Sakit sa Lalamunan (Throat Diseases): Sanhi, Sintomas, at Gamot

Ang lalamunan o throat, na may scientific o medical term na pharynx, ay ang tubo sa loob ng leeg, sa likod ng ilong at bibig. Ito ang nagdurugtong sa ilong at bibig papunta sa windpipe o trachea para maipadala ang hangin sa mga baga, at sa esophagus para maipadala ang pagkain at tubig sa tiyan.

Woman with sore throat

Ano ang Sanhi ng Sakit sa Lalamunan?

Dahil sa function ng lalamunan, madali at madalas itong ma-expose sa mga bagay na pwedeng magdulot ng sakit. Ilan sa mga pangkaraniwang sanhi ng sakit sa lalamunan (throat disease) ay ang mga sumusunod:

  • bacteria at virus
  • allergy
  • tumor
  • mga irritant na katulad ng usok o kemikal
  • pag-akyat ng asido mula sa sikmura
  • mga sakit na may kinalaman sa digestive system, mga ugat, at muscle

Maraming uri ng sakit sa lalamunan ang pwedeng mangyari sa mga bata man o matanda, pero mas mataas ang risk ng mga batang edad 3 hanggang 15 na magkaroon ng bacterial infection sa lalamunan.

Ano ang mga Sintomas ng Sakit sa Lalamunan?

Ang pinaka-karaniwang senyales ng anumang throat disease ay ang pananakit ng lalamunan (sore throat). Bukod pa rito, pwede ring maranasan ang mga sumusunod na sintomas:

  • sipon
  • paulit-ulit na ubo (chronic cough)
  • pagkakaroon ng singaw
  • pamamaga ng gilagid
  • pamumuti ng mga tonsil
  • pangangati ng lalamunan
  • hirap pagsasalita at paglunok
  • pamamaos o pagiging garalgal ng boses
  • pagsusuka
  • bad breath
  • pananakit ng ulo
  • lagnat

Pagdating sa mga sanggol at bata, isa ring malaking indikasyon ng sakit sa lalamunan ang pag-iyak habang dumedede ng gatas o kawalan ng ganang kumain.

Kung mahirap pakainin ang iyong anak, madalas masamid, at hindi bumibigat ayon sa kanyang edad, ipa-check up siya sa doktor para malaman kung meron siyang sakit sa lalamunan, feeding disorder, o iba pang sakit.

Ano ang mga Sakit sa Lalamunan?

Maraming uri ng sakit sa lalamunan. Kadalasan, minor lamang ang mga ito at nawawala nang kusa o kaya naman ay kayang gamutin ng mga over-the-counter medication. Subalit, may mga throat disease na mas malubha at nangangailangan ng intensive medical treatment para gumaling.

Ilan sa mga pangkaraniwang sakit sa lalamunan ay ang mga sumusunod:

Acid Reflux (GERD)

Ang acid reflux, na madalas ay tinatawag ding heartburn o gastroesophageal reflux disease (GERD), ay isang digestive disorder kung saan nakakalabas mula sa tiyan ang mga digestive acid na umaakyat naman papunta sa esophagus. Sa ilang mga kaso, umaabot ang mga asido sa lalamunan at maging sa mga nasal airway (laryngopharyngeal reflux).

Pwedeng magdulot ang GERD ng iba-ibang sintomas na may kinalaman sa lalamunan, katulad ng ng sore throat, hirap sa paglunok, at pamamaga.

Croup

May uri ng ubo na tinatawag na croup o barking cough, dahil sa tunog na ginagawa nito. Madalas itong mangyari sa mga batang 6 buwan hanggang 3 taon, pero pwede ring magkaroon nito ang matatanda. Mga virus katulad ng parainfluenza virus ang kadalasang sanhi ng croup. Nagdudulot ng hirap sa pagkain, kakapusan ng hininga, at maingay na paghinga.

Dysphagia

Ang dysphagia ay isang kondisyon kung saan nahihirapang lumunok ang isang tao dahil sa paghina ng mga muscle sa lalamunan. Minsan ay pwede ring magdulot ng dysphagia ang GERD, cancer, o pamamaga ng lalamunan dahil sa ibang sakit. Isang pangkaraniwang sintomas ng dysphagia ang pakiramdam na para bang palaging may nakabara sa lalamunan. Kung hindi maagapan, pwedeng magkaroon ng nutrient deficiency ang taong may dysphagia dahil sa hirap sa pagkain.

Epiglottitis

Para hindi pumasok sa windpipe ang tubig at pagkain, merong tissue sa likod ng dila na nagsisilbing parang pintuan. Ang tawag dito ay epiglottis. Kapag namaga ito at nagkaroon ng impeksyon, tinatawag itong epiglottitis. Delikado ang sakit na ito dahil pwede nitong maharangan nang tuluyan ang daanan ng hangin.

Pamamaos

Isang pangkaraniwang consequence ng pagsigaw, sore throat, at iba pang mga sakit sa lalamunan ang pamamaos. Subalit, kung minsan ay senyales din ng ibang sakit ang pagbabago sa boses. Ilan sa mga halimbawa ng sakit na pwedeng maging sanhi ng pamamaos o pamamalat ang GERD, mga thyroid problem, at maging ang sakit sa mga ugat.

Laryngitis

Ang larynx ang itaas na bahagi ng windpipe. Tinatawag din itong voice box dahil sa bahaging ito matatagpuan ang vocal cords na ginagamit sa paggawa ng mga tunog at pagsasalita. Pwedeng ma-infect ang larynx dahil sa mga bacteria at virus, at maging sanhi ng laryngitis. Bukod sa pamamaos, karaniwang sintomas ng laryngitis ang sore throat, ubo, at pagkawala ng boses.

Laryngomalacia

Ang laryngomalacia ay isang congenital defect kung saan lumalambot ang mga mga tissue ng larynx. Ito ay isa sa mga pangunahing dahilan ng maingay na paghinga (noisy breathing o stridor) sa mga sanggol. Sa kabutihang palad, nawawala naman ang sakit na ito pagdating ng ika-20 buwan ng bata. Kung hindi gumaling ang laryngomalacia pagdating ng 2 taon, pwedeng itong maisaayos sa pamamagitan ng isang surgery.

Pharyngitis

Kapag namamaga ang lalamunan, tinatawag itong pharyngitis. Nagdudulot ito ng iba-ibang sintomas, kasama na ang pananakit ng lalamunan at hirap sa paglunok. Sa maraming kaso, magkasabay na nararanasan ang pharyngitis at laryngitis dahil magkalapit lang ang mga bahaging ito.

Pamamaga ng Tonsil

Ang mga tonsil ay bahagi ng immune system na pumipigil sa pagpasok ng mga bacteria at virus sa katawan. Kapag kinakailangan, may kakayahan ang mga tonsil na mag-trigger ng immune response katulad ng inflammation para labanan ang sakit. Ito ang dahilan ng tonsillitis. Kapag merong ganitong kondisyon ang isang tao, namumula at namamaga ang likuran ng lalamunan. Nagdudulot din ito ng lagnat, pag-ubo, hirap sa paglunok, at pamamaga ng leeg.

Kung bacteria ang sanhi ng tonsillitis, pwede itong gamutin gamit ang antibiotics; kung virus naman ang sanhi ng sakit, hinahayaan lang itong lumipas sa loob ng ilang araw habang mina-manage ang mga sintomas. Samantala, para sa paulit-ulit na tonsillitis, pwedeng irekomenda ng doktor ang pagtanggal sa mga tonsil. Tinatawag ang operasyong ito na tonsillectomy.

Tonsil Stones

May mga pagkakataon na may namumuong bukol sa mga tonsil dahil sa naiipong food debris, plaque, at mga dead cell na galing sa bibig. Meron ding bacteria na pwedeng maging sanhi ng tonsil stones. Isang madaling paraan para malaman kung meron kang tonsil stones ay ang pagsilip sa mga tonsil. Ito ay dahil kung may mga butil na parang mga bato na nakakapit sa mga tonsil, posibleng tonsil stones ang mga ito. Kailangang alisin kaagad ang mga bukol na ito para hindi na lumaki at magdulot ng dagdag na pinsala.

Subalit, tandaan na hindi lahat ng tonsil stones ay madaling makita. Sa ganitong kaso, mainam na magpa-check up sa doktor. Ilan sa mga senyales ng tonsil stones ang pananakit ng lalamunan, bad breath, pananakit ng tenga, at hirap sa paglunok.

Thyroid Disorders

Maraming iba-ibang sakit na pwedeng makaapekto sa thyroid, na matatagpuan sa bandang ibaba ng leeg at malapit sa lalamunan. Ilan sa mga sakit na ito ang hyper- at hypothyroidism, goiter, maging ang thyroid cancer.

Hyperparathyroidism

Matatagpuan sa leeg ang mga parathyroid gland, na siyang nagre-regulate ng dami ng calcium sa katawan. Pwedeng magkaroon ng inflammation ang mga gland na ito, na pwedeng magdulot ng pananakit ng lalamunan at iba pang sintomas. Sa malulubhang kaso ng hyperparathyroidism, pwedeng magkaroon ng kidney stones ang pasyente dahil sa sobrang calcium sa katawan.

Strep Throat

Ang strep throat ay isang impeksyon sa lalamunan na sanhi ng streptococcal bacteria. Nagdudulot ito ng mga sintomas na katulad ng pangangati at pamamaga ng lalamunan, lagnat, at pamamaga ng mga tonsil. Sa kabutihang palad, nagagamot naman ang sakit na ito ng mga antibiotic. Kailangan lang itong maagapan; kung hindi, pwedeng kumalat ang impeksyon at maapektuhan ang puso, mga kidney, at maging ang mga joint.

Tandaan na nakakahawa ang strep throat, kaya dapat ay maging maingat sa pag-aalaga sa mga pasyenteng meron nito. Mas mataas din ang risk ng mga bata na magkaroon ng strep throat dahil hindi pa fully developed ang kanilang immune system. Dagdag pa rito, merong instinct ang mga bata na magsubo ng kamay at mga bagay na napulot. Bantayan silang mabuti at turuan kung paano ang tamang paghuhugas ng kamay.

Tumor sa Lalamunan

Pwedeng benign o malignant ang mga tumor sa katawan, kabilang na ang sa lalamunan. Ang malignant tumor ang mas delikado sa dalawa, dahil pwede itong mauwi sa cancer. Gayunpaman, dapat pa ring matanggal ang tumor sa lalalmunan dahil pwede itong itong makasagabal sa paghinga, pagsasalita, at pagkain. Ilan sa mga sanhi ng tumor sa lalamunan ang paninigarilyo, pag-inom ng alak, impeksyon dulot ng mga virus, at GERD.

Ano ang mga Gamot Para sa mga Sakit sa Lalamunan?

Dahil iba-iba ang sanhi ng mga sakit sa lalamunan, iba-iba rin ang gamot na pwedeng gamitin. Kung pangkaraniwang sore throat lang ang nararanasan, pwedeng uminom ng mga over the counter na painkiller. Malaki rin ang maitutulong ng mga medicated mouthwash para mabawasan ang dami ng germs sa bibig at lalamunan.

Kung ang sakit sa lalamunan ay dulot ng bacteria, bibigyan ka ng iyong doktor ng antibiotic. Kung virus naman ang sanhi ng sakit, ang pinakamahalagang gawin ay i-manage ang mga sintomas at manumbalik ang lusog ng katawan para mas maging mabisa ang paglaban sa virus. Makakatulong ang pag-inom ng maraming tubig para mapanatiling basa ang lalamunan at maiwasan ang irritation.

Samantala, kung sintomas ng ibang sakit ang sakit sa lalamunan, kailangan munang gamutin ang underlying cause. Ilan sa mga posibleng treatment dito ay ang surgery, chemotherapy, at mga specialized na gamot.

Mahalagang paalala: Ang lahat ng impormasyong nakalahad dito ay para lamang sa pagbabahagi ng kaalaman at ‘di dapat ituring bilang professional medical advice. Ugaliin pa rin kumonsulta sa iyong doktor bago uminom o gumamit ng kahit anong gamot.