Ang allergic rhinitis o hay fever ay isang kondisyon kung saan naiirita ang ilong ng isa o higit pang allergen katulad ng balahibo ng hayop, pollen mula sa mga halaman, o kaya ay alikabok. Nagdudulot ang allergic rhinitis ng mga sintomas katulad ng pagbahing, pangangati ng ilong, pagbabara ng ilong, at pangangati ng lalamunan.
Bakit Nakakaranas ng Allergic Rhinitis?
Karamihan sa mga allergen na nagdudulot ng allergic rhinitis ay wala namang epekto sa ibang tao. Pwede silang makalanghap ng alikabok o usok nang hindi nakakaranas ng matinding reaksyon.
Sa mga may allergic rhinitis, nag-o-overreact ang katawan dahil kinikilala ng kanilang immune system na para bang virus o bacteria ang mga allergen. Para alisin o tanggalin ang mga allergen na ito, naglalabas ng maraming histamine ang immune system. Ito ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng sintomas katulad ng sunud-sunod na pagbahing, pagluluha ng mata, at iba pa.
Ano ang mga Sanhi ng Allergic Rhinitis?
Maraming allergen ang pwedeng magdulot ng matinding reaksyon sa katawan at maging sanhi ng
allergic rhinitis. Ilan sa mga karaniwang allergen sa Pilipinas ay ang mga sumusunod:
- Balahibo ng hayop
- Pollen galing sa mga halaman, puno, o damo
- Dust mites
- Alikabok
- Amag
- Ipis
Pwede ring magdulot ng allergic reaction ang mga matitinding amoy, kagaya ng usok na galing sa mga sasakyan. Tandaan lamang na hindi mismo ang usok ang allergen, kundi ang mga kemikal at iba pang mga harmful substance na nakahalo sa usok.
Ano ang mga Sintomas ng Allergic Rhinitis?
Iba-iba ang mga sintomas ng allergic rhinitis, pero karamihan dito ay kapareho ng sa common cold. Kasama sa mga sintomas na pwedeng maramdaman o maranasan ang mga sumusunod:
- Sunud-sunod na pagbahing
- Pagbabara ng ilong
- Pangangati ng ilong, lalamunan, at mata
- Pagkakaroon ng runny nose
- Pagluluha ng mata
- Pananakit ng ulo
Pwede ring makaranas ng postnasal drip ang mga may allergic rhinitis. Ang postnasal drip ay ang kondisyon kung saan bumababa sa lalamunan ang plema. Sa mas matindi o malalang kaso ng allergic rhinitis, pwedeng mauwi ang mga sintomas sa sinusitis.
Ano ang mga Uri ng Allergic Rhinitis?
May dalawang uri ng allergic rhinitis: seasonal at perennial. Ang seasonal allergic rhinitis ay nangyayari lang kung panahon ng pagkalat ng mga allergen. Halimbawa, kapag dry season sa Pilipinas, natutuyo ang mga halaman at mas mabilis na mahipan ng hangin ang mga pollen. Mas marami rin ang kaso ng seasonal allergic rhinitis kapag namumulaklak ang mga halaman at puno.
Ang perennial allergic rhinitis naman ay pwedeng mangyari o ma-trigger sa anumang oras o panahon dahil halos hindi nawawala ang mga allergen sa paligid. Ang magandang halimbawa nito ay kung mayroon kang sensitivity sa balahibo ng hayop, ipis, o amag.
Meron ding tinatawag na non-allergic rhinitis. Nagdudulot ito ng mga sintomas na kapareho ng sa allergic rhinitis, pero iba ang tunay na sanhi. Kadalasan ay ang klase ng panahon o environment ang nagdudulot ng ganitong kondisyon. Halimbawa, kapag malamig ang panahon at tuyo ang hangin, pwedeng mairita ang ilong. Meron ding ilang klase ng gamot na pwedeng magdulot ng non-allergic rhinitis bilang side-effect.
Ano ang Kaibahan ng Allergic Rhinitis sa Sipon?
Maraming magkatulad na sintomas ang allergic rhinitis at sipon, kaya naman minsan ay mahirap malaman kung alin sa dalawa ang nararanasan. Dagdag pa rito, maraming klase ng cold virus ang kumakalat sa buong taon kaya may posibilidad na magkasabay ang “season” ng allergic rhinitis at sipon.
Ang pinakamagandang paraan para malaman kung allergic rhinitis o sipon ang nararanasan ay ang pagbabantay kung kailan nangyayari ang mga sintomas. Sa allergic rhinitis, mas consistent ang pagdating mga sintomas lalo na kung seasonal ang allergy. Kapag nawala na ang mga allergen, nawawala na rin ang mga sintomas.
Maganda ring indikasyon ng allergic rhinitis ang pangangati ng ilong at mga mata. Sa kaso ng sipon, hindi masyadong nakakaranas ng ganitong mga sintomas. Depende sa kalusugan ng immune system ng isang tao, mas mabilis ding nawawala ang sipon. Sa allergic rhinitis, hangga’t may presensya ng allergen sa hangin o paligid ay hindi mawawala ang mga sintomas.
Sino ang Pwedeng Magkaroon ng Allergic Rhinitis?
Maraming uri ng allergy ang namamana, kasama na ang allergic rhinitis. Kung may history ng allergic rhinitis sa inyong pamilya, mas mataas ang risk na magkaroon ka rin nito. Dagdag na risk factor din sa allergic rhinitis ang hika, eczema, at iba pang katulad na sakit.
May mga research din na nagsasabing mas mataas ang risk ng mga kalalakihan na magkaroon ng allergic rhinitis. Ayon naman sa ibang pag-aaral, may kinalaman din sa kondisyon ang isang uri ng antibody sa katawan. Kapag lumagpas ang dami nito sa 100 IU/mL bago mag-edad 6, tumataas din ang risk na magkaroon ng allergic rhinitis.
Para mabigyan ng tamang diagnosis, pwedeng mag-rekomenda ang doktor ng mga test katulad ng blood test. Dito ay pag-aaralan ang dugo para malaman kung ano ang reaksyon ng katawan sa iba-ibang mga bagay, kasama na ang pagkain at iba pang mga allergen.
Meron ding mga skin test para malaman kung sa anong klaseng allergen nagre-react ang iyong katawan. May dalawang klase ang test na ito. Una ay ang prick o scratch test, kung saan lalagyan ng kaunting allergen ang balat sa pamamagitan ng pagtusok o pag-gasgas. Makukuha na ang resulta ng test sa loob ng 20 minuto.
Ang isa pang klase ng skin test para sa allergic rhinitis ay ang intradermal test, kung saan ini-inject naman ang kaunting allergen sa ilalim ng balat. Mas sensitive ito kaysa sa prick o scratch test, kaya mas maganda itong gamitin kung nahihirapan ma-diagnose ang allergy.
Paano Maiiwasan na Ma-Trigger ang Allergic Rhinitis?
Para maiwasan ang pagka-trigger ng allergic rhinitis, ang pinakamagandang gawin ay iwasan ang mga allergen. Narito ang ilang suggestion:
- Kapag dry season at mas maraming pollen sa hangin, iwasan munang lumabas. Kung kailangang lumabas, magsuot ng mask. Magsuot din ng sunglasses o iba pang proteksyon sa mata para mabawasan ang exposure sa pollen.
- Labahan ang mga bed sheet, pillow case, at kumot sa tubig na at least 60 degrees Celsius ang init para maalis ang mga allergen.
- Iwasang magsampay ng labada sa labas ng bahay para hindi kapitan ng pollen at iba pang allergen ang mga damit, kumot, towel, at iba.
- Paliguan at i-groom ang mga alagang hayop ayon sa tamang schedule para hindi kumalat ang kanilang balahibo at dry skin.
- Hugasan at labhan ang mga laruan, tulugan, at iba pang gamit ng mga alagang hayop.
- Huwag papasukin sa kwarto ang mga alagang hayop para hindi ma-expose sa mga allergen habang natutulog
- Huwag gumamit ng carpet sa sahig dahil mas mahirap itong linisin. Mas mabilis din sumiksik sa carpet ang mga balahibo ng hayop, mga dust mite, at iba pang allergen. Mas mabuting gumamit na lang ng kahoy, tiles, o linoleum para sa sahig.
- Gumamit ng vacuum cleaner o basang mop sa paglilinis ng sahig para hindi lumipad o kumalat ang alikabok.
- Isarado ang mga bintana ng bahay, lalo na kung panahon ng pagkalat ng pollen.
- Gumamit ng aircon at ugaliing linisin ang filter nito.
- Gumamit ng HEPA air filter sa bahay para maalis ang mga allergen sa hangin.
- Siguraduhin ang magandang air circulation at iwasan ang mataas na humidity para hindi mamuo ang amag sa paligid. Kung kailangan, gumamit ng dehumidifier.
Makakatulong din ang pag-iwas sa pagkusot ng mga mata at madalas na paghawak sa mukha para hindi ma-trigger ng allergic rhinitis. Ugaliin din ang paghuhugas ng mga kamay, lalo na kung may nahawakang bagay na posibleng magdulot ng allergic reaction.
Ano ang Gamot sa Allergic Rhinitis?
Maraming klase ng gamot ang pwedeng ireseata ng iyong doktor para sa allergic rhinitis. Marami ring delivery method ang mga gamot na ito, katulad ng syrup, tableta o capsule, nasal spray, at iba pa. Tandaan lang na hindi lahat ng gamot ay pwedeng gamitin o effective para sa lahat ng may allergic rhinitis. Halimbawa, may mga allergy medication na hindi pwedeng inumin ng mga buntis.
Ilan sa mga treatment na ginagamit para sa allergic rhinitis ang mga sumusunod:
Antihistamine
Ang mga antihistamine katulad ng cetirizine, ebastine, loratadine, at levocetirizine ang pinakamadalas gamitin para sa mga kaso ng allergic rhinitis. Pinipigilan ng gamot na ito ang sobrang pagpo-produce ng katawan ng histamine, para maibsan ang mga sintomas kagaya ng pangangati ng ilong, pagbahing, pagluluha ng mata, at pangangati ng balat.
Tandaan lang na may mga klase ng antihistamine na nagdudulot ng pagka-antok. Kung kailangang pumasok sa trabaho o school, tanungin ang doktor o pharmacist kung may non-drowsy formula ng antihistamine.
Meron ding tinatawag ng short-acting antihistamine at timed-release antihistamine. Ang mga short-acting antihistamine ay dapat inumin kada 4 hanggang 6 oras. Ang mga timed-release antihistamine naman ay dapat inumin kada 12 hanggang 24 oras.
Decongestant
Kung ang major symptom na nararanasan sa allergic rhinitis ay baradong ilong, makakatulong ang mga decongestant. Kadalasan ay mabibili ito bilang tableta o capsule, o kaya ay nasal spray. Meron ding prescription at over-the-counter na decongestant. Ilan sa mga kilalang decongestant ang phenylephrine, pseudoephedrine, at oxymetazoline.
Iba-ibang Uri ng Nasal Spray
Isang sintomas ng allergic rhinitis ang panunuyo ng ilong. Kung nakakaranas ka nito, pwedeng gumamit ng saline nasal spray para mabasa ang lining ng ilong at mabawasan ang irritation. Nakakatulong din ang saline nasal spray para mabawasan ang dami ng mucus sa ilong. Ang maganda pa sa treatment na ito ay pwede itong gamitin nang madalas, hindi katulad ng ibang gamot na dapat ay may oras ng paggamit o pag-inom.
Bukod sa saline nasal spray, pwede ring gumamit ng nasal cromolyn, nasal ipratropium bromide spray, at intranasal antihistamine. Mataas ang effectiveness ng mga gamot na ito, at pwedeng gamitin as needed. Kaya lang ay meron din itong mga restriction kaya magpakonsulta muna sa doktor bago bumili
at gumamit ng ganitong gamot.
Leukotriene Inhibitors
Bukod sa histamine, naglalabas din ang immune system ng iba pang kemikal katulad ng leukotriene. Nagdudulot din ito ng mga sintomas katulad ng pagbahing, pagluluha ng mga mata, at iba pa, habang inaalis ang mga allergen sa katawan.
Ang pinakakilalang leukotriene inhibitor ay montelukast. Isa itong prescription drug na maganda ang bisa pero may kaakibat na mga side effect. Kasama sa mga side effect na ito ang pagbabago-bago ng mood, pagkakaroon ng rashes, at hindi boluntaryong paggalaw o pagkibot ng mga muscle.
Immunotherapy
Ang lahat ng klase ng allergy, kasama na ang allergic rhinitis, ay isang immune response. Kung masyadong malubha ang kaso ng allergic rhinitis, pwedeng gawin ang immunotherapy. Ito ay isang klase ng treatment na tumutulong sa katawan na huwag mag-overact kapag nakatagpo ng allergen.
Ginagawa ang immunotherapy sa pamamagitan ng allergy shots o kaya ay tableta na naglalaman ngallergen extract. Habang nagtatagal ang treatment, tinataasan ang dosage ng allergen extract hanggang sa masanay ang katawan. Pagkatapos ng treatment, makakapag-develop na ng tolerance ang katawan at hindi na ito gaanong maglalabas ng histamine, leukotriene, at iba pang kemikal para labanan ang allergen.
Tandaan na hindi dapat basta-bastang ginagawa ang immunotherapy. Kailangan ng pagbabantay ng mga medical expert para matiyak na magiging effective ito.
Para naman sa iba pang mga sintomas ng allergic rhinitis, katulad ng pangangati ng mga mata o kaya ay rashes, pwedeng gumamit ng mga eye drops at skin ointment. Samantala, hindi naman dapat uminom ng antibiotic kapag inaatake ng allergic rhinitis dahil hindi naman bacteria ang sanhi ng kondisyon. Tandaan din na ang maling pag-inom ng antibiotic ay pwedeng magresulta sa antibiotic resistance.
Kung matagal nang hindi inaatake ng allergic rhinitis at bigla ulit nakaranas ng mga sintomas, huwag kaagad gamitin o inumin ang mga dating gamot. Magpakonsulta muna sa doktor para mas makasigurado sa diagnosis at treatment.
Mahalagang paalala: Ang lahat ng impormasyong nakalahad dito ay para lamang sa pagbabahagi ng kaalaman at ‘di dapat ituring bilang professional medical advice. Ugaliin pa rin kumonsulta sa iyong doktor bago uminom o gumamit ng kahit anong gamot.