Ang ating dugo ay may liquid at solid components. Ang liquid component ay tinatawag na plasma, na binubuo ng tubig, asin, at iba-ibang uri ng protein. Ang solid component naman ay binubuo ng mga red blood cell, white blood cell, at platelet.
May kanya-kanyang function ang bawat component ng dugo. Ang plasma ang naghahatid ng mga nutrient at hormone at ang mga red blood cell naman ang naghahatid ng oxygen sa lahat ng bahagi ng katawan. Samantala, ang mga white blood cell ang nagsisilbing mga sundalo ng katawan laban sa mga impeksyon at ang mga platelet naman ang tumutulong sa pag-clot ng dugo upang gumaling at tumigil ang pagdurugo ng mga sugat.
Kapag may isa o higit pang component ng dugo na hindi maayos ang pag-function, ibig sabihin nito ay may blood disorder o sakit sa dugo ang isang tao.
Ano ang Sanhi ng mga Sakit sa Dugo?
Maraming sakit sa dugo ang namamana, subalit may mga sakit din sa dugo na sanhi ng iba pang karamdaman. Halimbawa, ang splenomegaly o enlarged spleen ay pwedeng magdulot ng kakulangan sa red blood cells.
Puwede ring magkaroon ng blood disorder ang isang tao kung wala siyang sapat na nutrisyon. Isang halimbawa nito ang anemia, kung saan nagkakaroon ng kakulangan sa red blood cell ang pasyente dahil sa mababang level ng iron, vitamin B12, o folic acid sa katawan.
Ano ang mga Halimbawa ng Sakit sa Dugo?
May iba-ibang uri ng sakit sa dugo, batay sa kung anong component ng dugo ang naaapektuhan. Ilang halimbawa ng mga sakit sa dugo ang mga sumusunod:
Mga Sakit sa Red Blood Cell
May dalawang pangunahing uri ng sakit sa red blood cell: erythrocytosis at anemia. Ang erythrocytosis, na tinatawag ding polycythaemia, ay ang pagkakaroon ng sobrang taas na concentration ng red blood cell sa dugo. Dahil dito, nagiging malapot ang dugo at hindi nakakadaloy nang maayos sa mga ugat. Kapag nagtagal, puwedeng magkulang sa supply ng nutrisyon at oxygen ang maraming bahagi ng katawan.
Samantala, katulad ng unang nabanggit, ang anemia ay ang pagkakaroon ng kakulangan sa red blood cell, bunsod ng kakulangan sa tamang nutrients. Subalit, mayroon ding uri ng anemia na namamana. Ang tawag sa anemia na dulot ng kakulangan sa nutrisyon ay acquired anemia, at ang namamanang anemia naman ay inherited anemia.
Ilan sa mga halimbawa ng anemia ang mga sumusunod:
- Iron-deficiency anemia. Isa ang iron-deficiency anemia sa mga pinakakaraniwang uri ng anemia. Sa kondisyong ito, hindi sapat ang iron sa katawan ng pasyente upang gumawa ng hemoglobin, ang component ng red blood cell na nagdadala oxygen.
- Megaloblastic anemia. Isa itong uri ng anemia na nade-develop dahil sa kakulangan ng vitamin B12 o kaya ay vitamin B9 (folate) sa katawan.
- Pernicious anemia. Ang pernicious anemia ay isang uri ng autoimmune condition na pumipigil sa pag-absorb ng katawan ng vitamin B12. Dahil dito, nagkakaroon ng vitamin B12 deficiency ang pasyente.
- Aplastic anemia. Ito ang uri ng anemia kung saan hindi nakagagawa ng sapat na blood cells ang mga stem cell na matatagpuan sa bone marrow.
- Macrocytic anemia. Kapag may macrocytic anemia ang isang tao, ibig sabihin ay meron siyang mga red blood cell na mas malaki ang sukat kaysa sa pangkaraniwan o normal na mga red blood cell. Nagdudulot ito ng kakulangan sa nutrisyon at oxygen.
- Normocytic anemia. Sa normocytic anemia, normal ang sukat ng mga red blood cell ngunit hindi sapat ang dami ng mga ito.
- Sickle cell anemia. Isang uri ng namamana o inherited anemia, kung saan nagbabago ang hugis ng mga red blood cell. Sa halip na bilog at flexible, hugis sickle o karit ang mga red blood cell ng taong may ganitong sakit. Nagdudulot ito ng hindi magandang daloy ng dugo.
- Diamond-Blackfan anemia. Ito ay isang uri ng inherited anemia, kung saan hindi nakagagawa ng sapat na dami ng red blood cell ang bone marrow.
- Thalassemia. Kapag may thalassemia ang isang tao, hindi sapat ang hemoglobin na ginagawa ng kanyang katawan at nagiging mas maliit ang sukat ng mga red blood cell.
Mga Sakit sa White Blood Cell
Katulad ng mga sakit sa red blood cell, may dalawang pangunahing uri ng mga white blood cell disorder. Ito ay ang leukocytosis o ang pagkakaroon ng mas mataas na bilang ng white blood cells, at ang leukopenia o ang pagkakaroon ng mas mababang bilang ng white blood cells.
Sa maraming pagkakataon, ang leukocytosis ay isang normal immune response kapag may impeksyon na nilalabanan ang katawan. Suablit, may mga pagkakataon din na dulot ito ng kanser sa dugo.
May limang uri ng leukocytosis, batay sa kung anong uri ng white blood cell ang naapektuhan. Ito ay ang mga sumusunod:
- Basophilia. Ito ang pinaka-rare na uri ng leukocytosis. Sa kondisyong ito, masyadong marami ang mga basophil, ang uri ng white blood cell na lumalaban sa mga parasitiko at mga allergy.
- Eosinophilia. Ang eosinophilia ay ang pagkakaroon ng sobrang eosinophils sa dugo. Ang mga eosinophil ay katulad ng mga basophil na lumalaban sa mga parasitiko at allergy.
- Lymphocytosis. Kapag may lymphocytosis ang isang tao, ibig sabihin ay sobrang dami ng kanyang mga lymphocyte o ang mga white blood cell na pinoprotektahan ang lymphatic system.
- Monocytosis. Sa monocytosis, masyadong marami ang mga monocyte. Ito ang white blood cell na nagpapalakas ng immune response ng katawan.
- Neutrophilia. Ito ang uri ng leukocytosis kung saan masyadong marami ang mga neutrophil sa dugo. Ang neutrophil ang pinakakaraniwang uri ng white blood cell. Ang mga ito ang nagpapagaling sa mga nasirang tissue at lumalaban sa impeksyon.
Samantala, ang leukopenia naman ay madalas na dulot ng pagka-expose sa mag lason o toxin, pag-inom ng ilang uri ng gamot (halimbawa, mga corticosteroid), at mga genetic mutation.
Mga Kanser sa Dugo
May tatlong pangkaraniwang uri ng kanser sa dugo. Ito ay ang mga sumusunod:
- Leukemia. Ang leukemia ay isang uri ng blood cancer kung saan naiipon ang mga abnormal white blood cell sa bone marrow, na pumipigil naman sa mga kakayahan nito na mag-produce ng mga red blood cell at platelet.
- Lymphoma. Sa ganitong uri ng kanser sa dugo, naaapektuhan ang lymphatic system at dumadami ang mga abonormal lymphocyte sa katawan. May dalawang karaniwang uri ng lymphoma: ang Hodgkin’s lymphoma at non-Hodgkin’s lymphoma.
- Myeloma. Ang myeloma ay isang uri ng blood cancer kung saan nagkakaroon ng build-up ng mga plasma cells sa bone marrow. Nagdudulot ito ng kaguluhan o disruption sa normal function ng iba pang mga uri ng blood cell.
Sa kabutihang palad, maraming uri ng mga kanser sa dugo ang meron nang gamot.
Mga Sakit sa Platelet
Panghuli, may mga sakit sa dugo kung saan mga platelet ang naapektuhan. Kapag sobra ang dami ng mga platelet, ang tawag dito ay thrombocythemia ang tawag dito; kapag kulang naman ang mga platelet, thrombocytopenia ang tawag sa kondisyon. Meron ding tinatawag na platelet dysfunction, kung saan nagkakaproblema sa dami ng mga platelet sa dugo.
Lahat ng mga sakit sa platelet ay may kinalaman sa sobrang pagdurugo (bleeding) o kaya ay abnormal na pag-ampat (clot) ng dugo. Ilan sa mga halimbawa ng sakit sa platelet ang mga sumusunod:
- Hemophilia. Ang hemophilia ay isang namamanang sakit sa dugo, kung saan nagkakaroon ng excessive bleeding ang isang tao. May tatlong uri ng hemophilia, depende sa kung anong clotting factor ang kulang sa pasyente.
- von Willebrand disease. Ang sakit na ito ay isang kondisyon kung saan kulang ang von Willebrand factor sa dugo ng pasyente. Dahil dito, nahihirapang mag-clot ang dugo o mali ang paraan ng pag-clot ng dugo ng pasyente. Pwede itong maging dahilan ng sobrang pagdurugo at impeksyon.
- Fibrinogen deficiency. Ang fibrinogen ay isang uri ng protein na kailangan sa tamang pag-ampat ng dugo. Kapag may kakulangan sa fibrinogen ang isang tao, pwede siyang magkaroon ng iba-ibang health issue na may kinalaman sa pagdurugo.
Ano ang mga Sintomas ng mga Sakit sa Dugo?
Maraming sintomas ang sakit sa dugo, depende sa uri at sa kung anong component ang naapektuhan.
Sintomas ng Sakit sa Red Blood Cell
- pagkahilo
- mabilis na tibok ng puso
- madaling mapagod
- pamumutla
- problema sa memorya at concentration
- pagiging aligaga o hindi mapakali
- kakapusan ng hininga
- paglapot ng dugo
Sintomas ng Sakit sa White Blood Cell
- matagal na paggaling ng mga sugat
- madalas na impeksyon
- lagnat
- hindi maipaliwanag na pagkapagod
- paglapot ng dugo
Sintomas ng Sakit sa Platelet
- matagal na paggaling ng mga sugat
- sobrang pagdurugo kahit maliit lang ang sugat
- matagal na pag-ampat ng dugo
- mabilis na pagkakaroon ng mga pasa
- hindi maipaliwanag na pagdurugo ng ilong o gilagid (gums)
- hindi maipaliwanag na internal bleeding, lalo na sa sikmura
- pagkakaroon ng dugo sa dumi o ihi
Tandaan na pwedeng magkaroon ng sakit sa dugo ang kahit sino, anuman ang kanyang edad. Bantayang mabuti ang kalusugan at magpakonsulta kaagad sa doktor kung sakaling maranasan ang anumang kombinasyon ng mga nabanggit na sintomas.
Ano ang Pwedeng Gamot sa Sakit sa Dugo?
Sa kabutihang palad, maraming uri ng gamot at mga treatment option ang pwedeng ibigay o gawin para sa mga pasyenteng may sakit sa dugo. Ilan sa mga ito ang mga sumusunod:
- Anticoagulants. Isa itong uri ng gamot na pinipigilan ang masyadong mabilis na pag-clot ng dugo.
- Mga corticosteroid. Pinipigilan ng mga corticosteroid ang pagiging overreactive ng immune system, para mabawasan ang immune response na nagdudulot ng sakit sa dugo.
- Growth factor agents at supplements. Kung kulang sa red o white blood cell ang pasyente, pwede siyang bigyan ng gamot para ma-stimulate ang bone marrow para gumawa ng karagdagang red o white blood cell.
- Blood transfusion. Para sa malubhang kaso ng anemia, pwedeng irekomenda ng doktor ang pagsasalin ng dugo para mapalitan o madagdagan ang dami ng red blood cell sa katawan.
- Bone marrow transplant. Para sa maraming uri ng blood cancer at ilan pang malubhang sakit sa dugo, isang mabisang treatment ang bone marrow transplant. Sa operasyong ito, papalitan ng mga bagong stem cell ang mga abnormal stem cell. Pwedeng sa iyong sarili (autologous transplant) o sa ibang tao (allogeneic transplant) manggaling ang mga bagong stem cell na ita-transplant.
Sa unang tingin, talagang nakakatakot ang pagkakaroon ng sakit sa dugo. Subalit, sa tulong ng modern medicine, marami sa mga sakit na ito ang meron nang gamot. Ugaliing magpakonsulta sa doktor para malaman kung meron kang sakit sa dugo, lao na kung may history ang iyong pamilya ng mga ganitong sakit.
Mahalagang paalala: Ang lahat ng impormasyong nakalahad dito ay para lamang sa pagbabahagi ng kaalaman at ‘di dapat ituring bilang professional medical advice. Ugaliin pa rin kumonsulta sa iyong doktor bago uminom o gumamit ng kahit anong gamot.