Ang diabetes mellitus o diabetes ay isang sakit kung saan ang masyadong marami o mataas ang level ng blood glucose o blood sugar.
Halos lahat ng kinakain natin ay nagiging blood sugar. Gamit ang insulin, isang uri ng hormone na galing sa pancreas, pino-proseso ng katawan ang blood sugar para maipadala sa mga cell at maging energy. Kapag kulang o walang pino-produce na insulin ang iyong pancreas, o kaya naman ay hindi nagre-respond ang iyong katawan sa insulin, ibig sabihin nito ay meron kang diabetes.
Kung hindi maagapan, pwedeng magdulot ang diabetes ng maraming komplikasyon katulad ng kidney damage, vision problems, at cardiovascular diseases.
Ano ang mga Uri ng Diabetes?
May tatlong uri ng diabetes: type 1, type 2, at gestational diabetes.
Type 1 Diabetes
Ang type 1 diabetes ay ang kondisyon kung saan hindi gumagawa ng sapat na insulin ang katawan. Hindi pa sigurado ang mga eksperto kung ano talaga ang sanhi nito, pero may mga nagsasabing isa itong autoimmune reaction. Tinatayang 5 hanggang 10% ng lahat ng taong may diabetes ang merong type 1. Madalas na nagsisimula ang type 1 diabetes sa pagkabata.
Type 2 Diabetes
Ang type 2 diabetes ay ang uri ng diabetes kung saan hindi nagagamit nang maayos ng katawan ang insulin kaya tumataas ang blood sugar levels. Ito ang pinaka common na uri ng diabetes dahil estimated na 95% ng mga taong may diabetes ang meron nito.
Madalas ay mga matatanda ang nada-diagnose na may type 2 diabetes dahil nade-develop ito sa loob ng maraming taon. Ganunpaman, marami na ring mga bata at young adults ang nagkakaroon nito.
Gestational Diabetes
Ito ay isang uri ng diabetes sa makikita lamang sa mga babaeng buntis. Pwedeng magkaroon ng gestational diabetes ang isang babae kahit na wala naman siyang diabetes bago siya magdalantao. Sa maraming kaso, nawawala ang gestational diabetes pagkatapos manganak dahil nagbabalik na sa normal ang hormones.
Meron ding uri ng diabetes na dulot ng ibang sakit. Halimbawa, pwedeng magka-diabetes ang isang taong merong cystic fibrosis.
Ano ang mga Sanhi ng Diabetes?
Ayon sa mga scientist at health expert, hindi pa malinaw ang tunay na sanhi ng type 1 diabetes. May mga pag-aaral na nagsasabing isa itong autoimmune disorder, kung saan inaatake ng katawan ang mga cell na nagpo-produce ng insulin. May posibilidad din na genetic at pwedeng mamana ang type 1 diabetes, pero kailangan pa ng mas maraming research tungkol dito.
Hindi pa rin malinaw ang sanhi ng type 2 diabetes. Subalit, kagaya ng type 1, naniniwala ang mga eksperto na may kinalaman ang genetics ng isang tao sa pagkakaroon ng type 2 diabetes. May koneksyon din ang timbang ng isang tao sa type 2 diabetes, pero hindi lahat ng may ganitong sakit ay overweight. Sa katunayan, merong mga taong may type 2 diabetes na payat ang pangangatawan o kaya ay underweight.
Samantala, ang gestational diabetes naman ay dulot ng mga hormone na pino-produce ng placenta. Importante ang mga hormone na ito para suportahan ang pagbubuntis. Kaya lang, minsan ay nagdudulot ang mga ito ng resistance sa insulin. Kagaya ng nabanggit kanina, madalas ay nawawala ang gestational diabetes pagkatapos manganak. Kung hindi ito mawala, magpakonsulta sa doktor para malaman kung dapat nang uminom ng maintenance medicine para sa diabetes.
Ano ang mga sintomas ng diabetes?
Maraming sintomas ang pwedeng maranasan ng mga taong may diabetes, depende kung gaano kataas ang kanyang blood sugar levels. Tandaan din na sa mga may type 2 diabetes at prediabetes (isang kondisyon na mataas ang blood sugar pero hindi pa pwedeng maituring na diabetes), hindi palaging nakikita o nararanasan ang mga sintomas.
Ilan sa mga madalas na senyales ng diabetes ang mga sumusunod:
- Mas madalas at matinding pagkauhaw
- Mas madalas na pagkagutom
- Madalas na pag-ihi
- Pagkakaroon ng ketones sa ihi
- Biglaang pagpayat na hindi tiyak ang dahilan
- Mas mabilis na pagkapagod
- Pagiging bugnutin o iritable
- Paglabo ng mata
- Mabagal na paggaling ng mga sugat
- Madalas na pagkakaroon ng impeksyon
Kung nakakaranas ng isa o higit pang mga sintomas na nabanggit sa itaas, magpakonsulta sa doktor para makumpirma kung meron kang diabetes.
Sino ang Pwedeng Magkaroon ng Diabetes?
Lahat ng tao ay pwedeng magkaroon ng diabetes, pero merong mga mas at risk sa sakit na ito. Narito ang ilang mga risk factor para sa iba-ibang uri ng diabetes:
Type 1 Diabetes Risk Factors
- May kamag-anak, lalo na kung magulang o kapatid, na may type 1 diabetes.
- Pagkakaroon ng diabetes autoantibodies sa immune system. Tandaan lang na hindi lahat ng may diabetes autoantibodies sa katawan ay natutuloy na magkaroon ng diabetes, pero mataas ang kanilang risk lalo na kung meron silang family history ng sakit na ito.
- Pagkakaroon ng mga viral na sakit.
Type 2 Diabetes Risk Factors
- Pagkakaroon ng mas maraming fatty tissue sa katawan, dahilan upang maging resistant ang mga cell sa insulin.
- May kamag-anak, lalo na kung magulang o kapatid, na may type 2 diabetes.
- Kakulangan sa exercise.
- Edad. Mas mataas ang risk ng type 2 diabetes sa mas matatanda, pero sa ngayon ay tumataas na rin ang bilang ng mga may type 2 diabetes na 5 taong gulang o mas bata pa rito.
- Pagkakaroon ng high blood pressure at mataas na cholesterol at triglyceride levels sa dugo.
- Pagkakaroon ng PCOS o polycystic ovary syndrome sa mga kababaihan.
- Pagkakaroon ng gestational diabetes habang buntis.
Gestational Diabetes Risk Factors
- Edad. Mas mataas ang risk na magkaroon ng gestational diabetes ang mga babaeng edad 26 taong gulang pataas.
- Pagiging overweight bago magbuntis.
- Pagkakaroon ng gestational diabetes noong nakaraang pagbubuntis.
- Pagkakaroon ng family history ng diabetes.
Tandaan din kahit hindi ka kabilang o nakakaranas ng mga risk factor na nabanggit ay may posibilidad pa
rin na magkaroon ka ng diabetes.
Ano ang mga gamot sa diabetes?
Tandaan na chronic condition ang diabetes. Ibig sabihin nito, hindi na ito talagang gagaling o mawawala. Sa kabutihang palad, maraming gamot ang pwedeng gamitin at inumin ng mga taong may diabetes para matulungan silang ma-manage ang kanilang kondisyon. Kasama ang mga sumusunod sa mga gamot na ito:
Biguanides
Binabawasan ng mga biguanide ang dami ng pino-produce na glucose ng atay. Pinapabagal din ng gamot na ito ang pagko-convert ng katawan ng carbohydrates sa glucose. Isa sa pinakapopular na biguanide ang metformin.
Insulin
Kung meron kang type 1 diabetes, insulin ang pinakakaraniwang gamot o treatment na ibibigay ng doktor. Ito ay dahil wala nang kakayahan ang iyong katawan na makagawan ng insulin, kaya naman kailangan na ng external source ng hormone na ito. Pwede ring bigyan ng insulin ang mga may type 2 diabetes, depende kung gaano na kalala ang kanilang kondisyon.
Glinides
Glinides ang tawag sa gamot na nagpapababa ng blood sugar sa pamamagitan ng pagpapadami ng pino-produce na insulin ng pancreas. Isang halimbawa ng glinides ang repaglinide.
Amylinomimetic Drugs
Ang mga gamot na ito ay may kakayahang magpabagal ng pag-digest ng pagkain, kaya naman bumababa rin ang dami glucose sa dugo. Maraming uri ng amylinomimetic drugs, kasama na ang pramlintide.
Alpha-glucosidase inhibitors
Ang mga alpha-glucosidase inhibitor ay nagpapabagal ng breakdown ng carbohydrates sa glucose, at nagpapabagal din ng absorption ng glucose sa bituka. Isang halimbawa ng ganitong gamot ang acarbose.
Sulfonylureas
Kagaya ng mga glinide, ang mga sulfonylurea ay tini-trigger ang pancreas na gumawa ng mas maraming insulin. Kasama sa uri ng gamot na ito ang glimepiride at glipizide.
Bile Acid Sequestrants
May kakayahan ang mga gamot na ito na pababain ang blood sugar at cholesterol levels. Ilang halimbawa ng mga bile acid sequestrants ang colestipol at cholestyramine.
Ilan lamang ang mga nabanggit sa itaas sa mga klase ng gamot na pwedeng ibigay sa mga may diabetes. Pwede ring magbigay ng iba pang klase ng gamot ang iyong doktor, lalo na kung meron ka ring ibang sakit na dulot o kasabay ng diabetes. Halimbawa, pwedeng maging sanhi ng pagtaas ng blood pressure ang diabetes. Kung ganito ang iyong sitwasyon, bibigyan ka ng iyong doktor ng reseta para sa blood pressure medications.
Malaking tulong din sa pagma-manage ng diabetes ang tamang pagkain. Walang specific na diet para sa mga diabetic, pero inirerekomenda ang pagkain ng mga prutas, gulay, whole grains, at lean proteins. Maganda rin ang epekto ng mga pagkaing mataas ang fiber content at mababa ang fat at calories. Pwede ring kumain ng matatamis na pagkain, pero dapat ay ayon lang sa payo ng iyong doktor o dietitian.
Isa pang dapat gawin ng mga may diabetes ay ang pag-e-exercise. Tandaan na ginagamit ng katawan ang glucose para sa enerhiya. Ibig sabihin, kapag nakakakuha ka ng tamang dami ng physical activity, hindi naiipon ang glucose sa dugo. Nakakatulong din ang exercise na mas maging sensitive ang katawan sa insulin. Dahil dito, hindi kailangan ng maraming insulin para maipadala and glucose sa mga cell.
Panghuli, kasama sa treatment plan ng diabetes ang pagmo-monitor ng blood sugar. Para sa mga may type 1 diabetes, aabot sa 3 hanggang 4 beses sa isang araw ang pagte-test. Sa mga may type 2 naman, pwedeng 1 o 2 beses sa isang araw i-check ang blood sugar levels. Makakabili ng mga portable blood sugar monitor sa mga botika.
Kung may mapansing kakaiba sa blood sugar levels, sabihin kaagad ito sa iyong doktor. Kung masyadong mataas ng blood sugar, pumunta na kaagad sa ospital.
Ibang gamot
Dahil ang diabetes ay nagdudulot ng iba pang sakit, puwedeng painumin ang isang diabetic ng mga gamot upang agapan nito kagaya ng:
- Aspirin para sa puso
- Gamot para sa mataas na cholesterol
- Pampababa ng presyon
Paano Maiwasan ang Diabetes?
Sa kasamaang palad, hindi pwedeng maiiwasan ang diabetes. Subalit, pwede namang mapababa ang risk na ma-develop o kaya ay lumala pa ito. Ang pinakamagandang gawin ay kumain ng mga masustansyang pagkain at mag-exercise ng at least 30 minutes sa isang araw. Isang malaking factor din sa pag-iwas sa diabetes ang paghinto sa paninigarilyo.
Makakatulong din sa pag-iwas sa diabetes ang pagbabawas ng timbang kung ikaw ay overweight o obese. Para sa mga buntis, hindi ipinapayo ang magbawas ng timbang. Ang mas magandang gawin ay itanong sa iyong doktor kung ano ang maximum na timbang na pwedeng madagdag sa katawan para manatiling safe ang pagbubuntis.
Ano ang mga Komplikasyon ng Diabetes?
Habang tumatagal na merong diabetes ang isang tao, tumataas din ang risk na magkaroon siya ng mga
komplikasyon. Kung kaya naman dapat ay ma-manage nang mabuti ang blood sugar para hindi na ito
lumala.
Kapag hindi naagapan, posibleng makarans ng mga sumusunod na komplikasyon ang isang taong may
diabetes:
- Nerve damage o neuropathy, kung saan nasisira ang mga maliit na blood vessel na nagpapadala ng nutrisyon sa mga nerve. Kapag meron kang neuropathy, pwede kang makaramdam ng pananakit o pamamanhid ng mga kamay at paa na nagsisimula sa mga daliri. Posible ring maapektuhan ng neuropathy ang tiyan.
- Cardiovascular disease, kasama na ang coronary artery disease, heart attack, at stroke.
- Kidney damage o nephropathy, na nakaapaekto sa kakayahan ng mga bato na i-filter ang dumi sa katawan. Sa pagtagal ng kondisyong ito, pwedeng tuluyang masira ang mga kidney.
- Eye damage o retinopathy, kung saan nasisira ang mga blood vessel sa retina. Pwede itong mauwi sa pagkabulag, katarata, at glaucoma.
- Mga skin condition katulad ng fungal infection.
- Gangrene, kung saan namamatay ang body tissues dahil sa kakulangan ng supply ng dugo.
- Alzheimer’s disease. May mga pagsusuri na nagsasabing mas mataas ang risk na magkaroon ng dementia kapag hindi nama-manage nang maayos ang blood sugar.
Sa mga babaeng may gestational diabetes, ilan sa mga posibleng komplikasyon ang mga sumusunod:
- Macrosomia, o ang sobrang paglaki ng sanggol. Pwede itong magdulot ng komplikasyon sa panganganak.
- Pagkakaroon ng type 2 diabetes pagkatapos manganak at sa pagtagal ng panahon.
- Pagkakaroon ulit ng gestational diabetes sa susunod na pagbubuntis.
- Preeclampsia, isang komplikasyon sa pagbubuntis na pwedeng magdulot ng delikadong panganganak at iba pang komplikasyon sa ina at sanggol.
- Pagkamatay ng sanggol pagkapanganak o ilang araw pagkatapos ng pagkapanganak.
Para maiwasan ang malulubhang komplikasyon, sunding mabuti ang mga payo ng doktor lalo na tungkol sa pagkain at sa pag-inom ng gamot.
Mahalagang paalala: Ang lahat ng impormasyong nakalahad dito ay para lamang sa pagbabahagi ng kaalaman at ‘di dapat ituring bilang professional medical advice. Ugaliin pa rin kumonsulta sa iyong doktor bago uminom o gumamit ng kahit anong gamot.