Ikaw ba ay naiinis na sa paulit-ulit na pag-ubo? Sa mga gamot sa ubo na tila hindi naman epektibo? Sa nakakahiyang plema na tila ba humahalakhak sa tuwing ikaw ay mauubo? Tunay ngang ito’y sagabal sa araw-araw na gawain – ngunit ano nga bang mabisang solusyon para rito? Alam naming nakakapagod at nakakapanghina ang tila pabalik-balik lamang na ubo pero narito kami para tulungan kayong masolusyonan ang problema niyo.
Bago ang lahat, marapat lamang din nating maintindihan at maunawaan ang mga bagay na napatutungkol sa ubo upang ito ay bigyang lunas.
Ano nga ba ang Ubo
Parang bumubusina na naman ba ang baga ninyo sa paulit-ulit nitong pagkati at pag-ingay sa umaga, tanghali at gabi? Baka ubo na ‘yan!
Ang ubo ay sintomas ng mga sakit na maaaring konektado sa daluyan ng paghinga o baga, at maaaring magkaiba ayon sa “virus” o “bacteria” na nagdulot nito.
Mga sanhi ng ubo
May iba’t-ibang sanhi ang ubo at dahil dito ay nagkakaiba-iba rin ang lunas nito. Para sa kaunawaan ng lahat, ang ubo ay maaaring dulot ng virus o bacteria. Kung ito ay dulot ng virus, o iyong pagkahawa, maaari itong mawala ng kusa sa loob ng isang araw o isang linggo. Ngunit kung ito nama’y dulot ng bacteria, kadalasa’y nangangailangan na ito ng antibiotics. Subalit may mga uri rin ng ubo na malubha gaya ng ubong tumatagal, o chronic cough, na maaaring dulot ng tuberculosis (TB). Hindi rin basta-bastang nawawala ang chronic obstructive pulmonary disease (COPD) o ubong sanhi ng hika o asthma. Mayroon din namang ang ubo ay dulot ng paninigarilyo (smoker’s cough), trangkaso, o allergy. Sa puntong ito, importanteng malaman muna ang sanhi ng ubo bago humanap o gumawa ng solusyon upang puksain ito.
Mga katangian ng ubo
Hindi lang basta-basta ang ubo. Mayroong iba’t ibang uri ng ubo at importanteng malaman anong uri ng ubo ang nararanasan mo para makakuha ng wastong gamot para rito.
- Dry cough
Ang dry cough o matigas na ubo ang isa sa pinakapangkaraniwang uri ng ubo sa Pilipinas. Nararanasan ito kapag sinisipon ang isang tao o kaya’y nakakaranas ng trangkaso. Nangyayari ang dry cough kapag walang plema o ang tinatawag na mucus sa lalamunan. Ang epektibo at abot-kayang gamot sa matigas na ubo ay Lagundi syrup na mahahanap sa lahat ng The Generics Pharmacy branches nationwide.
- Wet cough
Ang wet cough naman ay ubo na nanggagaling sa baga imbis na sa lalamunan lamang. Ito’y sinasamahan ng plema na mahirap ilabas. Ang wet cough ay sanhi ng isang impeksyon tulad ng trangkaso, sipon, or mas malubhang impeksyon sa baga. Pag dating sa wet cough, hindi mo na kailangan mag-alala dahil may mga paraan kung paano palabasin ang plema sa baga. Kinakailangan lang ng cough drops o kaya’y over-the-counter pain relievers. Kung ang sanhi nito ay bacterial infection, kinakailangan ito gamutin gamit ng antibiotics.
- Whooping cough
Whooping cough, o pertussis, ay isang nakakahawang uri ng ubo. Madalas itong nararanasan ng mga bagong panganak na sanggol o kaya naman ng mga taong di pa nababakunahan laban sa whooping cough. Ang sintomas ng whooping cough ay hawig ng sintomas ng trangkaso, ngunit may kasabay ito na malubha at masakit na pag-ubo. Ang pinakamaigi na pang iwas dito ay ang pagbabakuna laban sa whooping cough.
- Chronic cough
Ang chronic cough ay may sintomas na mas matagal kumpara sa pangkaraniwang ubo, kadalasa’y lalagpas ng 8 linggo. Madalas ito’y sintomas ng mas malalang karamdaman na hindi naaagapan. Kung nakakaramdam ka ng chronic cough, agad na magpatingin sa iyong doktor para malaman ang tunay na sanhi ng iyong ubo. Ang chronic cough ay puwedeng maging epekto ng paninigarilyo, pulmonya, kanser, or impeksyon sa baga.
Ano ang lunas sa karaniwang Ubo?
Para sa karaniwang ubo, maaaring uminom ng gamot na mabibili sa botika. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang mga decongestant na tumutulong upang paginhawain ang iyong lalamunan tulad ng pseudoephedrine at phenylephrine. Maaari ding uminom ng expectorant na inirerekomenda para sa may halak, halimbawa ng gamot na ito ay dextromethorphan.
Ang mga gamot na ito ay maaaring mabili sa botika ng hindi nangangailangan ng reseta, gayunpaman, mas mabuti nang mabigyan ng abiso ng doktor o nars upang mas maging epektibo ang pag-inom ng mga gamot na ito. Bukod pa rito, marapat lamang na tandaan na hindi nakabubuti sa katawan ang madalas o sobrang pag-inom ng gamot sapagkat maaari itong magdulot ng allergy, o paghina ng immune system. Tulad ng nabanggit na sa unang bahagi ng artikulong ito, may mga uri pa rin ng ubo na maaaring mawala ng kusa.
Tatlong uri ng gamot laban sa ubo
Kung ikaw ay bibili sa botika, marapat lamang na iyong malaman ang tatlong uri ng gamot laban sa ubo:
- Expectorant. Ang expectorant ay isang uri ng gamot na kumukontra sa ubo. Tinutulungan nitong ilabas ang plema na bumabara sa iyong lalamunan na siya ring nagdudulot ng iyong ubo. Ito ay kadalasang inirerekomenda sa mga ubong may halak, o iyong pumuputok. Ang kilalang halimbawa ng gamot nito ay ang guaifenesin, na siyang makikita sa dalawang produktong ito: ang Robitussin Chest Congestion at Mucinex.
- Mucolytic. Ang uri ng gamot na ito ay tumutulong sa paglalabas ng plema. Pinalalambot nito ang makapal at malagkit na plema na syang humaharang sa daluyan ng hangin, upang ito’y mas madaling ilabas at tuluyang mawala ang ubo. Karaniwang mabibili ito sa anyo ng mga gamot na Mucosolvan (Ambroxol) at Solmux (Carbocistine).
- Antitussive. Ang antitussive ay isang uri ng gamot na pumipigil sa ubo. Ito ay kadalasang inirerekomenda kung ang ubo’y nakakasagabal sa pagtulog o nagiging dahilan ng pagiging hindi komportable ng isang tao sa araw-araw niyang gawain. Ito rin ay madalas na ihinahalo sa expectorant para sa mas epektibong lunas. Ang karaniwang halimbawa ng antitussive drug ay dextromethorphan, at ang kilalang tatak nito ay Vicks 44 Cough and Cold at Robitussin Cough.
Mga halamang gamot para sa lunas sa ubo
Hindi na bago sa mga Pilipino ang paggamit ng halamang gamot para panggamot sa karaniwang mga sakit tulad na lamang ng ubo. At syempre, nakakatulong pa ito sa pagpapalakas ng iyong katawan. Naiiwasan din ang kadalasang side effects na idinudulot ng regular na pag-inom ng mga gamot. Sa puntong ito, marapat ding tandaan na ang iba sa mga gamot na ito ay mas madalas na nakakabawas lamang ng ubo, ngunit kung regular na gagawin ay maaari ring tuluyang makatanggal ng ubo.
- Luya. Ang luya ay may volatile oils na nakagiginhawa ng lalamunan. Para mabawasan ang ubo, maaaring maglaga ng luya at inumin ito. Ang maanghang na lasa ng pinakuluang luya ay nakatutulong sa pagpapalambot ng matigas na plema sa daluyan ng paghinga, na kung patuloy na iinumin ay maaaring makatanggal ng ubo. Maaari rin itong ihalo sa herbabuwena (peppermint) para tuluyang mawala ang ubo.Ang kailangan lamang ay:
- 3 kutsarang tinadtad na luya
- 1 kutsarang tuyong herbabuwena
- 4 na tasang tubig
- 1 tasang pulot
- Pulot. Ayon sa pagsusuri na isinagawa sa Penn State College of Medicine, ang pulot, o honey, ay natagpuang mas mabisa sa paglulunas ng ubo kumpara sa mga over-the-counter (OTC) na gamot. Ito ay napatunayang mabisang pampakalma, na mayaman sa lapot at tigas na maaaring makatulong sa paggamot ng ubo. Meron din itong antibacterial properties na mula sa mga enzyme na dala ng mga pukyutan sa tuwing sila ay umaani ng pulot na nakababawas sa tagal ng iyong ubo.Ang kailangan lamang ay:
- 1 kutsarang sariwang pulot
- Lagundi. Ang lagundi ay isa sa mga pinakakilalang halamang gamot na nakalulunas ng ubo bukod sa oregano. Ito ay nakatutulong sa pagpapalambot ng matigas at malagkit na plema na syang bumabara sa daluyan ng hangin. Ito ay nakatutulong din sa pagbibigay ginhawa sa maraming sakit bukod sa ubo, gaya ng sipon, hika, sore throat, rayuma, pananakit ng katawan, at pagtatae (o LBM). Sa katunayan ay maaari rin itong bilhin sa anyong kapsula o likido na ibinebenta sa mga botika. Ngunit kung may tanim sa bahay ay mangyaring sundin lamang ito:Ang kailangan lamang ay:Kumuha ng mga dahon ng lagundi at tadtarin hanggang sa makabuo ng kalahating tasa. Pagkatapos ay pakuluan ito sa dalawang tasang tubig ng kahit sampung minuto. At para sa mas mabisang paggamot, uminom ng kalahating tasa tatlong beses sa isang araw.
- Oregano. Tulad ng lagundi, ang oregano ay isa sa mga kilalang halamang gamot na nakalulunas sa karaniwang uri ng ubo. Kilala rin ang taglay nitong amoy na matatatagpuan sa mga bakuran. Kadalasan ay ang dahon nito ang madalas na ginagamit sa paggamot ng sakit. Maaaring dikdikin, ilaga, inumin, o ipantapal sa parte na apektadong bahagi ng katawan, halimbawa na lamang ay kung nananakit ang ulo o di kaya’y may kagat ng insekto. Bukod dito ay maaari rin itong gamitin sa paso, hika, kabag, sore throat, pigsa, pananakit ng tenga, at syempre, ubo. Para sa ubo, mangyari lamang na sundin ang mga nakasaad.Ang kailangan lamang ay:Kumuha ng 15 na dahon ng oregano o mas marami pa hanggang sa mapuno ang isang tasa. Mabuti ring piliin ang mga dahon at iwasan ang mga may sira ng insekto. Matapos ito ay hugasan ang mga napiling dahon. Pakuluan sa tatlong tasang tubig sa loob ng 10 hanggang 15 minuto. Hayaang humupa ang init ng kaunti hanggang sa maaari na itong inumin. Mabisang inumin ito ng tatlong beses sa isang araw: umaga, tanghali, at gabi. Kung hindi komportable sa pait ng oregano, maaaring haluan din ito ng kalamansi, asukal, o honey.
- Kalamansi. Napatunayan na ng kalamansi ang gamit nito sa paglulunas ng mga karaniwang sakit gaya ng ubo at sipon dahil sa likas itong mayaman sa vitamin C. Madalas ay ginagawa itong juice kung saan ay kinukuha ang katas nito at ihinahalo sa maligamgam na tubig. Ngunit para sa mas epektibong paggamit ng kalamansi, alamin kung anong uri ng ubo ang nararamdaman at sundin ito.
- Para sa tuyo at makapit na ubo: Kumuha ng 10 bunga ng kalamansi na hindi masyadong malaki o maliit. Hiwain ito sa gitna at salain habang pinipiga ang katas sa isang baso. Magdagdag ng tubig at mainam na tantiyahin ang temperatura upang maging maligamgam. Matapos ito ay maghalo ng dalawang kutsarang asukal na pula o di kaya’y pulot kung mayroon. Haluin ng mabuti at inumin. Ulitin ito ng tatlong beses sa isang araw o pagkatapos ng apat na oras kung kinakailangan.
- Para sa malabnaw at sobra-sobrang plema: Kagaya ng nasa itaas, kumuha ng 10 bunga ng kalamansi. Hiwain ito sa gitna at pigain. Salain upang maihiwalay ang mga buto mula sa katas. Magdagdag ng maligamgam na tubig hanggang sa mapuno ang baso. Magdagdag ng isang kutsarang asin at tantyahin ang timplang naaayon sa iyong panlasa. Haluin at inumin ng paunti-unti hanggang sa ito’y maubos. Gawin ito tatlong beses sa isang araw.
- Tubig at Asin. Para sa makating ubo, ang kadalasang remedyo ay tubig at asin. Tinutulungan nitong palambutin ang plema upang madaling mailabas mula sa daluyan ng paghinga.Ang kailangan lamang ay:
- 1/4 hanggang 1/2 na kutsaritang asin
- 1 basong tubig
- Usok. Lingid sa kaalaman ng nakararami, ang usok na mula sa mainit na tubig o steam kung tawagin sa Ingles ay mabisa para sa ubo. Tinutulungan nitong mapabilis ang pagginhawa ng lalamunan sa pamamagitan ng pagpapalambot ng plema upang madaling mailabas. Bukod pa rito ay mabisa rin ang usok para sa sipon at mainam na pampaginhawa sa taong may hika. Upang mas maging mabisa, maaari ring haluan ng langis ang remedyong ito. Sundin lamang ang sumusunod na direksyon.Ang kailangan lamang ay:
- 3 patak ng tea tree oil
- 1 hanggang 2 patak ng eucalyptus oil
- 1 mangkok ng tubig
- 1 malambot at malinis na tuwalya
IBA PANG MAAARING SOLUSYON PARA SA UBO
Para sa mga pangkaraniwang ubo, maaaring sundin lamang ang sumusunod (ayon sa sanhi):
- May mga ubo na maaaring mula sa regular o sobrang paninigarilyo. Sa ganitong kaso, mas mainam na itigil ang paninigarilyo upang hindi na ito lumala.
- Sikaping uminom ng vitamic C upang hindi madaling tablan ng virus ang katawan at lumakas ang immune system.
- Para sa ubong nagmula sa allergy, umiwas sa bagay na nagdudulot nito. Karaniwang halimbawa nito ay allergy sa usok, matatapang na pabango, pollen ng halaman o bulaklak, at balahibo ng aso o pusa. Mainam ding panatilihing malinis ang kapaligiran upang maiwasan ang allergy sa alikabok.
- Ang ubo ay maaari ring sanhi ng sipon sapagkat maaaring tumulo ang sipon sa lalamunan – na nagreresulta sa ubo. Ugaliing isinisinga ang sipon upang maiwasan ito.
Konklusyon
Maraming maaaring gawin upang magamot o masolusyonan ang nakakairitang ubo – ngunit bukod dito mas mainam pa ring kumonsulta sa doktor para sa epektibo at mabilis na paggaling. Gamit ang reseta, bumili lamang sa pinakamalapit na The Generics Pharmacy para sa gamot na mabisa na, matipid pa – tiyak na may maaasahan ka!
Maaari rin na bisitahin ang aming website upang malaman ang mga produktong aming ibinebenta.