliskis na rashes ang balat. Madalas itong nakaka-apekto sa mga tuhod at siko, pati na rin sa anit. Samantala, sa eczema naman ay namamaga at natutuyo ang balat. Tinatawag din itong atopic dermatitis at madalas na magsimula sa pagkabata.

Urticaria

Ang urticaria o mas kilala sa tawag na “hives” ay isang uri ng skin condition kung saan nagkakaroon ng maliliit at makakating umbok ang balat. Nagdudulot ito ng pamamaga at mahapding pakiramdam. Madalas na dahil sa allergy ang hives, pero may mga pagkakataon na dulot ito ng stress, impeksyon, o pamamaga ng mga blood vessel (vasculitis).

Mga Allergy

Depende sa lubha ng allergy, pwedeng bigyan ang pasyente ng anti-allergy medication na may kasamang steroids o purong corticosteroids para mawala ang mga sintomas. Ilan sa mga allergy na madalas resetahan ng steroids ang allergy sa pagkain, kagat ng insekto, at mga gamot. Minsan din ay binibigyan ng corticosteroids ang mga may allergic rhinitis.

Hika

Kapag ikaw ay may hika o asthma, namamaga ang mga daluyan ng hangin at nagpo-produce ang mga baga ng sobrang mucus o plema. Dahil dito, sumisikip ang pakiramdam sa dibdib at magiging mas mahirap ang paghinga.

Uveitis

Ang uveitis ay isang uri ng pamamaga ng mata na nakaka-apekto sa uvea o ang gitnang layer ng eye wall. Ilan sa mga sintomas ng sakit na ito ang pamumula ng mata, pananakit ng mata, at panlalabo ng paningin.

Lupus

Sa sakit na lupus, nagkakaroon ng inflammation ang iba-ibang bahagi ng katawan katulad ng balat, mga kasukasuan, at maging mga internal organs katulad ng utak at puso. Maraming sintomas ng iba-ibang sakit ang halos pareho ng sintomas ng lupus kaya naman mahirap itong i-diagnose. Isang indikasyon na lupus nga ang sakit ng pasyente ay ang pagkakaroon ng rashes sa mukha na hugis paruparo.

Multiple Sclerosis

Ang multiple sclerosis o MS ay isang autoimmune disease kung saan inaatake ng immune system ang mga myelin sheath na nagsisilbing proteksyon ng mga nerve o ugat. Kapag nasira ang mga myelin sheath, pwedeng tuluyang masira ang mga nerve at magdulot ng matinding pananakit at pagka-paralisa.

Binibigyan din ng steroids ang mga taong sumailalim sa organ transplant para makatulong sa pag-iwas sa rejection. Minsan kasi ay itinuturing ng katawan na foreign invader ang bagong organ, kung kaya naman kailangan ng steroids para mapigilan ang immune response ng katawan. Kapag nasanay na ang katawan sa bagong organ, kadalasan sa loob ng 6 hanggang 12 na buwan, pwede nang babaan ang dosage ng steroids.

Tandaan din na sa halos lahat ng kaso, ang mga sakit na kailangan ng corticosteroids ay chronic. Ibig sabihin, hindi na ito tuluyang gagaling o mawawala at ang role ng steroids ay ang pagaanin o pahintuin ang nararamdamang mga sintomas para mapabuti ang quality of life ng pasyente. Kung kaya naman kapag niresetahan ka ng iyong doktor ng steroids, siguradahing sundan ang tamang dosage at dalas ng paggamit nito para maging effective ito.

Ano ang Kaibahan ng Corticosteroids sa Anabolic Steroids?

Bukod sa corticosteroids, may isa pang uri ng steroids na tinatawag na anabolic steroids. Malaki ang pagkakaiba ng dalawang steroids na ito dahil ang anabolic steroids ay walang kinalaman sa cortisol o anumang immune response. Sa halip, ang anabolic steroids ay uri ng gamot na ginagaya ang epekto ng testosterone.

Madalas na inirereseta ang anabolic steroids sa mga kalalakihan na may hormone problems katulad ng delayed puberty. Meron ding mga sakit na nagdudulot ng muscle loss na pwedeng masolusyunan ng anabolic steroids. Ito ay dahil kapag gumagamit ng gamot na ito, nababawasan ang fats sa katawan at tumataas naman ang muscle mass.

Kaya nga lamang, dahil sa epektong ito, may mga atletang kagaya ng mga weightlifter at bodybuilder na iligal na gumagamit ng anabolic steroids bilang performance-enhancing drugs. Ang problema dito ay may posibilidad na magkaroon ng addiction sa anabolic steroids ang isang taong madalas gumamit nito.

Bukod dito, marami ring ibang side effects ang anabolic steroids. Sa mga kalalakihan, pwedeng bumaba ang sperm count, mabaog, magkaroon ng erectile dysfunction, makalbo, at magkaroon ng matinding kaso ng acne. Posible ring tumaas ang risk ng prostate cancer dahil sa paggamit ng anabolic steroids. Sa mga kababaihan naman, ilan sa mga side effect ng gamot na ito ang pagkakaroon ng problema sa menstruation, pagdami o paglago ng buhok sa katawan, at paglalim ng boses.

Tumataas din ang risk na magkaroon ng sumusunod na health condition ang mga gumagamit ng anabolic steroids:

  • sakit o problema sa atay at bato
  • hypertension
  • pagkakaroon ng mga blood clot
  • fluid retention
  • high cholesterol

May mga Side Effect Ba ang Steroids?

Ligtas namang gamitin ang corticosteroids at walang gaanong side effects kung panandalian lang gagamitin at mababa lang ang dose. Ganunpaman, may pagkakataon na pwedeng magdulot ng hindi magandang epekto ang steroids, katulad ng pabago-bagong mood, pagtaas ng timbang dahil sa increased appetite, at kahirapan sa pagtulog.

Kung sakaling magkaroon ng mga nabanggit na side effects, huwag kaagad huminto sa pag-inom o paggamit ng steroids. Sa halip, pumunta sa iyong doktor para magpakonsulta. Depende sa iyong kondisyon at sa mga side effects na naranasan, pwedeng babaan ang dosage o kaya naman ay palitan ang steroids na irereseta.

Tandaan na iba-iba ang pwedeng maranasang side effects depende sa uri ng steroid. Halimbawa, mas mataas ang risk na makaranas ng pagnipis ng balat ang mga gumagamit ng topical corticosteroids (ointment, cream) kaysa sa inhaled corticosteroids (inhaler, nebulizer). Ganunpaman, hindi ibig sabihin nito na hindi na makakaranas ng pagnipis ng balat ang gumagamit ng mga inhaled corticosteroids. Iba-iba kasi ang reaksyon ng iba-ibang tao sa mga gamot. Depende rin ito kung gaano na katagal gumagamit ng steroids ang isang pasyente.

Narito ang mga side effect na dapat bantayan.

Oral Corticosteroids

  • hypertension
  • high blood sugar
  • fluid retention o pamamanas
  • pagtaas ng timbang
  • pananakit ng tiyan
  • glaucoma
  • katarata
  • osteoporosis
  • mas mabagal na paggaling ng mga sugat
  • pagnipis ng balat

Topical Corticosteroids

  • acne
  • pagnipis ng balat
  • pamumula ng balat

Inhaled Corticosteroids

  • oral thrush o fungal infection sa bibig
  • pagka-irita ng bibig
  • pagka-irita ng lalamunan
  • pagkagaralgal ng boses

Injected Corticosteroids

  • post-injection flare o pananakit ng bahaging tinurukan ng gamot
  • pamumutla ng balat
  • pagnipis ng balat

Pwede Ba sa Lahat ng Tao ang Steroids?

Pwedeng gumamit ng corticosteroids ang kahit na sino, bata man o matanda. Kaya lang, may mga sitwasyon na hindi advisable ang gamot na ito. Halimbawa, hangga’t maaari ay iniiwasang mag-reseta ng steroids sa mga may hypertension o diabetes dahil pwedeng lumala ang mga kondisyong ito. Hindi rin pinapayuhang gumamit ng steroids ang mga may infection (halimbawa, UTI) o mga sugat sa katawan dahil baka matagalan ang paggaling ng mga ito.

Ilan pa sa mga sitwasyon o kondisyon na hindi pwede o hindi magandang gumamit ng steroids ang mga sumusunod:

  • Kung may impeksyon o sakit sa balat katulad ng acne, rosacea, at iba pa, hindi advisable ang paggamit ng topical corticosteroids.
  • Kung nagsusuot ng contact lenses, huwag muna itong gamitin kung kailangan ng steroidal eye drops.
  • Kung may iniinom na gamot para sa kidney problems, posibleng magkaroon ng toxicity kung isasabay ang pag-inom ng steroids.

Sa kabuuan, mabisang gamot para sa pagma-manage ng iba-ibang sakit ang corticosteroids. Kailangan lang malaman ang overall health condition ng pasyente para masiguradong hindi ito magdudulot ng adverse effects o magkakaroon ng negative drug interaction.

Mahalagang paalala: Ang lahat ng impormasyong nakalahad dito ay para lamang sa pagbabahagi ng kaalaman at ‘di dapat ituring bilang professional medical advice. Ugaliin pa rin kumonsulta sa iyong doktor bago uminom o gumamit ng kahit anong gamot.