Angina o Atake sa puso: Sanhi, Sintomas, at Gamot

Ang puso ay isang muscle at kailangan nito ng sapat ng supply ng oxygen para manatiling malusog at magawa ang trabaho nito na magbomba ng dugo papunta sa lahat ng bahagi ng katawan.

Kaya lang, minsan ay nababarahan ang coronary arteries—ang mga ugat na nagdadala ng dugong may oxygen sa puso—ng tinatawag na plaque, o namuong taba at cholesterol. Ang tawag sa proseso ng pamumuo ng plaque na ito ay atherosclerosis. Kapag nasobrahan na ang plaque sa isang artery, pwede itong pumutok at magkaroon ng blood clot, na siya namang babara o haharang sa daloy ng dugo papunta sa puso. Ito ang tinatawag na atake sa puso o heart attack.

angina

Ano ang mga Sanhi ng Atake sa Puso?

Ang pangunahing sanhi ng atake sa puso, na tinatawag ding myocardial infarction o MI, ay coronary artery disease (CAD). Ito ay isang kondisyon kung saan isa o higit pang coronary artery ay nababarahan ng plaque at nagdudulot ng ischemia o ang kakulangan ng puso ng oxygen at nutrisyon.

Kagaya ng unang nabanggit, ang proseso ng pamumuo ng plaque sa puso ay atherosclesoris. Sa kasamaang palad, walang itong anumang senyales o sintomas. Minsan din ay nag-e-expand ang mga katabing blood vessels ng baradong artery para mapadalhan ang puso ng dugo (collateral circulation), kung kaya hindi kaagad napapansin ng pasyente na meron na palang pagbabara. Dahil dito, maraming tao ang hindi alam na at-risk na pala sila sa atake sa puso.

Posible ring atakihin sa puso ang isang tao kahit walang pagbabara sa kanyang coronary arteries, pero napakadalang nitong mangyari. Ilan sa mga dahilan ng ganitong uri ng heart attack ang mga sumusunod:

  • Pagkakaroon ng pulikat o spasm sa artery, na nagiging dahilan ng panandaliang paghinto ng blood flow papunta sa puso.
  • Pagkasira ng mga coronary artery.
  • Pagkakaroon ng pagbabara galing sa ibang bahagi ng katawan na napunta o na-trap sa isang coronary artery.
  • Kakulangan sa mga nutrient, katulad ng potassium.
  • Pagkakaroon ng mga rare medical condition, lalo na ang mga may kinalaman sa mga daluyan ng dugo.

Ano ang mga Sintomas ng Atake sa Puso?

Maraming pagkakataon na biglaang nangyayari at walang kung anumang senyales ang atake sa puso. Meron namang mga kaso na mild lang ang mga sintomas. Pero kadalasan, nakakaramdam ang mga taong inaatake sa puso ng pananakit sa dibdib (angina) at mula rito ay nagbi-buildup na ang kondisyon.

Narito ang ilang mga sintomas ng heart attack na dapat bantayan para makatawag agad sa pinakamalapit na ospital at makapagsagawa ng first aid:

  • Pananakit o paninikip ng dibdib
  • Kakapusan ng hininga, meron man o walang paninikip ng dibdib
  • Pananakit o kaya ay general feeling of discomfort sa likod, leeg, mga braso, o kaya ay tiyan
  • Malamig na pawis
  • Pakiramdam ng pagkapagod (fatigue)
  • Pagkahilo
  • Pakiramdam na parang maduduwal
  • Heartburn

Tandaan na pwedeng magkaiba ang maranasang sintomas ng bawat taong inaatake sa puso, kung kaya dapat ay maging mas mapagbantay tayo sa ating mga katawan. Tandaan din na mas madalas na makaranas ng mga sintomas katulad ng pananakit ng likod, kakapusan ng hininga, at pagsusuka ang mga babae kaysa sa mga lalaki.

Ano ang mga Uri ng Atake sa Puso?

May dalawang uri ng heart attack, depende sa klase ng blockage sa coronary artery. ST elevation myocardial infarction o STEMI ang tawag sa complete blockage ng malaking coronary artery, at non-ST elevation myocardial infarction o NSTEMI naman ang tawag kung partial lang ang blockage.

Itinuturing na mas seryoso o mas malubha ang isang STEMI heart attack kumpara sa NSTEMI heart attack.

Ano ang Gamot sa Atake sa Puso?

Para gamutin ang heart attack, kailangan mapanumbalik ang daloy ng dugo papunta sa puso. Depende sa lubha ng kaso, maraming treatment option ang pwedeng gawin at may mga pagkakataon na pinagsasabay ang dalawa o higit pa sa mga ito:

  • Coronary Angioplasty
    Ito ay isang procedure para sa STEMI heart attack kung saan pinapaluwag ang coronary artery para makadaloy nang maayos ang dugo. Tinatawag din itong PCI o primary percutaneous coronary intervention.
    Sa operasyong ito, may inilulusot na balloon catheter sa isang artery sa singit o braso. Dadaan ang catheter na ito sa mga blood vessel papunta sa puso at kapag nakarating na ito sa baradong coronary artery, palolobohin ang dulo ng catheter para mabuksan ang daluyan ng dugo at maalis ang plaque. Para manatiling nakabukas ang artery, lalagyan ito ng isang stent na gawa sa metal mesh.
  • Coronary Artery Bypass Graft
    Ginagawa ang bypass graft sa mga pasyenteng inatake sa puso pero hindi pwedeng sumailalim sa angioplasty. Isang halimbawa nito ay kung sobrang liit ng baradong artery para padaanan ng catheter at lagyan ng stent. Sa isang bypass graft operation, kukuha ang mga doktor ng blood vessel galing sa ibang bahagi ng katawan at ikakabit ito sa coronary artery para magkaroon ng panibagong daluyan ang dugo.
  • Iba-ibang Klase ng Gamot
    Maraming uri ng gamot na pwedeng ibigay sa isang taong inatake sa puso. Kasama na rito ang mga sumusunod:
    – Aspirin, warfarin, at iba pang gamot na nagpapanipis o nagpapalabnaw ng dugo para mas mabilis itong makadaloy sa mga ugat.
    – Mga thrombolytic o iyong mga gamot na tumutunaw sa mga blood clot. Ibinibigay lang ang gamot na ito kung hindi pa nakakalipas ang 12 oras pagkatapos ng atake sa puso.
    – Pain relievers katulad ng morphine para mabawasan ang pananakit ng dibdib.
    – Nitroglycerin, isang uri ng pain reliever at vasodilator. Ang mga vasodilator ay uri ng gamot na may kakayahang i-expand ang mga blood vessel para mas maluwag ang pagdaloy ng dugo.
    – Mga gamot na nagpapabalik ng tamang bilis ng tibok ng puso. Kadalasan kasi ay nagdudulot ng arrhythmia ang atake sa puso, at kailangang maibalik sa normal ang pagtibok ng puso para hindi magdulot ng heart failure o iba pang komplikasyon.
  • Supplementary Oxygen
    Kung nahihirapan huminga ang pasyente o hindi kaagad bumalik sa normal ang kanyang blood oxygen levels, pwede siyang bigyan ng supplementary oxygen.

Ano ang Dapat Gawin Kapag May Taong Inaatake sa Puso?

Kung may isang taong hinihinalang inaatake sa puso, ang pinakamabuting gawin ay tumawag sa pinakamalapit na ospital o sa emergency services ng inyong lugar. Pagkatapos, i-check kung humihinga at kung tumitibok ang puso ng pasyente. Kung oo, hintayin na lang ang pagdating ng medical personnel. Kung hindi, bigyan ng CPR ang pasyente.

May dalawang paraan ng pagbibigay ng CPR: ang hands-only CPR at full CPR. Ang hands-only CPR ay pwedeng gawin ng mga walang formal training dito. Itulak nang mabilis at madiin ang dibdib ng pasyente; mahalagang umabot ng 100 hanggang 120 compressions kada minuto. Kung may training naman sa CPR, bigyan ng hanggang 30 chest compressions ang pasyente at sundan ng 2 rescue breaths. Ulitin ito hanggang sa dumating ang mga medical personnel o hanggang sa tumibok muli ang puso ng pasyente.

Sino ang Pwedeng Makaranas ng Atake sa Puso?

Halos lahat ng tao ay pwedeng atakihin sa puso. Sa katunayan, may mga sanggol na inaatake sa puso dahil sa chest trauma o congenital heart disease. Ganunpaman, rare itong mangyari at merong mga taong mas mataas ang risk na magka-heart attack. Kasama sa mga high-risk sa atake sa puso ang mga sumusunod:

  • Mga lalaking edad 45 pataas at mga babaeng edad 55 pataas.
  • Mga may diabetes, dahil nagiging mas viscous ang dugo at nahihirapang makadaloy sa mga ugat.
  • Mga may hypertension, dahil unti-unting nasisira ng mataas na presyon ang mga artery papunta sa puso.
  • Mga may mataas na level ng cholesterol at/o triglycerides
  • Mga taong obese, dahil ang kondisyong ito ay may kaugnayan sa diabetes, hypertension, at high cholesterol, na lahat ay nagpapataas ng risk ng atake sa puso.
  • Mga taong naninigarilyo.
  • Mga taong hindi gaanong nag-e-exercise at may sedentary lifestyle.
  • Mga taong hindi kumakain ng balanced at healthy diet.
  • Mga taong gumagamit ng iligal na droga, katulad ng cocaine at amphetamines. Nakakapag-trigger kasi ang mga ito ng artery spasm.
  • Mga taong may autoimmune disease.

Mataas din ang risk na atakihin sa puso ang mga taong may family history nito. Sa mga kababaihan, mas mataas ang posibilidad na atakihin sa puso kung nakaranas ng preeclampsia habang nagbubuntis. Panghuli, napapataas din ng matinding emotional stress ang risk ng heart attack.

Paano Maiiwasan ang Atake sa Puso?

Maraming paraan para maiwasan ang atake sa puso. May mga risk na hindi na magbabago, kagaya ng edad, pero meron din namang mga risk na pwedeng baguhin o pababain. Narito ang ilang tips para makaiwas sa heart attack:

  • Mag-exercise at kumain ng isang heart-healthy diet. Ang rekomendasyon ng mga health expert ay 30 minuto ng moderate physical activity, 5 araw o higit pa sa isang linggo. Samantala, ang isang heart-healthy diet ay mababa sa sugar, sodium, at trans fats at masagana naman sa fiber, lean protein, at mga bitamina.
  • Magbawas ng timbang.
  • I-manage ang hypertension at diabetes.
  • Ugaliing magpa-check-up para malaman ang kalagayan ng kalusugan. Maraming risk factor ng atake sa puso, katulad ng hypertension at diabetes, ang hindi kaagad nade-detect kaya mas mabuti kung sasailalim sa regular clinical examinations para maagapan ang paglubha ng mga sakit na ito.
  • Huwag manigarilyo o huminto sa paninigarilyo.
  • Iwasan ang labis na pag-inom ng alak.
  • Iwasan ang sobrang stress. Mabuti ring matuto ng mga stress relieving habits katulad ng meditation. Humanap ng oras para sa mga hobby at siguraduhin din na nakakakuha ng sapat na tulog.

Libu-libong tao sa buong mundo ang namamatay dahil sa heart attack. Sa kabutihang palad, maraming paraan para maiwasan ito. Marami rin ang nagsu-survive matapos ang isang heart attack basta’t nabigyan ng agaran at tamang treatment.

Ang pinakamahalaga ay ang magkaroon ng healthy lifestyle. Kung merong sakit na nagpapataas ng risk ng atake sa puso, siguraduhing nama-manage ito at makinig sa payo ng doktor. Panghuli, makabubuti kung pag-aaralan ang mga sintomas at mga dapat gawin kung sakaling may atakihin sa puso para matulungan mailigtas ang kanilang buhay.

Mahalagang paalala: Ang lahat ng impormasyong nakalahad dito ay para lamang sa pagbabahagi ng kaalaman at ‘di dapat ituring bilang professional medical advice. Ugaliin pa rin kumonsulta sa iyong doktor bago uminom o gumamit ng kahit anong gamot.