Masakit Ang Ulo? Heto Ang Dapat Mong Malaman

Ang tamang kaalaman sa sakit ng ulo at gamot nito ay nakatutulong upang maiwasan ang paglala nito at pagiging sagabal sa iyong araw-araw na gawain. Kadalasan, ang pananakit ng ulo ay nagiging ugat ng pagiging mayayamutin at irritable ng isang tao dahilan upang maging dahilan ng di pagkakaunawaan sa tahanan man o sa trabaho. Upang maiwasan ito, marapat lamang na alamin ang kasidhian at ang sanhi nito. Maaaring ang iyong nararamdaman ay manakanaka o matinding kirot, o di kaya’y pumupukpok o tumitibok-tibok at di humihinto. Maaari ding ito’y pansamantala o tumatagal. Anumang klase ng pananakit ng ulo ang iyong nararamdaman, dapat lamang na malaman ang pinag-ugatan nito nang mabigyan ng kaukulang lunas.

Nandito ang TGP para tulungan kayo bigyan lunas ang sakit ng ulo niyo. Alamin paano mawala ang sakit ng ulo kasama ang The Generics Pharmacy.

Iba’t-ibang uri ng pananakit ng ulo

  1. Problema sa Panunaw. Ang ganitong uri ng sakit ng ulo ay maaaring nag-ugat sa sobrang pag-inom ng alak at pagiging sensitibo sa mga kinakain. Karaniwan ay may kasama itong pananakit ng tiyan, apdo at bato.
  2. Pagkabalisa o pagkabahala. Karaniwang kung ang tao’y labis na nababalisa o di kaya’y nababahala, ito’y nagiging sanhi ng pagguhit ng kirot sa noo.
  3. Pagkapagod. Madalas, kung ang isang tao’y sobra ang pagkapagod mula sa trabaho o di kaya’y sa eskwela, maaari itong magdulot ng sakit sa ulo. Karaniwan ito’y magsisimula sa leeg patungo sa bungo.
  4. Pag-aalala. Kung ang isang tao’y madalas o sobra kung mag-alala, maaari rin itong magdulot ng pananakit ng ulo. Kadalasan ang nangyayari’y umuurong ang kalamnan kagya’t nagiging sanhi upang manakit ang ulo na nagsisimula sa leeg paakyat sa noo.
  5. Migraine. Ang migraine ay karaniwang uri ng sakit ng ulo at madalas ay ito ang pinakamalubha. Ang ganitong klase ng sakit ay malimit pang matindi at paulit-ulit, na nagreresulta sa pagkahilo, pagkabingi, panlalabo ng paningin, at pagsusuka. Ngunit ang pananakit na ito ay maaaring nagmumula lamang sa isang bahagi ng ulo. Dahilan ng pagtrigger ng migraine: Ang migraine ay mas malubhang sakit ng ulo na nakakapagpahirap ng pagkilos, pagtrabaho, at maging pati sa pagbangon ng isang tao. Ito ang mga dapat mong malaman na trigger ng migraine:
    • Hormonal changes sa mga babae lalo na bago o pagkatapos ng regla nila, habang pagbubuntis o menopause, hormonal medication tulad ng birth control pills
    • Pag-inom ng masyadong maraming kape o alak lalo na ang red wine
    • Stress
    • Sun glare o yung matinding sikat ng araw, maliliwanag na ilaw
    • Malalakas na amoy katulad ng pabango, pintura, gasolina, o secondhand smoke
    • Maiingay na lugar
    • Pagbago sa oras ng pagtulog mo
    • Matinding pagod
    • Ibang uri ng gamot
    • Mga pagkain tulad ng maalat na pagkain at processed food
    • Kapag nalilipasan ka ng gutom
    • MSG na nahahanap sa mga chichirya at mga processed food
  6. Pamamaga ng sinusAng pamamaga ng sinus (o sinusitis) ay maaari ding magdulot ng sakit ng ulo lalo na ng bao ng ulo o bungo. Bukod pa rito, ang pamamaga ng isa sa walong lining ng sinus cavities ay maaaring maging sanhi ng matagalan at malalim na pananakit sa palibot ng mata, ulo at ilong.

Ang mga karaniwang sanhi ng pananakit ng ulo

Ang pananakit ng ulo ay maaaring nag-ugat sa hormone o presyon ng dugo. Gayunpaman, marapat pa ring malaman kung ano-ano ang mga dahilan ng sakit ng ulo upang tuluyang malunasan ang sakit na nadarama.

  • Namamanang abnormalidad tulad ng pagkakaroon ng problema sa hormones ng katawan
  • Pagbabago ng daloy ng dugo o hangin sa utak at ang tuluyang pagbabara nito
  • Maling tindig o pustura ng katawan
  • Sobra – sobrang pag-aalala at pagkabahala
  • Labis na pagkapagod
  • Sobrag pagkalungkot
  • Sipon na nagreresulta sa baradong ilong
  • May allergy
  • Labis na pag-inom ng alak
  • Para sa mga babae, maaaring kung may regla o bago pa man magregla
  • Pabago-bagong klima
  • Mataas na lagnat
  • Gutom
  • Alta-presyon (hypertension) o istrok (stroke)
  • Madalas na pagpupuyat
  • Labis na paninigarilyo
  • Mataas na presyon na mararamdaman sa batok
  • May tumor sa utak

Para sa malubhang pananakit ng ulo, marapatin lamang na dumulog sa pinakamalapit na klinika o ospital at magpatingin sa doktor. Ang sintomas ng sakit ng ulo na kailangang idulog sa espesyalista ay:

  • (a) matinding pananakit ng ulo at nangyayari ito ng walang babala
  • (b) naninigas ang leeg o kaya’y nahihirapang ikilos ang leeg ng pakilawa o kanan at nilalagnat
  • (c) ang pananakit ng ulo ay may kasamang panlalabo ng paningin, pagkalito, pagkawalan ng malay, o bahagyang pagkaparalisa
  • (d) madalas na pananakit ng ulo na mas labis pa ang sakit kaysa dati o paulit-ulit na nangyayari ng walang babala.

Mga paraan ng paggamot para sa sakit ng ulo

Tulad ng nabanggit na, ang gamot sa sakit ng ulo ay dumedepende sa sanhi nito. Ito ay maaaring gamit ang medikal na pamamaraan, paggamit ng alternatibong gamot (halamang gamot), o sa pamamagitan ng holistikong paggagamot. Upang iyong mas maintindihan, narito ang iba’t-ibang pamamaraan na maaaring makatulong upang malunasan ang sakit ng ulo.

  • Medikal. Sa pamamaraang medikal, mahalagang pakiramdaman muna ang sarili sa nararamdamang sakit ng ulo. Kung ito ba’y may kasamang lagnat, pananakit ng kalamnan, gutom, o pagkahilo na maaaring resulta ng kaunti o labis na tulog, labis na paninigarilyo, pabago-bagong klima, labis na pagkapagod o stress sa trabaho, eskwela, o tahanan, o di kaya’y paninibago sa gamot na ininom para sa partikular na sakit o mantensyon (maintenance).Kung nalaman na ang maaaring pinag-ugatan o sanhi ng pananakit, kumonsulta sa doktor para sa kaukulang gamot na maaaring inumin o kung may dapat bang gawin o baguhin sa araw-araw na karaniwang gawain. Kung ang pananakit ng ulo ay sanhi ng pamamaga ng sinus o baradong ilong, maaaring magrekomenda ng decongestant ang doktor upang mabawasan ang inflammation o pamamaga. Posible ring magrekomenda ang doktor ng antibiotic kung may impeksyon, antihistamine kung may allergy, pampakalma para sa tensyon o stress, at anti-depressant para sa may psychiatric o mental disorder.Matapos maresetahan ay ugaliin na lamang na sundin ang instruksiyon ng doktor upang maging mas mabisa at mapabilis ang paglulunas sa sanhi ng pananakit ng ulo.

  • Alternatibong Gamot. Tulad ng ibang sakit, ang sakit ng ulo ay maaari ring maibsan sa pamamagitan ng alternatibong gamot tulad ng halamang gamot o acupuncture. Ang acupuncture ay nakapagpapaginhawa ng katawan at nakakapagluwag ng daloy ng enerhiya at dugo sa katawan. Ito ay nakatutulong sa pagpapasigla ng ilang bahagi ng katawan gaya ng ulo, kamay, paa, at leeg kagya’t mas nagiging maayos ang estado ng pag-iisip at naiiwasan o naiibsan ang sakit ng ulo. Kung sa halamang gamot nama’y maaaring gumamit ng luya pagkat ito ay kilalang epektibong halamang gamot na nakatutulong sa paglunas ng mga sakit. Pakuluan lamang ito at saka inumin na parang tsaa (salabat). Sa tulong ng luya, bumababa ang sintomas ng implamasyon at sakit na nararamdaman sa katawan.

  • Holistikong Paggamot. Sa tulong ng holistikong paggagamot, napapawi ang sakit ng ulo na dala ng tensyon na maaaring nag-ugat sa maling pag-aalaga ng katawan. Base sa ilang nakagawian, nakatutulong ang pag-inom ng herbal tea tulad ng mint tea at macha na napatunayang nakabubuti sa kalusugan. Maaari ring magpahilot gamit ang mga mahalimuyak na langis na kilala sa Ingles bilang aromatherapy, mag-aral ng yoga upang maibsan ang pananakit sa iba’t ibang parte ng katawan, magpamasahe sa eksperto, at higit sa lahat, ugaliing uminom ng tubig hanggang walong baso sa isang araw bilang ang tubig ay napatunayan na at patuloy na inirerekomenda ng mga espesyalista upang mapagpabuti ang kalusugan. Sa madaling salita, ang holistikong paggamot ay naglalayon na iwasan ang karaniwang pananakit ng ilang bahagi ng katawan gaya na lamang ng pananakit ng ulo at nang hindi ito magdulot ng malubhang sakit.

Mga paraan upang maibsan ang sakit ng ulo

Kung ang pananakit ng ulo ay panandalian lamang, hindi na kakailanganin ang pag-inom ng gamot. Heto ang ilan sa maaaring gawin upang maibsan o mawala ng tuluyan ang sakit ng ulo.

  • Magpahinga. Ang pagpapahinga ay hindi nangangahulugang umupo sa sofa at buong araw na manood ng TV, mag-surf sa iyong telepono o di kaya’y sa iyong laptop. Bagkus, ito ay dapat na nakatutulong nang maibsan ang pagod ng iyong mga mata at isip. Bukod pa rito, ang labis na paggamit ng gadget ay maaaring magdulot ng stress sa iyong katawan na syang dahilan upang sumakit ang ulo. Kung may oras ay ugaliing mamahinga sa iyong silid at iwasan ang distraksyon.
  • Ointment. Kung nakararamdam ng sakit ng ulo, mangyari lamang na magpahid ng ointment (menthol) tulad ng Vicks VapoRub sa noo at sentido at saka masahiin. Matutulungan nitong ibsan ang nararamdamang sakit dahil sa cooling sensation na dala nito na sumusuot sa balat at nakapagpapagaan ng pakiramdam.
  • Inuming may caffeine. Base sa mga pag-aaral, ang caffeine ay nakatutulong sa pagpapawala ng sakit ng ulo. Sa katunayan ay may mga gamot na mabibili sa botika na naglalaman ng caffeine. Ang caffeine ay karaniwang makikitang sangkap sa kape, tsaa at cola at ang bawat tasa ng kape ay maaaring makabawas sa nararamdamang sakit ng ulo.

  • Cold o Hot Compress. Maaari ring ibsan ang pananakit ng ulo sa pamamagitan ng pagdadampi ng malamig o mainit (na tuwalya o bag), na tinatawag ring cold o hot compress. Mangyaring idampi muna ang hot compress sa bahaging nananakit at ulitin ito gamit ang cold compress. Ipagpatuloy ang proseso sa loob ng dalawampung minuto o hanggang sa bumuti na ang pakiramdam.
  • Mabilis na pagbuhos ng maligamgam na tubig (kapag maliligo). Ito ay labis na kailangan kung ang pananakit ng ulo ay sanhi ng mainit na panahon. Mangyari lamang na mabilisang ibuhos ang maaligamgam na tubig sa pagligo upang maibsan ang pananakit ng ulo.
  • Salabat. Ang salabat ay ang tsaa na gawa sa pinaglagaang luya at kadalasang ginagamit sa paglunas ng matinding pananakit ng ulo o migraine. Ito ay sa kadahilanang ang luya ay mayaman sa kemikal na katulad ng karaniwang sangkap sa gamot para sa migraine na nabibili sa mga botika. Bukod sa mabisa ito ay madali rin itong gawin. Magpakulo lamang ng luya sa mainit na tubig at saka inumin ito na parang tsaa.

Iba’t-ibang home remedy para sa sakit ng ulo

Karaniwan ay mga halamang gamot ang epektibo para sa pagbabawas o pagpapawala ng sakit ng ulo. Bukod sa madali itong gawin, mabisa rin ito para sa mga pangkaraniwang sakit ng ulo.

  • Mani

Lingid sa kaalaman ng nakararami, ang mani ay nakatutulong sa pagpapabawas ng sakit sa ulo. Maaaring alternatibo ang mani tulad ng almond sa gamot na nabibili sa botika. Ito ay maaaring tumayo bilang pain reliever dahil ito ay may sangkap na salicin na tulad ng aspirin ay tumutulong ibsan ang implamasyon at pananakit ng katawan kapag nanuot na ito sa balat patungo sa daluyan ng dugo. Mainam na kumain ng mani (almond) kung nagbabadya na ang sakit ng ulo upang mapigilan ito.

  • Apple Cider
  • Ang apple cider ay napatunayan nang mabisang natural na gamot para sa mga pangkaraniwang sakit, kabilang na rito ang sakit ng ulo. Upang malunasan ang sakit na nadarama, maaaring sundin ang remedyong ito.Ang Kailangan lamang:
    • 1/4 tasang apple cider vinegar
    • 3 tasang kumukulong tubig
    • 1 tasang malamig na tubig
    Direksyon sa pagsasagawa:
    1. Ibuhos ang 1/4 na tasa ng apple cider sa isang malaking mangkok at punuin ng hanggang kalahati ang naturang mangkok ng kumukulong tubig.
    2. Maglagay ng tuwalya sa ulo at siguruhing natatakpan nito ang mangkok, pati na rin ang singaw mula sa kumukulong tubig.
    3. Ilapit ang mukha rito ngunit siguruhing may sapat na distansya upang hindi mapaso. Langhapin ang singaw ng lima hanggang sampung minuto o hanggang sa lumamig na ang tubig na nasa mangkok.
    4. Pagkatapos, maaari ring gamitin ang tuwalya para matuyo ang iyong mukha at saka uminom ng isang baso ng malamig na tubig.
  • Lavender OilBukod sa taglay na halimuyak ng lavender oil, nakatutulong rin ito sa pagpapaginhawa ng nananakit na ulo. Sa simpleng pag-amoy lamang ng langis na ito ay mapapawi na ang sakit ng iyong ulo. Maglagay lamang ng dalawang patak ng lavender oil sa kapirasong tisyu at langhapin ito, o di kaya’y ihalo ang dalawang patak ng lavender oil sa kumukulong tubig at langhapin ang singaw nito. Bukod dito ay maaari ring paghaluin ang dalawa o tatlong patak ng lavender oil sa isang kutsarang almond oil o di kaya’y olive oil at gamitin itong pangmasahe sa iyong noo at sentido.PAALALA: Hindi inirerekomendang inumin ang lavender oil sa paggamot ng sakit ng ulo. Marapat lamang na mag-ingat sa paggamit nito.
  • OreganoAng oregano ay madalas na ginagamit upang lunasan ang sipon o ubo, ngunit maaari rin itong gamitin sa sumasakit na ulo lalo na kung may migraine o matinding sakit ng ulo. Sa paggamit ng oregano, simple lamang ang prosesoAng Kailangan lamang ay:
    • 7 piraso ng dahon ng oregano, siguring wala itong sira ng insekto
    Direksyon
    1. Kumuha ng pitong piraso ng dahon ng oregano. Pigain ito sa isang mangkok at ihiwalay ang katas nito.
    2. Gamiting parang langis sa pamamagitan ng pagpahid sa mga bahaging masakit sa iyong noo o ulo. Tulad ng mga ointment, ang oregano ay may katangiang menthol kaya ito’y malamig sa pakiramdam at nagdudulot ng ginhawa.

Paano maiiwasan ang sakit sa ulo?

Maraming iba’t ibang sanhi o trigger ang sakit ng ulo. Ito ang mga pangkaraniwang sanhi na maaari mong iwasan para hindi tumuloy ang pagsakit ng ulo mo:

  • Maiingay o maliliwanag na lugar
  • Mga kinakain mo katulad ng matataas sa asin, asukal, o alak
  • Mga maiinit na lugar – kung hindi maiiwasan, magdala ng pamaypay o malamig na tubig
  • Pagpupuyat
  • Stress

Sa mga ganitong dahilan ng pagsakit ng ulo, maaaring uminom ng generic paracetamol tablets na mahahanap sa lahat ng TGP branches nationwide para makakuha ng agarang ginhawa.

Kailan dapat pumunta sa ospital

Madalas hindi naagapan o nabibigyang lunas ang migraine. Kung madalas kang nakakaramdam ng sintomas nito, mainam na ilista sa isang notebook kung kalian ito nangyayari at paano mo ito naagapan. Magschedule ng appointment sa doktor mo at pag-usapan ang iyong mga naramdaman para mabigyan ng wastong pagsusuri at gamot.

Agad na pumuntang ospital o emergency room kung nakararanas ng alin man sa mga sumusunod na sintomas:

  • Biglaan at matinding sakit ng ulo
  • Pagsakit ng ulo kasabay ng lagnat, paninigas ng leeg, matindinding kalituhan, pagkabulol, panlalabo ng paningin, panghihina, o pamamanhid ng katawan
  • Pananakit ng ulo pagkatapos ito matamaan, lalo na kung lumalala ito
  • Pagsakit ng ulo na hindi nawawala, lalo na kung lumalala ito pagkatapos umubo, kumilos, o biglaang gumalaw
  • Sakit ng ulo na naranasan lamang pagka edad ng 50

Konklusyon

Ang sakit ng ulo ay maaaring maibsan sa pamamagitan ng pag-aalaga sa sarili, at kung hindi man maiwasan ay ugaliing magpatingin sa doktor upang malaman kung ano ang makabubuti sa iyo. Base sa rekomendasyon ng iyong doktor, hanapin ang sigurado at maaasahang botika na The Generics Pharmacy para sa matipid at mabisang gamot – tunay na maaasahan sa oras ng pangangailangan.

Search on blog