Ang pag-inom ng gamot sa ubo ay mainam kung ang ubo ay inaagapan pa lamang. Subalit kailangan ring isaisip na ang pag-inom ng gamot ay siyang dapat na may pahintulot o reseta ng doktor. Karaniwan sa mga madalas na ginagamitan ng ganitong lunas ay ang malubhang ubo tulad ng tuberculosis.
Narito ang ilang mga datos tungkol sa TB:
- Sa kabuuan, may 1.4 milyong taong namatay dahil sa TB noong 2019 (208,000 rito ay dahil sa HIV). Ang TB ay isa sa 10 pinaka karaniwang dahilan ng pagkamatay sa buong mundo at nangungunang dahilan ng pagkamatay sa iisang impeksyon lamang (higit pa sa HIV/AIDS).
- Noong 2019, tinatayang 10 milyon ang nagka-TB sa buong mundo. 5.6 milyon dito ay mga lalaki, 3.2 milyon ay mga babae, at 1.2 milyon ay ang mga bata. Ang TB ay maaaring makuha sa kahit anong bansa at kahit sino ay pwedeng mahawa kahit ano pang edad. Pero walang dapat ipag-alala dahil ang TB ay nagagamot at puwedeng maiwasan.
- Kadalasang hindi nabibigyan ng karagdagang pansin at halaga ng mga doktor ang TB sa mga bata dahil mahirap itong ma-diagnose at maagapan.
- Noong 2019, 87% ng mga bagong kaso ng TB sa buong mundo ay nagmula lamang sa 30 bansa na nagtala ng matataas na kaso ng TB. Walo sa 30 bansang ito ang bumubuo sa lagpas 50% ng kabuuang bilang ng mga kaso. Ang walong bansang ito ay India, Indonesia, China, Philippines, Pakistan, Nigeria, Bangladesh, at South Africa.
- Bumababa na ang kaso ng TB sa buong mundo ng 2% kada taon. Mula 2015 hanggang 2019, bumaba ito ng 9%.
Ano ang Tuberculosis?
Ang tuberculosis, o mas kilala sa tawag na TB, ay isang uri ng malubhang sakit na dulot ng impeksyon sa baga. Ang impeksyong ito ay nag-uugat sa bacteria na tinatawag na Mycobacterium tuberculosis. Subalit bukod sa baga, ito ay maaari ring kumapit at pagmulan ng impeksyon sa buto, bato, at utak. Ang impeksyon na ito ay nagdudulot ng pagkasira ng laman sa baga, kaya’t ang taong may TB ay mapapansing nangangayayat at nanghihina.
Ang tuberculosis ay mayroong dalawang uri: (a) ang latent tuberculosis o iyong hindi nakakahawa sapagkat ang bacteria ay nananatili sa loob ng katawan at hindi nagpapakita ng alinmang sintomas, at; (b) ang active tuberculosis na kung saan ang bacteria ay dumadami at kumakalat sa baga na siyang nagdudulot ng sintomas, impeksyon, at pagkahawa sa loob lamang ng ilang linggo o buwan.
Dahil sa nakakaalarmang sakit na ito, inirerekomenda ng World Health Organization (WHO) at Department of Health (DOH) ang programang Directly Observed Short Course Program (DOTS) para sa mabisang paggamot.
Ano ang karaniwang sanhi ng tuberculosis?
Ang tuberculosis ay isang karaniwang sakit sa Pilipinas. Subalit ito ay mas madaling nakukuha ng dalawang klase ng tao:
-
Nadapuan na ng bakterya ng tuberculosis
- Nakatira o nagta-trabaho sa lugar kung saan ay karaniwang may tuberculosis tulad ng ospital, kulungan, o bahay-ampunan
- Galing sa bansa kung saan laganap ang tuberculosis tulad ng Southeast Asia, Africa, China, Russia, o South America
- May kasama sa bahay, opisina, o eskwela na mayroong tuberculosis
-
Mahina ang immune system dulot ng malubhang karamdaman
- Mga batang may limang taong gulang pababa
- Mga may bisyo tulad ng pag-inom ng alak, paninigarilyo, o pag-abuso sa ilegal na gamot
- Mga taong nag-positibo sa HIV
- Mga taong hindi nabigyan ng sapat na gamot nang magkaroon ng latent tuberculosis o iyong uri ng TB na hindi nagdudulot ng sintomas
Ano ang mga Sintomas ng Tuberculosis?
Upang hindi magkamali sa pagpapainom ng gamot sa ubo, marapat lamang intindihin o obserbahan ang mga sumusunod na senyales ng pagkakaroon ng tuberculosis:
- Kung ang ubo ay nagpatuloy pa sa higit dalawa o tatlo linggo at hindi gumagaling
- Kung ang plema ay may kasamang dugo
- Kung ang ubo ay nagdudulot ng pangangayayat at pagkawala ng gana sa pagkain
- Kung ito ay nagdudulot ng paninikip ng dibdib kung humihinga
- Kung ito ay nagdudulot ng lagnat
- Kung ito ay nagiging sanhi ng pagkapagod at pagpapawis sa gabi
Sino ang Madaling Dapuan ng Tuberculosis?
Ang karaniwang dinadapuan ng sakit na ito ay mga nasa edad 20-55. Subalit hindi namimili ng edad ang TB at higit sa 95% ng mga kaso ay nanggagaling sa mga tinatawag na “developing countries.” Kabilang na dito ang Pilipinas.
Mas mataas ang tsansang dapuan ng TB ang mga may sakit na HIV. Halos 18 beses silang mas madaling dapuan ng TB kumpara sa taong walang HIV. Mas madali ring dapuan ang mga taong mahina ang resistensya o may mga sakit na dahilan ng paghina ng kanilang resistensya tulad ng kanser. Madali ring dapuan ng TB ang mga taong kulang sa sapat na nutrisyon. Noong 2019, 2.2 milyong bagong kaso ang naitalang nahawa dahil sa kakulangan sa sapat na nutrisyon.
Ang malakas na pag-inom ng alak at madalas na paninigarilyo ay maaari ring magpataas ng tsansa ng pagkakaroon ng TB.
Ano ang mabisang paraan upang matukoy kung mayroong tuberculosis?
Upang matukoy kung ikaw ay mayroong tuberculosis, maaari kang sumailalim sa sumusunod na mga paraan ng pagsusuri:
- TB Blood Test
- Chest X-ray
- Sputum Test
- Tuberculin Skin Test
Ano ang Mabisang Gamot sa TB?
Upang maagapan ang tuberculosis, maaari lamang na ugaliing obserbahan ang intensidad ng ubo at magpasuri sa doktor. Karaniwan ay mas madaling lunasan ang latent tuberculosis kumpara sa active tuberculosis.
Ang latent tuberculosis ay maaaring lunasan sa pamamagitan ng isa o dalawang klase ng gamot, subalit ang active tuberculosis ay karaniwang nireresetahan ng mga gamot na tulad ng:
- Isoniazid
- Ethambutol
- Pyrazinamide
- Rifampin
Ang mga gamot na ito ay partikular na pumupuksa sa bakteryang nagdudulot ng sakit na ito.
Sa pag-inom ng gamot, karaniwang inirerekomenda ng mga eksperto na kumpletuhin ito. Ito ay upang mas madaling malunasan ang sakit at maiwasan ang paglubha nito. Ang paghinto sa pag-inom ng mga nasabing gamot ay maaari lamang na magdulot ng mas malubhang karamdaman at mas mahirap na paggamot sa sakit na tuberculosis.
Ano ang mga Dapat Iwasan ng mga Taong May Tuberculosis?
May ilang uri ng pagkain na dapat iwasan ng mga may TB upang mapabilis ang kanilang pag galing. Ito ay ang mga sumusunod:
- Matatamis - Ang mga matatamis na pagkain, lalo na ang mga mayroong refined sugar (o yung white sugar), ay nagpapadami ng bakterya sa katawan kaya mainam na iwasan ito hangga’t maaari. Halimbawa ng mga pagkaing maraming refined sugar ay tasty bread, white sugar, cereal, at iba pang matatamis. Ang pag-iwas sa mga ito ay maaaring mag-pataas sa tinatawag na efficacy o bisa ng gamot at makakapagpabilis ng pag galing.
- Maaalat - Ang pagkain ng maalat ay delikado sa mga may altapresyon at may mga mahihinang resistensya, kabilang na rito ang mga may TB. Iwasan ang pagkain ng tuyo, dilis, chichirya, mga processed foods tulad ng instant noodles, corned beef, hotdog, SPAM, at iba pa.
- Stimulants - Ang mga stimulants ay mga pagkaing nagpapabilis ng pagtibok ng puso, katulad ng caffeine na kadalasang matatagpuan sa kape. Ang mga pagkaing ito ay dapat iwasan ng mga mayroong TB. Napaparami rin nito ang bakterya sa katawan na nagpapalala sa iyong kondisyon. Iwasan ang pag-inom ng tsaa, kape, mga energy drinks, at pati na rin mga diet pills na may mataas na caffeine content.
- Karne - Iwasan ang pagkain ng mga ulam na mataas sa kolesterol katulad ng karne ng baka at baboy. Piliing kumain ng isda, manok, tokwa, o munggo na mas madaling maproseso ng iyong katawan.
- Alak - Huwag na huwag uminom ng alak kung mayroong kang Tuberculosis. Naaapektuhan ng ilan sa mga gamot laban sa Tuberculosis ang atay. Ang pag-inom ng alak ay mas makakapagpalala sa mga epektong dulot ng mga gamot na ito.
- Paninigarilyo - Dahil hirap na ang iyong baga at lalamunan dahil sa iyong Tuberculosis, ihinto na ang paninigarilyo upang hindi na lumala pa ang iyong kundisyon.
Mga pagkaing mainam sa may TB
Para sa mga may TB, huwag mag-alala dahil hindi naman lahat ng pagkaing masasarap ay dapat iwasan upang mapabilis ang paggaling. Mayroon din namang mga pagkain na makatutulong sa iyong kalagayan. Ugaliing kumain ng pagkaing puno ng bitamina para mapalakas ang iyong katawan at resistensya. Heto ang ilan sa mga iyon:
- Dark, leafy greens - Kumain ng mga dark leafy greens katulad ng kangkong, malunggay, at spinach dahil mataas ito sa iron at vitamin B na kailangan ng katawan upang lumakas.
- Whole grains - Palitan lahat ng iyong “white food” gamit ng mga tinatawag na “whole food.” Ibig sabihin nito ay imbis ng kumain ng white rice, ugaliing kumain ng brown o red rice. O di kaya’y bumili ng whole wheat bread imbis na white o tasty bread.
- Makukulay na gulay - Sa pagpili ng kakainin, isipin na mas makulay, mas masustansya. Pumili ng iba’t ibang kulay ng gulay at prutas pag gumagawa ng mga putahe para mas maraming bitaminang makuha ang iyong katawan. Mas maraming kulay, mas maraming benepisyo. Kumain ng mga carrots, kalabasa, kamatis, ubas, papaya, mangosteen, chico, at iba pa.
- Unsaturated fats - Iwasan ang mga tinatawag na saturated fats na makukuha sa margarine o mantikilya. Piliing gumamit ng mga panlutong may unsaturated fats katulad ng vegetable oils gaya ng coconut oil, peanut oil, o olive oil. Higit na makakatulong ito sa katawan (lalo na sa puso).
Kumonsulta rin sa iyong doktor upang malaman kung may kakulangan ba sa iba’t-ibang uri ng nutrients ang iyong katawan. Batay sa datos na nakuha sa ilang mga pagsusuri, mainam sa mga pasyenteng nagkaTB dahil sa malnutrisyon ang pag-inom ng gamot na magpapabigat sa kanilang timbang, at mga gamot na may zinc at vitamin A.
Nakakahawa ba ang Tuberculosis?
Kung ikaw ay mayroong latent TB, puwede kang bigyan ng gamot ng iyong doctor para hindi ito tumuloy sa active tuberculosis. Ang active Tuberculosis lamang ang uri ng TB na nakakahawa.
Protektahan ang iyong pamilya
Kung mayroon kang active TB, karaniwang kinakailangan ng ilang linggong pagpapagamot bago ito gumaling ng tuluyan. Pero bago ang tuluyang paggaling, malaki ang posibilidad na ikaw ay makahawa. Sundan ang mga payong ito para manatiling ligtas sa TB ang iyong mga mahal sa buhay:
- Manatili sa bahay. Huwag na munang pumasok sa trabaho o sa eskwelahan.
- Matulog ng mag-isa para maiwasang makahawa.
- Siguruhing may maayos na bentilasyon ang kwartong iyong nilalagian. Mas madaling kumalat ang bakterya ng TB sa mga kulob na kwarto dahil hindi nakakadaloy ng maigi ang hangin. Iwasan muna ang pagsindi ng aircon at sa halip, iwan munang nakabukas ang mga bintana at electric fan para makalabas ang hangin.
- Takpan ang iyong bibig sa tuwing uubo o babahing. Gumamit ng tissue para takpan ang iyong bibig tuwing uubo, babahing, o tatawa. Agad na ilagay ang gamit na tissue sa isang supot, itali ng maigi, at itapon. Ugaliin ding mag-sanitize ng kamay gamit ang alcohol.
- Magsuot ng face mask. Ang pagsuot ng face mask tuwing may kasamang ibang tao sa unang tatlong linggo ng iyong pagpapagaling ay makatutulong na maiwasang kumalat ang TB.
Konklusyon
Tulad ng nabanggit sa itaas, maaari lamang na sumunod sa programang DOTS upang mapabilis ang paggamot sa ganitong uri ng ubo at maiwasan ang malalang klase ng tuberculosis.
Muli ay ugaliing kumunsulta sa doktor para sa karagdagang gabay ukol sa tuberculosis.