Pamamaga ng Balat (Skin Inflammation)

Categories: Conditions

Ang pamamaga ng balat o skin inflammation ay may medical term na “dermatitis.” Hango ang salitang ito sa dalawang salita mula sa wikang Griyego: “derm”  o “derma” na ang ibig sabihin ay balat at “itis” na ang ibig sabihin ay pamamaga o inflammation.

Maraming uri ng sakit ang pwedeng magdulot ng pamamaga ng balat. Sa kabutihang palad, hindi naman nakakahawa at hindi rin life-threatening ang kondisyong ito. Subalit, kung hindi magagamot agad, pwede itong magdulot ng pagsusugat at mauwi sa mga impeksyon.

inflammation

Ano ang mga Sintomas o Senyales ng Pamamaga ng Balat?

Ang pangunahing sintomas ng pamamaga ng balat ay ang pamumula at pagkakaroon ng rashes. Depende sa sanhi, iba-iba ang pwedeng maging itsura nito. Halimabawa, merong rashes na binubuo ng maliit at mapulang butlig; meron ding rashes na nagiging paltos (blister) at nagsusugat makalipas ang ilang oras o araw. May mga sakit din na nagdudulot ng malalaking pantal, o kaya naman ay  flat na rashes na parang nasa ilalim o loob ng balat.

Tandaan din na hindi lahat ng rashes ay nangangati. Minsan, pwedeng hapdi ang maramdaman ng pasyente sa apektadong bahagi. Meron ding pamamaga ng balat at rashes na nagdudulot ng mainit na pakiramdam.

Ilan pa sa mga sintomas o senyales ng skin inflammation ay ang mga sumusunod:

  • pananakit ng balat
  • pangangapal ng balat
  • pangangaliskis (scaliness) ng balat
  • pangingitim ng balat, depende sa skin tone ng pasyente
  • pagkakaroon ng mga crack sa balat
  • pakiramdam na parang batak (stretched) ang balat at pagiging makintab ng apektadong bahagi

Sa maraming kaso ng skin inflammation, nakakaranas ang pasyente ng higit sa isang sintomas na nabanggit.

Ano ang Sanhi ng Pamamaga ng Balat?

Ang inflammation o pamamaga ay isang immune response ng katawan laban sa mga mikrobyo at iba pang bagay na pwedeng magdulot ng sakit (halimbawa, mga cancer cell).

Maraming bahagi sa loob at labas ng katawan ang pwedeng magkaroon ng pamamaga, depende sa kung ano ang nagdulot ng immune response. Halimbawa, kapag madalas na exposed ang isang tao sa mga pollutant, pwedeng mamaga ang kanyang mga baga.

Pagdating naman sa skin inflammation, ang pangkaraniwang sanhi ay mga impeksyon, mga sakit na katulad ng tigdas, at mga allergic reaction.

Narito ang ilan sa mga pangkaraniwang sanhi ng pamamaga ng balat:

Eczema

Ang eczema o atopic dermatitis ay isa sa mga pinakakaraniwang skin condition sa buong mundo, lalo na sa mga bata. Nagdudulot ito ng pamumula, pangangati, panunuyo, at pamamaga ng balat sa mga bahaging nababaluktot o may mga fold kagaya ng leeg, loob ng siko, singit, at alak-alakan. Gayunpaman, pwede pa ring maapektuhan ng eczema ang anumang bahagi ng katawan.

Maraming dahilan kung bakit nagkakaroon ng eczema ang isang tao, at nangunguna rito ang pagkakaroon ng depekto sa skin barrier. Ito ang dahilan ng panunuyo ng balat, na siya namang nagiging dahilan sa pagiging mas sensitibo nito.

Contact Dermatitis

Ang contact dermatitis ay isang kondisyon kung saan namamaga at namumula ang balat kapag nadidikit ito sa isang irritant o allergen. Ilan sa mga halimbawa ng mga irritant na ito ang iba-ibang uri ng sabon at pabango, mga pesticide, at mga solvent na katulad ng matatagpuan sa nail polish remover. Samantala, ilan sa mga pangkaraniwang allergen na nagdudulot ng contact dermatitis ang mga bakal katulad ng nickel at cobalt, latex, at mga halaman na katulad ng poison ivy.

Depende sa lubha ng kondisyon, pwede ring magdulot ng rashes, paltos, at pangangapal ng balat ang contact dermatitis.

Psoriasis

Ang normal life cycle ng mga skin cell ay isang buwan o 4 na linggo. Kapag “namatay” na ang mga matanda o lumang mga skin cell, kusang natatanggal ang mga ito para ma-expose at “umakyat” naman ang mga bagong skin cell galing sa ilalim. Kapag may psoriasis ang isang tao, mas mabilis ang pag-produce ng kanyang katawan ng mga bagong skin cell. Dahil dito, hindi nagkakaroon ng oras na mag-flake-off ang lumang mga skin cell. Nagdudulot ito ng pamumuo ng makapal at makating plaque sa ibabaw ng balat.

Ayon sa mga pag-aaral, isang immune-related condition ang psoriasis na madalas nagsisimula sa adulthood; gayunpaman, pwede ring maapektuhan ng sakit na ito ang mga bata. Namamana rin ang psoriasis, kung kaya naman mas mataas ang risk na magkaroon nito ang mga taong may magulang o kamag-anak na meron ding ganitong sakit.

Maraming taong may psoriasis ang nakakaranas ng matagal na panahon ng remission, kung saan nawawala ang mga sintomas katulad ng pangangati at pamamaga. Subalit, pagkatapos ng remission ay nagkakaroon naman ng flare-up kung saan mas malubha o matindi ang mga nararanasang sintomas.

Drug Rashes

May tinatawag na drug rashes, kung saan nagkakaroon ng adverse reaction ang katawan sa gamot at nagma-manifest bilang rashes. Pwedeng mild lamang ang ganitong kondisyon, pero may mga pagkakataon din na delikado ito at dapat magamot kaagad. Tandaan din na hindi sa lahat ng pagkakataon ay lumalabas kaagad ang drug rashes; sa katunayan, may mga kaso na lumilips muna ang ilang araw o linggo bago magkaroon ng rashes.

Kadalasan, ang drug rashes ay dulot ng allergy sa gamot. Subalit, meron ding mga gamot na may side effect na pangangati, pamamantal, at pamamaga ng balat. May mga gamot din na ginagawang mas sensitibo ang balat, kung kaya’t mas madali itong mairita at mamaga.

Sa mga sanggol, isa ring pangunahing sanhi ng pamamaga ng balat ang diaper rash. Nangyayari ito kapag nakukulob ang balat at nagkakaroon ng iritasyon dahil sa init, dumi, at friction.

Bukod sa mga nabanggit na skin condition, narito ang ilan pang dahilan kung bakit namamaga ang balat:

  • pagkakaroon ng mga immune disease, katulad ng Behcet’s disease, lupus, at scleroderma
  • pagkakaroon ng skin infection dulot ng bacteria, fungi, o virus
  • pagkabilad sa init, na pwedeng mauwi sa sunburn at heat rash
  • photosensitivity o pagiging sensitibo ng balat sa sikat ng araw

May mga insekto rin na pwedeng magdulot ng pamamaga ng balat kapag nakagat o natusok ka ng mga ito. Ilan sa mga insektong ito ang ilang species ng mga langgam at gagamba, surot, bubuyog, at putakti (wasp).

Ano ang Pwedeng Gamot Para sa Pamamaga ng Balat?

Maraming treatment option ang pwedeng gamitin para sa pamamaga ng balat, depende sa kung ano ang sanhi nito at kung gaano ito kalubha. Sa katunayan, kung mild lamang ang mga nararanasang sintomas, pwedeng gumamit ng mga home remedy para mapahupa ang pamamaga at mabawasan ang discomfort. Ilan sa mga mabisang home remedy para sa skin inflammation ang paglalagay ng aloe vera gel sa apektadong bahagi. Nakakatulong din ang cold compress.

Kung moderate o severe naman ang nararanasang pamamaga ng balat, kailangan na nito ng medical attention. Dalawa ang uri ng gamot na pwedeng ibigay sa mga nakakaranas ng skin inflammation: topical o kaya ay oral medication.

Ilan sa mga topical treatment para sa pamamaga ng balat ang:

  • corticosteroid ointment o cream, para mabawasan o mawala ang pamamaga
  • antibacterial o antifungal cream, para magamot ang impeksyon na nagdudulot ng pamamaga
  • immunomodulators, isang grupo ng mga gamot na binabago ang immune response ng katawan
  • mga anti-itch cream o lotion, para mabawasan ang pangangati

Samantala, ilan sa mga oral medication na ibinibigay para sa pamamaga ng balat ang:

  • mga antihistamine, kung dulot ng allergy ang pamamaga, pangangati, at iba pang sintomas
  • mga oral antibiotic at antifungal medication laban sa impeksyon
  • mga injectable na gamot para sa mga sakit na katulad ng psoriasis
  • mga gamot na nagpapahupa sa ibang sintomas, katulad ng pamumula at pangangati

Karamihan sa mga topical medication at antihistamine na ginagamit para sa pamamaga ng balat ay mabibili nang walang reseta. Subalit, pagdating sa mga antibiotic at iba pang mga gamot, kailangan muna ng reseta ng doktor bago makabili ng mga ito.

Paano Makaiwas sa Pamamaga ng Balat?

Sa kasamaang palad, kung isang chronic condition ang sanhi ng pamamaga at pangangati ng balat, hindi na ito mawawala nang tuluyan. Ang pwede na lamang gawin ay ang i-manage ang mga sintomas sa pamamagitan ng mga gamot.

Gayunpaman, may mga paraan pa rin para hindi palaging ma-trigger ang pamamaga, pangangati, at iba pang skin issues. Halimbawa nito ay ang pag-iwas sa mga pagkain na nagdudulot ng inflammation, katulad ng processed foods, margarine, at mga pagkaing may refine flour. Samantala, may mga pagkain naman na katulad ng kamatis, orange, at pinya na may mga antioxidant na tumutulong pigilan ang inflammation.

Pagdating naman sa kasuotan, mas magandang magsuot ng damit na gawa sa malambot at madulas na tela para mabawasan ang friction sa balat. Umiwas din sa mga bagay at pagkain na napatunayan nang nakaka-trigger sa iyong kondisyon.

Kailan Dapat Pumunta sa Doktor Dahil sa Pamamaga ng Balat?

Kung mild lamang ang rashes at pamamaga ng balat, hindi dapat mag-alala dahil mawawala rin ito sa paglipas ng panahon. Kung chronic disease naman ang sanhi ng skin issues, sundin ang payo ng doktor pagdating sa maintenance.

Gayunpaman, kailangang bantayan nang mabuti ang rashes; kung maaari ay huwag itong kamutin para hindi magkasugat at magkaroon ng impeksyon. Ipinapayo rin ang pagpunta kaagad sa doktor kung walang napansing pagbabago sa pamamaga, pangangati, at dami ng rashes pagkatapos maglagay o uminom ng gamot.

Gayundin, magpakonsulta kaagad sa doktor o pumunta sa ospital kung mangyari ang isa o higit pa sa mga sumusunod habang nakakaranas ng pamamaga ng balat:

  • lagnat
  • rashes na mabilis ang pagkalat buong katawan
  • pagpapaltos ng rashes
  • pananakit ng balat, lalo na sa bahaging may rashes

Kung matinding allergic reaction ang sanhi ng rashes at pamamaga ng balat, kailangang maibigay kaagad sa pasyente ang tamang dosage ng adrenaline. Kung may mga tao sa paligid, humingi ng tulong sa pagtawag ng ambulansya para madala ang pasyente sa ospital. Kahit na naging mabisa ang auto-injector, kailangang pa rin sumailalim sa observation ng pasyente.

Mahalagang paalala: Ang lahat ng impormasyong nakalahad dito ay para lamang sa pagbabahagi ng kaalaman at ‘di dapat ituring bilang professional medical advice. Ugaliin pa rin kumonsulta sa iyong doktor bago uminom o gumamit ng kahit anong gamot.