Pampaganang Kumain (Appetite Stimulants): Mga Uri at Bisa

Mahalaga ang pagkain para sa kalusugan, dahil sa pagkain tayo kumukuha ng halos lahat ng nutrisyon na kinakailangan sa maayos na pag-function ng katawan. Kaya lang, may mga pagkakataon na nawawalan ng ganang kumain ang isang tao. Hindi naman ito delikado, lalo na kung manunumbalik kaagad ang appetite sa loob ng ilang araw. Subalit, kapag nangyari ito sa loob ng mahabang panahon, pwedeng magkaroon ng pagkukulang sa nutrients at maging sanhi ito ng iba-ibang sakit.

Sa kabutihang palad, merong mga appetite stimulant o mga pampaganang kumain para makatulong sa pagpapanumbalik ng appetite. Kadalasan, ang mga appetite stimulant ay inirereseta bilang gamot o kaya ay supplement. Meron ding mga lifestyle change na pwedeng gawin para magkaroon muli ng ganang kumain ang isang tao.

A woman eating salad

Bakit Nawawalan ng Ganang Kumain ang Isang Tao?

Ang medical term para sa kawalan ng ganang kumain ay anorexia. Tandaan na iba ito sa eating at psychological disorder na anorexia nervosa, kung saan kahit na nagugutom na ang pasyente ay hindi pa rin siya kumakain o kakaunti lamang ang kanyang kinakain. Sa kondisyong ito, nakakaranas din ang pasyente ng matinding takot na madagdagan ang kanilang timbang.

Ang anorexia o kawalan ng ganang kumain ay ang hindi pagkaramdam ng gutom o kawalan ng kagustuhang kumain. Karaniwan, ang isang taong may anorexia ay nawawalan ng interes sa pagkain o kaya ay hindi kumakain sa tamang oras. Madalas din ay hindi na appealing sa kanya pati ang mga paborito niyang kainin.

Pwedeng mawalan ng ganang kumain ang isang tao dahil sa underlying medical condition, pero marami ring ibang dahilan ang kawalan ng ganang kumain. Ang mga pangunahing dahilan ng loss of appetite ay ang mga sumusunod:

Mga Pisikal na Pagbabago sa Katawan

May mga pagbabago sa iyong katawan na pwedeng makaapekto sa iyong appetite. Halimbawa, kung masakit ang iyong ngipin o lalamunan, mahihirapan kang kumain kung kaya naman mawawalan ka rin ng ganang gawin ito.

Ilan pa sa mga pisikal na pagbabago sa katawan na pwedeng magdulot ng loss of appetite ang pananakit ng katawan, pagkakaroon ng injury, at dehydration. Kung meron ka namang sipon, pwedeng maapektuhan ang iyong pang-amoy. Dahil dito, hindi rin nagiging enjoyable ang pagkain kaya’t pwede kang mawalan ng appetite.

Panghuli, kung nagpapagaling ka galing sa sakit o sa isang operasyon, malaki ang posibilidad na mawalan ka ng ganang kumain. Kasama ito sa mga sintomas ng tinatawag na “postoperative fatigue.” Mas mataas ang posibilidad na mawalan ng ganang kumain ang isang tao kung sumailalim siya sa abdominal surgery, pero halos lahat ng tao ay pwedeng makaranas ng postoperative fatigue pagkatapos ng anumang uri ng surgery.

Mga Emotional o Psychological na Kondisyon

Malaki ang kontribusyon ng emotional at mental state ng isang tao sa kanyang appetite. Halimbawa, kapag may mabigat na problema o dinadamdam ang isang tao, mas naka-focus siya sa kanyang mga emosyon. Dahil dito, pwede niyang makalimutang kumain o mawalan siya ng ganang kumain. Madalas na mapapansin ito sa mga taong nawalan ng mahal sa buhay o kaya ay nakakaranas ng matinding stress.

Marami ring psychological conditions ang pwedeng makaapekto sa iyong ganang kumain. Maliban sa nabanggit na anorexia nervosa, pwede ring magdulot ng kawalan ng appetite ang depression at anxiety.

Iba-ibang Uri ng Gamot

Minsan, ang kawalan ng ganang kumain ay isang side effect ng pag-inom ng gamot para sa ilang sakit. Halimbawa, ang mga pasyenteng may kanser at sumasailalim sa chemotherapy ay madalas mawalan ng ganang kumain. May epekto kasi ang mga gamot na ginagamit sa chemotherapy sa panlasa ng isang tao. Gayundin, kasama sa mga side effect ng chemotherapy ang pagkahilo at pagsusuka. Dahil dito, nahihirapang kumain ang pasyente.

Ilan pa sa mga gamot na pwedeng magpababa ng iyong appetite ay ang:

  • Amphetamines. Madalas na ginagamit ang gamot na ito para sa attention deficit hyperactivity disorder (ADHD) at narcolepsy.
  • Digoxin. Ang digoxin ay isang uri ng gamot para sa maraming uri ng heart condition.
  • Fluoxetine. Ang fluoxetine ay isang uri ng SSRI o selective serotonin reuptake inhibitor na gamot. Ginagamit ito para sa depression, bulimia, obsessive compulsive disorder o OCD, at iba pa.
  • Hydralazine. Isa sa mga pangkaraniwang gamot para sa altapresyon at heart failure ang hydralazine.

Mga Sakit

Panghuli, maraming sakit ang nagdudulot ng kawalan ng ganang kumain. Katulad ng naunang nabanggit, nakakaapekto sa appetite ang sipon dahil naapektuhan nito ang pang-amoy. Kung kaya naman, pwedeng maging kulang sa lasa ang tikim ng isang taong may sipon kahit na sa mga pinakamasarap na pagkain.

Ilan pa sa mga health condition na pwedeng maging sanhi ng kawalan ng ganang kumain ay ang mga sumusunod:

  • cancer
  • diabetes
  • heart disease
  • HIV at AIDS
  • hypothyroidism
  • trangkaso

Sa mga kababaihan, pwede ring magdulot ng kawalan ng ganang kumain ang pagbubuntis. Mas pangkaraniwan ito sa first trimester, kung kailan nangyayari ang morning sickness. Minsan din ay nag-iiba ang panlasa at pang-amoy ng mga babaeng buntis, kung kaya naman para bang ayaw na nilang kumain ng kahit ano. Kung umabot na sa puntong sobra na ang loss of appetite na pwede itong makaapekto sa kalusugan ng ina at ng sanggol sa kanyang sinapupunan, magpakonsulta kaagad sa doktor.

Ano ang mga Uri ng Pampaganang Kumain?

Maraming pwedeng gawin para mapanumbalik ang ganang kumain, kasama na ang pag-inom ng mga food supplement at gamot. Subalit, bago gumamit ng mga ito, magpakonsulta muna sa doktor para masigurado ang iyong kaligtasan.

Ilan sa mga pwedeng gamitin o inumin para maibalik ang appetite ang mga sumusunod:

Vitamin B1 Supplement

May mga pag-aaral na nagsasabing ang kakulangan sa thiamine o vitamin B1 ay posibleng maging dahilan ng kawalan ng ganang kumain. Kung napag-alamang meron kang vitamin B1 deficiency, pwede kang bigyan ng iyong doktor ng vitamin B1 supplements. Minsan ay nagbibigay din ang mga doktor ng appetite stimulant na binubuo ng pinaghalong B vitamins at iron.

Tandaan na hindi iniinom sa loob ng mahabang panahon ang ganitong supplement. Sa maraming kaso, hanggang 3 buwan lamang ang prescription nito.

Zinc Supplement

Bukod sa vitamin B1, nakakatulong din sa pagkakaroon ng magandang appetite ang zinc. Kapag kulang ka sa mineral na ito, posibleng mawalan ka ng ganang kumain. Muli, magpakonsulta muna sa doktor kung meron kang anumang nutrient deficiency para mabigyan ng tamang gamot para sa kawalan ng ganang kumain.

Megestrol Acetate

Ang megestrol acetate ay isang synthetic version ng progesterone. Ito ang hormone na may kinalaman sa pag-control ng menstrual cycle ng mga babae, gayundin sa pagbubuntis. Pangkaraniwang ibinibigay ang megestrol acetate sa mga taong may AIDS o cancer para makatulong ang appetite stimulation sa pagdagdag ng kanilang timbang.

Kailangan ng prescription ng gamot na ito dahil pwede itong magdulot ng side effects na katulad ng edema o pagmamanas, constipation o pagtitibi, at pananakit ng tiyan.

Oxandrolone

Para sa mga nakakaranas ng kawalan ng ganang kumain pagkatapos ng isang medical procedure o kaya ay pagkatapos gumaling mula sa impeksyon, pwedeng ireseta ang oxandrolone. Ito ay isang anabolic steroid, na madalas ginagamit sa pagdadagdag ng muscle mass. Kaya lang, may potential side effect ang gamot na ito sa atay, kaya kailangan ng prescription para rito.

Dronabinol

Ang dronabinol ay isang uri ng synthetic o artificial na cannabis o marijuana. Madalas gamitin ang gamot na ito bilang alternative appetite stimulant para sa mga may AIDS at cancer.

Sa Pilipinas, hindi pa legal ang paggamit ng medical marijuana. Subalit, kung kinakailangan, pwedeng mag-apply ng tinatawag na compassionate use special permit sa Food and Drug Administration o FDA para makapag-import ng gamot na ito.

Cyproheptadine

Ang cyproheptadine ay isang uri ng antihistamine na may side effect na appetite stimulation. Kung meron kang allergy at nahihirapan kang kumain dahil sa mga sintomas, pwede mo itong gamitin para magkaroon ka ng ganang kumain.

Kung wala ka namang allergy, itanong muna sa doktor kung pwede mong gamitin ang gamot na ito bilang appetite stimulant. Tandaan din na isa sa mga side effect ng gamot na ito ang pagkahilo.

Mirtazapine

Para sa mga taong may clinical depression, isa sa mga inireresetang gamot ang mirtazapine. Kagaya ng cyproheptadine, may side effect din ang mirtazapine na appetite stimulation. Ito ang dahilan kung bakit isa itong mabisang gamot para sa mga pasyenteng may depression na sabay na nakakaranas ng kawalan ng ganang kumain.

Sa ibang bansa, inirereseta ang mirtazapine bilang “off-label” na gamot bilang pampaganang kumain. Sa Pilipinas, kailangan muna ng masusing konsultasyon at iba pang evaluation ng iyong kondisyon bago ka bigyan nito.

Ano Pa ang Pwedeng Gawin Para Bumalik ang Ganang Kumain?

Maraming lifestyle change na pwedeng gawin para subukang manumbalik ang ganang kumain. Halimbawa, pwede kang magsimula ng routine kung saan mas magiging kaengga-engganyo ang pagkain. Kung madalas kang kumain nang mag-isa, imbitahan ang iyong mga kaibigan na kumain kasama mo. Pwede ka ring manood ng iyong mga paboritong palabas o kaya ay makinig ng music habang kumakain.

Kung nahihirapan ka namang kumain ng tamang dami ng pagkain, pwedeng liitan na lamang ang bawat serving at kumain nang mas madalas sa isang araw. Importante sa isang taong sinusubukan ibalik ang ganang kumain na hindi lagpasan ang tamang oras ng pagkain. Pwede ring gumawa ng calorie-rich na mga shake at ito ang inumin kung nahihirapang kumain ng maraming solid foods.

Panghuli, maglagay ng variety sa iyong mga kinakain. Posibleng ang dahilan ng iyong kawalan ng gana ay dahil paulit-ulit ang iyong menu. Maghanap sa internet ng iba-ibang recipe at subukan ang mga ito para mas dumami ang mga gusto mong pagkain.

Mahalagang paalala: Ang lahat ng impormasyong nakalahad dito ay para lamang sa pagbabahagi ng kaalaman at ‘di dapat ituring bilang professional medical advice. Ugaliin pa rin kumonsulta sa iyong doktor bago uminom o gumamit ng kahit anong gamot.