Kasama sa digestion process ang pagkakaroon ng hangin sa tiyan. Kapag napasobra ang hangin sa tiyan, halimbawa dahil sa pagnguya ng chewing gum, inilalabas ito ng katawan sa pamamagitan ng pagdighay o pag-utot.
Subalit, may mga pagkakataon na nahihirapan ang katawan na maglabas ng sobrang hangin at naiipon ito. Pwede itong magdulot ng pananakit ng tiyan at iba pang mga sintomas. Ang tawag dito ay kabag o sa Ingles ay “gas pain.”
Ano ang Sanhi ng Kabag?
Ang pinaka-karaniwang dahilan ng pagkakaroon ng kabag ay ang paglunok ng hangin habang kumakain o umiinom. Pwede ring mamuo at maipon ang hangin sa tiyan kapag kinain ng bacteria sa mga bituka ang natirang carbohydrates na hindi na-digest. Nagiging byproduct kasi ng prosesong ito ang pagre-release ng bacteria ng mga gas na katulad ng methane.
Ito ang dahilan kung bakit sinasabing pampautot na pagkain ang kamote: marami kasi itong taglay na fiber at carbohydrates. Ilan pang mga pagkain na pwedeng magdulot ng sobra-sobrang hangin sa tiyan ang whole grains, mga prutas at gulay, at beans. Ganunpaman, hindi dapat iwasan ang pagkain ng mga ito dahil mahalaga sila para sa kalusugan, lalo na para sa tinatawag na “gut health.”
Isa pang karaniwang dahilan ng kabag ay ang pagkakaroon ng mga gastrointestinal disorder, katulad na lang ng irritable bowel syndrome, Crohn’s disease, at celiac disease (pagiging sensitive sa gluten).
Bukod sa mga nabanggit, narito pa ang ilang posibleng dahilan ng pagkakaroon ng kabag:
- pagkain nang mabilis
- pag-inom gamit ang straw
- pagnguya ng chewing gum o pagsipsip ng kendi
- pagsasalita habang ngumunguya
- pag-inom ng soft drinks at iba pang carbonated na inumin
- pag-inom ng fiber supplements, lalo na ang psyllium
Nakakadagdag din ng hangin sa tiyan ang mga sugar substitute na katulad ng sorbitol at xylitol. (Nagkataon din na may mga chewing gum na may xylitol na may kakayahang mapigilan ang pamumuo ng plaque sa ngipin.) Panghuli, pwede ring maging sanhi ng kabag ang constipation at pagdami ng bacteria sa bituka.
Ano ang mga Sintomas ng Kabag?
Pwedeng magdulot ng matinding discomfort ang kabag pero sa kabutihang palad, hindi naman puro masama ang dulot nito sa kalusugan.
Ilan sa mga karaniwang sintomas ng kabag ay ang mga sumusunod:
- pagdighay at pag-utot
- distention o paglaki ng tiyan
- bloating o pakiramdam na parang puno ang tiyan
- pananakit ng tiyan
- paninigas ng tiyan
Tandaan na pwede ring maranasan ang mga ito kung meron kang ibang gastrointestinal disorder. Kung paulit-ulit na nararanasan ang mga sintomas na ito, magpakonsulta sa doktor
Sino ang Pwedeng Makaranas ng Kabag?
Lahat ng tao ay may maaaring kabagin. Katulad ng unang nabanggit, kasama sa digestion process ang pagkakaroon ng hangin sa tiyan kaya naman lahat ng tao ay pwede ring magkaroon ng sobrang hangin sa tiyan. Ganunpaman, merong mga mas mataas ang risk na makaranas ng kabag.
Ang pinakamagandang halimbawa rito ay ang mga sanggol. Noong nasa sinapupunan pa lamang sila ay direkta silang kumukuha ng nutrients sa pamamagitan ng placenta. Oras na sila ay ipanganak, kailangan na nilang uminom ng gatas at unti-unting kumain ng soft foods pagdating ng anim na buwan. Isa itong malaking pagbabago sa kanilang mga bodily process at hindi pa sanay ang kanilang tiyan sa pagda-digest ng mga inumin at pagkain. Dahil dito, madalas talagang kabagin ang mga sanggol.
Mataas din ang posibilidad na makaranas ng kabag ang mga may lactose intolerance at mga may sensitivity sa mga short-chain carbohydrates na tinatawag na fermentable oligosaccharides, disaccharides, monosaccharides, and polyols o FODMAP. Matatagpuan ang mga FODMAP sa maraming uri ng pagkain, katulad ng mga prutas, honey, gatas, yogurt, ice cream, wheat, mga gulay, at iba pa.
Kung umiinom ka ng gamot na nagpapabagal sa bowel movement, katulad ng mga gamot sa diabetes o irritable bowel syndrome, mataas din ang iyong risk na makaranas ng kabag. Ito ay dahil ang mabagal na galaw ng sikmura ay nagpapabagal din ng paglabas ng hangin.
Ano ang Gamot sa Kabag?
Sa kabutihang palad, nawawala nang kusa ang kabag. Oras na mailabas na ang sobrang hangin, sa pamamagitan man ito ng pagdighay o pag-utot, ay mawawala na rin ang hindi magandang pakiramdam at mga sintomas na dulot nito. Subalit, kung meron kang health condition na nagdudulot ng paulit-ulit na kabag, kailangang magamot o ma-manage muna ang sakit bago mawala ang kabag.
Narito ang ilang solusyon para mawala o maiwasan ang kabag:
Pagbabago ng Diet
Kagaya ng unang nabanggit, maraming pagkain na pwedeng magdulot ng kabag. Ngunit marami rin sa mga pagkaing ito ang mahalaga para sa kalusugan, kaya dapat ay makahanap ng tamang balanse o alternatives para hindi magkulang sa nutrisyon ang katawan. Narito ang listahan ng mga pagkain na mataas ang risk na magdulot ng kabag. Pwedeng iwasan o palitan ang mga ito sa iyong diet:
- Mga high-fiber foods, katulad ng repolyo, asparagus, cauliflower, mansanas, peach, prunes, at whole wheat.
- Lahat ng uri ng fiber supplement.
- Mga prito at matabang pagkain, dahil napapabagal nito ang paglabas ng gas mula sa mga bituka.
- Mga carbonated na inumin, katulad ng soft drinks at maging beer.
- Mga dairy product katulad ng gatas at keso, at mga pagkaing may ganitong ingredient (halimbawa, ice cream at mga shake).
- Mga sugar substitute, kagaya ng aspartame at sucralose.
Uminom ng Maraming Tubig
Para maiwasan ang constipation, na isang sanhi ng kabag, siguraduhing uminom ng sapat na tubig para mapanantili ang maayos na bowel movement.
Pagbabago ng Eating Habits
May mga pagkakataon na hindi natin namamalayan ang ating mga eating habits na nagiging sanhi pala ng kabag. Para makaiwas sa sobrang gas sa tiyan, subukang gawin ang mga ito:
- Liitan ang subo o kagat ng pagkain.
- Bagalan ang pagnguya sa pagkain at magdahan-dahan sa paglunok.
- Bawasan ang portion ng mga pagkain na pwedeng magdulot ng excess gas.
- Iwasan ang chewing gum.
- Iwasan ang paninigarilyo, dahil nakakadagdag ito sa nalulunok na hangin at pumapasok sa tiyan.
- Kung nagsusuot ka ng pustiso, tiyaking maganda ang fit nito. Kapag hindi eksakto ang sukat ng pustiso, nadadagdagan ang nalulunok na hangin kapag kumakain o umiinom.
Bantayan ang Reaksyon ng Tiyan sa mga Pagkain
Kung hindi ka sigurado kung anong mga pagkain ang nagdudulot ng iyong kabag, makakatulong ang paggawa ng isang food diary. I-record dito ang iyong mga kinakain pati na ang reaksyon ng iyong katawan sa mga ito.
Kapag meron ka nang sapat na record, kumonsulta sa doktor o nutritionist at ipakita ang iyong food diary para mabigyan ng recommendation ng mga pwedeng kainin at dapat iwasan.
Iba-ibang Uri ng Gamot
May mga over-the-counter na mga gamot para mabawasan o mas madaling mailabas ang hangin. Ilan sa mga gamot na ito ay ang:
- Alpha-galactosidase. Isa itong uri ng supplement na tumutulong sa pag-break down ng carbohydrates na matatagpuan sa mga gulay.
- Lactase supplements. Kung meron kang lactose intolerance, makakatulong ang ganitong supplement para mas madaling ma-digest ang lactose, o ang uri ng sugar na matatagpuan sa gatas at iba pang dairy products. Para sa mga babaeng buntis o nagbe-breastfeed, kumonsulta muna sa doktor bago gumamit ng lactase supplements.
- Probiotics. Makakatulong ang probiotics para mabalanse ang dami ng good bacteria sa iyong tiyan at maiwasan ang iba-ibang gastrointestinal conditions katulad ng kabag.
- Simethicone. Ang gamot na ito ay ginagamit para maiwasan ang buildup ng hangin sa tiyan at mabawasan ang discomfort na dala ng bloating.
Pagmasahe sa Tiyan
Ang marahang pagmamasahe sa tiyan ay pwedeng makapag-stimulate sa paggalaw ng mga bituka, lalo na ang large intestine, para mas mabilis mailabas ang hangin. Pwedeng gumamit ng mga liniment o langis para mas madali ang pagmamasahe at makatulong mabawasan ang pananakit ng tiyan.
Para sa mas magandang resulta, humiga na flat ang likod at itiklop (bend) ang tuhod para ma-relax ang tiyan.
Meron Bang Komplikasyon ang Kabag?
Kung pangkaraniwang kabag lang ang iyong nararanasan, hindi naman ito nagdudulot ng mga komplikasyon. Subalit, meron ding mga pagkakataon na sintomas na pala ng mas malubhang sakit sa digestive system ang paulit-ulit na kabag. Pwede rin itong makaapekto sa iyong pang-araw-araw na gawain at makabawas sa iyong confidence.
Kailan Dapat Pumunta sa Doktor Dahil sa Kabag?
May mga kaso ng kabag na nagdudulot ng malubhang sintomas. Magpunta kaagad sa iyong doktor kung nararanasan ang mga ito, kasabay ng pagkakaranas ng kabag:
- Matinding pananakit ng tiyan na tumatagal ng ilang araw
- Pananakit ng dibdib
- Paulit-ulit na kabag na nagdudulot ng pagsusuka
- Constipation
- Diarrhea
- Pagdumi na may kasamang dugo
- Hindi maipaliwanag na pagbaba ng timbang
Paano Mada-Diagnose Kung Kabag o Hindi ang Iyong Nararamdaman?
Maraming mga test ang pwedeng gawin para malaman ang tunay na sanhi ng sobrang hangin sa iyong tiyan. Ilan sa mga procedure na ito ang mga sumusunod:
- Pagkuha ng x-ray ng tiyan
- Colonoscopy, kung saan gumagamit ng colonoscope para silipin ang colon o malaking bituka para malaman kung meron itong anumang abnormality. Pinakamainam ang colonoscopy para sa mga taong at-risk sa colon cancer at para sa mga may edad 50 pataas.
- Barium swallow, na isang procedure kung saan iinom ng barium ang pasyente at pagkatapos ay sasailalim sa x-ray. Mababalot ng barium ang loob ng mga digestive organ kung kaya naman makikita kaagad sa x-ray kung merong problema sa mga ito.
- Sigmoidoscopy, kung saan gumagamit ng sigmoidoscope. Isa itong device na pwedeng magbuga ng hangin para ma-inflate ang bituka para mas madaling makita kung ano ang sanhi ng constipation, excess gas, pananakit ng tiyan, at iba pang sintomas ng kabag.
Hindi dapat ikahiya ang pagdighay o pag-utot dahil kasama ang mga ito sa iyong body processes. Subalit, kung sobrang inconvenient na ng mga ito dahil sa dalas ng kabag, mas mabuting magpakonsulta na sa doktor para sa tamang diagnosis at gamot.
Mahalagang paalala: Ang lahat ng impormasyong nakalahad dito ay para lamang sa pagbabahagi ng kaalaman at ‘di dapat ituring bilang professional medical advice. Ugaliin pa rin kumonsulta sa iyong doktor bago uminom o gumamit ng kahit anong gamot.