Maraming uri ng sakit sa mata at paningin. Marami sa mga ito ay minor infection at gumagaling kaagad sa tulong ng mga gamot, katulad ng eye drops at antibiotics. Minsan din ay dulot ng stress o pagod ang sakit (pain) na nararamdaman sa mga mata.
Kung may vision problem naman ang isang tao, pwede siyang magsuot ng salamin o antipara para maisaayos ang kanyang paningin. Meron ding mga sakit sa mata na kailangan ng surgical procedures para gumaling o mawala.
Ano ang mga Pangkaraniwang Sakit sa Mata?
Ilan sa mga pangkaraniwang sakit sa mata ay ang mga sumusunod:
Eye Strain
Nangyayari ang eye strain kapag napagod ang mga mata dahil sa sobrang paggamit. Ilan sa mga halimbawa nito ay kung napatagal ang iyong pagtitig sa screen ng computer o kaya ay nagbasa ka nang magdamag na walang sapat na liwanag.
Dry Eyes
Ang mga luha ay nagsisilbing lubricant para sa mata. Kapag nagkulang ang luha na ginagawa ng iyong mga mata o kaya ay mabilis na natutuyo ang iyong mga luha, tinatawag ang kondisyong ito na dry eyes. Posibleng sintomas ng iba pang sakit sa mata ang kondisyong ito.
Red Eyes
Isang indikasyon ng eye irritation o infection ang pamumula ng mga mata. Madalas din ay sintomas ng iba pang uri ng sakit sa mata, katulad ng conjunctivitis o sore eyes, ang pamumula ng mga mata.
Conjunctivitis
Ang conjunctivitis, na mas kilala sa Pilipinas bilang sore eyes, ay isang sakit sa mata na nagdudulot ng pamamaga ng conjunctiva. Ito ay isang manipis at malinaw (clear) na membrane na matatagpuan sa loob ng mga talukap ng mata (eyelid) at sa ibabaw ng sclera o ang puting bahagi ng mata. Nagsisilbi itong proteksyon sa mata para hindi makapasok ang germs. Pinapanatili rin ng conjunctiva ang moisture ng mga mata para hindi magkaroon ng irritation.
Isang pangkaraniwang sakit sa mga bata ang conjunctivitis at mabilis din itong makahawa. Dahil dito, kailangan ng ibayong pag-iingat para maiwasan ang pagkalat ng sakit na ito sa inyong tahanan.
Uveitis
Ang uvea ang bahagi ng mata sa pagitan ng sclera at ng retina (ang bahagi ng mata na sensitibo sa liwanag na tumatanggap ng mga imahe at nagpapadala ng mga electrical signal sa optic nerve papunta sa utak). Maraming ugat ang matatagpuan sa uvea at kapag namaga ang mga ugat na ito, tinatawag ang kondisyon na uveitis. Pwedeng magkaroon ng uveitis ang isa o parehong mata. Kapag hindi ito nagamot, pwede itong magdulot ng pagkabulag.
Glaucoma
Ang glaucoma ay isang uri ng sakit sa mata kung saan nasisira ang optic nerve. Hindi pa tiyak na natutukoy ng mga scientist at mga doktor kung ano ang sanhi ng maraming uri ng glaucoma. Ngunit, ang isang pangkaraniwang katangian ng mga taong may ganitong sakit ay ang mataas na pressure sa loob ng mata. Mabagal ang progression ng glaucoma kaya madalas ay hindi napapansin ng mga pasyente na meron na pala sila nito. Kung kaya naman, dapat ay ugaliin ang pagpapa-check up ng mga mata para maiwasan ang permanent vision loss dala ng glaucoma.
Katarata
Ang katarata o cataract ay ang panlalabo o pagiging cloudy ng lens ng mga mata. Dahil dito, hindi nakakadaan ang sapat na liwanag sa retina; ito ang nagdudulot ng vision problems. Kapag may katarata ang isang tao, malabo, parang kulang ang kulay, o kaya ay naninilaw ang mga bagay sa kanyang paningin.
Macular Degeneration
Ang macula ay ang gitnang bahagi ng retina. Ito ang susi sa malinaw na “central vision” o ang paningin sa mga bagay na direktang nasa harapan ng tao. Importante rin ang macula sa malinaw na paningin, lalo na sa pagkilala ng mga fine detail at iba-ibang kulay. Kapag nagkaroon ng pinsala ang macula, tinatawag itong macular degeneration. Mas madalas mangyari ang sakit na ito sa mga may edad na, pero pwede rin itong mangyari sa mga bata.
May dalawang uri ng macular degeneration: dry at wet. Ang dry macular degeneration ay nangyayari kapag unti-unting numinipis ang mga tissue ng macula. Wala itong gamot at permanente ang vision loss na dulot nito. Samantala, ang wet macular degeneration naman ay nangyayari kapag may mga fluid na tumatagas galing sa mga blood vessel sa ilalim ng macula. Hindi pangkaraniwan ang ganitong uri ng macular degeneration at mas mabilis ang vision loss na dulot nito kumpara sa dry macular degeneration.
Diabetic Retinopathy
Kapag may diabetes ang isang tao, mas mataas ang risk na makaranas ng neuropathy o ang pagkasira ng mga maliit na ugat na nagsu-supply ng dugo sa mga mas malaking ugat. Kung mangyari sa mga ugat sa mata ang neuropathy na dulot ng diabetes, ang tawag dito ay diabetic retinopathy. Nagdudulot ito ng unti-unting paglabo ng paningin at kapag hindi naagapan ay pwede itong magdulot ng pagkabulag.
Refractive Errors
Para makakita ang isang tao, kailangan ay maayos na mai-refract ng kanyang mga mata ang ilaw. Ang refraction ay isang proseso kung saan bahagyang nag-iiba nang bahagya ang direksyon ng ilaw kapag tumagos o dumaan ito sa isang transparent na bagay. Sa kaso ng mga taong may refractive error ang mga mata, hindi nare-refract nang maayos ang ilaw kaya nagkakaroon ng malabong paningin.
May apat na pangkaraniwang uri ang refractive error sa mata. Ang mga ito ay:
- Myopia o nearsightedness, kung saan malinaw ang paningin sa mga malapit na bagay at malabo naman ang mga malalayo.
- Hyperopia o farsightedness, o ang kabaligtaran ng myopia. Sa kondisyong ito, malinaw ang paningin sa mga malayong bagay.
- Astigmatisim ay ang kombinasyon ng myopia at hyperopia. Malayo man o malapit ang isang bagay, malabo ito o kaya ay distorted sa paningin.
- Presbyopia na madalas mangyari sa mga middle-aged at older adults. Kapag meron kang presbyopia, hindi maayos ang pagka-focus ng lens ng mata sa liwanag papunta sa retina kaya lumalabo ang paningin.
Meron ding mga sakit sa mata na mas madalas mangyari sa mga bata. Bukod sa conjunctivitis, isa ring eye disorder sa mga bata ang amblyopia o lazy eye. Nangyayari ito kapag hindi magkatugma ang pagkilos ng utak at isang mata. Dahil dito, mas binibigyang-pansin ng utak ang kabilang mata; ito ang nagdudulot ng paglabo ng paningin sa isang mata.
Marami ring bata ang nagkakaroon ng strabismus o ang hindi pagkakasabay ng paggalaw ng mga mata. Nagdudulot ito ng pagkaduling at mga katulad na kondisyon. Ang mga taong may strabismus ay limitado ang kakayahan o walang kakayahang i-focus nang sabay ang mga mata iisang bagay. Dahil dito, hindi maayos ang 3D vision ng pasyente. Pwede ring mauwi ang strabismus sa amblyopia.
Ano ang mga Sintomas ng Sakit sa Mata?
Depende sa sakit sa mata, iba-iba ang sintomas na pwedeng maramdaman ng pasyente. Ilan sa mga siguradong senyales ng sakit sa mata ay ang mga sumusunod:
- panunuyo ng mata
- pangangati ng mata
- pananakit ng mata
- paghapdi ng mata
- pagluluha at pagmumuta
- pamamaga o pamumula ng mata
- paglabo ng paningin
Tandaan na ang mga nabanggit sa itaas ay pwede ring sintomas na iba pang sakit. Sa kabuuan, maraming sakit sa mata ang delikado kung hindi maagapan. Kung kaya naman, mas mabuting magpakonsulta sa doktor kung sakaling maranasan ang mga nabanggit na sintomas.
Samantala, kaagad na magpunta sa doktor kapag nakaranas ng mga sumusunod dahil madalas na senyales ang mga ito ng mga malubhang sakit sa mata:
- pagkaduling
- pagbabago ng kulay ng iris
- pagkakaroon ng dark spot sa iyong field of vision
- pagiging maulap (cloudy) ng paningin
- double vision
Namamana ba ang Sakit sa Mata?
May mga sakit sa mata na nakakahawa, katulad ng conjunctivitis, pero mas marami ang namamana. Ilan sa mga ito ay ang:
- katarata
- glaucoma
- strabismus
- refractive errors
- retinal degeneration
Ano ang Pwedeng Gamot sa Sakit sa Mata?
Ang kadalasang ginagamit na gamot para sa mga sakit sa mata ay eye drops. Merong eye drops na antibiotic, katulad ng ciprofloxacin, na pumapatay sa bacteria na nagdulot ng impeksyon sa mata. Meron ding gamot na binabawasan ang production ng fluid sa mata para bumaba ang eye pressure. Isang halimbawa ng gamot na ito ang acetazolamide.
Marami pang eye drops ang pwedeng ireseta ng doktor, depende sa na-diagnose na sakit sa mata. Ilan sa mga ito ang acetylcysteine, azelastine, betaxolol, chloramphenicol, loteprednol, at sodium hyaluronate.
Para sa mga sakit sa mata na hindi pwedeng gamutin ng eye drops, pwedeng magrekomenda ang doktor ng surgical procedures. Marami sa mga operasyong ito ay corrective surgery, o iyong mga procedure na naglalayong ibalik ang linaw ng paningin ng pasyente.
Ilan sa mga karaniwang eye surgery ayang mga sumusunod:
LASIK
Ang LASIK o laser in-situ keratomileusis ay isang proseso kung saan gumagamit ng laser para baguhin ang hugis ng cornea. Ito ang isa sa mga pinakamagandang paraan para mapalinaw ang paningin ng mga taong may refractive errors. Pagkatapos ng LASIK operation, pinagsusuot ang mga pasyente ng protective goggles dahil sensitibo pa ang mga mata. Pagkatapos ng 1 or 2 linggo, pwede nang hindi suotin ang protective goggles.
Cataract Surgery
Sa operasyong ito, inaalis ang lens na apektado ng katarata ang pinapalitan ito ng artificial na lens.
Glaucoma Surgery
Sa glaucoma surgery naman, kadalasang may inilulusot na tubo na tinatawag na shunt sa puting bahagi ng mata. Ang shunt na ito ang nag-aalis ng sobrang fluid sa mata, para bumaba ang eye pressure. Meron ding glaucoma surgery na tinatawag na trabeculectomy, kung saan naglalagay ng maliit na hiwa o opening sa talukap ng mata para ito ang maging daanan ng excess fluid.
Corneal Transplant
Kapag masyado nang malaki ang pinsala sa cornea ng pasyente, pwedeng palitan ng donor tissue ang nasirang bahagi. Pwedeng partial o full thickness corneal transplant ang gawin ng doktor, depende sa lubha ng damage sa mga cornea.
Eye Muscle Surgery
Sa mga kaso ng strabismus na nangangailangan ng operasyon, inaayos ang koneksyon ng mga muscle sa mata sa pamamagitan ng pagkakabit nito sa ibang bahagi ng mata o kaya ay pag-aalis ng maliit na bahagi ng muscle.
Sensitibong bahagi ng katawan ang mga mata at kailangan nila ng tamang pag-aalaga para manatiling malinaw ang paningin. Kung sakaling may nararamdaman o napapansing kakaiba, magpunta kaagad sa doktor para malaman kung meron kang sakit sa mata o iba pang medical condition.
Mahalagang paalala: Ang lahat ng impormasyong nakalahad dito ay para lamang sa pagbabahagi ng kaalaman at ‘di dapat ituring bilang professional medical advice. Ugaliin pa rin kumonsulta sa iyong doktor bago uminom o gumamit ng kahit anong gamot.