Ang thyroid ang parte ng katawan na gumagawa ng mga tinatawag na hormones na siyang nagdidikta sa katawan kung ano ang dapat nitong gawin. Kapag masyadong marami o masyadong konti ang nagawa nitong hormones, nagdudulot ito ng mga iba’t-ibang sakit sa thyroid katulad ng hyperthyroidism (sobra), hypothyroidism (kulang), at Hashimoto’s thyroiditis.
Ano ang sintomas ng thyroid disorders?
Malaki ang mga pagkakaiba ng mga thyroid disorder symptoms depende sa uri ng thyroid disorder na nararanasan. Talakayin natin sa mga sumusunod na talata kung anu-ano ang mga posibleng sintomas.
Ano ang hypothyroidism?
Ang hypothyroidism o underactive thyroid ay isang kondisyon kung saan hindi sapat ang nagagawang hormones ng thyroid.
Sa umpisa, kadalasa’y walang mga sintomas na nararanasan sa hypothyroidism subalit sa pagtagal, ang hindi naagapang hypothyroidism ay maaaring magdulot ng mga sakit tulad ng grabeng pagtaba (obesity), sakit sa kasu-kasuan, pagkabaog, at sakit sa puso.
Ang sintomas ng hypothyroidism ay nakabatay sa kung gaano kababa ang nagagawang hormones. Ang mga unang sintomas ng hypothyroidism ay madalas na pagkapagod at pagtaba. Ang ilan pang mga sintomas na maaaring lumabas pagtagal ay:
- Hirap sa pagdumi
- Pagiging malamigin
- Panunuyo ng balat
- Pagmamanas ng mukha
- Pagkapaos
- Panghihina ng muscles
- Pagtaas ng cholesterol
- Pananakit ng katawan
- Pagdami ng regla
- Pagnipis ng buhok
- Depresyon
- Pagbagal ng pagtibok ng puso
- Pagiging makakalimutin
- Paglaki ng thyroid gland (goiter)
Kadalasa’y ang mga babaeng may edad ang nakararanas ng hypothyroidism, ngunit maaari rin itong makaapekto ng kahit sino, maging ang mga sanggol. Ang mga bagong panganak na sanggol na walang thyroid gland o may gland na hindi gumagana ng tama ay makararanas ng mga sintomas ng hypothyroidism. Ilan sa mga sintomas ay:
- Paninilaw ng balat
- Malaki ang nakaluwa na dila
- Hirap sa paghinga
- Iyak na paos
- Luslos sa umbilical cord
Sa pagtagal, mahihirapan ang sanggol na kumain at lumaki ng normal. Puwede rin silang magkaroon ng:
- Hirap sa pagdumi
- Kakulangan sa pagdevelop ng maskels
- Palagiang pagkaantok
Ang hypothyroidism na hindi magamot ay maaaring tumuloy sa malubhang physical at mental retardation.
Ano ang hyperthyroidism?
Ang hyperthyroidism o overactive thyroid ay isang kondisyon kung saan masyadong maraming thyroxine hormone ang ginagawa ng thyroid. Dahil dito, bumibilis ang metabolismo ng tao na nagdudulot ng hindi sinasadyang pagpayat at mabilis na pagtibok ng puso.
Maaaring maging isang malubhang karamdaman ang hyperthyroidism ngunit kapag naagapan ito, maaaring maging normal na ang pamumuhay ng pasyente.
Ang mga sintomas ng hyperthyroidism ay:
- Pagpayat nang walang dahilan (kahit na pareho pa rin ang dami ng kinakain)
- Pagbilis ng tibok ng puso
- Palpitasyon
- Pagiging bugnutin o pagiging nerbyoso
- Pagiging pawisin
- Pag-iba sa siklo ng regla
- Pagdalas ng pagdudumi
- Paglaki ng thyroid (goiter)
- Hirap sa pagtulog
Ano ang gamot sa thyroid disorder?
Iba’t iba ang mga gamot sa thyroid, depende sa sakit na kailangan tutukan. Maaaring gamitin ang hormone replacement therapy gamit ang levothyroxine para sa hypothyroidism. Ang methimazole naman ang madalas gamitin para sa hyperthyroidism.
Kailan dapat pumunta sa ospital?
Agad na ipaalam sa doktor o magtungo sa ospital kung nakararanas ng kahit anong sintomas ng mga thyroid disorders.