Ang epilepsy ay isang sakit o disorder na nakaaapekto sa central nervous system na nagdudulot ng paulit-ulit na seizure.
Tandaan na pwedeng makaranas ng seizure ang isang tao kahit na wala siyang epilepsy. Halimbawa, may mga pagkakataon na nagdudulot ng seizure ang sobrang taas na lagnat. Dahil dito, magkakaroon lang ng epilepsy diagnosis kung dalawa o higit pang beses na nagka-seizure ang pasyente na walang kinalaman sa isang existing medical condition.
Paano Nangyayari ang Epilepsy?
Kapag maayos ang pag-function ng utak, pantay-pantay o maayos ang pattern ng mga electrical signal na ipinapadala nito sa buong katawan. Ang mga electrical signal na ito ang nagco-coordinate sa lahat ng mga bodily function, kasama na ang pagkilos o movement.
Sa isang taong may epilepsy, nagugulo o hindi balanse ang electrical activity sa utak. Ito ang nagdudulot ng mga seizure na pwedeng makaapekto sa paggalaw, pakiramdam, at kamalayan ng pasyente.
Ano ang Sintomas ng Epilepsy?
Dahil sa mga ipinapakita sa mga pelikula at TV show, madalas na iniisip ng karamihan na ang seizure ay may kasamang panginginig o kombulsyon.
Subalit, hindi lahat ng taong nakakaranas ng seizure dahil sa epilepsy ay nakakaranas ng kombulsyon. Sa katunayan, may mga inaatake ng epilepsy na nagkakaroon lamang ng isang “staring spell” (nakatingin sa malayo o sa kawalan). Dagdag pa rito, nakadepende rin ang mga sintomas ng epilepsy sa kung anong bahagi ng utak ang naapektuhan.
Narito ang ilan sa mga pinakakaraniwang senyales ng epilepsy:
- Paninigas ng muscles
- Panginginig o pagko-kombulsyon
- Pagkalito
- Pagkawala ng malay
- Pagkakaroon ng tingling sensation sa mga braso at binti
Meron ding mga psychological symptom ang epilepsy, katulad ng deja vu o iyong pakiramdam na nangyari na ang isang bagay kahit na hindi mo pa ito nagagawa o nararanasan.
Ano ang Sanhi ng Epilepsy?
Hindi pa sigurado ng mga eksperto kung ano talaga ang sanhi ng epilepsy, pero may mga pag-aaral na nagsasabing meron itong genetic factor. Ayon sa mga record, mas mataas ang risk ng isang taong merong kapamilya na may epilepsy na magkaroon din ng kondisyong ito.
Meron ding mga sakit o kondisyon na pwedeng magdulot ng brain damage at mauwi sa epilepsy. Kasama na rito ang stroke, brain tumor, brain infection, at matinding injury sa ulo. Ang mga sanggol na ipinanganak na kulang ang supply ng oxygen ay pwede ring magkaroon ng epilepsy sa pagtanda.
Ano ang mga Uri ng Seizure?
Maraming uri ng seizure at mahalagang malaman kung anu-ano ang mga ito para ma-detect kaagad kung inaatake ng epilepsy ang pasyente.
May dalawang uri ng seizure batay sa bahagi ng utak na naapektuhan. Kapag isang bahagi lang ng utak ang may abnormal electrical activity, focal o partial seizure ang tawag dito. Kapag naman marami o lahat ng bahagi ng utak ang nagkaroon ng seizure, tinatawag ito generalized seizure.
Meron ding iba-ibang uri ng focal at generalized seizures. Ito ay ang mga sumusunod:
Focal Seizure
- Focal seizure na hindi nawawalan ng malay ang pasyente. Tinatawag din itong simple partial seizure at nagdudulot ng mga pagbabago sa emosyon at perception. Halimbawa, pwedeng mag-iba ang amoy o lasa ng mga pagkain. Madalas ding makaranas ng pagkahilo ang mga pasyenteng nakakaranas ng ganitong focal seizure.
- Focal seizure with impaired awareness. Sa ganitong uri ng focal seizure, na tinatawag ding complex partial seizure, nawawala sa maayos na kamalayan ang pasyente. Dito madalas mangyari ang nabanggit na “staring spell” at madalas ay hindi rin alam ng pasyente kung ano ang nangyayari sa paligid. Isa ring prominent na sintomas ng ganitong uri ng seizure ang paulit-ulit na kilos katulad ng paglunok, pagnguya, o pag-fidget sa isang bagay.
May mga overlaps ang sintomas ng focal seizure sa iba pang neurological disorder katulad ng migraine kaya dapat magpakonsulta sa doktor para makakuha ng tamang diagnosis at gamot.
Generalized Seizure
- Atonic seizure. Ito ay isang uri ng seizure kung saan nawawalan ng kontrol ang pasyente sa kanyang mga muscle at bigla. Tinatawag din itong drop seizure at madalas na maapektuhan ang mga binti.
- Tonic seizure. Ang uri ng seizure na ito ay nagdudulot ng paninigas ng muscles. Bukod sa mga binti, pwede ring makaranas ng tonic seizure sa mga muscle sa likod at braso.
- Clonic seizure. Ang ganitong uri ng generalized seizure ay nagdudulot ng paulit-ulit at hindi makontrol na biglaang paggalaw ng mga muscle sa mukha, leeg, at braso.
- Tonic-clonic seizure. Dating tinawag na “grand mal seizure” ang tonic-clonic seizure. Ito ang pinakamalubhang uri, kung saan nawawalan ng malay ang pasyente at tuluy-tuloy na nanginginig o naninigas ang kanyang mga muscle. Minsan din ay naiihi ang pasyente, dahil nagdudulot din ng kawalan ng bladder control ang ganitong klaseng seizure.
- Myoclonic seizure. Ang myoclonic seizure ay nagdudulot ng maliit at paulit-ulit na paggalaw ng mga muscle na para bang kinukuryente. Madalas itong mangyari sa braso at binti.
- Absence seizure. Pinakamadalas maapektuhan ng absence seizure ang mga bata. Karaniwang sintomas nito ang pagtitig sa kawalan na may kasamang maliit na body movement katulad ng pagkurap. Tumatagal lang ng hanggang 10 segundo ang isang atake ng absence seizure, pero minsan ay nangyayari ito nang paulit-ulit (cluster). Ang dating tawag sa kondisyong ito ay petit mal seizure.
Sino ang Pwedeng Magkaroon ng Epilepsy?
Kahit sino ay pwedeng magkaroon ngepilepsy, anuman ang edad, kasarian, o lahi. Ganunpaman, meron pa ring mga mas high-risk sa sakit na ito katulad ng mga sumusunod:
- Mga ipinanganak na premature
- Mga sanggol na nakaranas ng injury pagkapanganak
- Mga sanggol na nakaranas ng seizure sa unang buwan
- Pagdurugo ng utak
- Pagkakaroon ng brain infection katulad ng meningitis
- Pagkakaroon ng brain tumor
- Pagkakaroon ng abnormal blood vessels sa utak
- Pagkakaroon ng cerebral palsy
- Pagkakaroon ng late-stage Alzheimer’s disease
Mataas din ang posibilidad na magka-epilepsy ang mga taong na-stroke, mga may family history ng epilepsy, at mga may history ng alcohol at drug abuse. Isa ring factor sa pagkakaroon ng epilepsy ang matinding injury sa ulo, lalo na kung nasundan ito ng seizure.
Ano ang Gamot sa Epilepsy?
Sa kabutihang palad, maraming treatment option para sa epilepsy. Ang pinakamadalas gamitin ay mga anti-seizure o anti-epileptic medication, na nagpapababa sa risk na hindi mag-balanse ang paggawa at pagpapadala ng utak ng mga electrical signal.
Mabisa ang mga ganitong gamot sa karamihan ng mga taong nakakaranas ng epilepsy. Sa katunayan, maraming pasyente na may epilepsy ang pwedeng maging seizure-free sa pag-inom lang ng gamot. Sa ibang kaso naman ay pwede pa ring magka-seizure ang pasyente pero hindi na kasing dalas ng dati. Minsan, umaabot ng 1 o 2 taon bago ulit makaranas ng seizure pagkatapos ng anti-seizure medication regimen.
Syempre, hindi pwedeng basta-basta bumili at uminom ng mga anti-seizure medication. Kailangan muna ng mga consultation, test, at iba pang masusing proseso para malaman ang pinaka-nababagay na gamot depende sa kabuuang health condition ng pasyente.
Sundin mabuti ang prescription para sa masigurado ang bisa ng gamot at i-report kaagad sa doktor kung nakakaranas ng matind o kakaibang side-effect. Kasama sa mga side-effect na ito ang depression, pagkakaroon ng rashes, at pamamaga ng ilang organs.
Kung hindi pwede o hindi effective ang anti-seizure medication, pwedeng sumailalim sa surgery ang isang taong may epilepsy. May mga pagkakataon din na mas effective ito kaysa sa gamot, lalo na kung natukoy na ng mga doktor kung saang bahagi ng utak nanggagaling ang electrical signals na nagdudulot ng seizures.
Dagdag pa rito, irerekomenda lang ang surgery para sa isang pasyenteng may epilepsy kung ang bahagi ng utak na o-operahan ay hindi makakaapekto sa mga bodily function katulad ng pagsasalita, pagkilos, pandinig, o paningin.
Kadalasan, ginagamit ang mga minimally invasive procedure katulad ng laser ablation para sa epilepsy surgery dahil mas ligtas ang ganitong operasyon kumpara sa mga open procedure.
Meron ding mga alternative treatment para sa epilepsy. Kasama na rito ang vagus nerve stimulation, kung saan naglalagay ng implant na parang pacemaker sa dibdib. Nagpapadala ang implant na ito ng electrical energy papunta sa vagus nerve at patungo sa utak para mabalanse ang electrical activity. Pwede ring maglagay ng implant na nagpapadala ng electrical signal sa thalamus ng utak. Ang tawag dito ay deep brain stimulation.
Paano Malalaman Kung May Epilepsy ang Isang Tao?
Para ma-diagnose kung may epilepsy ang isang tao, titingnan ng doktor ang medical history ng pasyente. Magsasagawa rin ng mga text, katulad ng neurological exam para makita kung meron bang kakaiba sa mga electrical signal na ginagawa ng utak. Kung may kamag-anak na may epilepsy ang pasyente, pwede ring magrekomenda ang doktor ng blood test.
Isa ring common na test ang EEG para ma-diagnose ang epilepsy. Ang EEG o electroencephalogram ay isang procedure kung saan may ikinakabit na electrodes sa anit para mai-record ang electrical activity ng utak. Dito, mas madaling makita kung merong mga pagbabago sa brain waves at matukoy kung epilepsy nga ba o ibang sakit dahilan ng mga seizure.
Bukod sa mga nabanggit, pwede ring gumamit ng magnetic resonance imaging (MRI), computerized tomography (CT) scan, at positron emission tomography (PET) ang mga eksperto para ma-diagnose ang epilepsy.
Pwede Bang Maiwasan ang Epilepsy?
Hindi 100% na maiiwasan ang epilepsy pero ang pwedeng gawin ay pababain ang risk na magkaroon nito sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga kondisyon na pwedeng mauwi sa epilepsy.
Halimbawa, pwedeng makaiwas sa head injuries sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga extreme sports. Mabisa din ang pagpapabakuna para hindi tamaan ng mga impeksyon na pwedeng makaapekto sa utak. Makakatulong naman ang pag-e-exercise at tamang diet para bumaba din ang risk ng stroke at pagkakaroon ng heart disease.
Meron ding mga diet na pwedeng makatulong sa ilang pasyenteng may epilepsy para mabawasan ang risk ng seizure. Kasama na rito ang ketogenic diet at modified Atkins diet. Subalit, bago subukan ang mga diet na ito, magpakonsulta muna sa doktor para matiyak na ligtas ang mga ito. Minsan, pwedeng bigyan ang pasyente ng reseta ng gamot kasabay ng pagkain ng ganitong diet.
Mahalagang paalala: Ang lahat ng impormasyong nakalahad dito ay para lamang sa pagbabahagi ng kaalaman at ‘di dapat ituring bilang professional medical advice. Ugaliin pa rin kumonsulta sa iyong doktor bago uminom o gumamit ng kahit anong gamot.